Mga Pamaskong Debosyonal
Para sa Mabubuti, Ang Kahulugan ng Pasko ay Magiging Maayos ang Lahat


12:3

Para sa Mabubuti, Ang Kahulugan ng Pasko ay Magiging Maayos ang Lahat

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2022

Linggo, Disyembre 4, 2022

Nagpapasalamat ako kay Pangulong Nelson at sa Unang Panguluhan sa pribilehiyong magsalita ngayong gabi. Naipagdiwang na namin ng aming pamilya ang mga tradisyon ng Pasko sa sariling bansa namin at sa France, Germany, at Brazil. Saanman tayo nakatira, para sa ating naniniwala at sumusunod kay Jesucristo, isang magandang katotohanan ang hindi nagbabago: nagagalak tayo na Siya na tinawag mula pa sa simula, Siya na inasam nang maraming siglo, Siya na Bugtong na Anak ng Ama, ay dumating—sa kalagitnaan ng panahon, sa pinakahamak na mga kalagayan—Siya ay dumating. At dahil Siya ay dumating, ang bilyun-bilyong nabuhay ay mabubuhay na muli at, kung pipiliin nila, ay maaaring magmana ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakilang kaloob sa lahat ng kaloob ng Diyos.

Sa magandang kuwento ng Kanyang pagsilang sa Kapaskuhan, maraming aral tayong matututuhan.

Ito ang aral na ibabahagi ko sa inyo ngayong gabi: Sa kabila ng lahat ng alalahanin at kawalang-katiyakan, ng mga paghihirap at ligalig na kaakibat natin sa ating mortal na buhay, para sa mabubuti—na mga may pananampalataya at tiwala sa Panginoon—sa huli, magiging maayos ang lahat.

Isipin ang magagandang halimbawang ito.

Isang mabuting babaeng nagngangalang Elizabeth at kanyang asawang si Zacarias, na may mga edad na, ang nalungkot dahil hindi sila nabiyayaan ng mga anak. Gayunpaman sila’y nanampalataya at nagtiwala sa Panginoon.

Bagama’t hindi itinala sa mga banal na kasulatan ang maaaring nadama at sinabi nina Zacarias at Elizabeth sa isa’t isa, matutulungan tayo ng dulang musikal na Savior of the World [Tagapagligtas ng Sanlibutan] na pagnilayan ang maaaring laman ng kanilang mga puso. Sinabi ni Zacarias kay Elizabeth: “Hindi tayo piniling magkaroon ng mga anak. Ngunit nagtitiwala pa rin tayo sa Panginoon.” Pagkatapos ay umawit sila: “Mag-aalay ako sa Diyos magpakailanman, hindi para gawin ang aking kagustuhan. … Kung ‘di magaganap ang ninanais ko, ako’y maghihintay at aasam. … Siya’y … hahayaang sa aki’y gumabay … hanggang sa magwakas itong aking buhay.”1

Pagkatapos ay nangyari ang isang himala. Nakatala sa mga banal na kasulatan na nagpakita ang anghel na si Gabriel kay Zacarias. Ipinahayag ng anghel: “Ang asawa mong si Elizabeth ay magsisilang sa iyo ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siya sa pangalang Juan. … [Kanyang] … [ihahanda] ang isang bayang nakalaan sa Panginoon.”2

Sumagot si Zacarias, “Ako ay matanda na at ang aking asawa ay puspos na ng mga araw.”3

Sumagot si Gabriel, “Sapagkat hindi ka naniwala sa aking mga salita,” “ikaw ay magiging pipi at di makapagsasalita, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito.”4

Isipin kung ano ang naramdaman nina Elizabeth at Zacarias. Maraming taon nilang ipinagdasal na magkaanak, ngunit walang anak na dumating. Patuloy nilang sinunod ang mga kautusan at nagtiwala sa Panginoon. Pagkatapos, nagpakita ang isang anghel kay Zacarias, ngunit matapos ito, hindi na siya makapagsalita. Marahil inisip niya ang kanyang katayuan sa harap ng Panginoon. Ngunit di-nagtagal, isinilang ang sanggol. Muling nakapagsalita si Zacarias. At ang sanggol ay naging si Juan ang propeta, na naghanda ng daan para sa Tagapaligtas. Sa kabila ng kawalang-katiyakan at paghihirap, para sa mabubuti, sa huli, magiging maayos ang lahat.

