Mga Pamaskong Debosyonal
Magandang Balita ng Malaking Kagalakan


14:6

Magandang Balita ng Malaking Kagalakan

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2022

Linggo, Disyembre 4, 2022

Maligayang Pasko! Salamat sa lahat na ang mga mensahe at musika at paglilingkod ay nagpahayag ng “magandang balita ng malaking kagalakan” sa Kapaskuhang ito.

Ipinagdiriwang ng milyun-milyon ang pagsilang ni Jesucristo ngayong Kapaskuhan. Dapat itong gawin ng buong mundo. Ang Kanyang buhay ang pinakadakila sa lahat.

I.

Kahit sa mga makamundong pananalilta, ang mortal na buhay ni Jesus ng Nazaret ay nagkaroon ng malaking epekto sa mundong ito at sa kasaysayan nito kaysa kanino pa man. Siya ay naging pangunahing paksa ng mga propeta at makata sa loob ng libu-libong taon. Ang pinakamagandang sining at musika sa kanluran ay inilaan sa pagdiriwang ng pagsilang at buhay at misyon ni Jesucristo. Ginugol ng mga pilosopo at teologo ang kanilang buhay sa pag-aaral ng Kanyang mga turo. Ang mga turong iyon ay naging inspirasyon sa napakaraming pagkakawanggawa, mga pagpapamalas ng dalisay na pag-ibig ni Cristo.

Walang sinumang nagkaroon ng mas maraming bantayog sa Kanyang buhay at mga turo kaysa sa Panginoong Jesucristo. Siyempre pa, kabilang dito ang malalaking katedral na nagkalat sa buong Europa at sa mga lupain ng Amerika, at marami ang inabot ng mahigit isang siglo para maitayo. Sa huling bilang kamakailan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mayroong 171 templong inilaan at bukas at 129 pang inaayos, itinatayo, ipinaplano, o ibinalita ni Pangulong Russell M. Nelson sa huli nating pangkalahatang kumperensya noong Oktubre. Ang mga bahay na ito ng Panginoon ay nasa bawat kontinente at nasa 74 na bansa ng mundo. Doo’y inilalaan natin ang ating buhay sa pagsunod kay Jesucristo.

Milyun-milyon na ang nag-alay ng kanilang buhay—at, ang mas mahalaga, milyun-milyon na ang itinulad ang kanilang buhay—sa Panginoong Diyos ng Israel, si Jehova, Jesucristo, na ating Tagapagligtas. Hindi nagmalabis si Pangulong Gordon B. Hinckley sa pagsasabi ng, “Ang Kanyang walang-katulad na halimbawa [ang] pinakadakilang kapangyarihan para sa kabutihan at kapayapaan sa buong mundo.”1

II.

Nakikita natin ang isang mahalagang layunin at simbolo sa banal na pagbabalita ng pagsilang ng Bugtong na Anak ng Diyos. Nalaman natin mula sa mga salaysay sa Bagong Tipan na ang pagsilang ng batang Cristo sa silangan ay ibinalita sa tatlong grupo, na ang bawat isa ay lubos na naiiba mula sa isa pa. Ang mga tumanggap ng balita ng langit tungkol sa pagsilang ay ang mga napakaaba, napakabanal, at napakarunong.

Ang unang pagbalita ay sa mga pastol sa mga burol ng Bethlehem. Ipinahayag ng isang anghel at koro ng langit ang “magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan … isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.”2 Ang mga pastol ay malamang na pinili upang tanggapin ang magandang balitang ito dahil sila ay maamo at aba. Sa gayon, madali nilang natanggap ang mensahe ng langit, na napatunayan nila sa pagdalaw sa bagong-silang. Pagkatapos, iniulat sa banal na kasulatan, “ipinaalam nila sa [iba] ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito.”3 Ginawang halimbawa ng Tagapagligtas ang mga pastol at ang mga korderong inalagaan nila sa Kanyang pagtuturo. Gayundin, nang puntahan ni Jesus si Juan Bautista sa simula ng Kanyang ministeryo, ipinahayag ng propetang iyon, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.”4

Ang pangalawang balita ng pagsilang ng Mesiyas ay ibinigay sa dalawang banal na manggagawa sa templo sa Jerusalem na, dahil sa kanilang makadiyos na pamumuhay, ay naging marapat na tumanggap ng pagsaksi ng Espiritu Santo. Nang dalhin nina Maria at Jose ang sanggol na si Jesus sa templo para sa sakripisyong iniutos para sa mga panganay, nasaksihan kapwa nina Simeon at Ana na Siya ang Mesiyas. Nakatala sa banal na kasulatan na kinalong ni Simeon ang bata at pinuri ang Diyos sa pagpapahintulot na makita niya ang “iyong pagliligtas,” isang “ilaw upang magpahayag sa mga Hentil, at para sa kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.” At si Ana, “isang babaing propeta,” “pagdating niya sa oras ding iyon, siya’y nagpasalamat [din] sa Diyos at nagsalita nang tungkol sa [kanya] sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.”5

Nalaman ng isang pangatlong grupo ang kahanga-hangang pagsilang na ito. Nakaulat sa Biblia, ayon sa paglilinaw ni Joseph Smith, na “may dumating na mga pantas sa Jerusalem na nagmula sa silangan, na nagsasabing, Nasaan ang batang isinilang na Mesiyas ng mga Judio? sapagkat nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang siya’y sambahin.”6

