Mga Pandaigdigang Debosyonal
Parang Harding Nadiligan


Parang Harding Nadiligan

Isang Gabi Kasama si Elder L. Whitney Clayton

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Setyembre 13, 2015 • New York, New York

Mahal kong mga kapatid, karangalan kong makapiling kayo ngayong gabi. Nakikiisa ako kay Kathy sa pagsasabing mahal namin kayo. Dalangin namin pareho na ang sasabihin namin sa inyo ngayong gabi ay makahikayat sa pananampalataya ninyo sa Diyos at sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo. Muli kong idinadalangin na bigyang-inspirasyon tayo ng langit sa susunod na ilang minuto.

Katatapos lang ninyong makinig kay Kathy, na iniibig ko at siyang liwanag ng aking buhay. Nagpapasalamat ako sa kagalakan at kabuluhang dulot niya sa akin, bukod sa ipinagkaloob niyang pitong anak namin. Sila rin naman ay nagbigay sa amin ng 19 na apo, at malapit nang maging 21. Si Kathy ang sentro ng aming tahanan at pamilya. Nang ikasal kami, hindi ko alam na ganito pala katamis ang buhay. Ang kanyang kabutihan at kabanalan ang lahat sa akin. Natutuwa ako na napakinggan ninyo siya.

Binabati namin kayo na narito ngayong gabi sa New York City, ngunit batid namin na karamihan sa inyo ay nasa ibang mga lugar, time zone, at bansa. Mainit naming binabati ang lahat ng nakikinig o nanonood—saanman kayo naroon sa mundo. Malaking himala talaga ang magtipon na tulad nito.

Galing kayo sa maraming bansa at kultura. Ang iba’t ibang sitwasyon ninyo sa buhay ay talagang pambihira. Ang ilan sa inyo ay mapalad na makapag-aral at sagana sa materyal na bagay. Ang iba naman ay nahihirapang makahanap ng makakain araw-araw. Ang ilan sa inyo ay mga inapo ng mga pioneer na tumawid sa kapatagan ng Estados Unidos. Ang iba ay mga pioneer sa sarili ninyong bansa. Ang ilan sa inyo ay nakapagmisyon. Ang iba naman ay nabinyagan lang ng mga missionary o bibinyagan pa lang. Ang ilan ay nagmula sa mga pamilya na aktibong lahat sa Simbahan. Ang iba naman sa inyo ay nag-iisang miyembro sa inyong pamilya at marahil ay maging sa inyong komunidad. Ang ilan sa inyo ay nagmula sa matatatag na tahanan na may mga huwarang magulang. Ang iba naman sa inyo ay nagmula sa mga tahanang hindi katulad niyon.

Kumbinsido ako na ang ibinabahagi natin bilang mga anak ng Diyos ay mas mahalaga kaysa mga pagkakaiba ng sitwasyon natin sa buhay. Sabi ng Tagapagligtas, “Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.”1 HIndi Niya nilimitahan ang pagpapala ng saganang buhay ayon sa panahon o lugar. Para ito sa ating lahat, anuman ang ating sitwasyon sa buhay. Layon Niyang tulungan tayong magkaroon ng masaganang buhay saanman tayo nakatira o kailan tayo nabuhay. Nadama ko na dapat kong talakayin ay kung paano tayo magkakaroon ng masaganang buhay at pamagatan ang mensahe ko na “Parang Halamang Nadiligan.”

Magsisimula ako sa pangyayaring naganap noong ipako sa krus ang Tagapagligtas na sa tingin ko ay may itinuturo sa atin. Pagkatapos ay gagamit ako ng dalawang paglalarawan kung paano magkaroon ng masaganang buhay.

Ang isa sa mga nakababahalang tagpo sa buong banal na kasulatan ay nakatala sa aklat ni Juan. Nangyari ito matapos magdanas ang Tagapagligtas ng napakatinding pagdurusa para sa ating mga kasalanan at mortal na kahinaan sa Halamanan ng Getsemani. Itinuro sa atin na ang Kanyang pagdurusa ay “masidhi,” na “hindi mo nalalaman”—“kung gaano kahirap dalhin ay hindi [natin] nalalaman”2 at kung gaano kasakit ay hindi natin maunawaan. Ang tagpong ito ay sinundan ng pagkakanulo at pag-aresto sa Kanya, at ng pagmamalupit at pang-aabusong dinanas Niya sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio. Nangyari iyon matapos Siyang buong lupit na hampasin ng mga sundalong Romano na kumilos sa utos ni Pontio Pilato; matapos ibaon sa Kanyang ulo ang koronang tinik.

