Matikman ang Liwanag
Isang Gabi Kasama si Elder Lynn G. Robbins
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Mayo 3, 2015 • Salt Lake Tabernacle
Mga kapatid, binabati namin kayo sa Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult, lalo na kayong mga magtatapos sa seminary sa taong ito—isang kapuri-puring tagumpay at katibayan ng inyong pananampalataya at pagmamahal sa Panginoon. Inaanyayahan ko kayo na tularan ang halimbawa ng maraming iba pa na narito ngayong gabi at patuloy na maghangad na espirituwal na matuto sa local institute of religion o sa unibersidad ng Simbahan. Ipinapangako ko sa inyo na kayo ay patuloy na tatanggap ng mahalagang patnubay para sa lahat ng iba pang mahahalagang desisyon ninyo sa buhay, at makakakilala rin ng mga taong magkakaroon ng malaking impluwensya sa inyong buhay.
Ngayong gabi ay maririnig ninyo akong magpatotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Maririnig ninyong gagamitin ko ang mga salitang “Alam ko.” Gusto kong ilarawan sa inyo kung paano ko nalaman na Siya ang literal na Anak ng Diyos, ang Manunubos at Tagapagligtas ng sanlibutan, at na ang Kanyang ebanghelyo ay totoo.
Nais ko ring tulungan kayo na malaman na ang sarili ninyong patotoo sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay mas malakas kaysa inaakala ninyo.
Nasaan ang Aking Patotoo sa Spectrum ng Pananampalataya?
Simulan natin sa mental self-assessment. Tingnan ninyo ang linya sa ilustrasyong ito, at bigyan ng iskor ang inyong patotoo sa spectrum na ito ng pananampalataya:
Sa ibaba ay ang ateista. Zero ang ibibigay nating iskor sa ateista. Sa itaas ng scale ay iskor na 10, o pagkakaroon ng ganap na kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Saan ninyo ilalagay ang inyong sarili sa spectrum na ito? Sa palagay ko marami sa inyo ang magbibigay sa sarili ng mas mababang iskor kaysa marapat ninyong matanggap.
Tandaan ang iskor na ibinigay ninyo sa sarili para makita kung tumataas ito habang tinatalakay natin ang presentasyong ito at ang iba’t ibang aspeto ng patotoo na nagpapalakas ng pananampalataya at paano nakakatulong ang bawat isa sa pagsulong natin sa spectrum ng pananampalataya at makadama ng malaking kapayapaan at kaligayahan.
Inanyayahan ni Alma ang bawat tao na gawin ang unang hakbang palapit sa spectrum ng pananampalataya sa “pagsubok sa aking salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala” (Alma 32:27; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Pagnanais
Ang sumusunod na insight ay naglalarawan sa karunungan ng pagkakaroon ng pagnanais na maniwala.
Noong 1623 ang French prodigy, mathematician, at imbentor na si Blaise Pascal ay isinilang. Kabilang sa mga natuklasan niya ay ang mathematical theory of probability, na siyang siyensya sa likod ng rational choice theory—isang makatwirang paraan sa paggawa ng mabubuting desisyon. Sa decision theory, malinaw na napansin ni Pascal na sa laro ng buhay hindi maiiwasan ng tao ang pinakamahalagang pagpusta: kung mayroong Diyos o wala. Ito ay nakilala bilang Pascal’s Wager, sa buhay ng isang tao—o mas tungkol sa buhay na walang hanggan—na siyang nakataya, tulad ng inilarawan dito:
Sa mga column heading ay may dalawang opsiyon: maaaring mayroong Diyos o walang Diyos. Sa mga hanay ay mayroon ding dalawang opsiyon: Maaari kong piliing maniwala o hindi naniniwala.
Ang posibleng mga resulta ng pagpili ay ang sumusunod:
-
Kung mayroong Diyos at naniwala ako at kumilos ayon dito, maaari kong manahin ang buhay na walang hanggan.
-
Kung naniwala ako at walang Diyos, walang mawawala sa akin.
-
Kung hindi ko pinaniwalaan ni iginalang o sinunod ang Diyos at Siya ay buhay, nawala sa akin ang buhay na walang hanggan.
-
Kung hindi ako naniwala at walang Diyos, wala akong mapapala.
-
Isinasaad ng Pascal’s Wager na ang mabuting desisyon ay maniwala na may Diyos at na hangal lamang ang pupusta na walang Diyos dahil lahat ay mawawala sa kanya at wala siyang mapapala.
Ang alibughang anak ay makikipagtalo na ang nawawala sa kanya ay ang pagkakataong “kumakain, umiinom at mag[sipag]saya” (2 Nephi 28:7)—napakaliit na premyo kapag inisip ninyo kung ano ang nakataya. Siya ay maaaring magkaroon ng “kagalakan sa [kanyang] mga gawa nang kaunting panahon, [ngunit] maya-maya ang wakas ay darating” (3 Nephi 27:11). Ang kanyang pangarap na magpakasaya at magpakalasing ay magiging bangungot dahil siya ay tiyak na magigising sa espirituwal na hangover na naranasan niya sa buhay na ito at matutuklasan niya mismo na ang “kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10) at sa huli, sa araw ng paghuhukom, kapag kanyang “kikilalanin sa harapan ng Diyos na ang kanyang mga paghahatol ay makatarungan” (Mosias 16:1). Kalaunan malalaman niya na siya ay nalinlang ng panginoon ng mga ilusyon gamit ang mga bagay na kasiya-siya sa paningin ngunit sa loob nito ay kapighatian. Kaya, “huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan” (Mga Kawikaan 23:17).
Mabuti na lang at may pangalawa pang pagkakataon ang alibughang anak, na isa sa mga dakilang aral na inaasahan ng Tagapagligtas na matututuhan natin mula sa talinghagang ito (tingnan sa Lucas 15:11–32).