Sa kanilang tanong ay wala kaming duda na inakay sila ng Panginoon para sa Kanyang mga sagradong layunin. Itinuturo sa Biblia na “ang mga bagay ng Diyos ay walang kinikilalang sinuman, maliban kung nasa kanya ang Espiritu ng Diyos.”7 Ang mga pantas na ito ay nagmula sa ibang lupain at kultura, kaya ang pagsaksi sa kanila ay paalala na ang Mesiyas ay isinilang para sa lahat ng tao. Bukod pa riyan, maaaring may isa pang layunin. Ang halaga ng ginto at iba pang mga regalong ibinigay ng mga pantas ay maaaring nakatulong kina Maria at Jose para mabilis na maglakbay papuntang Ehipto at manatili roon para iligtas ang batang Cristo nang maging banta sa Kanyang buhay ang masamang utos ni Haring Herodes.8

Hindi ba kapansin-pansin na ang mahimalang pagsilang ni Cristo at ang kabuluhan ng kaganapang iyon ay ipinaalam lamang sa mga napakaaba, napakabanal, at napakarunong? Tulad ng itinuro ni Elder James E. Talmage sa Jesus the Christ, “Tunay ngang nagpabangon ang Diyos ng mga saksi para sa Kanyang sarili upang matugunan ang lahat ng klase at kundisyon ng mga tao—ang patotoo ng mga anghel para sa mga dukha at aba; ang patotoo ng mga pantas sa mayabang na hari at mapagmalaking mga saserdote ng Judea.”9

Ang pag-alaala kina Simeon at Ana ay maghihikayat sa atin na tularan sila at idagdag ang ating pagsaksi sa sagradong pagsilang at sa layunin nito ngayong Kapaskuhan.

III.

Para sa atin, walang nabago sa pagdiriwang ng pagsilang ni Cristo. Ang mensahe ay walang hanggan at pamilyar. Itinuro iyon kay Adan. Ipinangaral iyon sa mga anak ni Israel. Inihayag iyon sa mga inapo ni Amang Lehi. Paulit-ulit na ipinahayag ng mga propeta ang mahahalagang katotohanan ng mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Paulit-ulit na ipinahayag nila ang Kanyang misyon at itinuro ang Kanyang utos na mahalin at paglingkuran ng mga anak ng Diyos ang Diyos at ang isa’t isa. Inulit-ulit sa pagdaan ng mga panahon, ang mga pahayag na ito ang pinakamahalagang mensahe sa buong kawalang-hanggan. Para sa mga sumusunod kay Cristo, ang mga pahayag na ito ay hindi dapat baguhin. Ang mga ito ay dapat panibaguhin sa buhay ng bawat isa sa atin.

Hinihikayat tayo ng Pasko na naising gumawa ng higit pa para ipamalas sa lahat ang ating pagmamahal at pakikipagkaibigan. Ang pahayag mula sa langit na “sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya”10 ay hindi limitado sa mga iniibig at minamahal na natin. Ang bilin nito sa atin ay magkaroon ng mabuting kalooban para sa mga kaswal na kaibigan, mga estranghero, maging sa mga kaaway. Ang Pasko ay panahon din para magpatawad, panahon para paghilumin ang dating mga sugat at makipagbati sa iba.

Ang Pasko ay panahon para pawiin ang kayabangan at panunulsol, supilin ang pamimintas, magpasensya, at huwag magtuon sa pagkakaiba ng mga tao. Mayroon tayong dahilan na pakisamahan ang lahat ng tao, ang kapwa natin miyembro at hindi miyembro, na sinusunod ang utos na ipinabigay ng Diyos kay Moises sa mga anak ni Israel:

“Kapag ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama.

“Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin mo siya na gaya ng sa iyong sarili.”11

Ang Pasko ay panahon para alalahanin na tayong lahat ay anak ng isang Ama sa Langit na nagsugo sa Kanyang Bugtong na Anak upang lahat ay matubos mula sa kamatayan at naghandog ng mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan sa buong sangkatauhan sa magkakaparehong mga kundisyon.

Bilang mga alagad ni Cristo, dapat tayo ang maging pinakapalakaibigan at pinakamabait sa lahat ng tao kahit saan. Dapat nating turuan ang ating mga anak na maging mabait at maalalahanin sa lahat. Dapat natin siyempreng iwasan ang mga uri ng kasama at aktibidad na nagkokompromiso sa ating asal o pinahihina ang ating pananampalataya at pagsamba. Ngunit hindi ito dapat maging dahilan para hindi tayo makiisa sa paggawa ng kabutihan kasama ng ibang tao—mga sumasampalataya man o hindi.

Ilang dekada na ang nakararaan, sinabi ito ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Hinanap ng mga pastol noong unang panahon ang batang si Jesus. Ngunit ang hinahanap natin ay si Cristo Jesus, ang ating Nakatatandang Kapatid, ang ating Tagapamagitan sa Ama, ang ating Manunubos, ang May-akda ng ating kaligtasan; siya na sa simula ay kasama ng Ama; siya na umako sa mga kasalanan ng sanlibutan at kusang nagbuwis ng buhay upang tayo ay mabuhay magpakailanman. Ito ang Jesus na ating hinahanap.”12

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay lubhang nararapat na ipagdiwang ang nakapagliligtas na mensahe ni Jesucristo sa buong taon. Taglay natin ang kaloob na Espiritu Santo, na ang misyon ay para patotohanan ang Ama at ang Anak.13 Tayo ay mga anak ng isang Ama sa Langit na nagpahayag, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”14 At ang mga propeta ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ang Panginoong Diyos ng Israel, ay ipinahayag ang Kanyang ebanghelyo:

“Na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan;

“Na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas na siyang inilagay ng Ama sa kanyang kapangyarihan at nilalang sa pamamagitan niya;

“Na siyang lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay.”15

Samakatwid, sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan ipinapahayag namin “na sa Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”16 Ito ang patotoo ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.