Mga Pamaskong Debosyonal
Ang Sakdal na Kaloob


9:51

Ang Sakdal na Kaloob

Isang taon, mga tatlong araw bago sumapit ang Pasko, natuklasan ng asawa kong si Rob ang dalawang ate niya sa kanilang kuwarto na lihim na binubuksan ang dalawa sa kanilang mga regalo sa Pasko. Pagkatapos, matapos nilang silipin ang loob, muling binalot ng mga ate niya ang kanilang mga regalo. Sabi ng mga ate ni Rob sa kanya, “Kung hindi mo sasabihin kay Inay, ipapakita namin sa iyo kung paano ito gawin.”

Sa huli bumigay siya sa tukso, lalo na dahil may isang kahon na kasinglaki ng basketball sa ilalim ng Christmas tree na nakapangalan sa kanya.

Gayunman, parang magaan ang regalo nang lihim niya itong dalhin sa kuwarto niya. Maingat niya itong binuksan at nakitang wala iyong laman, maliban sa isang munting sulat. Sabi sa sulat, “Alam ko ang ginagawa mo. Huwag mong sirain ang Pasko mo. Nagmamahal, Inay.” Natuto siya ng aral, at doon nagtapos ang batang mahilig sumilip sa regalo sa Pasko.

Isipin ang inyong mga alaala, magagandang tanawin, mala-anghel na mga tugtugin, at di-malilimutang amoy na pumapasok sa isipan kapag naiisip ninyo ang Pasko. Ang mas magiliw pa ay ang mga alaalang nasa puso ng marami sa atin mula sa pagkabata tungkol sa kabanalan ng Pasko—ang pagdiriwang ng pagsilang ng ating Tagapagligtas. Hindi nawawala sa atin ang sagradong damdaming iyon.

Sina Maria at Jose kasama ang sanggol na si Jesus

Nadarama natin ito sa tuwing pinagninilayan natin ang munting sabsaban sa Betlehem kung saan maraming propesiya, sa nakalipas na mga siglo, ang nagkatotoong lahat sa ilalim ng mabituing kalangitan—nang ang ating Tagapagligtas at Manunubos ay dumating sa mundo bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon.

Madalas nating marinig na ang Pasko ay para sa mga bata, ngunit hindi ba lahat naman tayo ay may puso ng isang bata? Isang araw abala ang isang ina at kanyang nuwebe-anyos na anak na babae sa pamimili ng mga Pamasko. Nang mapadaan sila sa isang department store jewelry section, napansin ng bata ang napakalaking banner na nakasabit sa ibabaw ng display case. Sa malalaking pulang titik, sabi sa banner, “Ang Regalong Hindi Tumitigil sa Pagbibigay.”

Binasa ng bata ang nakasulat, pinag-isipan ito sandali, at pagkatapos ay ngumiti. Nagmamalaking sinabi niya sa kanyang ina, “Inay, alam ko po kung anong regalo ang hindi tumitigil sa pagbibigay.”

“Oh, ano?” tanong ng kanyang ina habang mabilis na nakikiraan sa mga tao.

Walang-malay na sinabi ng bata, “Si Jesus po!”

Maling isinagot ng kanyang ina, “Hindi, Mahal. Mga diamante.

Ipinaalala sa atin ni Isaias, “At papatnubayan sila ng munting bata.”1

Gamit ang isang internet search engine, nakakita ako ng libu-libong item na nakaanunsyo na nagsasabing “Ang regalong hindi tumitigil sa pagbibigay.” Subalit sikapin man natin, walang materyal na regalong ibinibigay natin ang magtatagal magpakailanman.

Sa kabilang banda, ibabahagi ko sa inyo ang isa sa aking pinakamagiliw na alaala ng Pasko tungkol sa dalawang tao na pinaniniwalaan kong hindi tumigil sa pagbibigay. Sila ang mga magulang kong sina Aldo at Eleanor Harmon.

ang pamilya Harmon

Maniyebeng taglamig sa munting bayan namin noong taong iyon, ngunit hindi iyon nakapigil sa tatay ko para lumabas kaming pamilya at maghanap ng perpektong Christmas tree. Nang maiuwi at maitayo na namin ang puno, magiliw naming nilagyan ng patay-sinding mga ilaw, mga dekorasyong anghel, at palamuti ang mga sanga nito. Talagang handa na ang hamak naming tahanan para sa Pasko.

Dumating sa koreo ang katalogo ng mga laruan, at tuwang-tuwang binuklat naming magkakapatid ang mga pahina nito na umaasam ng magagandang regalong Pamasko. Napuno ng mabangong amoy ng gingerbread at fruitcake ang bahay namin, at dahan-dahang lumipas ang Disyembre sa kalendaryo. Nag-iwan kami ng mga sorpresa sa may pintuan ng mga kapitbahay at sinikap naming paglingkuran ang mga pamilyang nangangailangan ng kaunting pampasigla sa Pasko.

