Mga Pamaskong Debosyonal
Si Cristo, ang Ating Tagapagligtas, ay Isinilang


12:24

Si Cristo, ang Ating Tagapagligtas, ay Isinilang

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan sa 2023

Linggo, Disyembre 3, 2023

Mahal kong mga kapatid, maligayang Pasko!

Nagpapasalamat tayong makipagtipon kasama ang ating pinakamamahal na Unang Panguluhan sa Pamaskong debosyonal na ito. Saanman kayo naroon ngayong Kapaskuhan, nawa’y madama ninyo ang pagmamahal ng Diyos habang ipinagdiriwang natin si Jesucristo bilang sentro ng Pasko.

Ang Pasko ay panahon ng musika, masasarap na pagkain, pag-asam at pagbibigayan. Panahon ng pagtitipon, nakatira man tayo sa malapit o malayo.

Kadalasan ang Pasko ay nagiging Pasko kapag tahimik nating dinadala ang saya ng Pasko sa iba. Maraming pamilya ang nagmimistulang si Santa. Pinaliliwanag ng maraming tao ang mundo gamit ang liwanag ni Jesucristo.

Ang paggunita sa nagdaang Pasko ay paglikha ng isang bagong alaala ng Pasko. Sa palagiang paggawa nito, ang mga alaala ng Pasko ay nagiging mga tradisyon, na magpapalalim ng ating pagmamahal kay Jesucristo—ang Kordero ng Diyos, ang Anak ng Amang Walang Hanggan, ang Tagapagligtas ng sanlibutan.1

Kung mayroon kayong paboritong alaala sa Pasko, nawa’y masaya ninyong damhin ito sa panahong ito. Kung lumilikha pa rin kayo ng mga tradisyon ninyo sa Pasko, nawa’y mapalalim nito ang inyong pagmamahal kay Jesucristo at pagpalain kayo sa bawat taon.

Maaari ko bang ibahagi sa inyo ang tatlong tradisyon sa Pasko ng pamilya Gong?

Una, kada taon, gustung-gusto naming makitang muli ni Sister Gong ang mga palamuti sa Pasko na nagsasalaysay ng kuwento ng aming pamilya.

Noong bagong kasal kami ni Sister Gong, kami ay nag-aaral sa graduate school sa England. Nakatira kami sa isang maliit na apartment at kaunti ang pera namin. Binilang namin ang aming pera bago bumili ng isang payat at maliit na Christmas tree na kahit si Charlie Brown ay maaawa sa hitsura nito.

Likas na malikhain, gumamit si Sister Gong ng mga pansipit ng damit para gumawa ng maliliit na palamuti na sundalong British para sa aming Christmas tree. Nilagyan niya ang bawat isa ng itim na sombrero at bibig na nakangiti.

Sa loob ng 43 taon, ang mga sundalong British na ito na gawa sa mga pansipit ng damit ang bantay sa aming Christmas tree. Ipinaaalala nila sa amin ang unang Pasko namin bilang mag-asawa—malayo sa tahanan—at ang bawat sumunod na Pasko.

Ginawa ng pamilya ng aming anak ang mga pansipit na ito na “meeples.” Ipinapakita nito ang mga missionary sa buong mundo. Nakikita ba ninyo ang kanilang mga ngiti? International na mga damit? Mga name badge? Sinabihan ako na may isa ditong kamukha ko.

Ang aming mga palamuti sa Pasko ay pinaninibago ang magiliw na alaala ng mga kaibigan at karanasan sa maraming lugar. Ang masayang parada ng mga alaala ng Pasko bawat taon ay nagpapangiti sa amin.

Nagpatotoo si propetang Alma na ang pagkilos ng mundo sa karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Diyos. Ang Pasko ay isang kilalang araw sa 365¼ na araw kada taon na pag-ikot ng mundo sa araw. Habang ibinabalik tayo ng taunang pag-ikot na ito sa itinatanging panahon ng Kapaskuhan sa bawat taon, naisip ko ang isinulat ng awtor na si E. B. White tungkol sa “The Ring of Time.”2

Sinabi niya na sa karanasan lamang natin mauunawaan na ang “oras ay hindi talaga kumikilos nang paikot.” Ang ikot ng oras ay tila “perpektong binuo, hindi nababago, naibabadya, walang simula o wakas.” Ngunit ang mga bata ay inaakala na hindi sila tatanda sa pag-ikot ng oras.

