Mga Pandaigdigang Debosyonal
Pamumuhay nang may Layunin: Ang Kahalagahan ng “Tunay na Layunin”


66:31

Pamumuhay nang may Layunin: Ang Kahalagahan ng “Tunay na Layunin”

Isang Gabi na Kasama si Brother RandallL. Ridd Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Enero11, 2015 • Brigham Young University–Idaho

Kagila-gilalas na pagkakataon ang makasama kayo ngayong gabi. Karangalan naming mag-asawa ang maparito ngayong gabi. Nakakatuwa na alam ng telepono ko na may biyahe ako sa Rexburg sa araw na ito. Sinabi nito sa akin ang magiging lagay ng panahon at binigyan ako ng listahan ng mga hotel at restawran dito. Sinabi rin nito ang mga lugar na dapat puntahan sa Rexburg ngayong Sabado‘t Linggo.

Uy! Teka nga, naisip ko lang ngayon—hindi nito inilista ang mensahe ko bilang isa sa mga dapat puntahan. Palagay ko ito ang dahilan kaya tinawag itong smart phone!

Kahit hindi ito inirekomenda ng inyong smart phone, pinili ninyong mag-ukol ng oras sa akin ngayong gabi—oras na hindi na maibabalik. Kaya dama kong tungkulin kong sulitin ito. Ngunit alam ko rin na ang sasabihin ko ay hindi kasinghalaga ng itinuturo sa inyo ng Espiritu, at napakahalagang kumilos kayo ayon sa mga paramdam na ito.

Palagay ko kaisa ko kayo sa pag-iisip na kagila-gilalas na panahon ito para mabuhay. Tinawag ng mga sociologist ang henerasyon ko na Baby Boomers; bagama’t parang hindi na ito angkop sa ngayon; ang kasunod ay tinawag na Generation X; at ang tawag nila sa inyo ay Generation Y o ang Millennials. Dahil bantog ang inyong likas na kaalaman sa teknolohiya at sa paraan ng pagtanggap ninyo sa social media, kayo ay mas matalino at mas edukado kaysa sa naunang mga henerasyon. Dahil sa mga katangiang ito hindi lang kayo lubhang mahalaga sa lipunan ngayon kundi maging sa paggawa ng gawain ng Panginoon.

Mas marami kayong pagpipilian at mas maraming pagkakataon kaysa noon. Tulad ng maraming bagay sa buhay, ito ay kapwa pagpapala at sumpa. Ang napakaraming pagpipilian, at ang takot sa paggawa ng maling desisyon, ay madalas humantong sa “kawalan ng kakayahang magdesisyon,” na isa sa mga hamon ng inyong henerasyon. Mas mahirap magpokus ngayon kaysa noon! Pagdating sa teknolohiya, pagkabili ninyo sa isang bagay, malamang ay kaagad itong malaos pagkaalis ninyo sa tindahan. Napakaraming tao ang takot na gumawa ng anuman dahil iniisip nila na baka may mas maganda pang opsiyon. Kaya naghihintay sila—at sa huli ay wala silang napipili. Sa ganitong kalagayan sila ay madaling lituhin. Ang lunas diyan, mga kapatid, ang gusto kong banggitin sa gabing ito ay—mabuhay nang may layunin: ang kahalagahan ng tunay na layunin.

I. Layunin

Isipin sandali na sakay kayo ng isang lifeboat sa karagatan, na puno ng malalaking alon, sa abot ng inyong tanaw. Ang bangka ay may mga sagwan, ngunit saang direksyon kayo sasagwan? Ngayon kunwari may nasulyapan kayong lupa. Ngayon ay alam na ninyo ang tatahaking direksyon. Sa pagkakita sa lupa kayo ba ay nahikayat at nagkaroon ng layunin? Ang mga taong walang malinaw na layunin ay inaanod ng mga alon. Hinahayaan ng mga inaanod na tubig ng mundo ang magpasiya kung saan sila pupunta.

Leo Tolstoy

Ang buhay ng dakilang Rusong manunulat na si Leo Tolstoy, may-akda ng War and Peace, ay naglalarawan sa puntong ito. Mahirap ang kabataan ni Leo Tolstoy. Namatay ang mga magulang niya noong 13 anyos siya. Dahil tinuruan siya ng mga kuya niya na uminom, magsugal, at mambabae, hindi naging masigasig si Leo sa kanyang pag-aaral. Sa edad na 22, nadama niyang walang tunay na layunin ang kanyang buhay at sumulat sa kanyang journal, “Ang buhay ko’y tulad sa isang hayop.” Pagkaraan ng dalawang taon isinulat niya, “Ako ay 24 anyos na at wala pa rin akong nagawa.” Ang kawalang-kasiyahan ni Tolstoy ang humikayat sa kanya na simulan sa gitna ng pagsubok at pagkakamali, ang habambuhay na paghahanap sa layunin ng kanyang buhay—ang bakit. Bago siya namatay sa edad na 82, tinapos niya ang kanyang journal, “Ang buong kahulugan at kagalakan sa buhay,’ … ay nakasalalay sa paghahanap ng kaganapan at pag-unawa sa kalooban ng Diyos”1—at idaragdag ko, sa paggawa sa kalooban ng Diyos.