Sinabi ni Pilato na walang masamang nagawa si Jesus para ipako Siya sa krus. Iniutos niyang latiguhin si Jesus, isang uri ng napakatindi ngunit karaniwang hindi nakamamatay na parusa. Marahil umasa si Pilato na sa gayong pagpapahirap at pagpapahiya sa Tagapagligtas ay mahihikayat ang mga pinuno ng mga Judio na naturuan na ng matindi at masaklap na leksyon si Jesus at naging halimbawa sa publiko at na hindi na Siya kailangang ipako sa krus. Marahil umasa siyang makaramdam sila ng kaunting awa. Kaya nga, kasunod ng paglalatigo, iniutos ni Pilato na iharap si Jesus sa publiko. Nakikinita ko na umasa siya na sasapat na ang pisikal na pagdurusa ni Jesus para masiyahan sila.

Ngunit hindi.

Itinala ni Juan:

“Nang magkagayon nga’y tinangnan ni Pilato si Jesus, at siya’y hinampas.

“At ang mga kawal ay nangagkamakama ng isang putong ng tinik, at ipinutong sa kanyang ulo, at siya’y sinuutan ng isang balabal na kulay-ube,

“At nangagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio! at siya’y kanilang pinagsuntukanan.

“At si Pilato ay lumabas na muli, at sa kanila’y sinabi, Narito, Siya’y inilabas ko sa inyo, upang inyong matalastas na wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.

“Lumabas nga si Jesus, na may putong na tinik at balabal na kulay-ube. Sa kanila’y sinabi ni Pilato, Narito ang tao!

“Pagkakita nga sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga punong kawal, ay sila’y nangagsigawan, na sinasabi, Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus. Sinabi sa kanila ni Pilato, Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus: sapagka’t ako’y walang masumpungang kasalanan sa kaniya.”3

Mahalaga man ang iba pang bahagi ng kuwento, at napakahalaga nito, titigil ako sa mga salita ni Pilato na “Narito ang tao.”

Narito ang tao. Ang samo ni Pilato ay talagang nakakatuya. Bagama’t napinsala ang buong katawan ni Jesus sa sandaling iyon, wala nang ibang lalaki o babae kailanman, simula noon, na mas karapat-dapat “pagmasdan.” Ang Kanyang buhay ay sakdal. Wala Siyang kapantay. Walang sinumang nabuhay na katulad Niya. Walang makakatulad sa Kanya kailanman. Taglay Niya ang lahat ng lubos na mabuting katangian. Taglay Niya ang lahat ng kapangyarihang pigilan ang Kanyang sarili. Ang Kanyang emosyon at damdamin ay perpekto, gayundin ang Kanyang kaisipan. Ang Kanyang pang-unawa ay walang hangganan. Siya lamang ang tunay na karapat-dapat pagmasdan, sa lahat ng aspeto, suriin, sukatin, at sambahin. Walang anumang bagay sa Kanyang isipan, puso, at damdamin ang sukat nating ikadidismaya. Bagama’t hindi ito nabanaag sa Kanyang hitsura noon, si Jesus ang perpektong halimbawa ng masaganang buhay.

Kaya hindi ang Kanyang hitsura sa sandaling iyon ng pagdurusa ang dapat nating unang pakatandaan. Siya ay “[walang] kagandahan upang S’ya’y naisin.”4 Ang nasa kalooban ng nagdadalamhating pisikal na tabernakulong iyon ang pinakamahalaga sa ating lahat. Ginawang posible ng Kanyang pagkatao ang Kanyang ginawa. Ang Kanyang kagila-gilalas na pagkatao ang humihingi ng ating pansin. Ang dapat nating makita habang ating “[minamasdan] ang Tao” ay ang patuloy Niyang tagumpay laban sa mga puwersa ng kasamaan, kahit tila hindi ito tagumpay noon. Ang Kanyang pagiging kalmado ang nasa sentro ng pinakamatinding unos na maaaring danasin ng tao. Bawat masamang paraan na naimbento ng kaaway ay napawalan o malapit nang pawalan laban sa Kanya. Dinaig at pinagtagumpayan Niya ang lahat. Tumayo Siya sa harap ni Pilato na payapang-payapa at buo ang loob.

Isipin pa ito: Ang Kanyang pamumuno sa mga pisikal na elemento ng daigdig at mga kalagayan ng sangkatauhan ay walang-dudang naipakita. Kaya Niyang utusan ang masasamang espiritu. Pinagaling Niya ang maysakit, binigyan ng paningin ang bulag at ng pandinig ang bingi. Binuhay Niya ang patay at ibinalik ang maysakit na mga anak sa kanilang mga magulang. Alam Niya ang iniisip at nadarama ng lahat. Nagpatawad Siya ng mga kasalanan at nilinis ang mga ketongin. Pinasan Niya ang bigat ng mga kasalanan, pasakit, karamdaman, at pagkukulang ng buong sangkatauhan noong gabi bago naganap ang tagpong ito. Ang nakakatuya, pinagdusahan pa Niya ang mga kasalanan maging ng mga taong nagmalupit sa Kanya sa sandaling iyon mismo.

