Mga Pamaskong Debosyonal
Mapapalad ang mga Tagapamayapa


10:55

Mapapalad ang mga Tagapamayapa

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2021

Linggo, Disyembre 5, 2021

Minsan pa, inanyayahan tayo ng ating mahal na Unang Panguluhan na magsama-sama sa simula ng pagdiriwang natin ng Pasko. Bagaman iba-iba ang ating mga tradisyon at kaugalian sa mga bansa, nagpapasalamat kami at mapalad tayo na magkaisa—sa pagsamba sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ipagdiwang ang Kanyang pagsilang mahigit dalawang milenyo na ang nakalipas.

Ang isang paboritong tradisyon sa tahanan ng mga Bassett, at ng marami sa inyo, ay ang isadula ang kuwento ng Kanyang pagsilang. Para sa amin, ang pagbasa ng mga salaysay nina Isaias, Lucas, Mateo, Nephi, at Mormon, sa saliw ng mga himno sa Pasko at pagganap na Maria, Jose, at sanggol na si Jesus, ay nakasisigla at espirituwal—ngunit hindi sa tuwina.

Halimbawa, isang Bisperas ng Pasko, ang aming kawan ng amga munting tupa ay naging koro ng mga sanggol na nag-iiyakan. Ang pag-iyak ay kaagad na kumalat sa mga pastol at mga anghel at maging sa sanggol mismo na nakalampin. Noong sumunod na taon, wala kaming kawan. Walang naglakas-loob na gumanap bilang tupa dahil sa takot na mga tupa ang sanhi ng nakakagulat at matinding iyakan. May taon naman na ang tungkod ng mga pastol ay naging mga lightsaber, at minsan ay walang gustong maging Pantas na Lalaki o anghel, at mas gustong maging dinosaur at dolphin na pang-Halloween. Ngunit marahil ang pinaka-hindi malilimutang pagsasadula namin ay nang matumba ang bagong silang na sanggol mula sa masyadong mataas at mabuway na sabsaban, na muntik lumagpak sa matigas na sahig, na nasalo mga ilang pulgada mula sa sahig. Ako ang nakasalo, ngunit ako rin ang maysala sa pagkatumba.

Gabing tahimik? Lahat payapa? Ang aming mga belen ay mas mainam sigurong tawaging “Kaguluhan sa Sabsaban.” Aaminin ko na habang palapit ang Pasko, naiisip ko na bakit hindi natin subukan ang tradisyon sa Pasko na talagang nag-aanyaya ng kapayapaan?

Kapayapaan—ang matamis at puno ng pag-asang katayuan na nais nating lahat, hindi lang sa Pasko kundi sa tuwina. Gayunman, sa buong mundo ngayon, parang mas mahirap masumpungan ang kapayapaan. Habang pinag-aaralan ang Doktrina at mga Tipan sa taong ito, naalala ko ang paghahayag tungkol sa ating panahon:

“At sa araw na iyon … ang buong mundo ay magkakagulo, at ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay.” 1

Sa magulong mundo ngayon, saan ba matatagpuan ang higit na kapayapaan na hangad ng buong mundo?

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang talagang kailangan sa mundong ito na puno ng kalituhan, kaguluhan, at kalumbayan.

“Bawat anak ng Diyos ay marapat na marinig at matanggap ang nagpapagaling, at mapantubos na mensahe ni Jesucristo. Wala nang iba pang mensahe ang mas mahalaga para sa ating kaligayahan—ngayon at magpakailanman. 2

Ang mensahe ng Pagpapanumbalik ay ang mensahe ng Pasko. Ang liwanag ng bituin na gumabay sa mga pastol tungo sa sanggol na nasa sabsaban ay katulad ng haligi ng liwanag na nagliwanag kay Joseph—kapwa nauna sa masasayang balita ng malaking kagalakan na nagbabalita tungkol kay Cristo sa mundo.

Ang mensahe ni Isaias sa ating magulong mundo ay iyon pa rin, “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.” 3

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook, “Ang isa sa pinakamahalagang titulo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay ‘Prinsipe ng Kapayapaan’ [Isaias 9:6]. … Sa huli ay maitatayo ang Kanyang kaharian pati na ang kapayapaan at pagmamahalan.” 4

Sa pagbasa natin sa mga salita na nasa Lucas, sana ikonsidera ninyo ang mga salita ng “isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos,” nang sinabi nilang, “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.” 5 Pinagnilayan ko ang mga salitang ito at naisip ko na maaari nating ikonsidera ito bilang pahayag na “nasa mundo ngayon ang Kapayapaan.” “Dumating na ang kapayapaan!” ang maaaring sigaw nila. Dahil tunay na sa gabing iyon sa abang sabsaban, ang mismong “Prinsipe ng Kapayapaan” ay dumating sa lupa.