May nagsabi na ang dalawang pinakamahalagang araw sa iyong buhay ay ang araw nang ikaw ay isilang at ang araw na matuklasan mo kung bakit ka isinilang.2 Dahil nasa atin ang ebanghelyo, hindi natin kailangang gugulin ang buong buhay natin sa pagtuklas sa layunin nito. Sa halip, makapagpopokus tayo sa pagtupad sa layuning iyan.

Sa Mateo 5:48 mababasa natin, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.”

Palagay ko bawat isa ay may likas na hangaring magpakabuti pa. Ngunit dahil lahat tayo ay nagkakamali, marami sa atin ang kumbinsido na hindi matatamo ang kasakdalan. At magiging gayon nga kung hindi dahil sa Pagbabayad-sala. Dahil sa sakripisyo ng ating Tagapagligtas ay posibleng maging perpekto: “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Binigyan tayo ng ating Tagapagligtas ng pag-asa na humihikayat sa atin na maging katulad ng ating Ama sa Langit. Alam ninyo, gaya ng natuklasan ni Leo Tolstoy, may kagalakan sa paglalakbay tungo sa kasakdalan. Darating ang dakilang layunin sa buhay ninyo kapag hinangad ninyong sundin ang kalooban ng Panginoon.

Nagtanong si Elder Tad R. Callister: “Bakit kaya mahalagang magkaroon ng tamang pananaw ukol sa banal na tadhana ng kabanalan na malinaw na pinatototohanan ng mga banal na kasulatan at ng iba pang mga saksi? Dahil ang malawak na pananaw ay may dagdag na panghihikayat.”3

Misyon

Noong binata pa ako, muntik na akong magpasiya na huwag nang magmisyon. Matapos ang isang taon sa kolehiyo at isang taon sa army, nagkaroon ako ng magandang trabaho sa lokal na ospital bilang X-ray technician. Isang araw inanyayahan ako ni Dr. James Pingree, isa sa mga surgeon sa ospital, sa tanghalian. Sa pag-uusap namin, natuklasan ni Dr. Pingree na wala akong planong magmisyon, at nagtanong siya kung bakit ayaw ko? Sinabi ko sa kanya na medyo matanda na ako at baka huli na ang lahat. Agad niyang sinabi sa akin na hindi magandang dahilan iyon at na nagmisyon siya pagkatapos niyang mag-aral ng medisina. At nagpatotoo siya tungkol sa kahalagahan ng kanyang misyon.

Matindi ang epekto sa akin ng kanyang patotoo. Dahil dito noon lang ako taimtim na nanalangin—nang may tunay na layunin. Marami akong naiisip na dahilan para hindi magmisyon: Napakamahiyain ko—sobra, kaya naisip ko na ang pamamaalam sa sacrament meeting ay sapat na dahilan para hindi na ako magmisyon. Gustung-gusto ko noon ang trabaho ko. Posible akong magkaroon ng scholarship na hindi ko na makukuha pagkatapos ng misyon. Higit sa lahat, may kasintahan ako na naghintay sa akin habang nasa army ako—at hindi na niya mahihintay pa ang dalawang taon! Patuloy akong nagdasal para tumanggap ng patunay na makatwiran ang mga dahilan ko at tama ako.

Nakakalungkot na hindi ko agad natanggap ang oo o hindi na sagot gaya ng inasahan ko. At ito ang pumasok sa isip ko: “Ano ang gusto ng Panginoon na gawin ninyo?” Kinailangan kong aminin na gusto Niya akong magmisyon, at kailangan kong magdesisyon sa puntong ito ng buhay ko. Gagawin ko ba ang gusto ko o gagawin ko ang kalooban ng Panginoon? Ito ang tanong na makabubuting lagi nating itanong sa ating sarili. Napakagandang huwaran ito na dapat nating simulan nang maaga sa ating buhay. Kadalasan may ugali tayong “Pupunta ako kung saan ninyo gusto at gagawin ko ang nais ninyo, mahal na Panginoon—basta iyon din ang gusto kong puntahan at gusto kong gawin.”

Salamat na lang at pinili kong magmisyon at naglingkod ako sa Mexico North Mission. Para mabawasan ang pananabik ng ilan sa inyo—masasabi kong hindi ako hinintay ng kasintahan ko, pero siya pa rin ang pinakasalan ko! Isa siya sa mga pinakamalaking pagpapala sa buhay ko. Ang malaman ang layunin ng ating buhay ay pagiging katulad ng ating Ama sa Langit, nalaman ko na walang mas mainam na unibersidad kaysa sa pag-aasawa at pagkakaroon ng pamilya na magtuturo sa atin sa pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ayon sa nalalaman ko, gagawin ko ang lahat para makapasok sa unibersidad na iyon kung ako kayo. Puwede pa nga yatang mag-enroll ngayon.