Tunay ngang “Narito ang tao.” Siya ang Anak ng Diyos na buhay. Siya ang huwaran ng buhay, ang Taong isinugo upang ituro ang daan at maging Daan. Siya ang katotohanan at ang buhay para sa ating lahat. Sa tatlong salitang iyon, “narito ang tao,” hindi alam at hindi sinadya ni Pilato na ipahayag ang simpleng pormula sa pagkakamit ng pinakamatataas na layunin ng buhay. Nang sabihin niya sa mga Judio na masdan Siya, itinuro sila at tayo ni Pilato sa Kanya, ang nag-iisa, na makapagpapasagana sa ating buhay at ang “kaligtasan nati’y ma[gi]ging ganap.”5 Kaya nga ang utos ay “[Umasa] sa Diyos at [mabuhay].”6

Ang dapat nating tandaan kapag minasdan natin Siya ay na dahil sa Kanya, at sa lahat ng ginawa Niya at kung ano Siya noon at ngayon, tayo man ay magtatagumpay. Mapaglalabanan natin ang lahat. Maaari tayong mamuhay nang sagana sa gitna ng mga pagsubok. Kung pipiliin nating “masdan” Siya at tanggapin at ipamuhay ang Kanyang nakapagliligtas na ebanghelyo, ililigtas Niya tayo. Sasagipin Niya tayo mula sa mga epekto ng ating likas na pagkatao at mga kamalian at ililigtas tayo mula sa kasalanan, sa pagiging kampante sa espirituwal, at sa walang-hanggang kabiguan. Kanya tayong padadalisayin, pagagandahin, at kalaunan ay gagawing sakdal. Bibigyan Niya tayo ng galak at kapayapaan. Siya ang susi sa masaganang buhay.

Ibabahagi ko sa inyo ang dalawang pinalawak na halimbawa tungkol sa kung ano ang magagawa natin upang “[ma]masdan Siya,” upang makabaling tayo sa Tagapagligtas para magkaroon ng masaganang buhay.

Ang Sermon tungkol sa mga Punla

Una, ang sermon tungkol sa mga punla:

Kami ni Kathy ay nakatira sa isang burol sa gawing silangan ng Salt Lake City, sa isang tahanang itinayo ng kanyang mga magulang. Isang uri ng puno ang lumalago roon na likas sa paanan ng kaburulan sa paligid ng Salt Lake City—tinatawag namin itong scrub oak. Hindi tulad ng malalaki at matitibay na punong oak na kilala sa maraming lugar sa mundo, ang mga punong scrub oak ay hindi tumataas o lumalaki, pero matatag at maganda ang mga ito. Punung-puno nito ang lugar namin.

Ilang taon na ang nakalipas naglagay kami ng malaking paso sa daanan papunta sa pintuan sa harapan ng aming tahanan, sa ilalim ng mga sanga ng punong scrub oak. Tinamnam namin ang paso ng makukulay na bulaklak at nasiyahan kami sa ganda ng mga ito sa tag-init. Nang magbago ang panahon at magsimula ang taglagas, nagsimulang ilaglag ng punong scrub oak ang mga buto nito, o acorn, at bumagsak ang ilan sa paso.

Isang araw ng taglagas habang dinidiligan ko ang mga bulaklak, napansin ko na may ilang maliliit na punlang sumibol mula sa mga acorn na nahulog sa paso. Kahit patapos na ang tag-bulaklak, puro bulaklak lang ang gusto naming makita sa paso, kaya sinimulan kong bunutin ang mga punla mula sa lupa. Nang bumunot ako, mabilis na nabumot ang maliliit na punla mula sa buhaghag na lupa. Nagulat akong makita na may mga ugat na ang mga punla na mas mahaba kaysa sa mga punla mismo. Ang mga ugat ay tatlo o apat na beses ang haba kaysa sa bahagi ng mga punlang nakikita sa ibabaw. Likas na nakadisenyo ang mga binhing scrub oak na ubusin ang halos buong lakas nila sa pagbabaon nang malalim ng mga ugat.

Mukha namang malinaw ang dahilan: Bagama’t komportable kapag tagsibol at taglagas sa Salt Lake City, maalinsangan tuwing tag-init, na may kaunting pag-ulan, at napakaginaw tuwing taglamig, na mahangin at maraming snow. Ang malalim na mga ugat ay nakakatulong sa paglago ng mga punla dahil mabilis itong bumaon sa lupa. Dahil dito ang mas lantad na ugat ay nakakakuha ng halumigmig at mga sustansya mula sa lupa. Malalalim na ugat ang nagpapatayo nang tuwid sa mga puno at nagpapatatag dito sa kabila ng hangin, kahit maliliit pa lang ang mga ito. Tinutulungan ng mga ugat ang matitibay na punong iyon laban sa bagyo ng taglamig at tindi ng sikat ng araw tuwing tag-init. Dahil malalalim ang ugat, mas madaling mabuhay ang scrub oak. Kapag tumaas na nang husto ang mga punla kalaunan, patuloy silang pinakakain, pinoprotektahan, at sinusuportahan ng kanilang mga ugat.

