Mga Pamaskong Debosyonal
“At Malalaman Din Ninyo Ito”


11:55

“At Malalaman Din Ninyo Ito”

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan

Linggo, Disyembre 5, 2021

Mahal kong mga kapatid, ang Pasko sa aming tahanan noong bata pa ako ay puno ng impluwensya ng mga tradisyon ng bansang sinilangan ng mga magulang ko. Dumayo ang nanay ko Estados Unidos mula sa Sweden at si Itay naman ay mula sa Finland. 1 Bilang paghahanda para sa Pasko, ang mga dekorasyon sa aming Christmas tree ay gawa namin, at panay ang luto ng nanay ko. Baka nga kamag-anak niya ang Lola Lundgren ni Sister Craig. Ang aming Bisperas ng Pasko ay nagsisimula sa napakaraming handa ng tradisyonal na mga pagkaing luto ni Inay—mga meatballs; rice pudding; at napakaraming tinapay, mga cake, at cookies. Ang pagdiriwang ng Bisperas ng Pasko ay nagtatapos sa pagdating ni Jultomten—Santa Claus—na may dalang mga regalo para sa lahat ng bata. Pero bago dumating si Jultomten, palagi kaming tinitipon ni Inay para pakinggan ang pagbasa ni Itay ng kuwento ng Pasko mula sa Bagong Tipan.

Tahimik lang ang tatay ko, hindi masalita kapwa sa kanyang sariling wika at sa Ingles na natutuhan niya nang may-edad na siya. Siya ay diretsahan at napakatapat at hindi mahilig pumuri. Hindi siya mapag-isip ng kung anu-ano, at hindi siya *. Sa Bisperas ng Pasko ay nagbasa siya sa Lucas 2. Binasa niya ang tungkol sa paglalakbay nina Jose at Maria papunta sa Betlehem, ang pagpapakita ng anghel sa mga pastol, ang pagsilang ni Jesus, at ang pagninilay ni Maria sa lahat ng nangyari sa kanya. Pero hindi tumigil si Itay sa talata 19; itinuloy niya ang kuwento nina Maria at Jose na dinala ang sanggol na si Jesus sa templo sa Jerusalem para mag-alay bilang pagsunod sa Batas ni Moises.

Ito ang binasa ng Tatay ko:

“Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon …

“Ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo na hindi niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo na Panginoon.

“Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok siya sa templo: at nang ipasok [nina Maria at Jose] ang sanggol na si Jesus, …

“[At] inilagay [ni Simeon si Jesus] sa kanyang mga bisig, pinuri ang Diyos, at sinabi,

“Panginoon, ngayon ay hayaan mong ang iyong alipin ay pumanaw na may kapayapaan, ayon sa iyong salita:

“Sapagka’t nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,

“Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao.” 2

Laging tumitigil si Itay sa bahaging iyon. At nagbibigay ng kanyang patotoo. Ang palagi lang niyang sinasabi nang may mabigat na punto sa Ingles, “Hindi ko man nakarga ang munting sanggol na si Jesus, pero alam ko, gaya ni Simeon, na ang sanggol na iyon ang Anak ng Diyos, ang aking Tagapagligtas at Manunubos. Siya ay tunay, Siya ay buhay.” Pagkatapos ng pahayag na ito, titingin sa bawat isa sa amin ang kanyang kulay asul na mapanuring mga mata at mariing sasabihin, “At malalaman din ninyo ito.”

Alam nina Itay at Inay kung sino ang sanggol na iyon sa Betlehem at kung ano ang maisasakatuparan Niya paglaki Niya. Binago sila ng kaalamang ito. Ninais nila kaming mga anak nila ay hindi lamang maniwala sa kanilang mga salita 3 kundi malaman din namin para mabago rin kami. Naudyukan ng patotoo ng mga magulang ko, tinahak ko ang landas ng tipan na may hangaring “malaman din ito.”

Noong 11 taong gulang na ako, tumira ang aming pamilya sa Göteborg, Sweden. Inanyayahan ng mission president ang lahat ng kabataan na basahin ang Aklat ni Mormon. Kung tutuusin hindi ako kasali sa inanyayahan, kundi ang kapatid ko na deacon noon, at tinanggap niya ang hamon. Gusto kong makatulad ng kapatid ko at ginawa ko ang ginawa niya, kaya nakisali ako. Binigyan kami ng mga magulang ng kani-kanyang banal na kasulatan, at nagsimula akong magbasa gabi-gabi.

Makalipas ang ilang buwan, si President Gösta Malm, ang counselor sa mission presidency, 4 na tatay ng yumaong General Authority na si Elder Per G. Malm, ay hinikayat ang mga kabataan na nagbabasa ng Aklat ni Mormon na itanong sa Diyos ang katotohanan nito. Nagpasiya akong gagawin ko iyon. Nang gabing iyon hinintay kong makatulog ang kapatid ko. Bumaba ako mula sa higaan, lumuhod ako sa malamig na sahig, at nagdasal. Di nagtagal ay parang may nagsasabi sa akin na, “Noon ko pa sinasabi sa iyo na totoo ito.” Nang kaakibat niyon, nakadama ako ng kapayapaan. Nalaman ko sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. 5

Tulad ng ipinangako sa Pambungad sa Aklat ni Mormon, “[nalaman] ko rin sa pamamagitan ng [kapangyarihan ng Espiritu Santo] na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang kanyang … propeta nitong mga huling araw, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo bilang paghahanda sa ikalawang pagparito ng Mesiyas.” 6 Ang kaalamang iyan, na may halong kasunod na pagsaksi, ang nagpabago sa akin, tulad ng ginawa nito sa mga magulang ko.