Gabi-gabi, pagkahiga ko sa kama, napakaraming oras ang ginugol ng nanay ko na mag-isa sa kanyang kuwarto. Ang naririnig ko lang ay ang ingay ng kanyang makinang panahi. Napakarami na niyang tinahing damit namin kaya hindi ko na ito gaanong inisip.

Ngunit habang papalapit ang Pasko, pagod na pagod na si Inay. Nagkasakit siya noong bisperas ng Pasko. Nang sabihan ng doktor ang tatay ko na kailangan niyang manatili sa higaan nang di-kukulangin sa isang linggo, nag-alala ako—at lungkot na lungkot din. Paano matutuloy ang Pasko kung wala si Inay? Paano pa namin mararamdaman ang Pasko? At bukod pa rito, sino ang magluluto ng Noche Buena?

Habang mapagmahal na inalagaan ni Itay si Inay, natanto niya na siya ang magluluto ng Noche Buena. Muli akong nag-alala! Bagama’t napakatalino at napakahusay na tao, hindi siya marunong magluto.

Bisperas ng Pasko, nakaluhod ako at nagdarasal na maghimala sana at gumaling ang nanay ko at maging tulad ng dati ang umaga ng Pasko—na nakatipon ang aming pamilya sa paligid ng Christmas tree. Nalungkot kami noong umaga ng Pasko nang makita namin na malubha pa rin ang sakit ng mahal naming ina. Nang buksan namin ang aming mga regalo, nagulat akong makita na ang aking espesyal na regalo ay sari-saring damit ng manika na matagal na tinahi ng nanay ko para sa akin noong maraming hating-gabing iyon ng Disyembre. Hindi ako makapaghintay na puntahan siya at yakapin. Nagsakripisyo siya nang malaki para sa akin.

Ginawa ng mahal kong Itay ang lahat para maging normal ang pakiramdam ng Araw ng Pasko noong taong iyon, normal hangga’t maaari kahit wala si Inay. At nagtagumpay siya. Pagkatapos ng aming simpleng hapunan, nakatulog ang mabait kong tatay sa silya sa tabi ng fireplace habang naglalaro kaming magkakapatid at sinusuotan ko ng bagong damit ang aking manika. Gumaling ang pinakamamahal kong nanay matapos makapagpahinga, at naging maayos ang lahat. Ngunit sa buhay ko, para sa akin ang mga magulang ko ay isang regalong hindi tumigil sa pagbibigay.

Isipin natin ang pariralang iyan sandali. Hindi ba maituturing na perpektong regalo ang regalong hindi tumitigil sa pagbibigay? Una, ang perpektong regalo ay maghahayag ng isang bagay tungkol sa nagbigay ng regalo. Pangalawa, mababanaag dito ang mga pangangailangan ng taong tumanggap ng regalo. At sa huli, ang regalo, kung iyon talaga ang perpektong regalo, ay mananatiling mahalaga hindi lamang habambuhay kundi magpakailanman.

Hindi ba tumutugon ang pinakamamahal nating Tagapagligtas, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan, sa tatlong katangiang ito? Hindi ba may inihahayag ang regalong pagsilang, ministeryo, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo tungkol sa Nagbigay ng regalo? Siyempre naman. “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.”2 Isinakripisyo ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Anak dahil sa dalisay na pagmamahal Niya sa atin, na Kanyang mga anak.

Ang regalo bang si Jesucristo ay nagpapakita na alam na alam ng ating Ama sa Langit kung ano ang kailangan natin? Muli, isang matunog na oo! Tayo ay likas na nahulog, at kailangang-kailangan natin ang isang Tagapagligtas at Manunubos. Tulad ng itinuro ni Nephi, si Jesucristo ay “hindi … gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan.”3

At ang huling katangian ng perpektong regalo? Kailangang manatili itong mahalaga magpakailanman. Malinaw na itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang katapusan at walang-hanggan.4

Naaalala ba ninyo ang jewelry department banner? Likas na alam ng batang iyon kung ano ang totoong regalo. Sa madilim na mundong ito, hindi natin pansin ang mga hiyas sa Ilaw ng Sanlibutan. Itinuro mismo ng Tagapagligtas:

Jesucristo

“Samakatwid, itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas.”5

“Ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman.”6

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang perpektong regalo—ang regalong hindi tumitigil sa pagbibigay. Nawa’y panatilihin nating lahat ang katotohanang iyan sa ating puso sa Paskong ito at magpakailanman. Siya ay buhay. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.