May aral tayong matututuhan mula sa scrub oak. Dapat tayong masiyahan sa magandang tagsibol at taglagas ngunit laging tandaan na malapit nang dumating ang mas masungit na panahon. Tiyak na kasunod ng tagsibol ang tag-init, at kasunod ng taglagas ang taglamig. Iyan ang disenyo ng kalikasan. Ito rin ang disenyo ng ating buhay. Habang tinatamasa natin ang mga panahon ng ginhawa, kapanatagan, at kaligayahan, dapat nating paghandaan ang darating na mga pagsubok sa buhay.

Saanman naroon ang ating tahanan, lahat tayo ay may ilang karanasan na parang maalinsangang mga tag-init at magiginaw na taglamig. May mga panahon tayo ng ginhawa at hirap, tagumpay at kabiguan, kalusugan at karamdaman, at mga sandali ng kaligayahan at dalamhati at kalungkutan. Nagbabago ang buhay. Hindi ito madali. Lahat tayo ay may mga sandali ng kabiguan at ng kaluguran.

Gayon din ang buhay nating lahat sa iba pang mga aspeto. Napapaligiran tayong lahat ng mga kultura at tradisyon ng ating sariling komunidad at bansa. Ang ilan sa mga impluwensyang iyon ay makakabuti at ang ilan ay hindi. Ang ilan ay magpapalakas sa atin at ang iba ay hahamakin tayo. Ang ating tahanan ay maaaring mabiyayaan ng liwanag ng ebanghelyo o padilimin ng kabiguang sundin ang mga utos ng Diyos. Ang halimbawa ng mga kaibigan ay maaaring kagila-gilalas o kakila-kilabot. Walang nakaaalam sa atin kung ano ang kahihinatnan natin sa buhay. Hindi natin lubusang masasabi ang ating magiging kalusugan o kayamanan. Hindi natin masasabi ang impluwensya ng digmaan o klima. Paikut-ikot lang ang mga panahon sa ating buhay. Ang mga pabagu-bagong sitwasyon na hindi natin kayang kontrolin ay hamon sa ating lahat.

Hindi katulad ng mga puno, maaari tayong magpasiya at sadyang magkaroon ng espirituwal na ugat sa ating buhay. Tayo ang nagdedesisyon kung saan ibabaon ang ating mga ugat at gaano kalalim natin ito ibabaon sa lupa. Ang mga desisyon araw-araw ay gumagawa ng maliliit at halos di-mapansing pagkakaiba sa mga ugat ng ating pananampalataya, na ang epekto ay nagiging pundasyon. Dahil hindi natin alam kung kailan o paano darating ang ating sariling mga hamon, o gaano katagal ang ating personal na mga panahon ng taglamig o tag-init, dapat nating ibaon nang malalim ang ating mga ugat sa tanging pinagmumulan ng sustansya para sa ating kaluluwa, ang Panginoong Jesucristo. Nais Niyang maging sagana ang ating buhay. Inaanyayahan Niya tayong lumapit sa Kanya. Sabi niya, “Matuto sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.”7

Pinatatatag natin ang kaluluwa upang mapaglabanan ang mga unos sa ating buhay sa pag-aaral tungkol sa Kanya. Natututo tayo sa pag-aaral at pagdarasal. Natututo tayo sa panonood sa mabubuting halimbawa. Natututo tayo kapag naglingkod tayo sa iba upang mapaglingkuran Siya.8 Natututo tayo kapag hinangad nating tularan Siya sa anumang paraang kaya natin.

Ang ibig sabihin ng makinig ay unawain at sundin, hindi lang marinig. Nakikinig tayo sa Kanya sa pribadong pag-aaral ng banal na kasulatan. Nakikinig tayo sa sacrament meeting at sa templo. Naririnig natin Siya sa “marahan at banayad na tinig.”9 Nakikinig tayo sa Kanya sa tinig ng mga buhay na propeta at apostol. Ang pakikinig na mabuti ay nagpapaalala sa atin na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios.”10 Pinatitibay natin ang ating mga ugat sa paunti-unti at paisa-isang hakbang na paglago. Kapag nakinig tayo, sinusundan natin ang landas na nilakaran Niya. Siya ang puno at dulo ng landas patungo sa masaganang buhay. Siya ang buong landas at ang ilaw na tumatanglaw rito.11 Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”12

Walang lihim, walang sorpresa tungkol sa ating magagawa at dapat gawin upang mapatatag ang ating mga ugat: sinusunod natin ang mga utos ng Diyos. Bagama’t madali nating maililista ang mga bagay na dapat nating gawin, nalalaman nating lahat na mas madaling bilangin ang mga ito kaysa gawin. Ang kakayahan nating sundin ang Kanyang kalooban ay nag-iibayo kapag ginawa natin ang Kanyang kalooban. Nagiging mas madali ito dahil lumalago ang ating paniniwala at pananampalataya. Kapag tapat tayong nagpupumilit na ipamuhay ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, binibiyayaan tayo ng Panginoon ng ibayong tibay ng kalooban.

