Mga Pamaskong Debosyonal
Ang Diwa ng Pasko


15:2

Ang Diwa ng Pasko

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan

Linggo, Disyembre 5, 2021

Mahal kong mga kapatid, salamat at kasama ko kayo sa pandaigdigang Pamaskong debosyonal na ito. Ang napakagandang musika at ang mga mensahe ay nakaantig sa ating mga puso. Hatid nito ang tunay na diwa ng Pasko, ang kagalakang nagmumula sa pagsamba at pagmamahal sa Panginoong Jesucristo. Tayo ay sama-samang nakabigkis sa ating pagmamahal at katapatan sa Kanya.

Ang damdamin ng pagsamba ay lumalago sa tuwing binabasa ko ang mga banal na kasulatan na tumutulong sa aking malaman kung sino Siya noon at ngayon. Mula sa pagbabasa at pananalanging iyon, nakilala ko si Jesus bilang Jehova, na, sa utos ng ating Ama sa Langit, ay ang Lumikha ng lahat ng bagay. Ganito ang sinabi ni Pablo:

“Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,

“Subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya’y ginawa ang mga sanlibutan;

“Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos at tunay na larawan ng kanyang likas, at kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nang magawa na niya ang paglilinis ng mga kasalanan, siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan;

“Palibhasa’y naging higit na mataas kaysa mga anghel, palibhasa’y nagmana ng higit na marilag na pangalan kaysa kanila.

“Sapagkat kanino sa mga anghel sinabi ng Diyos kailanman, Ikaw ay aking Anak, ako ngayon ay naging iyong Ama? At muli, Ako’y magiging kanyang Ama, at siya’y magiging aking Anak?

“At muli, nang kanyang dinadala ang panganay sa daigdig ay sinasabi niya, Sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.” 1

Sa pagsilang ni Jesus sa Betlehem, ang mga anghel ay umawit at, tulad ng ipinropesiya, may bagong bituin na lumitaw para tanglawan ang langit, na papugay sa pagpasok ng Anak ng Diyos sa mortal na buhay.

Higit Siyang makapangyarihan sa atin, ngunit ang mga pangyayari nang Siya ay isilang ay nagpapadama sa atin na malapit tayo sa Kanya. Pinili Niyang manaog mula sa Kanyang luklukan sa kanang kamay ng Ama upang Siya ay maging mortal. Ginawa Niya ito dahil sa pagmamahal sa bawat anak ng Kanyang Ama na isisilang sa mundo. Ginawa Niya ito dahil mahal Niya kayo—at ako.

Maaari Siyang ipanganak sa anumang situwasyon. Gayunman isinilang si Jesus sa abang kalagayan sa isang munting nayon. Malugod Siyang tinanggap ng mga pastol. May ilang Pantas na Lalaki ang nabigyang-inspirasyon kalaunan na sambahin Siya. Iniutos ng lider sa pulitika na patayin Siya. Kinailangan Siyang dalhin sa isang banyagang bansa para mapanatili Siyang buhay. Nang sabihin ng isang anghel sa Kanyang mortal na mga magulang na maaari Siyang magbalik sa Kanyang bansa, Siya ay dinala nila sa Nazaret. Namalagi Siya roon nang halos 30 taon, lumaki at nagtrabaho bilang karpintero, bago nagsimula ang Kanyang ministeryo sa publiko.

Maaaring nagtataka kayo, tulad ko, kung bakit kinailangang ipadala sa gayong misyon ang perpektong Anak ng Diyos. Alalahanin kung paano Niya inilarawan ang Kanyang mapagpakumbabang pagtanggap sa Kanyang tungkulin:

“Bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

“At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.

“Sapagka’t ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawa’t nakakakita sa Anak, at sa kaniya’y sumampalataya, ay magkaroon ng walang hanggang buhay; at akin siyang ibabangon sa huling araw.” 2

Ipinakita ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at pagpapakumbaba. Sa kabila ng Kanyang kapangyarihan at karingalan kasama ng Kanyang Ama, pinili ni Jesus ang Kanyang mga disipulo sa lupa sa mga karaniwang tao, na kinabilangan ng mga mangingisda, maniningil ng buwis, at isang panatiko.

Siya ay nangaral at nakisalamuha sa mga ketongin, maysakit, lumpo, at inaapi. Minahal at tinanggap Niya ang pinakamababa sa kanila, kahit na bumaba Siya mula sa mga hukumang luklukan sa itaas. Sila ay minahal Niya, pinaglingkuran, at iniangat.

Ang Kanyang pambihirang magiliw na pagmamahal at pagtitimpi ay nadagdagan sa pagtatapos ng Kanyang misyon sa lupa. Naharap Siya sa oposisyon at poot na alam Niyang bahagi ng misyon kung saan Siya tinawag at na tinanggap Niya. Iyon ay ang magdusa para sa mga kasalanan at kapansanan ng lahat ng paparito sa mortal na buhay.

Naaalala ninyo ang mga salita ni Jacob nang itinuro niya ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo:

“O kaydakila ng kabanalan ng ating Diyos! Sapagkat nalalaman niya ang lahat ng bagay, at walang anumang bagay na hindi niya alam.

“At siya ay paparito sa daigdig upang kanyang mailigtas ang lahat ng tao kung sila ay makikinig sa kanyang tinig; sapagkat masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan.

