Mga Pamaskong Debosyonal
Si Jesucristo ay Ipinanganak upang Magligtas


9:37

Si Jesucristo ay Ipinanganak upang Magligtas

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2023

Linggo, Disyembre 3, 2023

Gustung-gusto ko ang Pasko! Ang salaysay sa banal na kasulatan, musika, at pagiging mabait at bukas-palad ay tila pinupuno ang mundo sa sagradong panahong ito.

Sa nakalipas na mga taon, kaming mag-asawa ay nasa iba’t ibang bansa sa panahon ng Kapaskuhan. Gustung-gusto naming makita ang iba’t ibang kaugalian at paraan ng pagdiriwang ng Pasko. Ang pag-iisip ng tungkol sa mga karanasang ito ay nakatulong sa akin na matanto na ang Pasko ay para sa lahat. Ito ay para sa mga bata, magulang, lolo’t lola, tiya, tiyo, at mga pinsan. Ito ay para sa mga taong maginhawa ang buhay at para sa mga may karamdaman, nakakaranas ng kahirapan, at mga pagsubok. Ito ay para sa mga naapektuhan ng lagim ng digmaan at para sa mga namumuhay nang payapa at masagana. Ito ay para sa mga nagsisikap na sundin ang Tagapagligtas, para sa mga hindi pa nakarinig sa Kanyang pangalan, at para din sa mga taong hindi tumanggap sa Kanya. Ito rin ay para sa mga taong nabuhay bago Siya ipanganak. Ang Pasko ay para sa lahat!

Ang Pasko ay para sa lahat dahil isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak para sa ating lahat at sa bawat isa sa atin.1 “Sapagka’t sa atin ay isinilang ang isang bata.”2

Dahil ipinanganak ang Tagapagligtas, namuhay nang walang kasalanan, nagbayad-sala para sa atin, at nabuhay na mag-uli, bawat isa sa atin ay tatanggap ng dakilang kaloob na pagkabuhay na mag-uli. Wala ni isang taong nabuhay sa mundo ang pagkakaitan ng napakagandang kaloob na ito. Bukod pa sa kaloob na ito, “hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga … ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”3

Anuman ang panahon o sitwasyon, ang pagsilang ng Tagapagligtas ay palaging dahilan upang magalak. Siya ay dumating upang ibigay sa bawat anak ng Ama sa Langit ang “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”4

Simula noong panahon nina Eva at Adan, inasam na ng mabubuting tao ang pagsilang ng isang Tagapagligtas, na isasakatuparan ang plano ng Ama para sa Kanyang mga anak.5 Sina Isaias at Nephi ay nagpropesiya tungkol sa Kanyang pagsilang sa konteksto ng Kanyang misyon.6 Ang Kanyang pagsilang ay hindi maihihiwalay sa dahilan ng Kanyang pagparito sa mundo.

Isipin sina Ana at Simeon, na nakita ang sanggol na si Jesus at natantong ang sanggol na ito ay “isang ilaw upang magpahayag”7 sa buong mundo at ang pag-asa para sa katubusan.8 Hindi kataka-taka na inilarawan ng anghel ang mensahe na “mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan.”9 Nagagalak tayo kapag may ipinapanganak na sanggol, ngunit naiiba ang kapanganakan at sanggol na ito.

Si Jesucristo, ang tunay na ilaw at buhay ng sanlibutan, ay ipinanganak na isang maliit na sanggol sa isang abang kuwadra, gayunpaman isang bagong bituin ang naghudyat ng Kanyang pagsilang. Isinalaysay sa Aklat ni Mormon ang isang kamangha-manghang pangyayari—isang araw, isang gabi, at isang araw na hindi magdidilim—na palatandaan ng Kanyang pagsilang. Ang mahimalang mga palatandaang ito ay ibinigay upang ipahayag ang pagdating ng Ilaw ng Sanlibutan,10 na magliligtas sa atin mula sa kadiliman ng kasalanan at kamatayan. Makatutulong tayo na ibahagi ang Kanyang liwanag sa mundo.

Sa panahon ng Kapaskuhan, madarama kahit ng maliliit na bata ang impluwensya at epekto ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas. Maraming taon na ang nakararaan, isinulat ng isa sa aming mga anak na babae, si Sonja, ang tungkol sa pakikipag-usap niya sa kanyang limang taong gulang na anak na lalaki.

Isinulat niya, “Sinabi sa akin ni Andrew ngayong gabi nang ihiga ko siya sa kama, ‘Sa susunod na taon, hindi ko po masyadong iisipin ang mga regalo, pero iisipin ko kung ano ang ibibigay ko kay Jesus.’ Tinanong ko siya kung saan niya nakuha ang ideyang iyon, at sinabi niya sa akin na nagmula iyon sa Kanyang titser sa Primary. Ang galing ng Primary!”11

Oo. Ang galing ng Primary. Ngayon, makalipas ang 14 na taon, si Andrew ay naglilingkod sa misyon at ginugugol ang Kapaskuhang ito sa pagbibigay ng mensahe ni Jesucristo sa iba. Isinulat niya kamakailan, “Ibinigay sa atin ni Jesus ang lahat at … [at] aakuin Niya ang lahat ng ating kasalanan. Kaya ako narito sa misyon.”12

Ang Kapaskuhan ay isang espesyal na panahon para pag-isipan kung ano ang pinakamahalagang maibibigay. Maaari nating tulungan ang iba na madama ang “pag-asa at kagalakan”13 na bunga ng pagkakilala sa Tagapagligtas at pag-aalay ng ating puso sa Kanya.