II. Tunay na Layunin

Noong nagsisimula pa lang magsalita ang aming anak, sabik na sabik siyang matuto. Sa limitado niyang bokabularyo ang paborito niyang salita ay “Bakit?” Kapag sinabi kong, “Oras na para matulog,” sasabihin niyang “Bakit po?”

“Papasok na ako sa trabaho.”

“Bakit?”

“Magdasal na tayo.”

“Bakit?”

“Magsimba na tayo.”

“Bakit?”

Nakakatuwa talaga—sa unang 500 beses na sinabi niya ito. Pero kahit hindi na nakakatuwa at medyo nakakapagod na, nagpasalamat ako sa madalas na paalala na suriin ang bakit (nang literal) sa lahat ng ginawa ko.

Hindi ko tiyak kung may malaking kahalagahan ang letrang Y na tawag sa inyong henerasyon, ngunit sa palagay ko mahalagahang isipin ninyo na kayo ang “Bakit” na Henerasyon. Mahalaga, sa mundo ngayon, na sadyaing itanong kung bakit ginagawa ninyo ang ginagawa ninyo.

Ang ibig sabihin ng pamumuhay nang may tunay na layunin ay unawain ang “bakit” at alamin ang motibo ng ating mga kilos. Sabi ni Socrates, “Ang buhay na hindi sinuri ay hindi sulit.”4 Pag-isipang mabuti kung paano mo ginugugol ang iyong oras, at palaging itanong sa sarili mo, “Bakit?” Tutulungan kayo nitong makinita ang hinaharap. Mas makabubuting tumingin sa hinaharap at itanong sa sarili, “Bakit ko gagawin iyon?” kaysa lumingon at sabihing, “Bakit, ah, bakit ko ginawa iyon?” Kung ang tanging dahilan ay dahil ito ang gusto ng Diyos, sapat nang dahilan iyan.

Mga Bituin

Nalaman ko ang kahalagahan ng tunay na layunin noong seminary student pa ako. Sinabihan kami ng aming guro na basahin ang Aklat ni Mormon. Para masubaybayan ang progreso namin, gumawa siya ng tsart na may pangalan namin sa isang panig at pangalan ng mga aklat sa itaas. Tuwing makakabasa ka ng isang aklat, isang bituin ang inilalagay sa iyong pangalan. Noong una hindi ako masyadong nagbabasa, at hindi nagtagal nakita kong napag-iwanan na ako. Dahil sa kahihiyan at hilig ko ang makipagtagisan, sinimulan kong magbasa. Tuwing may bituin ako, maganda ng pakiramdam ko. At kapag mas marami ang bituin ko, mas gusto kong magbasa—sa pagitan ng mga klase, pagkatapos ng eskuwela, sa bawat libreng minuto.

Maganda nga sana kung masasabi ko sa inyo na ako ang nanguna sa klase—pero hindi. (Pero hindi naman ako kulelat.) Alam ba ninyo kung ano ang nakuha ko sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon? Alam ko ang iniisip ninyo “patotoo,” hindi ba? Pero hindi. Mga bituin ang nakuha ko. Mga bituin ang nakuha ko dahil iyon ang dahilan ng pagbabasa ko. Iyon ang tunay na layunin ko.

Malinaw na inilarawan ni Moroni kung paano malalaman kung totoo ang Aklat ni Mormon: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa pagbabalik-tanaw, alam ko na naging patas sa akin ang Panginoon. Bakit ko aasahang makita ang bagay na hindi ko naman hinahanap? Hindi ko talaga tinanong ang sarili ko kung bakit ko binabasa ang Aklat ni Mormon. Inaanod na ako, mali ang motibasyon ko, at natuklasan ko na lang na nasa akin ang tamang aklat sa maling dahilan. Ang tunay na layunin ay paggawa ng tamang bagay sa tamang dahilan.

Makalipas ang ilang taon, nang nahirapan akong magpasiya kung magmimisyon ako o hindi, saka ko lang binasa ang Aklat ni Mormon nang may tunay na layunin. Kung mag-uukol ako ng dalawang taon sa pagpapatotoo sa aklat, kailangan ko munang magkaroon ng patotoo.

Alam kong tinutupad ng Aklat ni Mormon ang banal na layunin nito na patotohanan ang buhay at misyon ni Jesucristo dahil binasa ko ito nang may tunay na layunin.

Ang Parabula ng Oranges

Gusto kong ikuwento ang isang bagong parabula na tatawagin kong “Ang Parabula ng Oranges.” Habang nakikinig kayo, isipin kung ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa bisa ng tunay na layunin.

May isang binata na may ambisyong magtrabaho sa isang kumpanya na malaking magpasuweldo at kilalang-kilala. Inihanda niya ang kanyang résumé at dumaan sa maraming interbyu. Sa huli, natanggap siya sa mababang posisyon. Pagkatapos ay inambisyon niyang ma-promote—maging supervisor kung saan mas makikilala siya at susuweldo nang mas malaki. Kaya tinapos niya ang lahat ng ipinagagawa sa kanya. Maaga siyang pumapasok at gabi nang umuuwi para makita ng amo na maraming oras siyang nagtatrabaho.

