Isang Makabagong Hukbo ng mga Anghel
Magandang gabi, mahal kong mga kapatid. Mapalad ako na magkaroon ng pagkakataong makapagsalita sa inyo ngayong gabi habang ipinagdiriwang natin ang pinakadakilang kaganapan sa kasaysayan ng tao—ang pagdating ng Anak ng Diyos sa mundo. Ang pagsilang, buhay, at Pagbabayad-sala ni Cristo ay regalo ng ating Ama sa Langit sa ating lahat.
Habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng Tagapagligtas sa masayang panahong ito, tila mas laganap sa ating kaluluwa ang patuloy at walang-hanggang pagmamahal ng Diyos, tinutulungan tayong ibaling ang ating puso sa ating pamilya, mga kaibigan, at kapwa, at tinutulungan tayong maging mas sensitibo sa mga taong nag-iisa, nalulungkot, o nangangailangan ng kapanatagan at kapayapaan.
Noon ko pa naiisip na, sa pagkukuwento tungkol sa pagsilang ni Jesus, nagbahagi ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas ng ilang halimbawa ng kapanatagan at kapayapaang ibinibigay sa mga taong nasa ganitong sitwasyon. Ang gayong halimbawa ay makikita nang isinugo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang mga anghel upang bisitahin sa gabi ang mga pastol na nakahiwalay sa lipunan para maipabatid ang pagsilang ng Kanyang Anak, at noong bisitahin ng mga pastol sina Maria at Jose, na nag-aalaga sa bagong silang na sanggol malayo sa kanilang tahanan sa Galilea.
Ang mahabang paglalakbay nina Jose at Maria mula sa Nazaret hanggang sa Betlehem upang magparehistro para sa buwis ay hindi nagkataon lamang, dahil sa loob ng maraming siglo, ipinropesiya ng mga propeta noon na ang Tagapagligtas ng mundo ay isisilang sa Bet-lehem, ang Lungsod ni David.1 Nakikita natin na may kamalayan at pakialam ang ating Ama sa Langit sa bawat detalye ng pagsilang ng Kanyang Bugtong na Anak. “At nangyari, samantalang sila’y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.”2
Habang iniisip ko ang katayuan sa buhay ng mga pastol at ng bata pang mag-asawang sina Maria at Jose, iniisip ko kung paano naghatid ng kapanatagan, kapayapaan, at kagalakan ang pagpapakita ng hukbo ng mga anghel sa mga pastol sa parang at ang pagdating ng mga pastol sa kinaroroonan nina Maria at Jose.
Para sa mga pastol, maaaring naghatid ang mga anghel ng kapanatagan na kailangan nila, na kilala sila ng Diyos at pinapahalagahan Niya sila bilang mga hinirang na unang saksi ng bagong silang na Kordero ng Diyos. Para kina Maria at Jose, maaaring naghatid ang mga pastol ng kapanatagan na kailangan nila na alam ng iba ang banal na himalang kinabilangan nila.3
Tiyak na may mga makabagong pastol sa atin—kalalakihan at kababaihang nagtatrabaho hanggang hatinggabi at madaling-araw para kumita. Maaaring kabilang sa ilang makabagong pastol na ito ang mga guwardiya, tauhan sa ospital, empleyado sa tindahan at istasyon ng gasolina na bukas magdamag, at mga mamamahayag. Kung minsan, maaaring madama ng mga nagtatrabaho sa gabi na nakahiwalay sila sa mga taong nagtatrabaho sa umaga. Dagdag pa rito, mayroon ding mga makabagong Jose at Maria na napalayo sa kanilang inang-bayan at nagsisikap na makibagay sa panibagong buhay habang ipinagdiriwang nila ang mahahalagang araw tulad ng Pasko, kaarawan, kasal, at kamatayan.
Habang papalapit ang Pasko, iniisip ko kung maaari tayong maging mas katulad ng hukbo ng mga anghel, sa pagbisita sa mga makabagong pastol para maihatid ang magandang balita tungkol kay Cristo, kapayapaan at kapanatagan. At baka maaari tayong maging higit na katulad ng mga pastol sa pamamagitan ng pagtugon sa tawag na bumisita at maglingkod sa mga makabagong Jose at Maria sa ating kapitbahayan at komunidad para magbigay ng katiyakan na minamahal, binabantayan, at pinapangalagaan sila ng Diyos.