Sumunod, sa kuwento ng Pasko, nakilala natin ang pinakamamahal na si Maria, ang piniling maging ina ng Anak ng Diyos. Subalit maraming alalahanin at kawalang-katiyakan sa buhay niya. Nagpakita si Gabriel kay Maria, sinabi nito sa kanya ang kanyang dakilang tungkulin. Tinanong ni Maria, “Paanong mangyayari ito, samantalang ako’y wala pang nakikilalang lalaki?”5 Ipinaliwanag ni Gabriel na ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ay bababa sa Kanya at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililiman siya, at kanyang ipaglilihi ang Anak ng Diyos, at ang Kanyang magiging pangalan ay Jesus.

Isipin ang galak at kaligayahang nadama niya dahil dinalaw siya ng anghel ng Diyos. Nakapagpapakumbaba habang pinagninilayan niya na siya ang magiging ina ng pinakahihintay na Mesiyas. Subalit, nang sabihin niya ito kay Jose, hindi pa nalutas ang lahat ng alalahanin. Si Jose ay mabuting tao at hindi niya gustong mapahiya si Maria, ngunit hindi niya tiyak ang tamang landas na susundan. Sa kanyang ligalig at kawalan ng katiyakan, isang anghel ang dumating sa kanya sa panaginip: “Jose, … huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa sapagkat ang ipinaglilihi niya ay mula sa Espiritu Santo. Siya’y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”6

Tiyak na nauunawaan natin kung bakit naligalig at nag-alinlangan si Maria, iniisip kung paano mangyayari ang kamangha-manghang pagpapalang ito. Si Jose ay nag-alala at nabalisa rin. Subalit malinaw na ngayon na dapat nilang magkasamang tahakin ang landas na ito. Napakasaya marahil ni Maria nang malaman niyang nagpakita kay Jose ang isang anghel. Napakasaya marahil ni Jose na malaman na ito ay kalooban ng Diyos. Sa kawalang-katiyakan at paghihirap, para sa mabubuti, sa huli, magiging maayos ang lahat.

Ngunit alam natin, may paghihirap pang haharapin, laging mayroon. Habang papalapit na ang panganganak ni Maria, kinailangang bumalik ni Jose sa lunsod ng Betlehem dahil sa utos ng mga Romano. Nagpasiya sina Maria at Jose na magkasamang umalis. Gustung-gusto natin ang magandang kuwento ng Pasko. Pagdating sa Betlehem, walang silid na matutuluyan. Tiyak na nag-alala nang labis si Jose. Bakit kailangang mangyari ito? Bakit kailangang ipanganak ni Maria, na pinili sa lahat ng kababaihan, ang Anak ng Kataastaasan sa hamak na kuwadra? Hindi ba magkakaroon ng problema o komplikasyon ang panganganak?

Tila hindi inaasahan ito, hindi makatwiran. Ngunit isinilang ang sanggol; Siya ay malusog. Tulad ng isinasalaysay ng isang magandang awiting pamasko, “Doon sa sabsaban, wala s’yang kuna, Munting Panginoon do’n nakahiga.”7

Bago matapos ang gabi, isang anghel ang nagpakita sa mga pastol na nasa bukid na may dalang mabubuting balita ng malaking kagalakan. At umawit ang mga anghel, “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”8

Nagtungo sa Betlehem ang mga pastol para hanapin ang sanggol na si Jesus. At nang makita nila ang batang Cristo, kaylaking kapanatagan at katiyakan marahil ang nadama nina Jose at Maria nang makita nila na may layunin sa lahat ng paghihirap na naranasan nila. Ipinahayag ng mga anghel ang Kanyang pagdating at ang Kanyang dakilang misyon. Matapos ang paghihirap at kawalang-katiyakan, para sa mabubuti, sa huli, magiging maayos ang lahat.