Ang kaalamang ito—na “si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na Siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan—ay isang espirituwal na kaloob. 7 Ang kaloob na ito ay hindi nauugnay sa isang partikular na katungkulan sa priesthood ni sa isang partikular na kasarian; sa halip, ito ay para sa lahat ng magiging marapat dito. Hindi tayo hinihilingan na dalhan ang Tagapagligtas ng mga regalo na ginto, kamangyan, ang mira para maging kuwalipikado sa magandang espirituwal na kaloob na ito. Ang hinihingi sa atin ay ang ating sarili. 8 Ang propeta ng Aklat ni Mormon na si Amaleki, ay sumamo sa mga tao, na nagsasabing: “At ngayon … nais kong lumapit kayo kay Cristo, na Siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos. Oo, lumapit sa kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya …; at yamang buhay ang Panginoon kayo ay maliligtas.” 9

Sa pagtanda ko, nakita kong pinaglingkuran ng mga magulang ko ang ibang tao. Nakita kong tinupad nila ang mga tipan na ginawa nila sa Diyos. Nakita ko na masigasig nilang ginampanan ang home at visiting teaching, na sinisikap na mag-minister sa mga pinaglilingkuran nila. Nakita kong nakibahagi sila sa mga ordenansa sa templo at tumanggap ng mga tungkulin sa Simbahan. At taon-taon, sa Bisperas ng Pasko, nagpatotoo ang Tatay ko, kasama ni Simeon, tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa paglipas ng mga taon, ipinaabot ng Tatay ko sa kanyang mga manugang at mga apo ang imbitasyon na “malaman din ito.”

Maraming dekada matapos ang aking karanasan noon sa Aklat ni Mormon, ako ay tinawag bilang General Authority Seventy at naatasang magsalita sa pangkalahatang kumperensya. Tiniyak ng mga kapatid kong babae na ang aking Itay na 92-anyos ay makakapanood ng kumperensya—at lalo na ang mensahe ko. Pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya nagpunta ako sa bahay ni Itay. Tanong ko, “Dad, napanood po ba ninyo ang kumperensya?” Sagot niya, “Ja.” Tanong ko, “Dad, narinig n’yo ba akong nagsalita?” Sagot niya, “Ja.” Medyo naiinis kong sinabi, “Dad, ano po sa palagay n’yo?” Sagot niya, “O, ayos naman. Halos magmalaki ako.”

Matapos ang mahabang sandali sinabi niyang, “Dale, may sasabihin ako sa iyo.” At natanto ko na habang naghihintay ako ng papuri, na abala ang Tatay ko sa mga bagay na mas mahalaga kaysa pagbibigay ng papuri sa akin. Pagpapatuloy niya, “Nanaginip ako kagabi. Nanaginip ako na namatay ako, at nakita ko ang Tagapagligtas. Niyakap Niya ako at sinabing pinatawad na ang mga kasalanan ko. At ang ganda ng pakiramdam.” Iyon lang ang sinabi ni Tatay nang malakas. Pero makikita sa mukha niya, kilala niya si Jesucristo. Alam niya na ang sanggol sa Betlehem, na “lumago sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao,” 10 ang kanyang kaligtasan, na lumaki ang Anak ng Diyos at nagbayad para sa kanyang mga kasalanan. At matagal nang alam ito ng Tatay ko bago pa ang panaginip na iyon. Ang panaginip ay isang magiliw na biyaya lamang—isang kaloob—mula sa mapagmahal na Ama sa Langit sa isang matanda, na namatay makalipas ang dalawang buwan. Sa lahat ng mga regalo sa Pasko na natanggap ko, pinakamahalaga sa akin ang kaloob na patotoo at pananampalatayang ipinakita ng aking Tatay at Nanay.

Sa Paskong ito, hilingin sa inyong Ama sa Langit ang espirituwal na kaloob na malaman na totoong buhay ang Tagapagligtas ng mundo. Ang Kapaskuhan ay likas na magandang panahon para pag-aralan ang Kanyang buhay at sikaping tularan ang Kanyang pagkatao at mga pag-uugali. Sa paggawa ninyo nito, malalaman ninyo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at na binayaran Niya ang ating mga kasalanan. Ang kaalamang ito ay mas mainam at mas tumatagal kaysa alinmang regalo na dala ni Jultomten sa iyo, dahil kaya ka nitong baguhin. Malalaman ninyo na gustung-gusto ng Tagapagligtas na ipanumbalik ang hindi ninyo kayang ipanumbalik; pagalingin ang mga sugat na hindi ninyo kayang pagalingin; ayusin ang nasira na hindi ninyo kayang ayusin; bigyang-hustisya ang anumang kawalang-katarungan na naranasan ninyo at tuluyang paghilumin maging ang mga pusong wasak.

Tulad ng aking ama sa lupa, alam ko na hindi ko mahahawakan ang munting sanggol na si Jesus, pero alam ko, tulad din ng alam noon ni Simeon, na ang sanggol na iyon ang Anak ng Diyos, na aking Tagapagligtas at inyong Tagapagligtas, na aking Manunubos at inyong Manunubos. Siya ay tunay, at Siya ay buhay. At malalaman din ninyo ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.