Mga Pamaskong Debosyonal
“Halina at Magpuri”


11:38

“Halina at Magpuri”

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2023

Linggo, Disyembre 3, 2023

Mahal kong mga kapatid, isang malaking kagalakan ang ipagdiwang ang isa na namang Kapaskuhan kung saan ginugunita natin ang kapanganakan ng ating Tagapagligtas at Manunubos, ang Panginoong Jesucristo.

Isang sagradong pangyayari ang nagaganap sa tuwing may batang ipinapanganak. Panoorin ang reaksyon ng isa sa aming mga apo-sa-tuhod nang hawakan niya ang kanyang sanggol na kapatid sa unang pagkakataon.

[video]

Hindi na nakapagtataka na sa pinakasagradong gabing iyon mahigit 2,000 taon na ang nakalipas malapit sa maliit na bayan ng Bethlehem, ang mga hukbo ng langit ay masayang nag-awitan! Itinuro ng isang anghel sa mga pastol ang kamangha-manghang katotohanang ito:

“Narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan.

“Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.”1

At ngayon, mahal kong mga kapatid, “Halina at magpuri” tayo sa Kanya.2

Tulad ng marami sa inyo, ang Pasko ay nabago sa akin sa paglipas ng mga taon. Ang mga alaala ng aking kabataan ay nakaukit sa panahon ng Great Depression noong 1930s. Kakaunti ang pera. Ang mga regalo ay napakahalaga.

Ginawang kamangha-mangha ng mga magulang ko ang Pasko para sa aming magkakapatid. Bawat taon kaming pamilya ay “parang si Santa Claus” sa pagbibigay ng mga regalo para sa ibang pamilya. Naghahanda kami ng angkop na mga regalo at dinadala ang mga ito sa Bisperas ng Pasko. Habang paalis kami sa kanilang tahanan, ang kanilang pagkaway at pagluha ay nagdadala sa amin ng tunay na kagalakan ng pagbibigay.

Gustung-gusto ko ang mga musikang Pamasko noon—at hanggang ngayon. Taun-taon, gusto naming pinakikinggan ni Sister Nelson ang Messiah ni Handel at sumasabay sa pagkanta nito. Gustung-gusto ko ang kahulugan sa Hebreo ng salitang hallelujah. Ang literal na kahulugan nito ay “papuri sa Panginoong Diyos na si Jehova.”3 Ang mga titik na kinanta sa oratoryong ito ay hindi lamang angkop sa kapanganakan ng Panginoon kundi sa Kanyang paghahari sa milenyo:

Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata,

sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki:

at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat;

At ang kanyang pangalan ay tatawaging Kamanghamanghang Tagapayo,

Makapangyarihang Diyos,

Ang Amang walang hanggan,

Pangulo ng Kapayapaan.4

Noong young adult ako nagsimula akong magkaroon ng malalim na patotoo tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Nalaman ko na si Jesucristo ay ipinanganak sa birheng si Maria, na “isang mahalaga at piniling nilikha.”5 Alam ko na Siya talaga ang Anak ng Diyos6 at pinakamahalagang nilalang sa buong kasaysayan ng sangkatauhan.

Isipin na lang ninyo ang di-maarok na kalakhan ng nagawa ni Jesucristo—lahat ayon sa kalooban ng Kanyang Ama! Si Jesus ay Diyos na noon pa man nang magpakababa-baba Siya para pumarito sa lupa upang isakatuparan ang napakahalagang gawain para sa bawat isa sa atin. Isang gawain na literal na nagliligtas at nagpapabago ng buhay. Isang gawain na wala ni isa sa atin ang makagagawa para sa ating sarili.

Ang Tagapagligtas ay “[nagdanas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso”7 upang malaman Niya “ayon sa laman kung paano [tayo] tutulungan alinsunod sa [ating] mga kahinaan.”8

Nitong nakaraang ilang buwan, marami pa akong natutuhan tungkol sa pasakit at sa nakadadalisay na epekto nito. Ang puso ko ay lalo pang napalapit sa ating Tagapagligtas habang sinisikap kong isipin ang kasidhian ng Kanyang pagdurusa. Hindi talaga maunawaan ng aking mortal na isipan kung paano Niya inako ang lahat ng pasakit, lahat ng kasalanan, lahat ng pagdurusa, at lahat ng paghihirap ng lahat ng nabuhay!