Para sa akin, kapag dumarating ang bawat Pasko at medyo nagbago ako kaysa sa dati, ang sitwasyong ito ay nagpapahiwatig na ang oras (at kalawakan) ay maaaring kapwa padiretso at paikot. Sa paraang ang “makipot at makitid na landas”3 at “isang walang hanggang pag-ikot,”4 ay maaaring maging komplementaryong paglalarawan ng katotohanan na nakabatay sa tipan na nakasentro sa sanggol na Cristo na isinilang sa Bethlehem.

Sa ganitong paraan, para sa akin, bahagi ng hiwaga ng Pasko ang maging bata at matanda rin. Nasisiyahan tayo kapag nararanasan natin ang mga bagay na nagpasaya sa atin noong mga bata pa tayo. At nasisiyahan tayo sa paglikha at muling paglikha ng mga alaala at tradisyon kasama ang isang bata.

Ang pangalawang paboritong tradisyon sa Pasko ng pamilya Gong ay magdispley ng nativity—mga paglalarawan ng kapanganakan ng banal na sanggol na si Cristo.

Hindi ba ninyo gustung-gusto kung gaano nakatuon ang mga nativity kay Jesucristo, na nag-aanyaya sa atin na gawin din iyon? Tulad ng sinabi ng isang returned missionary, “Bago ako nagmisyon, si Jesucristo ay bahagi ng aking buhay. Ngayon Siya ang aking buhay.”

Ang mga nativity ng aming pamilya ay may magkakaibang sukat at tagpo, yari sa iba-ibang materyal, at mula sa iba-ibang lugar. Bawat nativity ay nagpapatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang pagpapala sa bawat bansa, lahi, wika, at mga tao.

Natutuwa tayo na ang mga anak ng Diyos saanman ay inilalarawan ang sanggol na si Jesus, sina Maria, Jose, mga Pantas na Lalaki, mga pastol, at mga hayop sa mga tagpo, katangian, at detalye na pamilyar at nauugnay sa atin. Ang mga nativity na ito ay nagpapaalala rin sa atin na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak; makikita natin ang pagmamahal ng Diyos sa mga detalye ng ating mga nativity saanman nagmula ang mga ito.

Ang pangatlong paboritong tradisyon ng pamilya Gong, bukod pa sa magkakasamang pagbabasa ng tala tungkol sa kapanganakan ng ating Tagapagligtas, ay ang pagbabasa nang malakas ng A Christmas Carol ni Charles Dickens bilang pamilya.

Kung magsusuot ako ng scarf at sombrero, makikita ba ninyo ako, kahit sandali lang, bilang si Ebenezer Scrooge sa A Christmas Carol?

Sa ilang taon, binasa ng aming pamilya ang A Christmas Carol mula sa simula hanggang katapusan. Hinahalo namin ang aming mainit na tsokolate ng mga candy cane at tumatawa sa mga reperensya sa “Norfolk biffins” at “smoking bishop.” Nangingilabot kami nang kalampagin ng kaluluwa ni Jacob Marley ang kanyang mga tanikala. Nagsasaya kami sa pagtulong nina Christmas Past, Present, at Future kay Ebenezer Scrooge na maging isang bagong tao.

Sa ilang taon naman, binasa ng aming pamilya ang isang pinaikling bersyon ng A Christmas Carol, na pinaikli ng aming manugang at anak na lalaki upang iakma sa mas batang miyembro ng pamilya.

At sa ilan pang taon, nang nakangiti at masaya, binasa ng aming pamilya ang bumper sticker ng A Christmas Carol. Dalawang linya lamang ito: “Bah, humbug [Aba, hindi maaari]” at “God bless us everyone [Pagpalain ng Diyos ang lahat].”

Sinimulang isulat ni Charles Dickens ang A Christmas Carol noong Oktubre at natapos noong mga unang araw ng Disyembre 1843—sa loob ng anim na linggo lamang. Ang unang 6,000 kopya ay inilathala sa London noong Disyembre 19, 1843. Nabili ang lahat ng ito pagsapit ng Bisperas ng Pasko.