Makaraan ang limang taon naging bakante ang posisyon ng supervisor. Pero, nadismaya ang binata nang hindi siya ang na-promote kundi ang isa pang empleyado na anim na buwan pa lang sa kumpanya. Galit na galit ang binata at pinuntahan ang amo para hingan ng paliwanag.

Sabi ng matalinong amo, “Bago ko sagutin ang tanong mo, pwede ba akong makahingi ng pabor?”

“Opo, sige po,” sabi ng empleyado.

“Puwede mo ba akong ibili ng oranges sa tindahan? Kailangan lang ng asawa ko.”

Pumayag ang binata at pumunta sa tindahan. Pagbalik niya, itinanong ng amo, “Anong klaseng oranges ang binili mo?”

“Hindi ko po alam,” sagot ng binata. “Ang sabi ninyo lang bumili ng oranges, at oranges ito. Heto po.”

“Magkakano iyan?” tanong ng amo.

“Naku, hindi ko po sigurado,” ang sagot. “Binigyan ninyo ako ng $30. Heto po ang resibo at sukli ninyo.”

“Salamat,” sabi ng amo. “Ngayon maupo ka at magmasid na mabuti.”

At tinawag ng amo ang empleyadong na-promote at gayundin ang inutos dito. Kaagad siyang pumayag at pumunta sa tindahan.

Pagbalik niya, itinanong ng amo, “Anong klaseng oranges ang binili mo?”

“Ganito po kasi,” sagot niya, “iba’t ibang klase ang nasa tindahan—may navel oranges, Valencia oranges, blood oranges, tangerines, at marami pang iba, at hindi ko alam kung alin ang bibilhin. Pero naalala ko na kailangan ng asawa ninyo ang oranges, kaya tinawagan ko siya. Sinabi niya na magpapa-party siya at gagawa siya ng orange juice. Kaya tinanong ko sa tindero kung alin sa oranges ang pinakamasarap gawing orange juice. Sabi niya na Valencia oranges ang pinakamakatas at pinakamatamis, kaya iyon ang binili ko. Idinaan ko na po sa bahay ninyo nang pabalik na ako sa opisina. Tuwang-tuwa po ang asawa ninyo.”

“Magkakano iyon?” tanong ng amo.

“Iyon pa po ang isang problema. Hindi ko alam kung ilan ang bibilhin, kaya tinawagan ko ulit ang asawa ninyo at tinanong kung ilang bisita ang inaasahan niyang darating. Sabi niya 20. Kaya tinanong ko ang tindero kung ilang oranges ang kailangan para sa 20 tao, at ang dami pala. Kaya humingi ako ng discount sa tindero dahil marami ang bibilhin ko, at pumayag siya! Ang karaniwang presyo po nito ay 75 sentimos ang isa, pero 50 sentimos lang ang siningil sa akin. Heto po ang sukli ninyo at ang resibo.”

Ngumiti ang amo at sinabing, “Salamat, maaari ka nang umalis.”

Tiningnan niya ang binata na kanina pa nagmamasid. Tumayo ang binata, lupaypay ang mga balikat at sinabing, “Alam ko na ang ibig ninyong sabihin,” at walang siglang lumakad palabas ng opisina.

Ano ang pagkakaiba ng dalawang binatang ito? Pareho silang inutusang bumili ng oranges, at ginawa nila iyon, ‘di ba? Maaaring sabihin ninyo na ginawa ng isa ang lampas sa inaasahan, o mas maparaan, o mas nagtuon ng pansin sa detalye. Pero ang pinakamahalagang ipinagkaiba nila ay ang tunay na layunin, at hindi basta sumunod lang sa utos. Ang motibasyon ng unang binata ay pera, posisyon, at papuri. Ang layunin ng pangalawang binata ay mapasaya ang amo niya at maging pinakamahusay na empleyado sa abot-kaya niya—at kitang-kita ang naging bunga nito.

Paano ninyo maisasabuhay ang parabulang ito? Paano maiiba ang mga ginagawa ninyo sa pamilya, paaralan, trabaho, at sa Simbahan, kung lagi ninyong hangad na pasayahin ang Diyos at gawin ang nais Niya?

III. Mga Aplikasyon o Pagsasabuhay

Iwasang Magambala—ang Kahalagahan ng Pokus

Ilang beses na kayong naupo sa harap ng computer para gumawa ng homework o magtrabaho, nang bigla na lang lumitaw ang advertisement ng sapatos na katulad ng hinahanap ninyo kailan lang? At, habang may tinitingnan ka sa mga online store, napansin mong may mga kaibigan ka na naka-online, kaya nakipag-chat ka na sa kanila. At, nakita mong nag-post sa Facebook ang kaibigan mo, at kailangang makita mo kung ano iyon. Bago mo pa namalayan, ang dami na palang nawalang mahalagang oras sa iyo at nalimutan mo na kung bakit nasa harap ka ng computer. Madalas tayong nagagambala sa halip na may nagagawa. Kapag nagagambala tayo nawawalan tayo ng panahon na gumawa ng mabuti. Ang pagpokus ay tutulong sa atin para huwag magambala.

