Tandaan, Tandaan
Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2023
Linggo, Disyembre 3, 2023
Sa lugar na tinitirahan ko, simula sa buwan ng Nobyembre, ang kalikasan ay tila nagsisimula nang matulog. Ang kaluskos ng mga luntiang dahon, na noon ay marahang sumisipol at umaawit sa akin sa mga buwan ng tagsibol at tag-init, ay nalalagas mula sa mga puno at natutuyot at nadudurog sa pagtapak ng aking mga paa. Ang dating masasayang ibon ay tahimik, at ang simoy ng mabangong mga bulaklak ay naglaho na. Ang mga bagay sa kalikasan na iniuugnay ko sa kasiglahan ng buhay ay pansamantalang namamahinga, at pawang katahimikan at kahungkagan ang naiiwan—dahil sa ganyan natatapos ang taon at bago ko malimutan nang tuluyan na manatiling masaya—ang kaloob ng Pasko ay dumarating.
At sa tirahan ko sa malawak na mundo ng Diyos, ako ay nakaalala. Naalala kong bigyang-pansin ang mga puno na palaging luntian, na humahalimuyak sa bango at simoy-kalikasan. Naalala kong maghanap ng mga bulaklak at berries na kulay pula o puti at makinig sa mga pamilyar na awiting Pamasko na tumitimo sa mga puso at tahanan at bahay-sambahan, nagpapahayag ng “o, magsaya,” habang hinahanap ko ang mga simbolo ng Pasko na ang “kalangitan at kalikasan ay umaaawit” kasama ko at inaanyayahan akong makaalala.
Isa sa mga kamangha-mangha sa panahong ito ay tila ang buong Kristiyanismo, at marami sa mga hindi Kristiyano, ang nag-uukol ng oras sa panahong ito ng sadyang paghahanap at pagpuno sa kanilang buhay ng mga sagisag ng pag-alaala sa Pasko.
Ang Pasko ang tulay na nilalakbay natin patungo sa bagong taon. At habang patawid tayo, inaanyayahan tayo na pag-isipan ang himala ng “Panginoon ang walang hanggang Diyos, ang Lumikha ng mga dulo ng lupa,”1 na ipinanganak sa abang lugar sa lunsod ni David at “balot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”2 Sa ating espirituwal na paglalakbay sa Pasko, marahil ay makikita natin ang ating sarili bilang mga makabagong pantas na lalaki at babae, na marahil ay naghahanap ng mga bituin sa tuktok ng mga evergreen tree at ng mga ilaw na nagliliwanag sa paligid natin, na “labis [na] na[ga]galak”3 sa mga palatandaang inilagay sa ating harapan upang gabayan at patnubayan tayo sa ating paglalakbay patungo kay Jesucristo, na siyang “ilaw ng sanlibutan.”4 Kung may malalanghap tayong bango sa Kapaskuhang ito, marahil ito ay paalala sa atin na magdala ng mga regalo sa “Anak ng Diyos na buhay”5—hindi “ginto, kamanyang at mira”6 kundi isang taos-pusong pag-aalay ng ating “bagbag na puso at nagsisising espiritu.”7 At sa atin na mga nagmamahal at nagmamalasakit sa mga anak, marahil ay katulad tayo ng mga pastol sa kasalukuyang panahong ito na “nagbabantay sa [ating] kawan,”8 pinakikinggan ang mga anghel sa lupa na isinugo ng Panginoon na nag-aanyaya na “huwag kayong matakot,” dahil dumating sila para magbigay ng mga tagubilin kung saan matatagpuan ang ating Tagapagligtas.9 Naaalala ba nating ibulong ang “magandang balita ng malaking kagalakan” na ito sa ating mga anak bilang patotoo? Nang sa gayon kapag sila, sa kanilang murang isipan, ay nakakita ng mga kulay ng Pasko na pula at berde, ginto at puti, maaalala nila ang ganap at dalisay na nagbabayad-salang sakripisyo ng kanilang Manunubos na si Jesucristo, na nagbigay sa kanila ng kaloob na kaligtasan at bago at buhay na walang hanggan.
Ang Pasko ay nagtutulot sa atin na espirituwal na maglakbay patungo sa Bethlehem upang magkaroon ng sariling patotoo tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at pagkatapos ay dalhin ang patotoong iyan sa pagsulong at kalagan ang ating mga dila at paa at kamay upang “ipaalam”10 ito at magpatotoo sa lahat ng nalalaman natin tungkol sa Kanya. Magagawa natin ang espirituwal na paglalakbay na iyan patungo sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-alaala.
Binibigyan tayo ng Diyos ng kaloob na pag-alaala upang hindi natin malimutan ang Tagapagbigay, upang madama natin ang Kanyang walang hanggang pagmamahal sa atin at matutong mahalin Siya bilang kapalit. Hinikayat tayo ng sinaunang propetang si Moroni na pakatandaan na ang “bawat mabuting kaloob ay nagmumula kay Cristo.”11 Ang ating Tagapagligtas ay nagbibigay ng mga kaloob hindi tulad ng ibinibigay ng mundo—na pansamantala, bahagya, at madaling maglaho sa paglipas ng panahon. Si Jesucristo ay nagbibigay ng mga kaloob na pang-walang hanggan, maging ng mahahalagang kaloob, kabilang ang:
-
Mga kaloob ng Espiritu, tulad ng kaalaman, karunungan, patotoo, at pananampalataya.12
-
Ang kaloob na Espiritu Santo.
-
Ang kaloob na buhay na walang hanggan.
At kapag pinagnilayan natin ang malaki at maliit na “mabubuting kaloob” na panghabambuhay na ibinigay sa atin, nakikita ba natin ang tulong ng Panginoon na sumasagip, nagpapatibay at pumapanatag sa atin?
