Mga Pamaskong Debosyonal
Pagtuunan ang Diwa ng Pasko


9:39

Pagtuunan ang Diwa ng Pasko

Gustung-gusto ko ang panahong ito ng taon kapag nagtitipon ang mga pamilya at mga mahal natin sa buhay upang alalahanin ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at magpasalamat para sa Kanyang buhay at sa Kanyang walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo. Gustung-gusto ko ang napakaraming paalala ng espesyal na panahong ito saanman at nadarama ko pa rin ang kasabikan at pag-asam ko sa Kapaskuhan noong bata ako, ito man ay sa malamig na bansa ng England o sa napakainit na klima ng Arabia.

Malamang gaya ng marami, noong nakaraang linggo ay inayos ko ang mga Christmas light, nahihirapang hanapin ang isang bombilya na sanhi ng hindi pagsindi ng iba pang ilaw. Nang sa wakas ay mahanap at mapalitan ang bombilya, nagsindi na ang lahat ng ilaw, at nakahinga ako nang maluwag at nasiyahan sa munting tagumpay.

Ang isa sa mga paborito kong gawin habang papalapit ang Pasko ay maupo sa tabi ng aming Christmas tree, na nakapatay ang ibang ilaw, at hayaang manlabo ang paningin ko habang nakatingin sa puno na nababalutan ng maliliit na puting ilaw. Kapag hindi nakapokus ang mga mata ko, lumalaki ang bawat ilaw at lumalamlam kapag tumatama sa makikintab na pulang palamuti. Napakagandang tingnan ng epekto. Kadalasang nagpapatugtog kami ng awiting naghahayag ng “O magsaya, ‘sinilang na ang Hari ng lahat!”1 at na “ang Kanyang pangalan ay tatawaging Kahanga-hanga, Tagapayo, ang makapangyarihang Diyos, ang Amang walang-hanggan, ang Pangulo ng Kapayapaan.”2

Habang tinitingnan ko ang pagliwanag at paglamlam ng mga ilaw sa Christmas tree, naaalala kong muli ang banal na misyon ng Tagapagligtas, na lalong malinaw na napagtutuunan sa tahimik na mga sandaling ito. Sabi Niya, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”3 Pinagninilayan ko ang banal na gabing iyon nang Siya’y isinilang, puspos ng pasasalamat sa Ama dahil sa handog na kagalakan, pag-asa, at pagmamahal na ipinadala sa mundo sa Kanyang Bugtong na Anak.4

Ang ganitong uri ng mga tahimik na pagmumuni at pagninilay ay maaaring bibihira nating magawa dahil sa nakapakaraming gagawin hanggang sa araw ng Pasko. Kaakibat ng Disyembre ang mga salu-salo at konsyerto, mga pagtitipon at regalo. Napupuno ang iskedyul, at kung minsan ang mga bagay na inaasahan nating magawa ang siya pang pumapawi sa galak na hatid ng kapaskuhan sa halip na mas magpadama nito.

Kaya napakahalaga ng turo ni Pangulong Nelson: “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin ng pansin sa buhay. “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”5

Ito ang perpektong okasyon para pag-isipan natin kung ano ba ang pinagtutuunan natin ng pansin. Ano ang inyong mga inaasam sa Kapaskuhang ito? Ano ang inyong mga tapat na hangarin para sa inyong sarili at sa inyong mga minamahal habang nagtitipon para sa pinakabanal sa mga banal na araw na ito?

Dalawa’t kalahating linggo na lang at Pasko na. Pag-isipan ninyo ang nakasulat sa iskedyul ninyo para sa susunod na dalawa’t kalahating linggo. Baka nalulula na kayo sa dami ng gagawin at lahat ng kailangan pa ninyong gawin. Punung-puno na ba ang iskedyul ninyo? May mga tradisyon at gawain ba kayo na hindi naman dapat problemahin na nagiging dahilan para hindi ninyo matanggap at maipakita sa iba ang kagalakang dulot ng pagsilang ni Cristo? Paano kaya ninyo mapapagaan ang iskedyul ninyo sa Paskong ito at magplano nang mas maganda para sa susunod na Pasko?

Dapat nating iwasan ang pagiging masyadong abala at labis na pagpapagod na dahilan para hindi natin mapagtuunan ang diwa ng kapaskuhan at magawa na simbolikong lumuhod sa sabsaban, sumamba sa bagong silang na Hari, at ihandog ang personal na regalo natin sa Kanya.