Alam kong gustung-gusto ninyo ng mga test. Kaya, ngayong gabi aalamin ko kung kaya ninyong magpokus. May makikita kayo na dalawang team: isang nakaputi at isang nakaitim. Magpapasa sila ng bola, at gusto kong bilangin ninyo ang naipapasa ng team na nakaputi.

[Ipinalabas ang awareness test video.]

Ilang pagpasa ang nabilang ninyo?

Itaas ang inyong kamay kung 19 ang nabilang ninyo. Ilan ang 20 ang nabilang? Ilan ang 21 ang nabilang? Ilan ang 22 ang nabilang?

Ang tamang sagot ay 21.

Lahat ng 21 ang nabilang, itaas ang kamay. Manatiling nakataas ang kamay kung nakakita kayo ng matandang babae na naglalakad, pagkatapos ay nag-moonwalk pa. Ngayon manatiling nakataas ang kamay kung nakita ninyong pinalitan ng ninja warrior ang isa sa mga manlalarong nakaitim. Nakita ba ninyo ang pagsusumbrero ng mga manlalarong nakaitim?

Tingnan ninyo ulit, at pansinin ang bagay na hindi ninyo nakita kanina.

[Ipinalabas muli ang awareness test video.]

Ise-share namin sa inyo ang video na ito sa social media.

Ang pokus natin sa buhay ay napakahalaga. Sa test na ito, karaniwang ang nakikita natin ay ang hinahanap natin. O, tulad ng sabi sa mga banal na kasulatan, “Magsihanap kayo, at kayo’y mangakakasumpong” (Lucas 11:9).

Kung nakapokus tayo sa mga bagay ng mundo mapapalampas natin ang espirituwal na mundong nakapaligid sa atin. Maaaring hindi natin madama ang espirituwal na paramdam na gustung-gustong ibigay sa atin ng Espiritu Santo para gabayan ang buhay natin at pagpalain ang iba. Sa kabaligtaran, kung magpopokus tayo sa mga bagay ng Espiritu at sa bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13), mas malamang na hindi tayo mailigaw ng mga tukso at panlilito ng mundo. Ang pinakamainam na paraan para maiwasang magambala ay ang magpokus sa ating layunin at sabik na gumawa ng mabuti. Mag-ingat sa pokus ninyo—huwag mag-aksaya ng panahon sa pag-akyat sa bundok na hindi pala ninyo dapat akyatin.

Ang Kapangyarihan ng Maliliit na Bagay

Tatlumpu’t limang taon mula nang ibahin ko ang pokus ko at magpasiyang magmisyon, hinikayat ako ng anak ko na bisitahin namin ang Mexico at baka sakaling makita ko ang ilan sa mga naturuan ko. Dumalo kami sa sacrament meeting sa maliit na bayang pinagsimulan ko ng mission ko, iniisip na baka may kakilala ako. Pagkatapos ng miting, tinanong namin ang bishop kung may kakilala siya sa listahan ng mga taong tinuruan at bininyagan namin. Wala ni isa. Ipinaliwanag niya na limang taon pa lang siyang miyembro. Iminungkahi niyang kausapin namin ang isa pang lalaki na 27 taon nang miyembro—maliit lang ang tyansa, pero maganda pa ring subukan. Inisa-isa namin ang listahan pero wala pa ring nangyari hanggang sa umabot kami sa huling pangalan: Leonor Lopez de Enriquez.

“Kilala ko iyan,” sabi niya. “Nasa ibang ward ang pamilyang iyan, pero dito sila sa gusaling ito nagsisimba. Susunod na ang sacrament meeting nila; paparating na sila.”

Mga 10 minuto pa lang kaming naghihintay nang dumating si Leonor papasok sa gusali. Kahit nasa mga 70 anyos na siya, nakilala ko siya kaagad, at nakilala niya ako. Lumuluhang nagyakapan kami.

Sabi niya, “35 taon na naming idinadalangin na bumalik ka para mapasalamatan ka namin sa paghahatid ng ebanghelyo sa aming pamilya.”

Sa pagpasok sa gusali ng iba pang mga miyembro ng pamilya, nagyakapan kami habang lumuluha. Sa sulok ng mata ko, nakikita kong nakatayo ang anak ko kasama ang dalawang full-time missionary na nagpapahid ng luha gamit ang mga kurbata nila.

Sa pagdalo namin ng sacrament meeting, nakakatuwang malaman na ang bishop ay isa sa mga anak ni Leonor, ang piyanista at ang tagakumpas ay mga apo, maraming kabataan sa Aaronic Priesthood ang mga apo rin. Isa sa mga anak na babae ang ikinasal sa counselor sa stake presidency. Isa pang anak na babae ang asawa ng bishop ng kalapit na ward. Karamihan sa mga anak ni Leonor ay nagmisyon, at ngayon mga apong lalaki naman ang naglilingkod.