Itanim ang Binhi—Simulan ang Pag-aaral
Inilarawan ni Alma kung paano masisimulan ng taong may hangarin ang paghahangad niya ng pananampalataya:
“Hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.
“Ngayon, ating ihahalintulad ang salita sa isang binhi. Ngayon, kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi … ay maitanim sa inyong mga puso” (Alma 32:27–28; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang ibig sabihin ng itanim ang binhi ay kumikilos kayo ngayon ayon sa pagnanais ninyo na alamin ang pagsubok. Nasimulan na ninyo ngayon ang proseso ng pagkatuto.
Ayon sa mga banal na kasulatan, ang prosesong ito ng pagkatuto ay dapat gawin sa dalawang paraan: “At yayamang lahat ay walang pananampalataya, masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayundin sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Itinuturo din sa atin ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa dalawang daluyan ng pagkatuto kung saan natuturuan tayo ng Espiritu:
“Oo, masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong, isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.
“Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag” (D at T 8:2–3; idinagdag ang pgbibigay-diin).
Pagtugmain ang mga Paraan para Matuto at mga Daluyan ng Pagkatuto
Bago tayo bumalik sa spectrum ng pananampalataya, gusto kong ilarawan ang pagkakaugnay ng dalawang paraan para matuto at ang dalawang daluyan ng pagkatuto. Ang pag-uugnay sa mga ito ay dapat magbigay sa inyo ng ilang makakatulong na ideya kung paano tayo patuloy na susulong sa spectrum ng pananampalataya.
Nang malaman ni Joseph Smith ang tungkol sa panalangin sa pamamagitan ng pag-aaral, nagbabasa siya ng Biblia, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5).
Nalaman ni Joseph ang tungkol sa panalangin sa pamamagitan ng pananampalataya nang kumilos siya ayon sa kanyang paniniwala at pumunta sa Sagradong Kakahuyan at nanalangin.
Sa itaas ng visual ay may dalawang daluyan ng pagkatuto—ang isipan at puso.
Iugnay sa Isipan ang Pagkatuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral
Kapag hinahangad nating matuto sa pamamagitan ng pag-aaral, nangungusap ang Panginoon sa ating isipan sa pamamagitan ng inspiradong mga kaisipan. Ang iba pang posibleng salita na maidaragdag natin na may kaugnayan sa “Pag-aaral” at “Isipan,” ay ang mga sumusunod, na naglalarawan kung paano linangin ang binhi:
Itanim
-
Mga ideya
-
Interes
-
Pag-uusisa
-
Pagsusuri
-
Pag-aaral
-
Pagsasaliksik
-
Pagsasaalang-alang
-
Mga Tanong
-
Pinag-iisipan
Ang makabuluhang mga tanong ay nagpapaisip nang mabuti sa isang tao at ang pag-iisip nang may impluwensya ng Espiritu ay nagdadala sa inyo sa kasunod na antas ng pagkatuto, kung saan ang pag-aaral ay dumaraan sa puso.
Iugnay sa Puso ang Pagkatuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral
Ang binhi ay kaagad nagsisimulang umusbong, at nagsisimula mong madama ang inspirasyon ng Espiritu. Ang puso, o nabigyang-inspirasyong damdamin, ay binabago ang isang kaisipan upang maging paniniwala.
Mga usbong
-
Damdamin
-
Paniniwala
-
Pang-unawa
-
Masarap
-
Pusong naantig
-
Dagdag na pananampalataya at pag-asa
-
Nabigyang-inspirasyon na kumilos
Ganito ang sabi ni Alma: “Kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi, kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, na inyong sasalungatin ang Espiritu ng Panginoon, masdan, ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap sa akin” (Alma 32:28; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Bagama’t karaniwang iniuugnay natin ang salitang pang-unawa sa isipan, maraming banal na kasulatan ang iniuugnay ang pang-unawa sa puso, tulad ng: “At nabuksan ang kanilang mga puso at naunawaan nila sa kanilang mga puso ang mga salitang kanyang idinalangin” (3 Nephi 19:33). Nang banggitin niya ang Santiago 1:5, sinabi ng batang si Joseph, “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12).
Sa gayong uri ng damdamin, sinabi ni Alma, “Ngayon masdan, ito ba ay hindi makadaragdag sa inyong pananampalataya? Sinasabi ko sa inyo, Oo; gayunman ito ay hindi pa lumalaki sa isang ganap na kaalaman” (Alma 32:29; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ito ay hindi pa ganap na kaalaman. Gayunman, dahil naantig ang puso, hinihikayat tayo nito na gawin ang isa pang hakbang sa spectrum ng pananampalataya. Para kay Joseph, ito ang naghikayat sa kanya na kumilos at tanggapin ang paanyaya sa banal na kasulatan na manalangin. Siya ay walang “matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa [kanyang] pananampalataya” (Eter 12:6).
Iugnay sa Isipan ang Pagkatuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya
Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagkilos ayon sa damdamin at paniniwala.1 Ibinigay ng Tagapagligtas ang mismong paanyayang ito na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya nang sabihin Niyang, “Kung ang sinomang tao ay nag-iibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa talatang ito itinuturo sa atin ng Tagapagligtas na ang paggawa ay pagkilos ayon sa pananampalataya na dahilan upang ang paniniwala ay maging kaalaman. Para sa mga tumatanggi ipinayo Niya, “Kahit hindi kayo magsisampalataya sa akin, ay magsisampalataya kayo sa mga gawa: upang maalaman ninyo, at mapag-unawa na ang Ama ay nasa akin, at ako’y nasa Ama” (Juan 10:38; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sa pagsasalita tungkol sa pagkakaroon ng kaalaman sinabi ni Alma:
“At ngayon, masdan, dahil sa inyong isinagawa ang pagsubok, at itinanim ang binhi, at ito ay lumaki at sumibol, at nagsimulang tumubo, kailangang malaman ninyo na ang binhi ay mabuti.