Ipinaliwanag ng mga nagdukomento ng background ng A Christmas Carol na isinulat ito ni Charles Dickens sa panahong pinag-iisipang muli ng Victorian England ang kahulugan ng Pasko. Anong papel ang maaari o dapat gampanan sa lipunan ng Kapaskuhan, mga Christmas tree, pagbati sa Pasko, pagtitipon ng pamilya sa Pasko, Christmas card, maging ng mga awiting Pamasko?

Sa panahong marami ang nakadarama ng kawalan ng kapanatagan, pag-iisa, at kalungkutan, tinugunan ng A Christmas Carol ni Dickens ang matinding pagnanais sa pagkakaibigan, pagmamahal, at di-natitinag na mga pinahahalagahan ng mga Kristiyano, tulad nang makahanap si Ebenezer Scrooge ng kapayapaan at paggaling sa kanyang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.

Noon tulad ngayon, ang tunay na kahulugan ng Pasko ay naglalapit sa atin kay Jesucristo, na isinilang sa isang sabsaban. Alam ni Jesucristo ayon sa laman kung paano tayo tutulungan nang may puspos na awa. Noon tulad ngayon, ipinagdiriwang ng Pasko ang pagiging kabilang, ugnayan, at komunidad na batay sa pakikipagtipan kay Jesucristo at sa isa’t isa.

May iba pa akong tanong tungkol sa A Christmas Carol. Bakit ang palagi nating naiisip, kapag binanggit natin si Scrooge, ay isang matandang masungit at kuripot, isang taong tinutuya ang Pasko bilang isang malaking kamalian?

Bakit hindi natin mas tanggapin ang nagbagong Scrooge? Ang bagong Scrooge, na bukas-palad na nagbigay ng napakalaking pabo bilang sorpresa sa Pasko? Ang bagong Scrooge, na nakipagkasundo sa kanyang masayahing pamangkin na si Freddie? Ang bagong Scrooge, na nagtaas ng suweldo ni Bob Cratchit at nagmalasakit kay Tiny Tim?

Hayaang manuya ang mga mapagduda. Ang bagong Scrooge ay “ginawa ang lahat, at ang marami pa.” Siya ay naging mabuting tao at mabuting kaibigan, tulad ng alam ng lahat noon.

Kaya bakit hindi natin alalahanin ang Mr. Scrooge na iyon? Mayroon bang mga tao sa paligid natin, marahil tayo mismo, na maaaring maging ibang tao kung titigil lamang tayo sa pag-aakala o panghuhusga na hindi pa rin sila nagbabago?

Walang perpektong tao o pamilya. Bawat isa sa atin ay may mga kahinaan at kamalian—mga bagay na nais nating pagbutihin pa. Sa Paskong ito, marahil ay matatanggap natin—at maibibigay—ang mahahalagang kaloob ni Jesucristo na pagbabago at pagsisisi, pagpapatawad at paglimot, at pagbibigay ng mga kaloob na iyon sa ibang tao at sa ating sarili.

Makipagkasundo tayo sa nangyari sa nakaraang taon. Alisin natin ang pagkabalisa at pagkabagabag, ang mga alitan at galit, na laganap sa ating buhay. Nawa’y ipagkaloob natin sa isa’t isa ang ating mga bagong posibilidad sa halip na magtuon sa mga limitasyon natin noon. Bigyan natin ang bagong Scrooge sa bawat isa sa atin ng pagkakataong magbago.

Ang ating Tagapagligtas ay pumarito upang palayain ang mga bihag—at hindi lamang ang mga nasa bilangguan. Mapapalaya Niya tayo mula sa mga multo ng ating nakaraan, kakalagan tayo mula sa mga tanikala ng mga kasalanan natin at ng iba. Matutubos Niya tayo mula sa ating makasariling sarili sa pamamagitan ng muling pagsilang sa Kanya.

“Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon … ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.”5

Kaya maligayang Pasko!

Nawa ang inyong mga tradisyon at alaala sa Pasko ay maging masaya at maganda.

Nawa’y magalak tayo kay Jesucristo, sa Pasko at araw-araw.

Masaya akong nagpapatotoo sa Kanya sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.