Mga Pamaskong Debosyonal
Mga Kaloob na Hindi Gaanong Napapansin


Mga Kaloob na Hindi Gaanong Napapansin

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2021

Linggo, Disyembre 5, 2021

Pambungad

Noong bata ako, ang pinakamasaya sa Pasko ay ang pagdating nina Lolo at Lola Lundgren. Taun-taon ay nagbibiyahe sila nang malayo sakay ng lumang kotse para bumisita. Mahal na mahal namin sila, at gustung-gusto namin ang mga Swedish pancake ni Lola—na gawa sa fresh sour cream na binili niya mula sa magsasaka sa kanilang lugar. Matagal siyang nakatayo sa tabi ng kalan, na gumagawa ng mga pancake hanggang sa magsawa kami. Ngayon, dalawa pang henerasyon ng mga bata ang lumaki na busog na busog sa mga Swedish pancake. At sa tuwing nagluluto kami nito, naaalala namin si Lola Lundgren at ang kanyang regalo ng pagmamahal.

Ang ilan sa pinakamainam na mga kaloob o regalo ay ang ating panahon at mga talento. Naniniwala ako na banal ang mga kaloob na iyon.

Mga Regalo o Kaloob

Ngayon ang panahon na naghihintay tayo ng mga bagong regalo. Pero ngayong gabi, isipin natin saglit ang mga regalong naibigay na sa inyo—at sino ang nagbigay nito at bakit.

Binigyan ng Ama sa Langit ng mga regalo ang bawat isa sa atin. Maaaring pakiramdam ninyo ay wala kayo nito pero may mga espirituwal na kaloob kayo mula sa Diyos para mapagpala ninyo ang iba at mas mapalapit sa Kanya. 1

Ano ang mga kaloob na ibinigay sa inyo ng Diyos?

Sa totoo lang, hindi ko nakita ang sarili ko bilang isang taong maraming kaloob. Hindi ako marunong kumanta, o sumayaw, hindi atleta, o artist, o mathematician, o … o … o … normal … lang ako.

Kung minsan nakikita ko ang magagandang kaloob ng iba at nahihiya ako. Pero natututuhan ko na walang saysay at nakakasira ang gayong mga pagkukumpara. Ang mahalaga, nakita ko ang sagradong kapangyarihan ng mga “kaloob na hindi gaanong napapansin” at natutong magalak sa mga ito bilang patunay ng pagmamahal at tiwala Niya.

Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton na kabilang sa mga espirituwal na kaloob ang mga “di-gaanong napapansin” na kaloob, tulad ng “kaloob na humiling; kaloob na makinig; kaloob na makarinig at paggamit ng marahan at banayad na tinig; kaloob na manangis; kaloob na umiwas na makipagtalo; kaloob na sumang-ayon; … kaloob na hangarin ang matwid; kaloob na huwag manghusga; kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; kaloob na maging disipulo; kaloob na pangalagaan ang iba; kaloob na makapagnilay; kaloob na [manalangin].” 2

Nakakatulong ba ang listahang ito para mabago ang pananaw ukol sa inyong mga kaloob? Nakakatulong ito sa akin.

Ang mga tahimik na kaloob ay nagpapasigla rin sa mga anak ng Diyos, tulad ng ibang kaloob na kapansin-pansin at mas madalas purihin 3 —mga kaloob na tumutulong para magawa natin ang mahalagang layon natin sa buhay. Pero, nakakalungkot na kung minsan ay kimi tayo at hindi pinapahalagahan o ibinabahagi ang ating mga kaloob, sa takot na hindi ito polido, perpekto, o maganda.

Kapag di natin napapahalagahan ang mga kaloob na di gaanong napapansin, nawawala ang tsansa nating iangat ang Kanyang mga anak—at madama ang pagmamahal ng Diyos. 4

Patugtugin ang Awitin ng Inyong mga Kaloob

May isa pang kaloob—kaloob mula kay Lolo Lundgren. Noon pa man ay gusto na niyang matutong tumugtog ng biyolin. Kaya lang, hindi ito nagamit at napuno na lamang ng alikabok sa kanyang estante, at sa estante ko, sa loob ng maraming taon—hindi ito natugtog.

Ikumpara ito sa biyolin ng aking sais anyos na apong si Scarlett. Ibabahagi niya ang kanyang kaloob sa atin ngayong gabi.

[Tinutugtog ni Scarlett ang biyolin]

Salamat, Scarlett. Ang ganda. Mahal kita.