“At ngayon, masdan, ang inyo bang kaalaman ay ganap? Oo, ang inyong kaalaman ay ganap sa bagay na yaon, at ang inyong pananampalataya ay hindi lumalaki; at ito ay sapagkat nalalalaman [ninyo], … na ang inyong pang-unawa ay nagsimulang magliwanag, at ang inyong isipan ay nagsimulang lumawak” (Alma 32:33–34; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang pagkilos ayon sa inyong pananampalataya ay nagbibigay sa inyo ng kaalaman.
Ang iba pang salita na maaari nating iugnay sa pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya at sa isipan ay ang sumusunod:
Tumubo
-
Paggawa
-
Kaalaman (ganap sa bagay na iyon)
-
Magdasal
-
Magsisi
-
Magbago ng pag-uugali
-
Sumunod
-
Mga karanasan
-
Tikman
Ginamit ni Alma ang pandiwang tikman sa lubhang kakaibang paraan kapag tinutukoy niya ang pagtikim sa liwanag. Pakinggan:
“O ngayon, hindi ba ito ay tunay? Sinasabi ko sa inyo, Oo, sapagkat ito ay liwanag; at anuman ang maliwanag ay mabuti, sapagkat ito ay nauunawaan, kaya nga kailangan ninyong malaman na ito ay mabuti; at ngayon, masdan, matapos ninyong matikmanang liwanag na ito ang inyo bang kaalaman ay ganap?
“Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; ni hindi ninyo kailangang isantabi ang inyong pananampalataya, sapagkat inyo lamang ginamit ang inyong pananampalataya upang itanim ang binhi at nang inyong maisagawa ang pagsubok upang inyong malaman kung ang binhi ay mabuti” (Alma 32:35–36; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang pagtikim at pagnamnam sa liwanag ang nagbibigay sa inyo ng ganap na kaalaman sa bagay na yaon, o nalalaman na mabuti ang binhi. Inaanyayahan kayo ng liwanag na lumapit kay Cristo Jesus, “at ang kapangyarihan ng Diyos [ay] gumawa ng himala sa [inyo] . . at [kayo ay pinababalik-loob] sa Panginoon” (Alma 23:6).
Iugnay sa Puso ang Pagkatuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya
Nagpatuloy si Alma: “At masdan, habang ang punungkahoy ay nagsisimulang lumaki, inyong sasabihin: Ating alagaan ito nang may malaking pagkalinga, … nang may malaking pagsisikap, at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon. …
“… Masdan, di maglalaon, kayo ay pipitas [o titikim] ng bunga niyon, na pinakamahalaga” (Alma 32:37, 41–42; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Alagaan at Tikman
-
Conversion
-
Pagiging
-
Malaking pagbabago ng puso
-
Binyag
-
Espiritu Santo
-
Mga pagpapala
-
Kagalakan at kaligayahan
-
Hangaring ibahagi
-
Pagiging katulad ni Jesucristo
Ang pagtikim sa bunga ay nagpapasulong sa atin kung saan nag-uugnay ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya at ng puso. Dito natutuklasan natin mismo na ang bunga ay talagang matamis at pinakamahalaga. Ang pagsunod kay Jesucristo, at paggawa sa Kanyang kalooban, ay nagtutulot sa atin na matikman ang Kanyang Pagbabayad-sala at ang ebanghelyo sa maraming paraan. Sa unang bahagi ng proseso ang ating mga puso ay lubhang naantig. Ngayon, “isang malaking pagbabago [ng] puso” ang nangyayari, tulad ng inilarawan ni Alma (Alma 5:12), at dahil sa Espiritu ang ating mga karanasan at kaalaman ay humahantong sa pagbabalik-loob.
Kapag tayo ay “nagbalik-loob sa Panginoon” (Alma 23:8), sinusunod natin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Kapag “natikman [natin] ang mga bunga” ng ebanghelyo, nagtatamasa tayo ng mga pagpapala at malaking kagalakan at kaligayahan kaya nais nating ibahagi ito sa iba, tulad ng ginawa ni Lehi: “At nang kinain ko ang bunga niyon ay pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan; anupaʼt nagsimula akong magkaroon ng pagnanais na makakain din nito ang aking mag-anak; sapagkat alam ko na ito ay higit na kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga” (1 Nephi 8:12).
Ang “magbalik-loob sa Panginoon,” sa literal na kahulugan, ay ang malaking pagbabago at transpormasyon tungo sa pagiging katulad ni Jesucristo, sa pamamagitan ng “[pagsunod sa] panghihikayat ng Banal na Espiritu, at [paghubad sa] likas na tao at [pagiging] banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” (Mosias 3:19). Sa mas malalim na kahulugan ng salita, ang ating pagbabalik-loob ay hindi malulubos hangga՚t hindi tayo espirituwal na umuunlad “hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Efeso 4:13). Ito ay habambuhay na adhikain at paglalakbay nang may pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang biyaya o banal na tulong (tingnan sa 2 Nephi 25:23).
Ang patuloy at habambuhay na pagbabalik-loob na ito ay malinaw na nangangailangan ng ating patuloy na pangangalaga upang maiwasan ang pagkalanta na inilarawan ni Alma: “Subalit kung inyong pababayaan ang punungkahoy, at hindi iisipin ang pangangalaga rito, masdan, iyon ay hindi magkakaroon ng anumang ugat; at kung ang init ng araw ay matindi at darangin ito, … ito ay malalanta” (Alma 32:38).
“Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Kaya nga, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang malaking pagbabagong ito at pagbabalik-loob ay hindi nangangahulugan na hindi na tayo magtatanong. Gayunman, matapos matikman ang liwanag, ang mga tanong ay dapat magpaibayo sa hangarin natin na patuloy na matuto sa halip na magdulot ito ng pag-aalinlangan na magpapahina sa ating lumalaking pananampalataya. “At sinuman ang maniniwala sa aking pangalan, nang walang pag-aalinlangan, patutunayan ko sa kanya ang lahat ng aking salita” (Mormon 9:25).
Nakakatulong ang pagtatanong. Hinihikayat tayo nito na mag-isip nang mabuti, magsaliksik, at manalangin. Si Joseph Smith ay patuloy na nagtanong sa buong buhay niya. Halos bawat bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay inihayag sa pamamagitan niya dahil sa pagtatanong niya sa Panginoon sa panalangin, nang taludtod sa taludtod, at tuntunin sa tuntunin. Sa ganitong paraan din natuto ang Tagapagligtas: “At hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan” (D at T 93:13).
Ganap na Kaalaman
Sa ating spectrum ng pananampalataya, naglagay tayo sa itaas ng “ganap na kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.”
Suriin natin ang mga katagang “ganap na kaalaman.” Sa pagbanggit sa “pagtikim sa liwanag,” itinuro ni Alma na “ang inyong kaalaman ay ganap sa bagay na yaon” (Alma 32:34). Sa kasunod na talata, tingnan ang paggamit ng propetang si Mormon sa gayon ding mga kataga na, “ganap na kaalaman,” nang idagdag niya ang kanyang patotoo sa liwanag ding iyon:
“Sapagkat masdan, mga kapatid, ibinibigay sa inyo na humatol, upang malaman ninyo ang mabuti sa masama; at ang paraan ng paghahatol ay kasingliwanag, nang inyong malaman nang may ganap na kaalaman, ng liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi.
“Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos. …
“At ngayon, mga kapatid ko, dahil sa inyong nalalaman ang liwanag kung paano kayo ay makahahatol, kung aling liwanag ay liwanag ni Cristo, tiyakin ninyo na hindi kayo humahatol nang mali” (Moroni 7:15–16, 18; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang dalawang propeta ay kapwa nagpapatotoo na ang Liwanag ni Cristo ang siyang nagbibigay sa atin ng ganap na kaalaman ng katotohanan. Natatanto rin maging ng mga tao sa mundo na alam nila sa kalooban nila ang tama at mali. Kinikilala nila ang Liwanag ni Cristo sa paggamit ng salitang konsiyensya, na nagmula sa salitang Latin na conscientia, o “kaalaman sa loob ng sarili.”2
Sa pamamagitan ng liwanag na iyon na tatak ng katotohanan, patuloy tayong sumusulong sa spectrum ng pananampalataya nang taludtod sa taludtod, at tuntunin sa tuntunin (tingnan sa 2 Nephi 28:30; D at T 98:12; 128:21), “at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman [ninyo] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Mamaya-maya lang ay talagang gagawin natin ang pagsubok ni Alma nang sa gayon ay mapaalalahanan kayo kung ano ang lasa ng liwanag at kung paano ito nagbibigay sa inyo ng ganap na kaalaman.
Ang Pagsalungat ay Naghahayag ng Katotohanan
Bago natin simulan ang pagsubok, mahalagang matukoy ang isa pang mahalagang bahagi sa proseso. Itinuro sa atin sa 2 Nephi 2 na “talagang kinakailangan … na may pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). “Matitikman [ng sangkatauhan] ang pait, upang kanilang matutuhang pahalagahan ang mabuti” (Moises 6:55). Halimbawa, ang kasalungat ng kalusugan ay karamdaman at sakit; ang kasalungat ng kalayaan ay pang-aapi at pang-aalipin; ang kaligayahan naman ay kalungkutan; at marami pang iba. At tulad ng munting himala ng mga alitaptap, ang liwanag ay hindi napahahalagahan kung wala ang kadiliman.
Ang oposisyon ay mahalaga sa ating pag-aaral at kaligayahan. Kung wala ito, ang katotohanan ay nananatiling nakatago sa malinaw na pananaw, katulad ng di pagpansin sa hangin hanggang sa sandaling mangapos ka ng hininga. Dahil ang Liwanag ni Cristo ay palaging nariyan, maraming tao ang hindi napapansin ang Espiritu sa kanilang buhay, tulad ng mga Lamanita sa 3 Nephi 9:20 na “nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalalaman ito.”
Hindi lamang naghahayag o nagsisiwalat ng katotohanan ang mga pagsalungat kundi inihahayag nito ang likas na kapangyarihan, kagalakan, at kaligayahan ng katotohanan. Halimbawa, kailangan pang matikman ng alibughang anak ang pait ng buhay para matanto ang tamis ng buhay na tinalikuran niya at hindi pinahalagahan sa kanyang kabataan.