Mahalaga ang naiaambag ng karapat-dapat at taimtim na pagsamba sa paglalim ng ating espirituwal na mga ugat. Ang mapitagang pagdalo sa sacrament meeting at pakikibahagi ng sakramento na may tunay na layunin ay ginagawang di-pangkaraniwan ang araw ng Sabbath. Hindi natin tunay na maibabaon nang malalim ang ating mga ugat maliban kung “lagi [natin] siyang aalalahanin.”13 Kapag inihahanda natin ang ating sarili bago dumalo sa ating mga miting, nagiging mas makabuluhang karanasan ang araw ng Sabbath para sa atin. Kapag pinag-isipan natin na kailangan natin ng kapatawaran at ng pagpapalang laging mapasaatin ang Espiritu, sinisimulan nating ituring ang chapel na isang kanlungan at ang sakramento na isang sandali ng pagpapabanal.

Dahil diyan may ilang bagay tayong dapat taglayin kapag nagsimba tayo. Nangunguna rito ang bagbag na puso at nagsisising espiritu. Dapat tayong magsimba na sabik na hangarin at damhin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Gayundin, dapat nating iwan palagi ang ilang bagay sa tahanan. Ang pag-iisip sa sports, trabaho, libangan, at pamimili ay kailangang isantabi para sa ibang araw maliban sa araw ng Sabbath. Ang tunay na pagsamba ay naghihikayat ng tunay na pagbabalik-loob. Pinalalalim nito ang pagkabaon ng mga ugat ng ating pananampalataya, kung saan tayo nakakasumpong ng espirituwal na imbakan, na “[sa atin] ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.”14

Isinulat ni Pablo:

“Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya:

“Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo.”15

Ang mga ugat ay nakikinabang din sa oposisyon. Kailangang umihip ang hangin at maging masungit ang panahon kung minsan kung nais nating magkaroon ng tunay na lakas. Kailangan nating sikaping kumapit, upang labanan ang hangin at panahon, kung nais nating maging matatag. Kapag umihip ang malakas na hangin, madali nitong napapatumba ang puno na hindi nakakapit na mabuti sa lupa. Gayundin, kailangang may tagtuyot o hindi babaon nang malalim ang mga ugat para maghanap ng tubig. Sa kabilang banda, ang sobrang tubig ay magpapahina sa puno, kaya mananatili ang ugat sa ibabaw at hindi ito sapat na babaon nang malalim.

Kung hindi tayo daranas ng ilang personal na mga unos at ilang tagtuyot, hindi lalakas ang ating mga ugat. Hindi ito tatatag kung madali lang ang lahat. Ang nakakatuya, panatag na paglalayag ang pagsubok dito mismo, at mahirap ito. Manlalambot tayo kapag wala nang mga problema kung hindi tayo maingat. Maaaring hindi natin “babantayan ang [ating] sarili, at ang [ating] mga isipan, at ang [ating] mga salita, at ang [ating] mga gawa, at [susundin ang] mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya”16 nang walang pagsubok na nagpapaluhod sa atin at umaantig sa ating puso.

Sa kabilang banda, hindi tayo kailangang maghanap ng mga pagsubok at problema. Ang buhay ay may paraan ng pagdudulot ng pighati sa ating lahat, kahit ginagawa na natin ang lahat. Maliban kung mali ang ating mga pagpapasiya, na laging nauuwi sa trahedya, karaniwa’y hindi natin pinipili kung kailan o paano darating sa atin ang mga problema. Pero talagang nagpapasiya tayo bawat araw kung paano paghahandaan ang mga ito. Kaya ang paalala ni Josue: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran”17

Narito ang isa pang paalala:

“Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok:

“Sapagka’t makipot ang pasukan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakasusumpong noon.”18

Hindi tayo dapat magulat kapag bigo ang ating pananampalataya kung lumalakad tayo sa mga gilid ng makipot at makitid na landas. Ang ating ginagawa at hindi ginagawa ay talagang mahalaga dahil may bunga ang mga kilos, at maging ang hindi pagkilos. Kapag hindi natin pinansin ang maliliit, araw-araw, paulit-ulit ngunit mahalagang pagpapakita ng paniniwala, pinahihina natin ang ating mga ugat. Habang lumilipas ang panahon dahan-dahan tayong lumalayo sa Diyos. Sa gayon, ang pagsasalita natin sa isa’t isa, ang mga aklat at artikulong binabasa natin, ang mga palabas sa telebisyon at pelikula na pinanonood natin, ang mga bagay na hindi natin binabasa at hinding-hindi natin panonoorin, ang mga biro sinasambit o pinipili nating huwag pakinggan, o ulitin man lang, lahat ay nagsasaad kung nasaan tayo sa makipot at makitid na landas—sa gitna man o sa mga gilid. Hindi natin masasabi na pinalalakas natin ang ating mga ugat kung sa mga bagay na ating ginagawa at hindi ginagawa ay hindi tayo nagiging mas mabubuting Banal. Ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa gitna ng makipot at makitid na landas.

