Mga Pamaskong Debosyonal
14oaks


12:28

Ang Ebanghelyo ng Kapayapaan

Sa Kapaskuhang ito, ipinagdiriwang ng lahat ng Kristiyano sa buong mundo ang pagsilang ni Jesucristo, ang “Pangulo ng Kapayapaan.” Lahat tayo ay nagagalak sa pahayag ng anghel tungkol sa pagsilang na iyon:

nakatingala ang mga pastol sa maningning na liwanag

“Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. …

“At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi,

“Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”1

Isang magandang paglalarawan ng paraan ng pagpaparangal ng mga Kristiyano sa Tagapagligtas ang mga salitang isinulat ni Charles Dickens para sa sarili niyang mga anak:

larawan ni Charles Dickens

“Mahal kong mga anak, sabik na sabik akong ipaalam sa inyo ang isang bagay tungkol sa Kasaysayan ni Jesucristo. Dahil dapat malaman ng lahat ang tungkol sa Kanya. Walang sinumang nabuhay, na napakabuti, napakabait, napakaamo, at lungkot na lungkot para sa lahat ng taong nagkamali.”

Iyon ang panimula ni Dickens. Narito ang kanyang pagtatapos:

larawan ni Charles Dickens

“Tandaan!—Kristiyanismo ang gumawa ng mabuti palagi—maging sa mga taong gumagawa ng masama sa atin. Kristiyanismo ang mahalin ang ating kapwa na tulad sa ating sarili, at gawin sa lahat ng tao ang nais nating gawin nila sa atin. Kristiyanismo ang maging maamo, maawain, at mapagpatawad, at tahimik na panatilihin ang mga katangiang iyon sa ating puso, at huwag ipagyabang ang mga ito, o ang ating mga dalangin o pagmamahal sa Diyos, kundi laging ipakita na mahal natin Siya sa mapagpakumbabang pagsisikap na gawin ang tama sa lahat ng bagay. Kapag ginawa natin ito, at inalala natin ang buhay at mga aral ng Ating Panginoong Jesucristo, at sinikap nating kumilos ayon dito, maaari tayong tiwalang umasa na patatawarin ng Diyos ang ating mga kasalanan at pagkakamali, at bibigyang-kakayahan Niya tayo na mabuhay at mamatay nang Payapa.”2

Tulad ng isinulat Dickens, ang “buhay at mga aral ng ating Panginoong Jesucristo” ay aakayin tayo sa kapayapaan. Tinawag ni Apostol Pablo ang mga turo ng ating Tagapagligtas na “evangelio ng kapayapaan.”3

Maraming kahulugan ang salitang kapayapaan sa mga banal na kasulatan. Nang sabihin ni Jesus, “Kapayapaan ay sumainyo,” mukhang inilarawan Niya ang uri ng kapayapaang ipinahayag ni Propetang Isaias: “At ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailan man.”4 Tinupad ng Tagapagligtas ang propesiyang iyon. Ipinaliwanag Niya: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan.”5

Nagsalita si Jesus sa Kanyang mga Apostol

Sa Kanyang huling tagubilin, sinabi ng Panginoong Jesucristo sa Kanyang mga Apostol, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”6

Dumalaw si Cristo sa mga lupain ng Amerika

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nang bisitahin Niya ang mabubuti sa bagong daigdig, binanggit ng Tagapagligtas ang mga salitang ito ni Isaias: “At lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak.”7

Ang itinuro ng ating Tagapagligtas tungkol sa kapayapaan sa buhay ng isang tao ay angkop din sa kapayapaan sa isang pamilya, kapayapaan sa isang bansa, at kapayapaan sa mundo.

Ang Tagapagligtas at Kanyang mga Apostol ay walang programa para sa kapayapaan ng mundo maliban sa kabutihan ng bawat isa. Hindi nila tinutulan ang pamumuno ng Roma o ng rehimen ng malulupit na tagaroon. Ipinangaral nila ang tungkol sa indibiduwal na kabutihan at itinuro na dapat mahalin ng mga anak ng Diyos ang kanilang mga kaaway8 at “[mamuhay nang payapa] sa lahat ng mga tao.”9

Digmaan at labanan ang bunga ng kasamaan; kapayapaan ang bunga ng kabutihan. Ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay para sa lahat, at gayundin ang pormula para sa kapayapaan: sundin ang mga utos ng Diyos.