Mga bata pang ina, at tayong lahat, nalulula na ba kayo sa dami ng gagawin? Saan kayo nakapokus? Marahil sa taong ito hindi na kayo magpapadala ng mga Christmas card, o hindi na kayo gagawa ng mga bagay na inspirado ng media na proyektong inaasam ninyo. Ang ilalaan na panahon o pera ay maaaring makabawas sa kakayahan ninyong magtuon sa Tagapagligtas at madama ang galak na dulot Niya sa Kapaskuhan.

Mga bata pang ama, at ang iba pa sa atin, saan kayo nakatuon? Marahil sa taong ito ginawa ninyong mas simple ang Pasko at magbibigay ng regalo na gawang-bahay at magbibigay-serbisyo sa halip na bumili at magastusan nang labis—at hindi kinakailangan—at makabawas sa kakayahan ninyong magtuon ng pansin sa Tagapagligtas at damhin ang kapayapaang dulot Niya sa Pasko.

Ang paglilingkod sa templo sa Kapaskuhan ay sadyang makabuluhan. Itinatama ng templo ang ating pokus, pinalalaki ang ating kagalakan, at pinag-iisa ang mga pamilya rito at sa kabilang panig ng tabing. Pag-isipan ang paglilingkod sa templo sa halip na iba pang aktibidad sa Pasko na maaaring hindi makatulong sa hangad ninyo na payapang Pasko. Ang mga banal na ordenansang iyon—ang kapayapaan at kapangyarihan ng priesthood na taglay nito para sa lahat na nagpapahalaga sa mga ito—ay naging posible lamang dahil sa Bugtong na Anak ng Ama, ang “Cordero na [ito na] pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan,”6 na ang pagsilang ay ipinagdiriwang natin ngayon.

Habang papalapit ang Paskong ito, mas gawin natin ang mga bagay na mahalaga at bawasan ang hindi mahalaga. Hangarin natin ang mga gawain ni Jesus ng Nazaret—pasiglahin ang mga nalulungkot, pagalingin ang mga pusong nasaktan, bisitahin ang mga bilanggo, pakainin ang nagugutom, damitan ang hubad, at maging tinig ng mga taong hindi napapansin, minamaliit, nalilimutan, at hinahamak.7

Para sa inyong nasa mahirap na kalagayan sa Paskong ito, nawa’y mahanap ninyo ang regalong pagmamahal ng Tagapagligtas na para lamang sa inyo. Sa sandaling ito, marami ang nakakaranas na mawalan ng mga minamahal dahil sa sakit, sa katandaan, o sa malubhang aksidente. Marami ang ginugunita ang mga nawala sa kanila sa Kapaskuhan, at ito ay magiging napakapait na anibersaryo para sa inyo. Ang ilan ay naghihinagpis sa mga desisyong ginagawa sa kasalukuyan ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang iba ay nalulungkot, walang pamilya, balisa, o sa anupamang dahilan ay lubhang maiiba ang kanilang Pasko sa taong ito kumpara sa mga nakaraang Pasko na ipinagdiwang nila.

Maniwala na may regalo na para lamang sa inyo sa kapaskuhang ito. Maghanap ng mga tahimik na sandali na mapag-iisa kayo at makapagninilay, makapagdarasal, at madarama ang magiliw na pagmamahal ng Nilalang na ang pagsilang ay ginagawang posible ang kagalakan anuman ang kalagayan sa buhay. Ang pangako ay balang-araw, “hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man.”8 “Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man. … Sapagka’t ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng kanilang mga mata.”9

Hawak ni Jesucristo ang isang lampara ng langis

Maglaan ng oras na pumayapa, huminga, at mamangha. Tumingala. Magtuon sa Kanyang dakilang regalo—ang pagkaalam sa kung sino kayo talaga, at ang pang-unawa na ang mga pagsubok dito ay pansamantala lamang at ang kagalakan dito ay simula lamang ng kagalakan na darating. Tandaan, “ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”

“At ngayon, ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol, upang ang biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa kanila, ay maaari at manatili sa inyo magpakailanman.”10 Upang masabi nating, “Kayo’y binabati sa Inyong pagsilang. … Halina at [purihin Siya]!”11

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.