Tanging sa sakit at karamdaman natin napapahalagahan ang ating kalusugan. Bilang biktima ng kasinungalingan, napahahalagahan natin ang integridad. Sa pagdanas ng kawalang-katarungan o kalupitan, napahahalagahan natin ang pagmamahal at kabaitan—lahat nang may “ganap na kaalaman,” matapos matikman ang bunga ng bawat isa sa pamamagitan ng liwanag na nasa atin. Dumarating ang ganap na kaalaman nang bunga sa bunga, sa pamamagitan ng mga pagsalungat sa lahat ng bagay. Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nangangako ng sukdulang kaligayahan, pag-unlad, at pagsulong kahit may oposisyon, hindi sa pag-iwas dito. “Ang payapang karagatan ay hindi nagpapahusay sa mga marino.”3
Isipin ang nakapupukaw na pahayag na ito ni Propetang Joseph Smith: “Sa pagpapatunay sa mga pagsalungat, naipapakita ang katotohanan.”4
At mula kay Brigham Young: “Lahat ng katotohanan ay napapatunayan at naipapakita ng sumasalungat sa mga ito.”5
Ang Pagsubok sa Pananampalataya
Ngayon—makibahagi kayo sa pagsubok sa pag-iisip ng ilang “magiging” mga kautusan, o katangiang katulad ng kay Cristo, at lagyan ang bawat isa ng kasalungat. Habang iniisip ninyo ang bawat isa, ang Liwanag ni Cristo na nasa inyo ay dapat magpatibay sa inyong puso at isipan na bawat katangian ni Cristo ay matamis, samantalang ang kasalungat nito ay mapait:
-
Pag-ibig o pagmamahal vs. galit, pagkapoot, oposisyon
-
Katapatan vs. kasinungalingan, pandaraya, pagnanakaw
-
Pagpapatawad vs. paghihiganti, pagkapoot, hinanakit
-
Kabaitan vs. kasamaan, galit, kasungitan
-
Pagtitiis o pagtitiyaga vs. magagalitin, mainitin ang ulo, hindi mapagparaya
-
Pagpapakumbaba vs. kapalaluan, hindi maturuan, pagmamataas
-
Tagapamayapa vs. palaaway, pakikipagtalo, mapang-udyok
-
Masigasig vs. madaling manghinawa, sumuko, matigas ang ulo
Iilan lamang ito sa maraming katangian ni Cristo, ngunit sapat na upang malinaw na maipakita ang epekto ng pagsubok sa binhi.
Kapag pinag-isipang mabuti ang listahang ito mauunawaan ninyo ang kapangyarihan, katotohanan, at tamis ng bawat katangian, bawat isa, sa pamamagitan ng libu-libong karanasan na nagpapatunay. Ang mabuting bunga ay may sariling taglay na patunay at katibayan—ang lasa nito. Ang katibayan ay nasa pagkain nito, nang bunga sa bunga at taludtod sa taludtod, bawat isa nang may “ganap na kaalaman.” Marahil iyan ang ibig sabihin ni Apostol Pablo nang sabihin niyang, “Subukin ninyo ang lahat ng bagay, ingatan ninyo ang mabuti” (I Taga Tesalonica 5:21; idinagdag ang pagbibigay-diin). Kung taglay na ninyo ang mga ito at ang iba pang mabubuting katangian sa inyong buhay, kayo ay mas nakasulong na sa spectrum ng pananampalataya kaysa sa inakala ninyo.
Gayunman, tatawagin ko lamang itong patotoong pang-terestriyal, o gaya ng kaluwalhatian-ng-buwan. Ganito rin ang patotoo ng taong mabuti at may takot sa Diyos na miyembro ng anumang relihiyon dahil taglay rin nila ang Liwanag ni Cristo, na binanggit ni Mormon, at tinanggap ang isang bahagi ng Kanyang ebanghelyo.
Ang Pagsubok sa Pananampalataya—Kasunod na Antas
Ang patotoo na pang-selestiyal, o gaya ng kaluwalhatian-ng-araw ay dumarating kapag hinahanap ng isang tao ang “kaganapan ng Ama” (tingnan sa D at T 76:75–78; 93:19). Kapag ang isang tao ay nabinyagan at karapat-dapat sa kaloob na Espiritu Santo, siya ay higit na pagkakalooban ng Liwanag ni Cristo, na nakasaad sa talatang ito sa Aklat ni Mormon: “Kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon … nang kanyang ibuhos ang kanyang Espiritu nang higit na masagana sa inyo” (Mosias 18:10, idinagdag ang pagbibigay-diin).
Itinuro sa atin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na: “Kapag mas itinuon natin ang ating puso’t isipan sa Diyos, mas maraming liwanag mula sa langit ang magpapadalisay sa ating kaluluwa.”6
“At siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24).
Hindi ko na kailangang sabihin sa inyo na mas nagpapalinaw ng pananaw ang maraming liwanag—alam na ninyo iyan. Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Habang papalapit sa pagiging sakdal ang isang tao, higit na lumilinaw ang kanyang mga pananaw, at higit siyang nasisiyahan.”7
Taglay ang higit na liwanag upang makakita, gawin natin ang pagsubok sa antas na pang-selestiyal, at ihambing ang ilan sa mga doktrina na natatangi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga doktrinang matatagpuan saanmang dako ng mas malamlam na liwanag ngunit karaniwang may mabubuting hangarin:
-
Ang Diyos ang ating Ama, at nilikha tayo sa Kanyang larawan vs. hindi Siya ang tunay nating Ama; hindi natin Siya kayang maunawaan, hindi kayang kilalanin
-
Ang Kanyang organisasyon na may mga propeta at apostol vs. Pagtalikod sa Kanyang itinatag na huwaran
-
Ang Panginoon ay Diyos ng kaayusan, namamahala sa pamamagitan ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood vs. Kalituhan, iba’t ibang tinig, “mapanlinlang na mga espiritu” (D at T 50:2)
-
Awtoridad ng priesthood at tinawag ng Diyos vs. Isang degree sa teolohiya; inihalal, inupahan, o hinirang ang sarili
-
Mga ordenansa at tipan vs. Mamuhay lamang nang mabuti
-
Walang kasalanan ang mga bata vs. Pagbibinyag ng mga sanggol
-
Ang Aklat ni Mormon, ang pangalawang saksi vs. ang Biblia, nag-iisang saksi
-
Gawain sa templo para sa mga patay vs. Pagsisindi ng kandila at pagdarasal para sa mga patay
-
Walang hanggang kasal at mga pamilya vs. Magsasama hanggang sa paghiwalayin ng kamatayan
Naliliwanagan tayo kapag ikinukumpara natin ang katotohanan sa mga kasalungat nito. Nakatutulong ito na maipahayag ang malinaw na, ang kitang-kita na. Natatanto natin na mas marami tayong alam kaysa inakala natin. Dapat itong maghikayat sa atin na patuloy na “masigasig na saliksikin ang liwanag ni Cristo … at … manangan sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:19).