Itinuro ito ni Pangulong Howard W. Hunter:

Howard W. Hunter

“Ang kapayapaang pinapangarap ng mundo ay isang panahon na walang kaguluhan; ngunit hindi alam ng mga tao na ang kapayapaan ay isang kalagayan sa buhay na dumarating lamang sa tao ayon sa mga tuntunin at kundisyong itinakda ng Diyos, at hindi sa ibang paraan. …

“… Kung aasa tayo sa tulong ng tao at sa mga paraan ng mundo, ang matatagpuan natin ay kaguluhan at pagkalito. Kung babaling lang tayo sa Diyos, makasusumpong tayo ng kapayapaan para sa naliligalig na kaluluwa. …

“Ang kapayapaang ito ang ating kanlungan sa mga kaguluhan ng mundo.”10

Sa makabagong paghahayag mababasa natin: “Subalit matutuhan na siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”11

Kapayapaan ang pangako ng ating Tagapagligtas, at kapayapaan ang ating mithiin. Ang ipinangakong kapayapaang ito ay ang pagkakaroon ng kagalingan at katiwasayang nagmumula sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Spencer W. Kimball

“Kapayapaan ang bunga ng kabutihan. Hindi ito mabibili ng salapi, at hindi makakalakal ni maipagpapalit. Kailangan itong makamit.”12 Umaawit tayo ng, “Kapayapaan ang dulot n’yaring ebanghelyo,”13 at sa isa pang dakilang himno ay nakikiisa tayo sa pagkanta ng himig ng panalanging ito:

“Kapayapaan sa mundo

Magsimula sa ‘kin.”14

Hindi tayo magkakaroon ng kapayapaan sa mga bansa hangga’t walang kabutihan ang lahat ng taong naroon. Sa magugulong taon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig itinuro ito ni Elder John A. Widtsoe:

Elder John A. Widtsoe

“Ang tanging paraan para makabuo ng payapang komunidad ay humubog ng kalalakihan at kababaihang gustung-gusto at lumilikha ng kapayapaan. Nakasalalay sa bawat tao, ayon sa doktrinang iyon ni Cristo at ng Kanyang Simbahan, ang kapayapaan ng daigdig.

“Kaya pananagutan ko ang kapayapaan ng mundo, at pananagutan ng bawat isa sa inyo ang kapayapaan ng mundo. Hindi maililipat ang pananagutang iyan sa ibang tao.”15

Pagkaraan ng mga tatlumpung taon, itinuro din ng isa pang pangkalahatang pinuno, si Eldred G. Smith, ang katotohanang ito:

“Kung magkakaroon ng kapayapaan ang bawat tao sa kanyang kaluluwa, magkakaroon ng kapayapaan sa pamilya. Kung may kapayapaan sa bawat pamilya, may kapayapaan sa bansa. Kung may kapayapaan sa mga bansa, may kapayapaan sa mundo.

“Huwag lamang tayong kumanta ng, ‘Kapayapaan sa mundo, magsimula sa ‘kin,’ kundi patunayan natin ito. Gawin itong mithiin ko—mithiin ninyo.”16

Inilathala ang isa sa mga paborito kong kuwentong Pamasko sa Deseret News mahigit 30 taon na ang nakararaan. Ikinukuwento roon ang isang 11-taong-gulang na batang babae at ang natutuhan niya sa kanyang pagdurusa nang hindi niya matanggap ang hinangad niyang regalo at ang kanyang kapayapaan sa pagkaalam sa kahulugan ng ating ipinagdiriwang sa pamamagitan ng mga regalo sa Kapaskuhan. Ibinabahagi ko ito lalo na sa mga bata at kabataan sa atin.

Nalulungkot ang isang 11-taong-gulang na batang babae dahil hindi niya natanggap ang bagong manikang matagal na niyang gusto.

kinakausap ng isang ina ang kanyang anak na babae

Sa pagsisikap na aliwin siya, sabi ng nanay niya, “Nakakasawaan mo ang mga iyan.” Talaga bang “nakakasawaan na niya ang Pasko? pag-iisip ng kanyang anak. Nagpaliwanag ang kanyang ama:

kinakausap ng isang ama ang kanyang anak na babae

“Pinakamamahal kong anak. Maraming pasakit, at kagalakan, sa paglaki. Hindi, anak, hindi mo pa nakakasawaan ang Pasko. Mas mahalaga pa riyan ang nangyayari sa iyo. Lumalaki ka na nalalaman na maraming bagay ang mas malalim at mas makahulugan kaysa naunawaan mo noong bata ka pa. … Narinig mo nang namimigay tayo ng mga regalo sa Pasko dahil nagdala ng mga regalo ang mga pastol at pantas sa Batang Cristo, pero ikukuwento ko sa iyo ang tunay na unang regalo sa Pasko.”