Sa bagong daigdig, ang mga ligalig, kawalang-katiyakan, at mga alalahanin ay nadarama rin ng mabubuti. Ipinropesiya ng propetang si Samuel na isisilang ang Tagapagligtas limang taon kalaunan at ang palatandaan ay isang buong gabi na walang kadiliman. Habang papalapit ang araw na iyon, nalalapit na ring maganap ang mga bagay na hindi sukat akalain. “May isang araw na itinakda ang mga di naniniwala, [na nagsabing ang araw ay lumipas na,] na ang lahat ng yaong naniniwala [na paparito ang Tagapagligtas] ay nararapat na patayin maliban kung ang palatandaan ay mangyari.”9 Kinutya ng mga di-naniniwala ang mga naniniwala, “Ang inyong kagalakan at ang inyong pananampalataya hinggil sa bagay na ito ay nawalang-saysay.”10 Isipin ninyo ang nadamang pagkabalisa at pag-aalala ng mabubuti. Sinasabi ng mga banal na kasulatan na “iniyukod [ni Nephi] ang sarili sa lupa, at nagsumamo nang buong taimtim sa kanyang Diyos para sa kapakanan ng kanyang mga tao.”11 At habang nananalangin si Nephi, “ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanya, sinasabing: Itaas mo ang iyong ulo at magalak; sapagkat masdan, dumating na ang panahon, at sa gabing ito ang palatandaan ay makikita, at kinabukasan, paparito ako sa daigdig”12

Sabi sa mga banal na kasulatan, “Ang mga salitang sinabi kay Nephi ay natupad, … sapagkat masdan, sa paglubog ng araw ay hindi nagkaroon ng kadiliman. … [At] lahat ng tao … ay labis na nanggilalas na ikinabuwal nila sa lupa. … [At] hindi nagkaroon ng kadiliman sa buong gabing yaon, kundi ito ay katulad ng liwanag ng katanghaliang-tapat. … At alam nila na ito ang araw na ang Panginoon ay isisilang.”13

Sa lahat mga paghihirap at kawalang-katiyakan, para sa mabubuti—para sa mga nagtitiwala sa Diyos—sa huli, sa buhay man ito o sa pagluhod natin sa Kanyang paanan, magiging maayos ang lahat.14

Sa pag-iisip tungkol sa sagradong panahon ng pagsilang ng Tagapagligtas, bakit hinintay pa ng Panginoon ang pinakahuling gabi bago sinabi kay Nephi na Siya ay isisilang kinabukasan? Maaari naman Niyang sabihin ito nang mas maaga nang ilang linggo o buwan. Bakit Niya hinayaang tumanda nang walang anak sina Elizabeth at Zacarias bago kinumpirma na magiging anak nila ang propetang si Juan? At bakit kailangang pagtakhan ni Maria ang pangyayaring inilahad sa kanya at bakit pinag-alinlanganan ni Jose ang naging bahagi niya sa pinakamahalagang kuwentong ito? Bakit hindi ipinaalam ang magiging papel ng sabsaban at mga pastol at mga anghel bago maganap ang mga pangyayari?

Sa buhay bago tayo isinilang, ipinahayag ng Panginoon: “Susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”15 At mula sa Mga Kawikaan: “Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala; at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa. Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”16

Sa mga panahong nadarama natin ang kawalang-katiyakan, sa mga araw na tayo’y naliligalig at nahihirapan, sa ating mga pagsubok, manampalataya tayo. Dumating si Jesus noong banal na gabing iyon. Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Hari ng mga hari. Siya ay buhay, at “ang pag-asa at pangamba, ngayo’y makakamtan [sa Kanya].”17 Nagpapatotoo ako na kapag tayo ay mabuti, lahat ng ating luha ng kalungkutan, paghihirap, at kawalang-katiyakan ay matutugunan at maitatama sa Kanya, na pinakamamahal na Anak ng Diyos. “O magsaya, ‘sinilang na [ang Panginoon];”18 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.