Sa unang Paskong iyon mga anghel ang nagpahayag na dumating na ang kapayapaan. Bago sila ay ipinahayag ni Jacob, “Alam namin ang tungkol kay Cristo, at nagkaroon kami ng pag-asa sa kanyang kaluwalhatian maraming daang taon bago pa ang kanyang pagparito; at hindi lamang kami ang nagkaroon ng pag-asa sa aming sarili sa kanyang kaluwalhatian, kundi maging ang lahat ng banal na propetang nauna sa amin.” 6

Muli, ipinropesiya ni Isaias, ang ating panahon, nang isinulat niyang, “Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan.” 7

Sino nga ba ang magagandang taong ito na naghahayag ng kapayapaan? Ipinahayag ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo kapwa sa Galilea at sa lupaing Masagana na “mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.” 8

Dagdag pa rito, itinuro ni Haring Benjamin, “At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae.” 9

Kayo at ako ang mga anak ng tipan ni Jesucristo, bawat isa ay Kanyang mga anak. Alalahanin na sinabi Niya na ang mga tagapamayapa ay tatawaging mga anak ng Diyos. Dahil dito, tayo—na mga anak ng Diyos—ay dapat maging mga tagapamayapa. Ito ang ating tungkulin sa tipan. Kayo at ako ay gumagawa ng kaibhan sa magulong mundo ngayon sa pagiging tagapamayapa—sa ating mga tahanan, kongregasyon, komunidad, sa iba’t ibang panig ng mundo, sa pamamagitan ng ating kabaitan, mabubuting gawa, at mga salita—harapan man at sa virtual na paraan. Buong katapatan nating “ipahayag ang kapayapaan” habang nagpapatotoo tayo sa Kanya, sa salita at gawa.

Muli, sa Lucas ay mababasa natin:

“At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay [nangag-usapan], Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay-alam sa atin ng Panginoon.

“At sila’y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban.”

“Nang makita nila ito, ipinaalam nila sa kanila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito.” 10

Gayundin, “pumunta tayo ngayon” at “ipinaalam nila sa kanila” ang mensahe ng kapayapaan “tungkol sa sanggol na ito.” Ito ang mensaheng itinuturo ng mga missionary natin sa ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan; ito ang buhay na mensahe na ibinabahagi ng mga service missionary habang naglilingkod silang gaya ng Tagapagligtas. Ito ang mensahe natin habang minamahal, binabahaginan, at inaanyayahan natin ang mga nasa paligid na makibahagi sa pag-asa at kapayapaang nasa mabuting balita tungkol kay Jesucristo.

Kaya balikan natin ang magulong pagsasadula ng pamilya Bassett tuwing Pasko—bakit namin itinutuloy ang tradisyong ito, hinihikayat ang aming mga anak at apo na isadula ang magandang gabing iyon, nang dumating ang mga anghel na may dalang mabuting balita ng malaking kagalakan?

Ang sagot ay simple lang at nakatutuwa: “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.” 11

Oo, nakikita natin na ang buong mundo ay nagkakagulo, at ang puso ng mga tao ay nagsisipanlupaypay. Gayunman, sa kabila ng mga hamon, sa harap ng oposisyon, at kaguluhan, sikapin nating mabuti na ipahayag ang kapayapaan, ngayon at sa tuwina, habang naghahanda tayo at ang lahat para sa dakilang pagbabalik ng Prinsipe ng Kapayapaan, maging ang Panginoon, Tagapagligtas, at Manunubos na si Jesucristo. Sa pag-uulit sa sinabi ni Pangulong Nelson, “Bawat anak ng Diyos ay marapat marinig at matanggap ang nagpapagaling, at mapantubos na mensahe ni Jesucristo.”

Nawa’y maging tagapagpahayag tayo ng kapayapaan habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang, buhay, at misyon ng ating Tagapagligtas sa Paskong ito at sa tuwina ang aking panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.