“Mapapalad Yaong Hindi Nangakakita, at Gayon Ma’y Nagsisampalataya” (Juan 20:29)
Ngayon suriin natin ang isa pang magandang aspeto ng pananampalataya at patotoo.
Sinasabi sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na “ang [totoong] pananampalataya ay dapat nakasentro kay Jesucristo upang maakay nito ang isang tao sa kaligtasan. …
“Kabilang [dito] ang pag-asa sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo [Mga Hebreeo 11:1].”8
Hindi ba’t kasiya-siya na ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay ang ‘paniniwala kahit hindi nakikita,’ gayong pinaniniwalan ng mundo ang kabaligtaran nito, na ‘makita muna bago maniwala.’
Natutuklasan ng likas na tao ang mundo sa pamamagitan ng limang pandamdam, humihingi ng mga palatandaan bilang katibayan. Gayon pa man ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng mga taong nakakita sa Diyos at nadama ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng limang pandamdam ngunit walang nadamang pagbabalik-loob:
-
Sina Laman at Lemuel ay nakakita ng isang anghel (see 1 Nephi 3:29). Kanilang narinig ang tinig ng Panginoon na “pinarusahan sila nang labis” (1 Nephi 16:39). Kanilang nadama ang kapangyarihan ng Diyos nang iunat ni Nephi ang kanyang kamay at “pinanginig sila ng Panginoon” (1 Nephi 17:54). Kanilang natikman at naamoy: “Gagawin kong matamis ang pagkain ninyo, nang hindi na ninyo ito iluto” (1 Nephi 17:12). Sa kabila ng maraming pagpapamalas gamit ang limang pandamdam, naghimagsik sina Laman at Lemuel. Sila ba ay naniwala nang makita nila?
-
Noong akayin ni Moises ang mga anak ni Israel palabas ng Egipto, nasaksihan nila ang mga salot, haligi ng apoy, ang pagkahati ng Dagat na Pula, nakatikim ng manna—mga karanasan gamit ang lahat ng limang pandamdam. “At sa kabila ng sila ay inaakay ng Panginoon nilang Diyos, na kanilang Manunubos, na nangunguna sa kanila, pinapatnubayan sila sa araw at nagbibigay-liwanag sa kanila sa gabi, at ginawa ang lahat ng bagay para sa kanila na kapaki-pakinabang na tanggapin ng tao, ay pinatigas nila ang kanilang mga puso at binulag ang kanilang mga isip, at nilait si Moises at ang tunay at buhay na Diyos” (1 Nephi 17:30). Nangakakita nga sila ngunit hindi sila naniwala!
-
Marami pang ganitong halimbawa sa mga banal na kasulatan, ngunit ang pinaka-nakakagulat na halimbawa sa lahat ay nang tanggihan ng mga kulang sa espirituwalidad ang Tagapagligtas na nasa harapan nila. “Nguni’t bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma’y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya” (Juan 12:37; tingnan din sa D at T 138:26).
Napakaraming halimbawa na salungat sa sinasabing kapag nakita nila ay maniniwala sila. Hindi natatanto ng mga umaasa sa isang kagila-gilalas na karanasan para lumakas ang kanilang patotoo na ang mas malakas na patotoo at pagsaksi ng Espiritu ay dumarating sa atin araw-araw, sa maraming maliliit na paraan, tulad noong huling pagkakataon na ginuhitan ninyo ang inyong mga banal na kasulatan. Pag-isipan iyan. Kaya ninyo ginuhitan ang inyong mga banal na kasulatan ay dahil nakatanggap kayo ng impresyon, ng kaalaman, at napabulalas ng “Aha!” Ang inspiradong impresyon ay paghahayag.
Ang isa pang halimbawa ng paghahayag ay kapag kayo ay nahikayat na maging mabait o gawin ang isang mabuting bagay, “sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti … ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo” (Moroni 7:16). Ang Liwanag ni Cristo ay laging nariyan! Natitikman ninyo ito araw-araw. At mula sa mga bulong na ito, “sa maliliit na bagay [na ito,] nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33).
“Sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo, Malalaman Ninyo ang Katotohanan ng Lahat ng Bagay” (Moroni 10:5)
May naiisip ba kayong tao sa Aklat ni Mormon na nakakita ng anghel at naniwala? Marahil iniisip ninyo si Nakababatang Alma. Isang anghel ang nagpakita sa kanya at sa mga anak ni Mosias at “bumaba na waring nasa ulap; at siya ay nangusap na katulad ng tinig ng kulog” (Mosias 27:11). Alam na ninyo ang kinahinatnan ng kuwento—ang pagsisisi at paglilingkod ni Alma.
Naniwala ba si Alma dahil nakakita siya ng anghel? Hindi! Bakit? Dahil kailangan pang gamitin ni Alma ang kanyang kalayaan para matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya at hindi pa siya nanalangin para malaman ang katotohanan. Ang pagkakita sa isang bagay ay hindi shortcut sa pagkakaroon ng pananampalataya o patotoo, na napatunayan sa maraming halimbawa na kababanggit ko lang. Inilarawan mismo ni Alma kung paano siya tumanggap ng patotoo, at hindi niya idinahilan dito ang pagpapakita sa kanya ng anghel. Sa katunayan, walang binanggit na anghel sa lahat ng kanyang patotoo:
“At hindi lamang ito. Hindi ba ninyo inaakala na alam ko ang mga bagay na ito sa aking sarili? Masdan, ako ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?
“Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. [Ang liwanag.] Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag na nasa akin” (Alma 5:45–46; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang “maantig” at pansamantalang magbago ng pag-uugali ay maaaring dahil sa limang pandamdam, ngunit laging panandalian lamang ito, tulad nina Laman at Lemuel. Ang matibay na patotoo ay maaaring magmula lamang sa ating kalooban, kapag ang tao ay natuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya at sa Espiritu Santo na itinitimo ang ebanghelyo “sa kanilang kalooban, at [isinusulat] sa kanilang puso” (Jeremias 31:33). Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Nephita, sa kabila na kanilang nakita, narinig, at nadama ang Tagapagligtas sa panahon ng Kanyang pagbisita sa kanila, at natikman at naamoy din ang tinapay na mahimalang ibinigay Niya sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 20:3–9), gayon pa man, “ay nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila” (3 Nephi 19:9).
Ilang taon na ang nakaraan, ibinahagi sa akin ng isang senior missionary ang kuwentong ito. Nangyari ito sa kanya noong siya ay binata pa noong 1960s at ipinapakita rin nito na sa pamamagitan lamang ng pag-aaral at panalangin ibinibigay sa atin ng Espiritu Santo ang patotoo sa katotohanan. Sabi Niya:
“Mag-isa akong nakatira sa Provo, Utah, sa isang maliit na apartment sa sentro ng bayan. Ang trabaho ko ay salesman sa isang maliit na tindahan ng mga muwebles sa Provo, at naganap ang pangyayaring ito noong mahabang bakasyon dahil malapit na ang Bagong Taon.
“Mahaba ang bakasyon namin. Huwebes iyon, Disyembre 31, gabi ng Bisperas ng Bagong Taon. Hindi kami pinapasok sa trabaho mula Huwebes hanggang Linggo, at naroon ako sa aking apartment nang walang anumang planong magdiwang. Naghanda ako ng pagkain, naghintay na maluto ito, at gusto kong may mabasa ako. Dahil wala akong anumang magasin sa apartment, nagpunta ako sa kabilang apartment para itanong sa ilang binata roon (mga estudyante ng BYU) kung may anumang mababasa—sa pag-asang mayroon silang kopya ng Field & Stream, o anumang katulad niyon. Sabi nila wala silang magasin, pero may aklat sila na baka gusto kong basahin. Binigyan nila ako ng kopya ng Aklat ni Mormon.
“Bagamat narinig ko na ang Simbahang Mormon (sino ba ang hindi nakarinig nito sa Utah?), hindi ako pamilyar sa aklat. Pinasalamatan ko sila at dinala ko ito sa aking apartment. Habang kumakain binuklat ko ito at sinimulang basahin. Inaamin ko na sinuri kong mabuti ang ilang bahagi nito, sa pagtatangkang alamin ang kuwento nito. May mga pangalan at lugar na hindi ko pa narinig noon, at hindi ko ito maunawaan. Kaya pagkatapos kumain, ibinalik ko ang aklat at sinabing “heto na, salamat na lang.”
“Ipinagdasal mo ba ito?’ tanong ng isang binata sa akin. ‘Ipinagdasal?’ sagot ko. ‘Gusto ko lang na may mabasa ako, hindi ang magdasal tungkol dito.’ Dito nasimulan ang napakagandang pag-uusap namin tungkol sa nilalaman ng Aklat ni Mormon. Sinabi nila sa akin na ito ay aklat ng mga banal na kasulatan, isang aklat na kung ipagdarasal ko muna at pagkatapos ay babasahin nang may tunay na layunin upang malaman kung ito ay totoo o hindi, ihahayag ng Diyos ang katotohanan nito sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Lumaki akong Katoliko, at kahit hindi ako aktibo rito, mahigpit kong pinanghawakan ang pagiging miyembro ko sa Simbahang Katoliko dahil ito lang ang kilala ko. Ang tanging dasal na nagawa ko ay ang Lord’s Prayer, ang Hail Mary, at pagbabasa ng dasal sa misa—isang bagay na matagal ko nang hindi nagagawa. At ngayon hinihiling sa akin ng mga binatang ito na manalangin ako sa Diyos na hindi ko talaga kilala at na hilingin sa Kanya na sabihin sa akin kung ang aklat ay totoo o hindi. Pumayag ako, wala naman akong gagawin, at mahaba ang bakasyon. Dinala ko ang aklat sa bahay, nagbukas ng isang bote ng beer, nagsindi ng sigarilyo at lumuhod ako at hiniling sa Diyos na sabihin sa akin kung totoo nga ang aklat na ito. Pagkatapos ay nagbasa na ako: ‘Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang.’
“Ang mga pangalan at lugar ay katulad ng mga nabasa ko nang una ko itong basahin. Ang tanging kaibhan sa pagkakataong ito ay biglang naramdaman ko na ‘hindi ako nag-alinlangan.’ Talagang parang naroon ako sa aklat! Nakikita ko si Nephi; nakikita ko ang kanyang mga kapatid, at galit ako kapag pinagmamalupitan nila siya. Gusto ko si Nephi! Natuwa ako sa mabubuting tao, at nalungkot para sa masasamang tao. Nagbasa ako nang maraming oras, at hindi ko mabitaw-bitawan ang aklat. Nang tumingin ako sa relo ko, halos alas-singko na ng umaga. Binati ko ang sarili ko ng Manigong Bagong Taon at natulog na.
“Nagising ako nang mga alas-8:30 at agad na kinuha ang aklat na ito. At ganyan ang nangyari sa natirang mga araw. Tulad ni Brother Parley P. Pratt, sagabal lang ang pagkain, at ayaw kong magambala. Tinanggal ko sa pagkakakonekta ang telepono ko at nagbasa buong maghapon, at paminsan-minsang humihinto para mabilis na kumain. Tulad noong unang gabi, nalalaman ko na lang na umaga na pala, natutulog nang ilang oras, kukunin ang aklat at nagpapatuloy sa pagbabasa. Sa huli, mga alas-5 ng Lunes ng umaga, natapos ko ang aklat at nakatulog ako—pagod na pagod.