Ang mga kaloob mula sa ating Ama sa Langit ay dapat ibahagi. Hindi mamahalin ang biyolin ni Scarlett, at makikita natin ang mga mali sa instrumento o sa pamamaraan, pero dahil ibinuhos niya ang puso niya dito may naibigay siyang regalo at nagdulot ng galak.

Huwag hayaang hindi magamit o hindi mapahalagahan ang mga kaloob ng Diyos, pati ang mga hindi gaanong napapansin. Kunin sa estante ang mga kaloob na ibinigay Niya sa inyo. Kung itinabi ninyo ito dahil duda kayo, alisin ang alikabok at patugtugin ito. Ialay ang mga ito sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Ang mga kaloob natin na mula sa ating Ama sa Langit ay dapat gamitin at ibahagi. Lahat ng kaloob ninyo mula sa Diyos, kahit hindi ito perpekto, ay nagdudulot ng galak, at kapag inalay sa Kanya ito ay himno ng papuri.

Mahalin ang inyong kaloob ng pakikinig at bisitahin ang isang kaibigang nalulungkot. Mayroon ka bang kaloob na pag-iwas sa pagtatalo at pakikipagkasundo? Ngayon talagang kailangan ang mga kaloob na iyon. Ibigay ang mga ito sa inyong pamilya, mga kaibigan, at kapitbahay. Sabihin sa taong nahihirapan na mahal mo siya, at pakainin siya. Magturo ng nagbibigay-inspirasyon na Sumulat ng magiliw na mensahe. Gamitin ang iyong kaloob para tumulong at itatag ang Sion at patatagin ang ibang tao. Kailangan ng Diyos ang lahat ng uri ng tao. Ibinigay ng Diyos ang lahat ng kaloob para tulungan ang Kanyang mga anak. Huwag hayaang hindi maawit ang inyong musika, hindi maipakita ang pagmamahal, hindi magpatawad.

Pagtanggap sa Kanyang Kaloob

Sa Kapaskuhan ng 1832, naharap ang mga Banal noon sa kaguluhang sibil at sa pulitika. Katatapos lang magpropesiya ni Propetang Joseph tungkol sa digmaang sibil. 5 Hindi masayang balita iyon.

Pero pagsapit ng Disyembre 27, natanggap ni Joseph ang isa pang paghahayag—na “mensahe ng kapayapaan” mula sa Panginoon. 6 Sa mahirap na panahong ito, ipinaalala ng Panginoon kay Joseph ang mga kaloob na ibinigay Niya sa Kanyang mga Banal—lalo na, ang kaloob ng Tagapagligtas na si Jesucristo at ang pag-asa ng buhay na walang-hanggan.

Ang paraan para magalak noong Kapaskuhang iyon ay tingnan at tanggapin ang kaloob ng Diyos; una sa lahat ang “walang-kapantay na kaloob” 7 ng Tagapagligtas. Totoo rin iyan sa Paskong ito.

Sa paghahayag na natanggap ni Joseph, ito ang itinanong ng Panginoon:

“Sapagkat ano ang kapakinabangan ng tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob sa kanya, at hindi niya tinanggap ang handog? Masdan, hindi siya nagsasaya sa yaong ibinigay sa kanya, ni nasisiyahan sa kanya ang siyang nagkaloob ng handog.” 8

Konklusyon

Nawa makita at tanggapin ng bawat isa ang mga kaloob na bigay sa atin ng Diyos—at lalo akong umaasa na magalak tayo sa Diyos, na nagkaloob nito.

Nagpapasalamat ako sa walang katulad na kaloob ng Kanyang Anak—na sanggol nang naparito sa mundo, na binalot ng lampin ng batang ina at inihiga sa sabsaban. Isang sanggol na matututo nang taludtod sa taludtod at lalaki nang biyaya sa biyaya hanggang sa ialay Niya ang Kanyang buhay para sa aking mga kasalanan. Para sa iyong mga kasalanan. Para sa kasalanan ng lahat ng nabuhay o mabubuhay pa sa mundo.

Kinakanta natin ang mga titik ng paboritong himno:

“O magsaya, ‘sinilang na; Ang Hari ng lahat!” 9

Ang kaloob ni Jesus, ang Cristo, ay ibinigay at sa napakalaking halaga! Ang tanong ay, tatanggapin ba natin Siya? Papapasukin ba natin Siya at hahayaan Siyang manaig? Paano?

Nagpapatotoo ako na ang pagtanggap sa ating Hari at sa Kanyang kaloob ay magbibigay ng tunay na kagalakan—para sa mundo at kagalakan sa mundo.

“Salamat sa Diyos dahil [sa] di-mailarawang kaloob” 10 ng Kanyang Anak sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

Print