Naranasan ng pamilya namin sa iba-ibang pagkakataon ang damdamin ng kapanatagan at kapayapaan na maaaring idulot ng makabagong hukbo ng mga anghel. Ngayong gabi nais kong gunitain ang isa sa mga pagkakataong iyon. Noong 2003, nilisan namin ang aming inang-bayan at nagpunta sa Utah. Noong taglamig na iyon, hinagupit kami ng isa sa mga pinakamalakas na snowstorm na naranasan ng Utah sa loob ng maraming taon. Noon lang kami nakaranas ng ganoon sa buong buhay namin, dahil lumaki kami sa isang mas tropikal na lugar. Ang aming bahay ay nasa sulok ng isang burol sa Bountiful na may napakahabang bangketa. Nang magsimulang umulan ng niyebe, buong tapang na inalis ng aking asawa ang niyebe sa garahe at sa mga bangketa gamit ang snowblower dahil nadulas na ako sa yelo at nabalian ng braso noong isang araw habang naglalakad papasok sa garahe para bisitahin ang isa sa aming mga kapitbahay. Inoperahan ako dahil sa aksidenteng iyon at ilang buwang nakasemento ang braso ko. Nang simulan niyang alisin ang niyebe sa lugar sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay, walang kaalam-alam ang mahal kong asawa na kailangan niyang baguhin ang direksyon ng chute pagkatapos linisin ang isang panig ng garahe. Kaya, nang magpunta siya sa kabilang panig para maglinis, doon napunta ang niyebeng galing sa chute. Nagparoo’t parito siya, pero walang nangyari. Ang laking problema! Dahil sa kanyang matagal na pananatili sa lamig, nagkaroon siya ng impeksyon sa magkabilang tainga at naging halos lubusang bingi sa loob ng dalawang buwan. Kasabay nito, nasaktan ang likod ng aking labing-anim na taong gulang na anak na lalaki habang nakasakay sa sled kaya kinailangan niyang manatili sa kama para magpagaling. Kaya hayun kami, isang nakaratay sa kama, isang bingi, isang nakasemento ang braso, at giniginaw lahat. Natitiyak ko na awang-awa sa amin ang mga kapitbahay namin. Isang napakalamig na araw bandang alas-5 ng umaga, nagising ako sa tunog ng snowblower sa labas ng aking bintana. Dumungaw ako sa bintana at nakita ko ang kapitbahay ko na nakatira sa kabila ng kalye na si Brother Blain Williams. Sa edad na halos setenta anyos, lumabas siya sa kanyang komportableng bahay at tahimik na pumunta at naglinis sa aming garahe at sa bangketa, batid na hindi namin iyon kayang gawin. At tulad ng kanyang tahimik at simpleng pagdating, dumating din si Brother Daniel Almeida sa aming bahay para ihatid ako sa Salt Lake upang makapasok ako sa trabaho, sapagkat hindi ako makapagmaneho dahil nakasemento ang braso ko. Magiliw at tahimik silang pumaroon para sa akin tuwing umaga hanggang sa gumaling ang aking pamilya at kayanin naming gawin muli ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Sa malamig na Kapaskuhang iyon ng taong 2003, isinugo sa amin ang mala-anghel na kalalakihang ito, tulad nang isugo ang mga anghel sa mga abang pastol noong unang panahon. Sinundan ng dalawang kalalakihang ito ang halimbawa ng ating Tagapagligtas at inuna nila ang aming pangangailangan bago ang sa kanila.
Mahal kong mga kapatid, ang buhay ng Tagapagligtas ang perpektong halimbawa ng pagmamahal at kabutihan sa mga tao. Palagi Niyang kinalilimutan ang Kanyang sarili alang-alang sa iba. Ang Kanyang di-makasariling mga gawa ay ipinakita sa lahat ng Kanyang ginawa sa bawat araw ng Kanyang buhay at hindi naging limitado sa isang partikular na panahon o okasyon. Kapag taos-puso tayong tumulong sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, ipinapangako ko sa inyo na mas mabuti nating mararanasan ang kahulugan ng Pasko. Sa paggawa nito, tinitiyak ko sa inyo na magkakaroon tayo ng napakaraming pagkakataong tumulong nang tahimik at magiliw sa mga taong nangangailangan sa atin. Tutulungan tayo nitong mas makilala ang Tagapagligtas at makasumpong ng kapayapaan sa lupa at kaluguran sa mga tao para sa ating sarili, na siyang magtatakda sa pagmamahal, kapayapaan, at panibagong lakas na madarama at maibabahagi natin sa iba. Habang sinusundan natin ang mga yapak ng Tagapagligtas, nawa’y lagi nating pakinggan ang pagyapak ng nakasandalyang mga paa at abutin ang matatag na kamay ng Anluwagi. Habang hinahanap natin ang Tagapagligtas sa lahat ng ating ginagawa, ang Pasko ay hindi lamang magiging isang araw o panahon kundi kalagayan ng puso’t isipan, at ang kagalakan at pagmamahal na nadarama tuwing Pasko ay mananatiling malapit. Pinatototohanan ko na si Jesucristo, ang sanggol na isinilang sa Bet-lehem, ang siyang Tagapagligtas at Manunubos ng mundo.
Maligayang Pasko sa inyong lahat. Sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.