Ang Pinakadakilang Regalo ng Pasko
Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2022
Linggo, Disyembre 4, 2022
“Nang iwan sila ng mga anghel patungo sa langit, sinabi ng mga pastol sa isa’t isa, “Pumunta tayo ngayon sa Bethlehem at tingnan natin ang nangyaring ito na ipinaalam sa atin ng Panginoon.
At sila’y nagmamadaling pumunta at kanilang natagpuan sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.”1
Ang simpleng mga talatang ito mula sa Bagong Tipan na isinulat ni Lucas ay inilalarawan sa isip natin ang nangyari sa banal na kapanganakan ni Jesucristo na ipinagdiriwang ngayon sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa bansa naming Portugal, isang nakatutuwang tradisyon ang pagpapakita ng tagpong ito mula sa banal na kasulatan sa pamamagitan ng paglikha ng Nativity o belen. Makakakita kayo ng iba’t ibang nativity sa buong bansa sa iba-ibang lugar sa panahon ng Kapaskuhan—isang tradisyon na tampok din sa maraming tahanan. Ang pagbuo ng Nativity ay kadalasang nangangailangan ng pagkolekta ng sariwang lumot, dayami, mga bato, at iba pang natural na mga materyal upang makagawa ng makatotohanang tagpo para dito.
Ang Pamaskong tradisyon ng paglikha ng Nativity ay mahalagang aktibidad sa aming kabataan at kasama ng aming mga magulang at kalaunan kasama ng aming mga anak. Isa ito sa paborito kong gawain sa panahong ito ng taon.
Itinatabi namin sa kahon na kahoy ang lahat ng maliliit na pigurin na ginagamit namin sa Nativity at paligid nito. Kadalasan, isang maliit na bersyon ng aming nayon ang kasamang ginagawa dito. Kada taon, bawat Pasko, may ilang bagong pigurin o elemento na nadaragdag sa koleksyon. May pigurin ng mga tao sa nayon, mga bahay, mga magsasaka at mga hayop, mga wind mill at water mill, at iba pang natural na elemento na nagpapakita ng mga burol at lambak, mga puno, at kapatagan. Maliliit na salamin ang gamit upang ipakita ang mga ilog at sapa. Minsan pa nga, pati ang mga tulay ay ipinapakita. At, sa gitna ng lahat ng ito ang mga pinakamahalagang pigurin, ang mga nasa banal na kasulatan: isang kawan ng tupa at “mga pastol ng tupa na nasa parang na nagbabantay sa kanilang kawan”;2 ang anghel na nagsabi sa mga pastol na huwag matakot at inanunsiyo ang kapanganakan ng Tagapagligtas, nagdala ng “magandang balita ng malaking kagalakan … sa buong bayan”;3 ang mga pigurin nina Maria at Jose na kitang-kita sa tabi ng sabsaban.4 At ang tala, na ayon sa banal na kasulatan ay nagbigay ng malaking kagalakan sa mga pantas at ginabayan sila sa kanilang paglalakbay patungo kay Jesus.5
Responsibilidad ng lahat ng miyembro ng pamilya ang pagbuo ng Nativity. Sa loob ng ilang araw o linggo pa nga, paunti-unting ginagawa ang set at inaayos sa tamang puwesto ang lahat ng pigurin.
Sa kabuuan ng Kapaskuhan, tinitingnan at humahanga kami sa Nativity at inaalala ang mga tagpong inilarawan nina Mateo at Lucas na ginagawang makabuluhan ang pagdiriwang na ito. Ikinukuwento ang tungkol sa pananampalataya nina Maria at Jose; sa kanilang paglalakbay na “umahon mula sa Galilea mula sa bayan ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Bethlehem6; at tungkol sa hirap nilang makahanap ng lugar doon.
Ngunit sa wakas, pagdating ng araw ng Pasko, ang pigurin ng sanggol na Jesus ay inilalagay sa sabsaban, at ang mga pag-uusap ay nagiging tungkol sa kahalagahan ni Jesucristo sa aming buhay at ang ginawa Niya para sa atin7 at na Siya ang pinakadakilang regalo sa lahat.
