Mga Pamaskong Debosyonal
Ang Hari ng Lahat


11:46

Ang Hari ng Lahat

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2022

Linggo, Disyembre 4, 2022

Maging Handang Tumanggap

Ang kapayapaan at kagandahang-loob na hatid ng inspiradong musika ay pumupuspos sa ating mga kaluluwa.

Maligayang Pasko!

Disyembre 1943 ng panahong iyon, at kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lahat ay nag-aalala sa mga mahal sa buhay na nasa ibang bansa, at pinalala pa ito ng kawalan ng pera at pagkain. Habang iniingatang mabuti ang kabuhayan ng pamilya, namangha ang tatay kong si Harold Hillam, na noo’y siyam na taong gulang, na makatanggap ng napakagandang regalo sa Pasko—isang set ng laruang tren. Espesyal ang tren na ito; umiikot ito sa riles sa sarili nito. Hindi na kailangang itulak. Tila imposibleng makatanggap ng gayon kagandang regalo. Iningatang mabuti ni Harold ang tren na iyon.

Pagkaraan ng ilang taon, habang papalapit ang Pasko, umaahon na ang mundo mula sa digmaan. Subalit hindi pa nagbabago ang kundisyon sa maliit na bayan ng St. Anthony, Idaho, at para sa pamilya ng aking ama, lumala pa nga iyon. Nagkasakit nang malubha ang ama ni Harold, na halos ikamatay niya. Hindi nakatanggap ng regalo ang sinuman noong Paskong iyon—pati sina Harold at ang mas batang kapatid niyang si Arnold.

Ilang araw bago nag-Pasko, lumapit kay Harold ang kanya ama at mahinang nagtanong, “Harold, puwede mo bang ibigay ang tren mo kay Arnold para may regalo siya sa Paskong ito?”

Tama ba ang dinig niya sa kanyang ama? Ang iniingatan niyang tren? Ito ang pinakamabigat na kahilingan sa kanya ng kanyang ama.

Sumapit ang umaga ng Pasko, at sumigaw sa tuwa si Arnold nang matanggap niya ang tren na katulad ng kay Harold.

Napansin kaagad ni Arnold na hindi na nilalaro ni Harold ang tren nito. Kalaunan ay nalaman ni Arnold na ang itinatangi niyang regalo ay hindi lamang katulad ng tren ni Harold—iyon mismo ang tren ni Harold! Nang maunawaan ni Arnold ang kahulugan sa likod ng regalo, naging napakahalaga ng tren.

Para sa akin, ang kuwento ng pamilyang ito mismo ay isang regalo—at hindi lang dahil ipinapaalala nito ang mahal kong ama at ang mahal niyang kapatid. Ang mas mahalaga pa, ipinapaalala nito sa akin ang sakripisyo—ang sakripisyo at pagmamahal ng Pinakamamahal na Anak ng Diyos—na ang pagsilang ay ating ipinagdiriwang.

Si Jesucristo noon at ngayon ang ating unang regalo ng Pasko magpakailanman. Pinatototohanan ko ito: Siya ay isinilang, nabuhay at namatay para sa atin, at Siya ay buhay―hanggang ngayon!

Napakapalad natin na matanggap ang napakagandang regalong ito. Sabi sa mga titik ng magandang awitin sa Pasko: “O magsaya ’sinilang na [at ating tanggapin] ang Hari ng lahat!”1

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Dahil sa lahat ng naibigay sa atin ng Diyos ay dapat mahusay na tayo sa pagtanggap, pero hindi. Tayo na itinuturing ang ating sarili na kaya nating mag-isa at magsarili ay madalas maasiwa, at mahirapan pa nga, na tumanggap. …

“[Subalit] ang mga regalo ng Diyos, kumpara sa mga regalo tuwing Pasko, ay walang hanggan at hindi nasisira, na bumubuo sa patuloy na Paskong walang katapusan!”2

Kaya paano natin matatanggap nang sapat ang gayon kagandang regalo? Paano natin pipiliin araw-araw ang regalo na ating Tagapagligtas, Kanyang pagmamahal, at Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala?

Isantabi natin ang nagyeyelong mga salamin ng bintana at pinturadong mga candy cane, at matuto tayo mula sa mga abang tungkulin at nakasandalyas na mga paa ng mga unang tumanggap sa sanggol na Tagapagligtas.

Tanggapin ang Kanyang Kabanalan

Nang malapit nang isilang ang Tagapagligtas, nakipagsiksikan sina Maria at Jose sa gitna ng ingay ng Bethlehem, pero puno na ang mga bahay-tuluyan. Wala bang may silid para sa kanila? Wala bang magbibigay sa kanila ng kapahingahan? Batid ni Maria ang regalong dinadala niya, pero walang may silid para tanggapin iyon, para tanggapin Siya.

Hindi natin tunay na malalaman ang nadama nina Maria at Jose sa puntong ito, pero noon ko pa nawawari na nagpatuloy sila nang may tahimik na lakas at tiwala. Sa pagsunod sa paanyaya ng anghel na “huwag kang matakot”3 at handa na ngayon sa pagsilang ni Jesus, nagawa nilang kalimutan ang pag-asam sa komportableng matutuluyan at sa halip ay namalagi sa tahimik at abang kuwadra. Pero ang nadama nila na tila isang abang lugar ay hindi mananatiling gayon. Hindi magtatagal ay pupuspusin ng kabanalan ng Panginoon ang kahungkagang iyon.

Tulad ng popular na mababasa sa Lucas 2:7, “At kanyang isinilang ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin, at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.”