Bagama’t kung minsan ang ating puso’t isipan ay nalilihis at lumalayo sa Kanya, makatitiyak tayo na hindi Niya tayo nalilimutan—sa araw man ng Pasko o sa iba pang araw. Sinabi ng Panginoon na tayo ay nakaukit sa mga palad ng Kanyang mga kamay.13 Palagi Niyang tinutupad ang Kanyang mga pangako. Naaalala Niya ang mga tipang ginawa Niya sa atin at sa ating mga ama. Naririnig at naaalala Niya ang ating mga panalangin sa Ama sa Langit tayo man ay nakaluhod o nagsusumamo sa ating mga silid o tahimik na nananalangin sa ating puso. Naaalala Niya, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, na “mamagitan sa buhay ng mga naniniwala sa Kanya.”14 Naaalala Niya na patawarin tayo nang maraming beses kapag nagsisi tayo. Naaalala Niyang mangusap sa atin sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga propeta para tulungan tayong laging matagpuan ang landas pabalik—gaano man tayo kalayo at katagal na nalihis sa landas. At naaalala Niyang isugo ang Kanyang Espiritu na manatili sa atin kapag nagsisikap tayong tuparin ang ating sagradong pangako na “lagi siyang aalalahanin.”15
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Kapag hinanap ninyo sa diksyunaryo ang pinakamahalagang salita, … maaaring ito ay ang alalahanin. Dahil lahat tayo ay nakipagtipan[,] … ang pinakakailangan natin ay makaalala. Pagpapatuloy niya, “Kaya nga lahat ay pumupunta sa sacrament meeting tuwing araw ng Sabbath—para tumanggap ng sakramento at makinig sa mga panalangin ng priest na kanilang ‘lagi siyang aalalahanin, at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila.’ … Alalahanin ang salitang pinakamahalaga. Ang pag-alaala ay isang plano.”16
Ang pag-alaala sa Diyos ay nagbibigay-inspirasyon sa atin na palakasin ang kapangyarihan ng ating espirituwal na momentum at nag-aanyaya sa atin na kumilos sa paraang maka-Diyos. Pag-isipan ang mga turong ito ni Pangulong Nelson na nag-aanyaya sa atin na tandaan at alalahanin:
-
“Hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay” at “bigyan Siya ng makatwirang bahagi ng inyong oras.”
-
“Hangarin at asahang mangyayari ang mga himala.”
-
“Wakasan ang tunggalian sa inyong … buhay”17 at maging tagapamayapa.18
Ang Pasko ay maaaring maging isang pagkakataon upang kumilos ayon sa mga paanyayang ito at gamitin nang lubos ang ating likas na inklinasyon na pakatandaang isipin pa ang tungkol kay Jesucristo, ang himala ng Kanyang pagsilang, at madama at kumilos sa diwa ng pakikipagkapatiran sa mga anak ng Diyos. Ang mga sagisag ng pag-alaala na katangian ng Kapaskuhan ay kadalasang natutukoy kapag ating:
-
Naaalala na batiin sa Pasko ang mga kaibigan, kapamilya, at mga estranghero.
-
Naaalala na magbigay ng mga regalo bilang pagpapahayag ng pagmamahal.
-
Naaalala na maging bukas-palad sa mga nangangailangan at inaasikaso ang mga pumapasok sa ating tahanan.
-
Naaalala na bigyang-importansya ang mga pagtitipon at tradisyon ng pamilya na nagpapaiba at nagpapatangi sa Pasko.
Para sa marami sa panahong ito ng taon, ang ating matinding pagnanais na maghanda ng parehong pagkain, muling pagsasalaysay ng mga kuwento ng pamilya, at ang paglalagay ng gayon ding palamuti sa ating mga Christmas tree kada taon ay mahahalagang aktibidad na nagpepreserba sa ating hangaring maalala ang mga karanasang mahalaga sa atin. Ang mga espesyal na pagkain, ilang kuwento, at mga dekorasyon sa Pasko ay maaaring magsilbing tagapagpagunita para sa maraming alaala na natipon natin. Maging ang ating matinding hangaring maging mas mapagkawanggawa sa panahong ito ng taon ay maaaring magpaalala sa atin na maging mapagpasalamat. Ang espesyal na uri ng pagmamahal na nadarama natin sa pagsapit ng Pasko ay isa ring pagkakataong ibinigay sa atin upang isentro kay Jesucristo ang ating mga mithiin at gawa: “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan.”19 Tandaan na habang nalalapit na tayo sa pagtatapos ng taon at magsisimula na tayo sa isang bagong taon—bilang mga pantas na lalaki at babae, bilang mapagbantay na mga pastol—na magagawa natin ito sa pamamagitan ng lakas ng kamay ng Panginoon20.
Kaya nga, saanman kayo naninirahan sa mundo, tandaan na bigyang-pansin ang iba’t ibang simbolo na nag-aanyaya sa inyo na hanapin si Cristo. Sa lahat ng pinagtutuunan natin sa panahong ito ng taon, sa bawat pagbati na ipinararating natin, sa bawat taong iniisip natin, huwag nating kalimutan ang tunay na Tagapagbigay—Siya na hindi nakakalimot sa atin at nagbibigay sa atin ng lakas na alalahanin Siya sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, sa panahon ng Kapaskuhan at sa lahat ng oras. Siya ay naghahatid ng “[galak]” sa sanlibutan at inaanyayahan ang ating puso na “maghanda”21 na tanggapin ang ating Hari. Siya ang tunay na saligan sa ating paglalakbay. Siya ang Ilaw ng Sanlibutan at ang Anak ng buhay na Diyos. Pinatototohanan ko ito sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.