Nalaman namin na mas mahusay na missionary si Leonor kaysa sa amin. Ngayon, pinasasalamatan ng mga anak niya ang walang sawang pagtuturo niya sa kanila ng ebanghelyo: ang kahalagahan ng ikapu at mga templo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagdarasal, at pagtitiwala rito. Itinuro niya sa kanila na maraming maliliit na desisyon ang magbubunga nang sagana, mabuti, at masayang buhay, at itinuro din nila ito sa iba. Sa kabuuan mahigit 500 ang sumapi sa Simbahan dahil sa isang kahanga-hangang pamilyang ito. Isa iyan sa maraming dahilan kung bakit nais ng Panginoon na magmisyon ako. Itinuro nito sa akin ang walang-hanggang ibubunga ng hangaring sundin ang kalooban ng Panginoon.

Nagsimula ang lahat ng ito sa simpleng pag-uusap sa tanghalian. Madalas kong naiisip na kung mas nakatuon si Dr. Pingree sa kanyang propesyon o iba pang libangan, baka hindi niya itinanong kahit kailan kung bakit wala ako sa misyon. Ngunit nakatuon siya sa iba at sa pagpapaunlad ng gawain ng Panginoon. Nagpunla siya ng binhi na umusbong at nagbunga at patuloy na dumami o nagsanga nang kabi-kabila. Ang mabubuting kaisipan ay nagbubunga ng mabubuting gawa; ang mabubuting gawa ay nagbubunga ng mabubuti ring gawa at magpapatuloy sa walang-hanggan.

Sinasabi sa Marcos 4:20, “At yaon ang nangahasik sa mabuting lupa; na nangakikinig ng salita, at tinatanggap ito, at namumunga ng tigtatatlongpu, at tigaanim na pu, at tigiisang daan.”

Ang ideya na ang maliliit at simple ngunit matapat na gawa ay may magandang ibubunga ay makikita sa mga banal na kasulatan. Itinuro ni Alma sa anak niyang si Helaman:

“Sa … maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay. …

“… Sa pamamagitan ng napakaliit na pamamaraan ay nililito ng Panginoon ang marurunong at isinasakatuparan ang kaligtasan ng maraming tao” (Alma 37:6–7).

Dapat ang isa sa mga unang aral sa buhay ay na may malaking epekto ang maliliit na bagay na ginagawa natin araw-araw. Ang maliliit at simpleng bagay ay kumikilos sa buhay ninyo ngayon—maaaring nasa panig ninyo o laban sa inyo. Tulad ng Panginoon na gumagamit ng gayong bagay upang palakasin kayo, ginagamit din ito ni Satanas upang unti-unti kayong ilihis, nang halos di ninyo mapapansin, palayo sa tamang landas.

Kapag nakakita tayo ng mabuting pamilya o taong mayaman o kaya’y isang taong napakaespirituwal, hindi natin nakikita ang maliliit at simpleng ginawa nila kaya sila nagtagumpay. Pinapanood natin ang mga atleta sa Olympics, ngunit hindi natin nakikita ang araw-araw na pagsasanay nila para maging kampeon. Bumibili tayo ng sariwang prutas, ngunit hindi natin nakikita ang pagtatanim sa binhi at ang maingat na pag-aalaga at pag-aani. Tinitingnan natin si Pangulong Monson at ang iba pang mga General Authority, at nadarama natin ang espirituwal na lakas at kabutihan nila, ngunit hindi natin nakikita ang simpleng paulit-ulit na pagsunod nila. Ang mga bagay na ito ay madaling gawin, ngunit madali ring hindi ito gawin—lalo pa’t hindi kaagad nakikita ang resulta.

Nabubuhay tayo sa mundong laging nagmamadali. Gusto nating umani kaagad pagkatapos magtanim. Sanay din tayong may resulta kaagad—tuwing naghihintay tayo nang ilang segundo sa pagsagot ng Google sa bawat tanong natin, nababagot tayo—ngunit nalilimutan natin na ang mga sagot na ito ay bunga ng maraming pagsisikap at sakripisyo.

Si Alma ay nagbigay ng payo kay Helaman na angkop sa atin ngayon. Sa pagtukoy sa Liahona at “marami pa ring ibang himala” na gumabay sa pamilya ni Lehi “sa araw-araw,” sinabi niya:

“Dahil sa mga yaong himalang nagawa sa maliit na pamamaraan, nagpakita ito sa kanila ng mga nakapanggigilalas na gawain. Sila ay naging mga tamad, at nakalimot na pairalin ang kanilang pananampalataya at pagiging masigasig at sa gayon tumigil yaong nakapanggigilalas na gawain, at hindi sila sumulong sa kanilang paglalakbay. …

“ O anak ko, huwag tayong maging mga tamad dahil sa kadalian ng daan; sapagkat gayon din ito sa ating mga ama; sapagkat sa gayon ito inihanda para sa kanila, na kung sila ay titingin ay mabubuhay sila; gayon din ito sa atin. Ang daan ay inihanda, at kung tayo ay titingin maaari tayong mabuhay magpakailanman.

“At ngayon, anak ko, tiyaking pangangalagaan mo ang mga banal na bagay na ito, oo, tiyaking aasa ka sa Diyos at mabubuhay” (Alma 37:40–41, 46–47).