“At titiisin niya ito upang ang pagkabuhay na mag-uli ay maganap sa lahat ng tao, upang ang lahat ay tumayo sa harapan niya sa dakila at araw ng paghuhukom.” 3

Ang sanggol na nasa sabsaban sa Betlehem ay ang Anak ng Diyos, na isinugo ng Ama para maging ating Tagapagligtas. Siya ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang ating Huwaran.

Para magkaroon ng diwa ng Pasko, kailangan nating sikaping magmahal tulad ng pagmamahal Niya. Ang Kanyang mga salita sa atin ay “Kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.” 4

Madarama ninyo ang diwa ng Pasko, tulad ko, sa mga salitang iyon. Nadama ko ang liwanag at ang magandang pananaw mula sa impluwensya ng Espiritu Santo sa tuwing maaalala ko at pinagninilayan ang halimbawa ng Tagapagligtas ng mundo.

Para sa akin, siguro ang pinakamatamis na alaala ay na handa tayong tulungan ng Panginoon anuman ang mangyari sa atin. Tulad ng itinuro ni Mormon:

“Ang Diyos na nakaaalam sa lahat ng bagay, na nagmula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, masdan, isinugo niya ang mga anghel upang maglingkod sa mga anak ng tao, upang ipaalam ang hinggil sa pagparito ni Cristo; at kay Cristo nagmumula ang bawat mabuting bagay.

“At ang Diyos ay nagpahayag din sa mga propeta, sa pamamagitan ng sarili niyang bibig, na si Cristo ay paparito.

“At masdan, may iba’t ibang mga paraan na kanyang ipinaalam ang mga bagay sa mga anak ng tao, kung alin ay mabubuti; at ang lahat ng bagay na mabubuti ay nagmumula kay Cristo; kung hindi, ang tao ay nahulog, at walang mabuting bagay ang darating sa kanila.

“Samakatwid, sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel, at sa pamamagitan ng bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos, ang tao ay nagsimulang manampalataya kay Cristo; at sa gayon, sa pamamagitan ng pananampalataya, sila ay nanangan sa bawat mabuting bagay; at sa gayon nga iyon hanggang sa pagparito ni Cristo.

“At pagkaraang pumarito siya, ang tao ay naligtas din sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; at sa pamamagitan ng pananampalataya, sila ay naging mga anak ng Diyos. At kasintiyak na buhay si Cristo ay winika niya ang mga salitang ito sa ating mga ama, sinasabing: Kahit anong bagay ang inyong hihilingin sa Ama sa aking pangalan, kung alin ay mabuti, nang may pananampalataya, naniniwalang iyon ay matatanggap ninyo, masdan, iyon ay gagawin sa inyo.” 5

Sa panahong ito, marami sa inyo ang nananalangin para sa lakas upang matiis ang mga pagsubok na sumusubok sa inyong kakayahan. Nagpapatotoo ako na naririnig ng Tagapagligtas at ng Ama ang inyong mga pagsamo para sa kaginhawahan at mga bagay na mabuti para sa inyo at sa mga minamahal at pinaglilingkuran ninyo.

Ang mga sagot ay darating tulad noon kay Propetang Joseph Smith. Makikita ninyo ang pagkakatulad ng panalangin ni Joseph para sa tulong at ng mga panalangin ninyo. At madarama ninyo ang pagmamahal ng Panginoon kay Joseph at sa inyo sa Kanyang nakapapanatag na sagot sa pagsamo ni Joseph. Nanalangin si Joseph:

“O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?

“Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay, at ang inyong mga mata, oo ang inyong dalisay na mata, ay mamasdan mula sa walang hanggang kalangitan ang mga kaapihan ng inyong mga tao at ng inyong mga tagapaglingkod, at marinig ng inyong mga tainga ang kanilang mga iyak?” 6

Ang sumagot ang Panginoon gaya ng maaaring isagot Niya sa inyo at sa akin:

“Kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway.

“Ang iyong mga kaibigan ay nakatayo sa iyong tabi, at ikaw ay kanilang muling ipagbubunyi nang may maiinit na puso at magigiliw na kamay.” 7

Alam ko sa sarili ko na tiyak ang mga pangakong ito para sa inyo, para sa akin, at para sa mga mahal natin sa buhay. Nadama ng Panginoon ang ating mga paghihirap. Kaya pumili Siya dahil sa pagmamahal Niya sa atin. Alam Niya kung paano tayo tutulungan na madama ang kapayapaan sa kabila ng paghihirap, kahit patuloy ang pagsubok. Magpapadala siya ng mga kaibigan na magsisilbing mga anghel na nasa inyong tabi “nang may maiinit na puso at magigiliw na kamay.” Ang ating mga puso ay magiging mas mabuti habang tinitiis natin ang mga personal na pagsubok sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya. 8 At kaakibat ng pagbabagong iyon, tayo mismo ay magiging mga kaibigan na maisusugo ng Panginoon bilang mga anghel sa ibang tao.

Bilang Kanyang saksi, nagpapatotoo ako na ang sanggol na isinilang sa Betlehem ay si Jesucristo, ang pinakamamahal na Anak ng Diyos. Nangangako ako na kung hihiling kayo sa Ama sa Langit nang may pananampalataya at sa pangalan ni Jesucristo, ibibigay ng Espiritu sa inyo at sa inyong mga minamahal ang damdamin ng kapayapaan.

Ipinahahayag ko ang pagmamahal ko sa inyo at nawa magalak kayo sa Pasko—ngayong taon at sa tuwina. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.