Nabubuod ng Pamaskong awit na ito ang nadaramang diwa ng pagdiriwang:
“O Sanggol na kandong ni Maria!
O maliit na sanggol na dalisay at maganda!
Sa dayami ng sabsaban, nakabalot
Sa banal na unang araw ng Pasko!
Ang pag-asa ng bawat edad at lahi
Ay makikita sa mukha mong nagniningning!
O Sanggol na puno ng kaluwalhatian!
O maliit na Sanggol na sa aba ang pagsilang!
Ang mga pastol na sa malayo pa nagmula
Ay tumayong sumasamba sa ilalim ng tala,
At ang napaluhod na mga pantas
Sa Iyo’y nagbigay-pugay na wagas!
O Sanggol, na ang awit ng mga anghel ay puspos!
O maliit na Sanggol, ang aming Haring Musmos!
Ang balsamo para sa bawat kalungkutan
Sa Iyong malinaw na mga mata’y natagpuan!
O mahalagang regalong sa mga mortal ay inilaan,
Upang kami’y magkaroon ng pamana sa kalangitan!”8
Nagpatotoo ang Tagapagligtas mismo sa Kanyang regalo sa atin: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”9
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”10
Nakatutuwang regalo; nakamamanghang regalo!
“Ang Kapaskuhan ay panahon para mag-isip at kumilos batay sa mga biyaya at oportunidad na mayroon tayo dahil sa kapanganakan, buhay, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”11
Naiisip ko ang biyaya ng pagkakaroon ng kapayapaan at pag-asa sa kabila ng mga hamon at pagsubok;12 ang biyaya ng banal na paggabay sa kapwa oras ng tagumpay at kawalan ng pag-asa;13 ang biyaya ng mas malawak na paningin at layunin, alam at naniniwala na may aasahan pa pagkatapos ng buhay na ito;14 ang biyaya ng pasasalamat kahit na hindi sapat ang mayroon tayo para sa ating sariling pangangailangan; ang biyaya ng kapanatagan kapag nadarama nating mag-isa tayo;15 at ang biyaya na makapagbigay kahit kaunti lang ang meron tayo .
Ito at marami pang biyaya ang napasaatin dahil kay Jesucristo! Oo, dahil sa sanggol na si Jesus na sabik kong hinintay na mailagay sa sabsaban sa aming Nativity sa araw ng Pasko! Siya, na ating pinakadakilang regalo, ay naibigay sa atin ang magagandang biyayang ito dahil sa Kanyang buhay, halimbawa, mga turo, at sakripisyo.
Kaya ang tanong ko: Hindi ba dapat tayo naman ang gumamit ng mga biyayang ito upang maibsan ang pasan ng iba, tulungan at hikayatin sila na kumonekta sa diwa ng banal na panahong ito at ipagdiwang ang magandang balita na inanunsiyo sa mga pastol noong unang araw ng Pasko?
Mababago ni Cristo ang ating Pasko nang higit pa sa mga laso ng kabaitan at pagmamahal at balutin ang ating pagdiriwang ng pag-big sa kapwa-tao, na “dalisay na pag-ibig ni Cristo, [na] nagtitiis magpakailanman.”16 “Bagama’t nagbabago ang nadarama natin, ang pag-ibig Niya ay hindi nagbabago.”17 Ang Kanyang pagmamahal ay nagpapatuloy sa buong taon at sa buong buhay natin.
Ang muling pagtutuon kay Cristo sa Kapaskuhan ay magdadala sa ating buhay ng higit na pag-ibig Niya at higit na kakayahang mahalin at paglingkuran ang iba.
Kapag nasa atin ang diwa ng Pasko, nasa atin ang Espiritu ni Cristo. Ngayong Kapaskuhan, nawa’y magtuon tayo kay Jesucristo, ang Ilaw ng Sanlibutan, at nawa’y paliwanagin natin ang ating ilaw sa pamamagitan ng pagmamahal, pakikiramay, at paglilingkod sa iba.
Dahil naparito Siya, may kabuluhan ang ating buhay. Dahil naparito Siya, may pag-asa. Siya ang Tagapagligtas ng mundo, at Siya ang ating pinakadakilang regalo; iyan ang patotoo ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.