Ang ating Tagapagligtas—ang maluwalhating regalong iyon ng buhay, pag-asa, at pangako—ay naparito na sa lupa.

Maaari ba tayong maghanda ng puwang sa ating puso na tanggapin si Cristo at tulutang puspusin ng Kanyang kabanalan ang ating mga hungkag na lugar? Tulad nina Maria at Jose, maaari tayong magtiwala sa Kanya maging sa gitna ng kung minsa’y napakabigat na sitwasyon. Ang patnubay—maging ang mga himala—na dumarating sa ating buhay ay malamang na wala sa gulo at ingay, ni sa mga entablado o istadyum, kundi sa mga tahimik na lugar kung saan tayo nakatira at nagtatrabaho―kung saan tayo humihingi ng tulong. Saanman tayo magkaroon ng mga abang pangangailangan, tatanggapin at matatanggap natin ang mga sagot sa ibinulong nating mga dalangin.

Tanggapin ang Kanyang Paanyayang Kumilos

Hindi ba kagila-gilalas na ang ilan sa mga unang tumanggap sa Kordero ay mga pastol?

Malalim ang gabi nang magtipon ang manghang mga pastol sa ilalim ng kumikinang na liwanag kung saan naging isa ang langit at lupa sa pagdiriwang ng pambihirang kaganapan ng pagsilang ng Tagapagligtas.

“Kaya’t sinabi sa kanila ng anghel, ‘Huwag kayong matakot, sapagkat narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan. …

“Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.’”4

Nakatutuwa na hindi nagpaliban ang matatapat na pastol na ito sa kanilang pagtanggap kundi nagmadaling makita ang kanilang Hari. Mula sa kanila, nalaman natin na ang pagtanggap ay pagkilos. Sinasabi sa atin ni Lucas na ang mga pastol ay “nagmamadaling pumunta at kanilang natagpuan … ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.”5

Maraming beses, ang mga marahan at maliliit na mga impresyon mula sa Panginoon ay maaaring hindi natin matanggap dahil hindi pasok ang mga ito sa ating iskedyul, mga plano, o oras. Ang kuwento ng Pasko ay nagpapaalala sa atin na maging katulad ng matatapat na pastol na ito na hindi nagpaliban sa paggawa ng kailangang gawin para tanggapin ang kanilang Hari.

Ngayon, napansin ba ninyo na ipinasok ni Lucas sa kuwento ng Pasko ang isang masayang pahiwatig na ang pagtanggap sa Kanya ay pagbabalita tungkol sa Kanya, na ipinaliliwanag, “Nang makita nila [si Jesus], ipinaalam nila sa kanila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito”?6 Natanggap ng mga pastol na ito ang mensahe mula sa langit, mabilis na humayo, at kaagad na naging mga tagapagbalita ng langit, inihahayag ang kanilang “kaligayahan sa daigdig,” at inanyayahan ang lahat na “tanggapin ang [kanilang] Hari!”7

Tumanggap nang May Matatag na Pananampalataya

Ngayon ay ibaling natin ang ating atensyon sa mga Pantas. Namumukod-tangi sila sa mga naghanap kay Jesucristo. Masigasig nilang ginugol ang kanilang buhay sa pagmamasid sa mga pagpapamalas ng langit, at nang dumating iyon, tinalikuran nila ang ginhawa ng tahanan, mga trabaho, pamilya, at kaibigan para sundan ang bituin at hanapin ang kanilang Hari.

Hindi tulad sa mga pastol, nagtagal ang tuluy-tuloy na paglalakbay nila. Kinailangan nilang maghanap, magtanong, maghintay, at humayo, at pagkatapos ay ulitin iyon, hanggang sa makita nila sa huli ang batang anak ni Maria, na Kanyang ina. Naghandog sila ng mga regalong lubhang mahalaga at nagpatirapa at sumamba sa Kanya.8

Madalas ko itong pagnilayan: Sa pagtanggap natin kay Cristo, masigasig ba natin Siyang hinahanap at tinutulutang akayin tayo sa ating paglalakbay sa mga lugar at taong hindi natin kilala? Paano tayo nagpapasalamat sa pamamagitan ng mga regalo at pagsambang handog natin?

Mapapalad ang mga Tumatanggap

Kaya, hayan—ang dakilang kuwento ng Pasko.

Mahal kong mga kaibigan, mapapalad ang mga tumatanggap. Bagama’t napakaganda ng regalong tren ng aking ama at ng magigiliw na regalo ng oras at mga yaman na ibinabahagi ng mga pamilya sa iba’t ibang dako, napakalayo ng mga regalong iyon kumpara sa tunay na regalo ng Pasko—si Jesucristo.

“Sapagkat ano ang kapakinabangan ng tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob sa kanya, at hindi niya tinanggap ang handog?”9

Isipin ang talatang ito mula sa banal na kasulatan habang pinagninilayan ang walang-hanggang katotohanang nabanggit: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”10

Gustung-gusto ko ang pangako na sinumang tunay na tumatanggap sa regalo ni Cristo na ibinigay noong banal na gabing iyon ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan!

Kaya nakikita natin na sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap araw-araw na tanggapin nang mas lubusan si Cristo, magiging katulad tayo ng inanyayahan ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “mga taong may kakayahan, handa, at karapat-dapat na tumanggap sa Panginoon kapag pumarito Siyang muli, mga taong pinili [na] si Jesucristo.”11

Kayluwalhating isipin ang araw na iyon na sama-sama nating muling ipapahayag: “O magsaya, ’sinilang na ang Hari [nating lahat, tanggapin Siya]!”12 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.