Wala nang mas magandang huwaran sa buhay saanman, wala nang mas tiyak na paraan upang makasumpong ng kapayapaan at makasulong sa landas, kaysa pagsunod sa Panginoong Jesucristo. Tanging pangalan Niya ang ibinigay sa silong ng langit na may kapangyarihang gawing mas makalangit ang ating buhay. Wala nang iba pang maaari nating “masdan” na may nakapagliligtas, nakapananariwa, at nagpapabagong kapangyarihan maliban sa Tagapagligtas.

Binalaan na tayo kung ano ang mangyayari kung bumaling tayo sa iba pang tao o bagay para makahanap ng tunay na kabuluhan at layunin. Nahuli ng mga salita ni Judas ang di-maiiwasang kahungkagan ng buhay na kalauna’y lumulukob sa mga taong pumipili ng ibang bagay o tao maliban sa Tagapagligtas: “Mga [ulap sila] na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punong kahoy sa taginaw na walang bunga, na makalawang namatay, na binunot pati ugat.”19

Dapat ay nakasalig na mabuti ang ating kaluluwa kay Cristo para natin matiis ang anumang hamon, mapagtagumpayan ang anumang dalamhati, matagalan ang anumang pag-atake sa ating pananampalataya, at maging katulad ng mga punong oak—matibay, hindi natitinag, at matatag, kahit mainit ang araw o malakas ang unos. Ang gayon kalalim na pagkabaon ng ugat ay tumatagal sa paglipas ng panahon at nadadaig ang bawat kaaway, kahit ang pinakatuso, hindi nakikita, at mapanlinlang.

May aral na itinuro si Helaman kung paano nakasalalay ang pangako ng lakas na parang bato sa pagtatatag ng ating buhay sa Manunubos: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak. ”20

Ang Kagandahan ng Butchart Gardens

Ngayong natingnan na natin ang mga ugat, pag-usapan naman natin ang mga bulaklak habang iniisip natin ang ikalawang halimbawa: ang kagandahan ng Butchart Gardens.

Noong 1904, si Robert Butchart at ang kanyang asawang si Jennie ay lumipat sa dulo ng katimugang Vancouver Island, sa British Columbia, Canada. Semento ang negosyo ni Robert Butchart at kailangan ng limestone para magawa ang kanyang produkto. Nagbukas siya ng open-pit limestone quarry malapit sa ngayon ay lungsod ng Victoria. Mula sa limestone, gumawa siya ng lime, isang mahalagang sangkap ng semento. Malapit sa quarry, nagtayo ng bahay at tennis court ang mga Butchart at nagtanim ng mga rosas at gisantes.

Sa paglipas ng panahon naubos ang mga deposito ng limestone sa ilang bahagi ng quarry. Hindi nagtagal ay hindi na ginamit ang quarry. Naiwan doon ang isang malaki at pangit na butas sa lupa, na puno ng biyak at matatalim na bato. Nang makita ni Jennie Butchart ang nangyayari, nagpasiya siyang gawing hardin ang mabatong butas na iyon sa lupa. Nagpahakot siya ng lupa sa quarry gamit ang karetang hila ng kabayo at itinambak ito sa ilalim ng quarry. Nagsimula siyang magtanim ng mga bulaklak, palumpong, at puno sa lugar na iyon, at sa paglipas ng panahon ay nakalikha ng isa sa mga pinakabantog na hardin sa mundo, ang bantog na “Sunken Garden.” Ngunit hindi siya tumigil doon.

Patuloy na nagpalawak si Jennie at nagdagdag ng iba’t ibang halaman sa hardin. Naglakbay ang mga Butchart sa iba’t ibang panig ng mundo, at nangolekta ng sari-saring kakaibang mga palumpong, puno, at bulaklak sa lumalawak na hardin tuwing maglalakbay sila. Sa pagitan ng 1906 at 1929, lumikha ang mga Butchart ng isang Japanese Garden, Italian Garden, Mediterranian Garden, at ng isang magandang Rose Garden, bukod pa sa Sunken Garden. Sakop ng kanilang mga hardin ang mahigit 50 akre at ngayon ay isa nang makasaysayang lugar sa bansang Canada.

Ang mga ito ang nakalulugod na produkto ng mga taon ng matiyaga at maingat na trabaho. Gayundin, ang mga ito ay patotoo sa maaaring magawa kapag nakinita ng isang tao kung paano makalikha ng kagandahan mula sa isang tanawing hindi kaaya-aya. Iniulat ng website ng hardin, na pinagmulan ng impormasyong ito, na halos isang milyong katao ang bumibisita sa mga hardin taun-taon.21

May munting limestone quarry sa ating kalooban. Nagmula tayo sa premortal na daigdig na isinilang “na may bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos” para makatiyak.22 Naparito tayo na may espirituwal na lakas at kakayahang natamo natin doon. Ngunit naparito rin tayo na may ilang kahinaan. Hindi tayo perpekto roon, at hindi tayo dumating dito na perpekto—inosente, oo, pero hindi perpekto.