Tatlong Maliliit at Simpleng Bagay

Gusto kong bigyang-diin ang tatlong maliliit at simpleng paraan na “aasa [tayo] sa Diyos” na tutulong sa atin na manatiling nakatuon sa ating walang hanggang layunin. Wala kayong dapat ikagulat dito—lagi na ninyong naririnig ito. Ngunit pinatototohanan ko na ang paggawa sa tatlong bagay na ito nang patuloy at nang may tunay na layunin ay hindi lang gagawa ng kaibhan, kundi ng lahat ng kaibhan. Kung nauunawaan ninyo—talagang nauunawaan ninyo—ang dahilan ng simpleng pagsunod na ito, nang walang pagdududa, uunahin ninyo ito sa buhay ninyo.

Una, sa pagtanggap natin ng sakramento, madalas na ginagawa lang natin ito dahil nakasanayan na. Habang pinapanood ninyo ang video na ito, pansinin ang atensyong ibinigay sa pag-alaala, at isipin kung bakit napakahalaga nito.

Elder Jeffrey R. Holland: “Nang patapos na ang huli at espesyal na pagkain para sa Paskua, dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan at pinagpala at pinagputol-putol, at ibinigay ito sa Kanyang mga Apostol, sinasabing:”

Jesucristo: “Ito’y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagalaala sa akin. Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo, na mabubuhos para sa inyo, gawin ninyo ito sa pagalaala sa akin.”

Elder Holland: “Simula noong karanasang iyon sa silid sa itaas bago tinahak ang Getsemani at Golgota, nakipagtipan na ang mga anak sa pangako na aalalahanin ang sakripisyo ni Cristo dito sa mas bago, mas mataas, mas banal at personal na paraan. Sa maliit na tasa ng tubig inaalala natin ang nabuhos na dugo ni Cristo at ang kanyang matinding espirituwal na paghihirap.

“Sa isang tinapay, na pinipira-piraso, binabasbasan, at iniaalay, inaalala natin ang Kanyang bugbog na katawan at bagbag na puso.

“Sa simple at magandang pananalita ng mga panalangin ng sakramento na alay ng mga batang priest, ang pangunahing salita na naririnig natin ay tila alalahanin.

“Kung pag-alaala ang pangunahin nating dapat gawin, ano kaya ang maaalaala natin kapag iniaabot sa atin ang simple at mahahalagang simbolong iyon?”

Jesucristo: “At ito [ang gagawin ninyo at ito] ay magiging patotoo sa Ama na lagi ninyo akong naaalaala. At kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo.”

Teksto sa screen: Paano ninyo Siya “palaging aalalahanin?5

Sa lagi nating pag-alaala sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga utos, isipin ang iba’t ibang epekto ng nasa atin tuwina ang Kanyang Espiritu sa bawat aspeto ng buhay natin. Isipin kung paano nito maiimpluwensiyahan ang mga desisyon natin sa araw-araw at ang pagkabatid natin sa pangangailangan ng iba.

Maraming paraan na matutupad natin ang ating pangako na alalahanin ang Tagapagligtas bawat araw. Paano ninyo Siya palaging aalahanin?

Sasabihin ng marami, “Magdasal, at pag-aralan ang mga banal na kasulatan.” At tama kayo, kung, at iyan ay malaking kung, gagawin ito nang may tunay na layunin.

Ang pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay ang susunod na dalawang maliliit at simpleng bagay na gusto kong bigyang-diin.

Nilinaw ng Panginoon na walang bisa ang ating mga panalangin kung sinasabi natin ito dahil nakagawian lang: “Ibinibilang na masama sa isang tao, kung siya ay mananalangin at walang tunay na layunin sa puso; oo, at ito ay walang kapakinabangan sa kanya, sapagkat ang Diyos ay walang tinatanggap na gayon (Moroni 7:9).

Ang tunay na layunin ng panalangin ay makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit, na may layuning sundin ang anumang ipinapayo Niya: “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos; at kung gagawin mo ang mga bagay na ito, ikaw ay dadakilain sa huling araw” (Alma 37:37).

Ang panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan ay likas na magkasama. Kapag nag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng ating mga propeta ngayon mas malamang na makatanggap tayo ng personal na paghahayag. Ang mga halimbawa at babala na makikita sa mga banal na kasulatan ay nagtuturo ng dapat nating naisin. Sa ganyang paraan natin nalalaman ang isipan at kalooban ng Panginoon.

Ang mga propeta noon at ngayon ay humiling na gawin natin ang maliliit at simpleng bagay gaya ng pagdarasal at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Kung gayon bakit hindi lahat gumagawa nito? Siguro ang isang dahilan ay hindi natin nakikita kaagad ang masamang epekto kung hindi natin ito nagawa nang isa o dalawang araw—tulad din ng ngipin na hindi nabubulok at nabubungi sa unang beses na hindi kayo nagsepilyo. Karamihan sa mga epekto, maganda o hindi, ay darating, kalaunan. Ngunit siguradong darating ito.