“Bago mag-Pasko nang taong iyon, nakapagbenta ako ng malaking karpet sa American Fork area. Ito ay napakaespesyal na uri ng karpet, at gusto ng boss ko na subaybayan ko ang paglalagay ng karpet. Ang boss ko ay dating bishop sa Provo at nabanggit sa akin ang tungkol sa Simbahan sa ilang pagkakataon, pero hindi ako interesado noon. Siya ay mabuting boss, pero huwag mo siyang gagalitin dahil maikli ang pasensya niya. At sa Lunes na ito ng umaga, sa ganap na alas-8, ako ang dapat mamahala sa paglalagay ng karpet. Sumapit ang takdang oras, at hindi ako nagpakita; alas-9, pagkatapos alas-10.
“Sa huli, nang mga alas-10:30 na, ang boss ko na galit na galit ay dumating sa apartment ko, tuluy-tuloy na pumasok at handa na akong pagalitan nang todo, nang makita niya akong nakahiga sa sopa na nakapatong sa dibdib ko ang Aklat ni Mormon, at nagbago ang isip niya. Tahimik niyang isinara ang pinto at bumalik sa shop, tiwalang masisimulan niya ang paglalagay ng karpet. Makalipas ang alas-11:30 gumising ako (hindi alam na pumunta roon ang boss ko), tumingin sa orasan, at sa ikalawang pagkakataon ay saglit na nanalangin. Kaagad akong nagbihis (naniniwala na pagdating ko roon ay wala na akong daratnang trabaho), sumakay sa aking kotse, at mabilis na nagpunta sa trabaho.
“Nakita ko ang boss ko roon at nilapitan ito at humingi ng paumanhin. “Hinarap niya ako; napangiti at nagtanong, ‘Nagustuhan mo ba ang aklat?’ Nang matanto ko ang nangyari, bumalik ang aking isipan sa nakalipas na mga araw, at napapaiyak na nasabi ko lamang ang dapat kong sabihin: ‘Totoo ang aklat. Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.’ Pagkatapos ay nagsimula na akong umiyak, at lumapit siya at inakbayan ako. Nabinyagan ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong ika-22 ng Enero, 1965.”
Nakilala ko ang butihing lalaking ito ilang dekada matapos ang kanyang conversion habang nasa misyon siya kasama ang kanyang asawa sa San Diego Mormon Battalion visitors’ center. Ang dahilan kung bakit gustung-gusto ko ang kuwentong ito ay ang pagkakaiba ng dalawang pagtatangka niyang basahin ang Aklat ni Mormon. Sa unang pagkakataon na nagsimula siyang magbasa, iyon ay walang tunay na layunin at walang panalangin. Sa pangalawang pagtatangka, dahil may hangarin at panalangin na, iyon ay talagang kakaibang karanasan.
Isa lamang ang paraan para malaman kung ang Aklat ni Mormon at ang ebanghelyo ay totoo, at kailangan dito ang higit pa sa pag-uusisa lang at paggamit ng limang pandamdam. Kailangan dito ang taos-pusong paggamit ng kalayaan sa pagpili at pagkilos ayon sa hangaring malaman ito:
“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
“At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:4–5).
Ang pangako ay hindi inihayag sa mga salitang “maaari” o “siguro” o “marahil ay ipaaalam Niya.” Ang pangako ay, “Kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”
Isa pang magandang alituntunin na natuklasan natin sa kuwentong ito ay hindi ninyo kailangang basahin ang buong Aklat ni Mormon bago kayo makatanggap ng patotoo. Para sa tao sa kuwentong ito, natikman niya ang liwanag sa unang pahina. Hindi niya kailangang kainin ang buong pizza para malaman na masarap ito. Para sa iba, maaaring higit pa ito sa natikman na habang ang liwanag ay nagiging mas masarap sa paglipas ng panahon. Parang ganito ang sinasabi ni Alma sa talatang ito: “Oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin” (Alma 32:28).
Ang Inyong Patotoo ay Mas Malakas Kaysa Inaakala Ninyo
Nang magsimula tayo hiniling ko sa inyo na iskoran ang inyong patotoo sa spectrum ng pananampalataya. Umaasa ako na natuklasan ninyo na ang inyong patotoo ay mas mataas pa kaysa sa inakala ninyo. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo bilang inyong guro, kayo ay nagkakaroon na ng ganap na kaalaman tungkol sa maraming bunga ng ebanghelyo, at taludtod sa taludtod, ang inyong patotoo ay lalong lumalakas sa bawat araw.
Kapag natutuhan at ipinamuhay ng tao ang ebanghelyo, higit na liwanag ang natatanggap nila at nakikita nang mas malinaw ang plano ng Ama. Nalalaman natin mula sa sarili nating karanasan na ang bunga ng punungkahoy ng buhay ay talagang napakahalaga at “napakatamis, higit pa sa lahat ng natikman na [natin]” at pinupuspos nito ang ating mga kaluluwa “ng labis na kagalakan” (1 Nephi 8:11–12). Lalo natin itong minamahal dahil sa mga pagpapala, galak, at sa magagandang pangyayaring nagaganap sa ating buhay at pag-asa sa walang katapusang kaligayahan bilang walang-hanggang pamilya.
Pinatototohanan ko na alam ko, at alam ko na alam ko, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Ito ay matamis at napakahalagang tikman. Gusto ko at pinahahalagahan ang lasa nito. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at na Siya ay ipinako sa krus at nagdusa para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Siya ang ating Tagapagligtas at patuloy na aakayin at gagabayan ang Kanyang Simbahan at kaharian dito sa lupa sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at apostol. Pinatototohanan ko ang Kanyang pangalan at ang mga sagradong katotohanang ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2015, 2016 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 2/15. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 2/15. Pagsasalin ng “Tasting the Light.” Tagalog PD10053676 893