Isipin natin sandali ang ating personal na limestone quarry. Isinilang tayo sa isang makasalanang mundo at nagmana ng makasalanang kalagayan, “sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan.”23 Ang ating kalooban, ang ating pagiging espiritung lalaki o babae, ay may ilang kahinaan at pagkukulang. Mayroon tayong hindi kanais-nais na mga pag-uugali na hindi pa natin lubusang nasusupil at mga depektong hindi pa natin nadaraig. Nakagawa tayo ng ilang pagkakamali sa landas ng ating buhay, at patuloy natin itong ginagawa araw-araw. Maaaring may mga sandali ng mabigat na kasalanan, na nagpaparalisa sa espirituwal na paglago. Malamang na may mga sandaling tayo ay naging masungit, nawalan ng pasensya, o tinamad. Maaaring wala sa lugar ang ating mga prayoridad o may mga pagkakataon tayong pinalagpas. Lahat tayo ay may sariling napaka-personal na mga pagkukulang at kakulangan.

Ang iba pang mga uri ng limestone quarry, na maaaring magdulot ng malaking hamon, ay maaari ding umiral sa ating kalooban. May ilan dito ngayong gabi na dumanas na ng matinding pang-aabuso, na maaaring mag-iwan ng malalaking sugat na mabagal gumaling at mga alaalang naglulumagi sa isipan. Ang iba ay maaaring may problema sa droga o alak o nanonood ng pornograpiya. Ang ilan ay dumaranas ng depresyon, karamdaman, o iba pang mga sakit.

Ang masaganang buhay na inialay ng Tagapagligtas ay naglalaan ng lunas para sa lahat ng limestone quarry ng ating kaluluwa. Gaano man kagaspang ang bato at kapangit ang mga depekto sa ating kaluluwa, gaano man kapangit ang ating kalooban, maaari tayong mapagaling at mapaganda. Ang perpektong kagandahan ng kaluluwa ng Tagapagligtas ang ating huwaran.

Napakaganda na ang Anak ng Tao, na ang kaluluwa ay isang hardin ng kabanalan, ay nagdusa sa isang halamanan upang maitanim din natin ang mga binhi ng kabanalan sa ating kaluluwa. Anuman ang pagdurusang pinagdaanan natin o gaano man tayo nagpakababa, maaari nating pagandahin ang ating kaluluwa. Ito ang “putong na mga bulaklak na kahalili ng mga abo.”24 Ito ang mga bulaklak na sumisibol sa limestone quarry. Ito ang unti-unting pagkakaroon ng mga katangian ni Cristo sa isang kaluluwang puno ng mga problema at panganib sa buhay. Nangyari ito dahil sa pagmamahal Niya sa atin at sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala at sa mga kundisyon ng tapat at patuloy na pagsisisi.

Ang kagila-gilalas, maaari tayong mapagaling, maaari tayong maging maganda at magkaroon ng halaga. Pinangakuan tayo na maaari tayong maging sarili nating bersyon ng loob ng Butchart Gardens. Ang paggawa nito ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan—paghahandang bumalik sa piling ng Diyos.

Kung tila mahimala ang lahat ng ito, iyan ay dahil mahimala ito. Si Alma, na anak ni Alma, ay naging “napakasama at isang lalaking sumasamba sa mga diyus-diyusan.”25 Ang kanyang ama ang propeta at namumunong high priest sa simbahan. Ngunit si Alma at ang kanyang mga kaibigan, na mga anak ni Haring Mosias, ay humayo na “naghahangad na wasakin ang simbahan, at upang iligaw ang mga tao ng Panginoon.”26 Habang naglalakbay sila, na buhos ang isipan sa layuning ito, nagpakita sa kanila ang isang anghel. Binago silang lahat ng karanasang ito magpakailanman.

Si Alma ay mahimalang nagbalik-loob at itinuro na ang “buong sangkatauhan, oo, kalalakihan at kababaihan, lahat ng bansa, lahi, wika at tao, ay kinakailangang isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae;

“At sa gayon sila naging mga bagong nilikha; at maliban kung kanilang gagawin ito, hindi nila mamamana sa anumang paraan ang kaharian ng Diyos.”27

Kapag nabinyagan tayo, masimbolo nating inililibing ang dating lalaki o babaeng makasalanan sa ating paglubog sa tubig at pagkatapos ay umaahon mula sa tubig tungo sa panibagong buhay bilang mga bagong nilalang. Itinuro ni Haring Benjamin na “dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae.”28

Ang mga tao ay maaari at madalas na tumanggap kaagad ng patotoo. Bukod pa riyan, maraming pagkakataon na narinig na ng mga tao at grupo ang ebanghelyo at nagkaroon ng “malaking pagbabago” sa kanilang puso sa maikling panahon, kaya sila ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti.”29 Ang malaking pagbabagong ito ay ang pagiging espirituwal na “anak.”