Pagkatapos ay inilarawan ng kanyang ama ang dakilang pag-ibig ng ating Ama sa Langit sa Kanyang panganay na Anak, “na naging tapat sa Kanya sa kabila ng maraming kaguluhan at paghihimagsik at nakatulong pa sa Kanya na likhain ang daigdig na ating tinitirhan.” Ikinuwento niya sa bata kung paano ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang Anak Niyang iyon, ang Panginoong Jesucristo, para maging Tagapagligtas natin.

binabasahan ng isang ama ang kanyang anak na babae

Binasa niya mula sa Aklat ni Mormon kung paanong ang Anak “ay bababa mula sa Langit sa mga anak ng tao, at mananahan sa isang katawang-lupa. … At masdan, siya ay magdaranas ng mga tukso, at sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod, nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan; sapagkat masdan, ang dugo ay lumalabas sa bawat butas ng kanyang balat, napakasidhi ng kanyang magiging pagdurusa dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao. At siya ay tatawaging Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at lupa” (Mosiah 3:5, 7–8).

Matapos isara ang aklat, nagpaliwanag ang ama:

kinakausap ng isang ama ang kanyang anak na babae

“Kahit alam ng ating Ama sa Langit na nakalaan ang mga bagay na ito para sa Kanyang pinakamamahal na Anak, dahil sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal at karunungan, inihandog Niya Siya sa mundo. At ang pangalawang bahagi ng napakagandang regalong ito ay na si Cristo, ang Anak, na nakakaalam din ng lahat ng ito, ay kusang inihandog ang Kanyang sarili upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.”

Makalipas ang ilang taon, isinulat ng babaeng ito na dati ay munting bata lang:

batang babae na natutulog

“Iyon ang naaalala kong unang Pasko ng gabi na hindi ako natulog na katabi sa unan ko ang aking Pamaskong manika. Mayroon akong mas mainam pa roon. Sa puso ko, may bago at nagbibigay-siglang kapayapaan. Nakatagpo ako ng isang regalo na hindi maaaring maluma o mawala, isang regalong hinding-hindi ko makakasawaan, kundi kailangan kong makasanayan, sa tulong ng Diyos. … At ipinagdasal ko … na balang-araw ay magkakaroon ako ng tunay na mga anak, at malalaman ko ang iba pa tungkol sa Regalo ng Pagmamahal.”17

Magtatapos ako sa itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan noong nakaraang taon: “Si Jesucristo ang pinakadakilang regalo ng Diyos—ang regalo ng Ama sa lahat ng Kanyang mga anak.”18

“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”19

Dalangin ko na lumaganap ang walang-hanggang katotohanan sa lahat ng ginagawa natin sa Kapaskuhang ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Lucas 2:11, 13–14.

  2. Charles Dickens, The Life of Our Lord (1934), 11, 127.

  3. Tingnan sa Mga Taga Efeso 6:15; Mga Taga Roma 10:15.

  4. Isaias 32:17.

  5. Juan 16:33.

  6. Juan 14:27.

  7. 3 Nephi 22:13.

  8. Tingnan sa Mateo 5:44.

  9. Mga Taga Roma 12:18.

  10. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter (2015), 57, 63.

  11. Doktrina at mga Tipan 59:23.

  12. Teachings of Spencer W. Kimball (2011), 157.

  13. “Kapayapaan ang Dulot N’yaring Ebanghelyo,” Mga Himno, blg. 13.

  14. Copyright-protected Lyrics para sa “Let There Be Peace on Earth,” nina Jill Jackson at Sy Miller. © 1955, 1983 ni Jan-Lee Music, ASCAP, International copyright secured. Lahat ng karapatan ay nakalaan.

  15. John A. Widtsoe, “The Nature of Peace,” sa Conference Report, Okt. 1943, 113.

  16. Eldred G. Smith, “Peace,” Ensign, Hulyo 1972, 118.

  17. Janice Jensen Barton, “The Christmas I Remember Best,” Deseret News, Dis. 24, 1959, pahina sa harapan.

  18. Russell M. Nelson, “Four Gifts from the Savior,” Ensign, Dis. 2019, 15.

  19. Juan 3:16.