Pumanaw ang anak naming si Alisa dahil sa kanser ilang taon na ang nakararaan, at gustung-gusto ko ang kanyang pananaw tungkol sa Pasko, kahit may matindi siyang karamdaman. Minsang isinulat niya:

“Nakatanggap ako ng sorpresa para sa Pasko. Malaki ito. … Nakatanggap ako ng email bago mag-Pasko mula sa nurse sa opisina ng aking oncologist. Sabi niya, ‘Maligayang Pasko—ang iyong tumor ay nagpositibo para sa [isang partikular na genetic] mutation.’ … Ano ang ibig sabihin niyon sa akin? Inaprubahan nila … ang isang gamot … na hahadlang sa dadaanan ng cancer cell [para sa ilan na may ganoong mutation]. Hindi ito lunas, kundi isang mahimalang gamot na maaaring magpaliit nang mabilis … sa mga tumor. … Sa kasamaang-palad, mawawalan ito ng bisa sa pagdaan ng panahon, at babalik ang kanser. … Ngunit nadama ko na tila may isang taong nagbigay sa akin ng ilang buwan para madagdagan ang aking buhay. At ano iyon? … Isa pang panahon ng bakasyon? Isa pang Kapaskuhan kasama ang aking mga anak? Umiyak ako nang buksan ko ang email at pinasalamatan ko ang Diyos sa pinakamagandang sorpresang natanggap ko.”14

Nadagdagan pa ang mahalagang oras ni Alisa kasama ang kanyang pamilya. Ibinahagi niya ang isang karanasan ng kanilang pamilya habang naghahatid ng Pamaskong regalo sa isang kapitbahay. Inilalarawan nito na maaaring hindi palaging perpekto ang lahat ng detalye ng pagbibigay natin ng regalo. Isinulat niya:

“Palihim kaming nagdala ng … regalo noong isang gabi. Pinlano ng mga bata ang gagawin nila sa pag-alis para hindi sila makita at ang mga lugar na pagtataguan nila.

“‘Pero sakaling makita nila tayo …,’ seryosong sabi ni Sam, at ang dalawa ay kinakabahang lumapit. ‘Dapat may hawak tayong mga snowball.’

“Naunawaan ni James ang sinabi ng kanyang kapatid. ‘Okay, sige. Babatuhin natin ang pinto para sumara ito?’

“‘Hindi,’ [sagot ni Sam], ‘ibabato natin sa kanilang mukha.’”15

Ibinahagi ni Alisa ang magiliw na pag-uusap nila ng kanyang bunsong anak na si Luke, na anim na taong gulang noong panahong iyon. Isinulat niya:

“Ngayong gabi habang nakahiga kami sa kanyang higaan na naliliwanagan ng makulay na ilaw sa itaas ng kanyang bintana, tinanong ko siya … , ‘Ano ang gusto mo?’

“‘May naiisip po akong isang bagay.’

“‘O?’

“‘Magagamit ito lagi.’

“‘Talaga?’

“Matagal bago siya sumagot. ‘Isang yakap at halik mula kay inay.’

“Karapat-dapat siyang bigyan agad ng 100 maliliit na halik at mahihigpit na yakap. ‘Luke, matatanggap mo iyan kahit anong oras!’

“Ngunit habang papalabas ako sa silid, medyo nalungkot ako. Maaaring hindi magkatotoo ang sinabi ko. Lubos akong nagpapasalamat na sa taong ito ay matatanggap niya iyon at pati na rin ang mga regalo.”16

Namangha ako lalo na sa mga pananaw ni Alisa tungkol sa pag-asang hatid ng Pasko. Isinulat niya:

“Natuon ang pansin ko sa pag-asa sa panahong ito. Habang pinag-iisipan ko ang tungkol sa himala ni Cristo at ang maraming kaloob ng Diyos, nakadarama ako ng pag-asa para sa lahat ng bagay at para sa lahat ng tao. Hindi ang uri ng pag-asa na magiging perpekto ang lahat, kundi na magiging maayos ang lahat, at sa huli ay mananaig ang kabutihan. Sa buong buhay natin. Sa palagay ko hindi pa huli ang lahat para sa mga himala, para sa pagbabago, para sa kapayapaan. Talagang pinaniniwalaan ko iyan nang tapat at taos-puso. Inaamin ko na tila mas madaling madama ang pag-asang ito para sa iba, at mas mahirap madama ito sa aking sarili. Ngunit natututo ako. ‘Naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nakapagtitiis ng maraming bagay.’ Simple. Maganda.”

Tungkol sa kanyang anak, sinabi pa niya, “nagpatugtog si James [ng isang awiting Pamasko] para sa akin sa Bisperas ng Pasko [at] gustung-gusto [ko] ang mga titik ng kantang ito:

Mabubuting Kristiyano, nagagalak

Sa puso’t kaluluwa, at tinig;

Kamataya’y ‘di dapat pangambahan:

Kapayapaan! Kapayapaan!

Si Jesucristo ay ipinanganak upang magligtas!

Tinatawag ka, tinatawag ang lahat,

Upang makabalik sa Kanya:

Si Cristo ay ipinanganak upang magligtas!

Si Cristo ay ipinanganak upang magligtas!”17

Siya ay ipinanganak upang magligtas. Upang iligtas tayo. Isang hindi mapapantayang kaloob na Siya lamang ang makapagbibigay. Anuman ang ating kasalukuyang sitwasyon, nawa’y mas lubos nating maunawaan ang Kanyang mga kaloob sa ating buhay ngayong Kapaskuhan.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.