Gayunman, karaniwan, ang pagtatamo ng patotoo at pagdanas ng malaking pagbabago ay mga hakbang sa habambuhay na paglago at pagpapadalisay. Ang pagpapaunlad sa atin mismong pagkatao, sa nasa ng ating kaluluwa, ay unti-unting nagaganap.30 Si Jennie Butchart ay nagtrabaho sa kanyang hardin nang 25 taon para lumikha ng purong kagandahan kung saan dati’y may kaguluhan at kapangitan. Kailangan ng habambuhay at lampas pa rito para lubusang mapadalisay ang kalooban ng lalaki o babae.

Unti-unting pinupunan ng Tagapagligtas ang mga butas sa ating kaluluwa at pinagagaling ang mga sugat na idinulot natin sa ating sarili at ng ibang tao. Nagbibigay sa atin ang Panginoon nang “taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ip[inahi]hiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan.”31 Dinaragdagan Niya ang ating kaluluwa nang kabanalan sa kabanalan at binibigyan tayo ng biyaya sa biyaya32 habang sinisikap nating maging malinis at magkaroon ng mga katangiang katulad ni Cristo.

Mahalagang hindi makampante sa anumang pagbabago ng kalooban na nagawa na natin, o ni huwag tayong “mapagod sa paggawa ng mabuti.”33 Sa halip, palagi tayong magpatuloy sa pagsulong.

Hinikayat tayo ni Pedro na magpatuloy nang kabanalan sa kabanalan sa sunud-sunod na hakbang, na halos parang pinagpapatung-patong natin ang mga ito. Isinulat niya:

“Ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman;

“At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan;

“At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig.

“Sapagkat kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo.”34

Pagdating ng panahon, bibilis ang proseso ng paglago at pagpapadalisay: “Sapagkat ang katalinuhan ay kumukunyapit sa katalinuhan; karunungan ay tumatanggap ng karunungan; katotohanan ay yumayakap sa katotohanan; karangalan ay nagmamahal sa karangalan; liwanag ay kumukunyapit sa liwanag; awa ay may habag sa awa at inaangkin ang kanya; katarungan ay nagpapatuloy sa kanyang ginagalawan at inaangkin ang kanya.”35

Kaya nga marami tayong matututuhan sa pagtatrabaho ni Jennie Butchart nang 25 taon sa paglikha ng kanyang mga hardin. Makikita ninyo siya at ang mga katulong niyang nagtanim ng isang palumpong dito, isang sanga ng ivy roon, at isang puno sa kabila ng daan. Madaling wariin ang kanyang pagpaplano at pag-oorganisa, na tinitiyak na bawat bagong bulaklak at palumpong ay nasa tamang lugar. Ang proseso ng paglago sa mga katangian ni Cristo ang espirituwal na katumbas ng pagdaragdag ng mga puno, palumpong, at bulaklak nang paisa-isa sa hardin at pangangalaga rito pagkatapos hanggang sa lumago. Ang kagyat na epekto ng pagtatanim ng anumang kabanalan sa ating kaluluwa ay maaaring hindi nakakagulat, ngunit kung patuloy tayong magtatanim at mangangalaga nang may pananampalataya, unti-unti, sa paglipas ng panahon, ang hardin ng ating kaluluwa ay nag-iibayo sa ganda. Nagsisimulang sumagana ang ating buhay sa mabuting paraan.

Hihilingan ko kayo ngayon na pag-isipan ang tanong na ito: Ano ang itatanim ninyo ngayon upang pagandahin ang hardin ng inyong kaluluwa? Huwag mag-atubiling ibahagi ang inyong sagot sa social media sa #LDSdevo. Gusto naming makarinig mula sa inyo.

Nakuha ni Isaias sa iilang salita ang kabuluhan ng ibig sabihin ng mag-ugat sa Panginoong Jesucristo at gawing mabunga sa ating kaluluwa ang mga katangian ng Tagapagligtas. Isinulat niya: “At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat.”36

Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang huwaran ng bawat kabanalan. Siya ang tanging perpektong taong nabuhay sa mundo. Nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan. Sa Kanyang Pagbabayad-sala maaari tayong maging kababaihan at kalalakihan ni Cristo. Maaari tayong malinis, mabago, mapagaling, at mapadalisay. Ang ating kaluluwa ay maaaring maging maganda.

Nawa’y mas lubusan nating “masdan ang Tao.” Nawa’y buong pagsamba natin Siyang tularan. Nawa’y mas sabik natin Siyang sundin. Nawa’y ibaon natin nang mas malalim ang ating mga ugat sa lupa ng kaligtasan hanggang sa mapahinga tayo sa Kanya, “[ang] bato na ating Manunubos.”37 Nawa’y lalo nating tamasahin ang pagpapala ng masaganang buhay na iniaalok Niya at maging para tayong harding nadiligan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.