Maraming taon na ang nakalipas nagtanim ako sa bakuran ko ng dalawang puno na pareho ng klase at taas. Itinanim ko ang isa sa lugar na hindi gaanong naaarawan, at ang isa naman sa sapat na maaarawan. Nang sumunod na taon wala akong nakitang pagkakaiba sa paglaki ng dalawang puno hanggang sa umalis kami ng asawa ko para magmisyon nang tatlong taon. Pagbalik namin, nagulat ako sa malaking pagkakaiba! Ang dagdag na sikat ng araw sa bawat araw ay nakaapekto nang malaki—sa paglipas ng panahon—sa paglaki ng mga puno. Ganyan din ang nangyayari sa buhay natin kung lalapit tayo sa bawat araw sa pinagmumulan ng lahat ng liwanag. Maaaring wala tayong mapansin agad na pagbabago, ngunit may pagbabagong nagaganap sa kalooban ninyo, at malinaw na makikita ang epekto niyan kalaunan.

Ang simpleng ideya ng epekto ng araw-araw na pagsunod, nang may tunay na layunin, ay gagawa ng malaking kaibhan sa lahat ng aspeto ng buhay ninyo. Maaaring ito ay paghihirap na makaraos sa simpleng buhay o pagtatagumpay at pag-abot sa inyong ganap na potensyal.

Madalas kong iniisip ang mga nangyari sa buhay ko at nagtataka ako kung bakit napakahirap sa akin noon na magpasiyang magmisyon. Mahirap iyon dahil nagambala ako—hindi pangwalang-hanggan ang layunin ko. Ang mga hangarin at kagustuhan ko ay hindi nakaayon sa kalooban ng Panginoon; dahil kung nakaayon ito, mas madali sana akong nakapagdesisyon. At bakit hindi ito nakaayon? Nagsisimba ako, at tumatanggap ng sakramento tuwing Linggo—ngunit hindi ako nakapokus sa kahulugan nito. Nagdarasal ako, para masabi lang na nakapagdasal ako. Binabasa ko ang banal na kasulatan, pero paminsan-minsan lang at walang tunay na layunin.

Sa pakikinig ninyo ngayon, sana nadama ninyo, sa pamamagitan ng pagbulong ng Espiritu, ang dapat ninyong gawin para magkaroon ng pokus sa buhay. Hinihikayat ko kayong sundin ang mga paramdam na iyon. Huwag mawalan ng pag-asa dahil sa nagawa ninyo o hindi nagawa. Hayaan ninyong linisin ng Tagapagligtas ang inyong puso. Alalahanin ang sinabi ng Panginoon: “Kasindalas na sila ay magsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatatawad” (Moroni 6:8; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Simulan ngayon. Mamuhay nang may layunin. Gamitin ang bisa ng araw-araw na pagpapabuti ng mahahalagang aspeto ng buhay ninyo. Ipinapangako ko na isang taon mula ngayon ikakatuwa ninyo na nagsimula kayo ngayon o manghihinayang na di ninyo ito ginawa.

Gusto kong pag-isipan ninyo ang tatlong tanong na ito. Inaanyayahan ko kayong ibahagi ang inyong mga sagot sa social media, gamit ang #ldsdevo.

Una: Magagawa ba ninyo ito? Magagawa ba ninyo ang tatlong maliliit at simpleng bagay na ito? Sisikapin ba ninyong tuparin ang inyong tipan na “lagi siyang alalahanin” (D at T 20:77, 79)? Mag-uukol ba kayo ng oras na magdasal nang taimtim at pag-aralan ang banal na kasulatan araw-araw?

Pangalawa: May epekto ba ito? Naniniwala ba kayo sa pangako ng Panginoon? Naniniwala ba kayo na ang epekto ng palaging nasa inyo ang Espiritu ay makakaimpluwensya nang malaki sa lahat ng aspeto ng buhay ninyo?

Panghuli: Sulit ba ito?

Nagpapatotoo ako na sulit ito at ito ang gumagawa ng kaibhan. Kapag ginawa ninyo ang mga ito, matutuklasan ninyo na ang pinakamahalagang “layunin” sa lahat ng ginagawa ninyo ay mahalin ang Panginoon at kilalanin ang Kanyang dakilang pagmamahal sa inyo. Nawa magkaroon kayo ng malaking kagalakan sa paghahangad ninyo ng kaganapan at pag-unawa at paggawa sa Kanyang kalooban. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Leo Tolstoy, sa Peter T. White, “The World of Tolstoy,” National Geographic, Hunyo 1986, 767, 790.

  2. Pagkilala kay Mark Twain.

  3. Tad R. Callister, “Our Identity and Our Destiny” (Brigham Young University Campus Education Week devotional, Ago. 14, 2012), 9; speeches.byu.edu.

  4. “Apology,” The Dialogues of Plato, trans. Benjamin Jowett, 38a.

  5. Hango sa video na “Lagi Siyang Alalahanin”; lds.org/media-library; tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “This Do in Remembrance of Me,” Ensign, Nob. 1995, 67–68.