Sa pinakadakilang pagpapakita ng pagkahabag na hindi mauunawaan o mailalarawan ng tao, ipinasakop ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa walang katumbas na espirituwal at pisikal na pagdurusa.

Pinagpipitaganan natin ang Sanggol sa Bethlehem dahil inialay Niya kalaunan ang hindi maarok at walang hanggang sakripisyo sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ng Kalbaryo. Ang pag-aalay na ito ay tumutubos sa bawat isa sa atin kapag pinipili nating magsisi at sumunod sa Kanya. Pagkatapos, sa huli, Siya ay bumangon mula sa libingan sa ikatlong araw, na ipinagkakaloob sa bawat isa sa atin ang walang katulad na pagpapala ng pagkabuhay na mag-uli at buhay pagkatapos ng kamatayan.

Sa Kapaskuhang ito, madalas nating inaawit at sinasambit ang “Maligayang Pasko sa inyo.” Mahal kong mga kapatid, ang hangarin ng aking puso para sa bawat isa sa inyo ngayong gabi ay may ilang bahagi. Sa katunayan, hindi hangarin, kundi aking dalangin para sa inyo sa sagradong panahong ito ng Kapaskuhan.

Una, dalangin ko na madama ninyo ang malalim at walang hanggang pagmamahal ng ating Tagapagligtas sa bawat isa sa inyo. Kilala kayo ni Jesucristo mula pa noon sa premortal na daigdig. Kilala at nakikita Niya kayo ngayon. Nakikita Niya ang inyong mga kagalakan at kalungkutan. Naranasan Niya ang bawat isa sa mga ito.

Siya ay lubos na nahahabag para sa inyong mga pagdurusa at nagagalak sa tuwing sumusulong kayo sa kabutihan, mabuti man o masama ang sitwasyon.

Dalangin ko na magkaroon kayo ng sariling patotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, na Siya ay puspos ng kapangyarihan, at dahil sa Kanyang dakilang pagbabayad-sala, hindi ninyo kailangang madama na kailangan ninyong haraping mag-isa ang mahihirap na hamon sa buhay. Kapag masigasig kayong humingi, naghanap, at tumuktok,9 patuloy kayong makahuhugot ng lakas sa Kanya na tutulong sa inyo, magpapalakas sa inyo, at magpapagaling sa inyo.10

Dalangin ko na gamitin ninyo nang lubos ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw, mas pagpapadalisay ng inyong buhay, at paghingi ng patnubay mula sa langit sa lahat ng inyong ginagawa. Sa madaling salita, dalangin ko na maranasan ninyo ang kagalakan ng palaging pag-iisip nang selestiyal.

Dalangin ko rin na gamitin ninyo ang panahong ito ng Kapaskuhan upang simulan ang mas taimtim at mas personal na pagsamba. Simulang pag-aralang muli ang mga turo at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Walang sinuman sa mundong ito ang nagmamahal sa inyo na tulad Niya. Walang sinuman dito ang mas nakauunawa sa inyo o talagang nalalaman ang inyong mga kalungkutan at kahinaan. Walang sinuman sa mundo ang may kapangyarihan na taglay ni Jesucristo. Walang sinuman dito ang higit na nasasabik na makamtan ninyo ang lahat ng inyong potensiyal at maging ang nais Niyang maging kayo. Walang sinuman ang nakikiusap sa Ama para sa inyo tulad ng ginagawa Niya.

Ang Panginoong Jesucristo ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Siya ang Anak ng Diyos, ang Banal ng Israel. Siya ang Pinahiran.11 Sa ilalim ng pamamahala ng Ama, Siya ang Lumikha sa lahat ng mga nalikha.12 Si Jesucristo ang Dakilang Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan.13 Siya ang ipinangakong Emmanuel.14 Siya ang dakilang Huwaran15 at Tagapamagitan sa Ama.16 Dahil sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, lahat ng pagpapala ng Kanyang priesthood ay makakamtan ng buong sangkatauhan kapag lumapit sila sa Kanya at naging ganap sa Kanya.

Mga kapatid, mamuhay tayo nang may diwa ng “hallelujah,” patuloy na nagpupuri sa Panginong Diyos na si Jehova. Sa maluwalhating panahong ito ng Kapaskuhan, halina at magpuri sa Kanya, kay Cristo ang Panginoon!

Alam ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Ito ang Kanyang Simbahan. Pinamamahalaan Niya ang patuloy na Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.