Mga Pamaskong Debosyonal
Mga Kaloob ng Kapayapaan


14444:25

Mga Kaloob ng Kapayapaan

Salamat at kasama ko kayo sa pagdiriwang na ito ng Pasko. Ang layunin natin ay igalang ang Panginoong Jesucristo. Umaasa tayong makamit ang tunay na diwa ng Pasko sa ating sarili at sa mga mahal natin sa buhay. Ang diwang ito ay may kapayapaan—hindi kapayapaan sa pulitika, dahil ang Tagapagligtas ay isinilang sa panahon ng matinding takot at pagkabalisa kaya kinailangang tumakas ang Kanyang pamilya bilang mga refugee sa Egipto; hindi kapayapaan ng ekonomiya, dahil isinilang Siya sa isang kuwadra at inihiga sa abang sabsaban; at ni hindi rin ang kapayapaang mula sa lahat ng nakabalot na mga regalo, mga punong may dekorasyon, at mesang may nakahandang pagkain, dahil ang kapayapaang iyon ay pansamantala lamang. Ang kapayapaan ng Pasko ay “ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip.”1 Ito ang kapayapaang ipinangako ni Apostol Pablo na “nagiingat ng [ating] mga puso at ng [ating] mga pagiisip kay Cristo Jesus.”2 At tama si Pablo. Ang kapayapaang hanap natin ay sa pamamagitan at dahil lamang kay Jesucristo.

Ang ilan sa atin ay nakatira sa maganda at payapang kapaligiran, gayunman nababagabag ang ating kalooban. Ang iba naman ay may kapayapaan at ganap na katiwasayan sa gitna ng malaking personal na kawalan, trahedya, at mga pagsubok.

Sa lahat ng naparito sa mortalidad, sinabi ng Tagapagligtas, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian.”3 Gayunman ay ibinigay Niya ang magandang pangakong ito noong Kanyang ministeryo sa lupa: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo.”4 Nakapapanatag malaman na ang pangakong ito ng personal na kapayapaan ay nagpapatuloy para sa lahat ng Kanyang mga pinagtipanang disipulo ngayon.

Ito ay pangakong ibinigay maging sa mismong gabi ng Kanyang pagsilang. Nang ipahayag ng makalangit na mga sugo ang pagsilang ng Tagapagligtas, sinabi nilang, “Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, at sa lupa’y kapayapaan.5

Sa pinagpalang panahong ito ng taon, tayo—higit kailanman—ay hangad ang kapayapaan sa pamamagitan ng Tagapagbigay ng lahat ng mga regalo o kaloob. Hangarin kong ibahagi ngayong gabi ang ilan lamang sa maraming paraan na madaragdagan natin ang kapayapaan sa panahong ito, sa buong taong darating, at habang tayo ay nabubuhay.

Una, gaya ng mga anghel na umawit sa gabi ng Kanyang pagsilang, makadarama tayo ng kapayapaan sa pagdiriwang natin sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Tayo na, “halina at magpuri.”6

Ang Pasko ay pagdiriwang ng pagsilang. Nakadama tayong lahat ng pagkamangha sa pagkakita sa bagong silang na sanggol. Nagpapakumbaba tayo kapag nakikita natin ang mumunting mga himala at ang pangako sa hinaharap. Nagiging magiliw tayo. Nagpapasalamat tayo. Nakadarama tayo ng kapayapaan. At may damdamin ng pagmamahal sa ating puso kaya gusto nating magbigay at maging magiliw habang ginugunita ang pagsilang na ating ipinagdiriwang. Dahil ang Pasko ay pagdiriwang ng isang pagsilang na walang katulad. Ang pagsilang ni Jesus ay nakinita ng mga propeta ng Diyos sa lahat ng panahon. Ang pagsilang ang katuparan ng isang pangako sa atin sa daigdig ng mga espiritu ng mapagmahal na Ama sa Langit. Iyon ang pagsilang ng ipinangakong Mesiyas.

Ang mga salita ay nagbabalik sa alaala at sa aking puso tuwing Kapaskuhan. Naririnig ko sa aking isipan ang mga tinig ng papuri ng malaking koro na umaawit ng: “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki: at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.”7

Naaalala kong una kong narinig ang mga salitang iyon habang nakaupo ako sa balkonahe ng Salt Lake Tabernacle. Inaawit noon ng isang koro ang musika ni Handel. Naaalala kong may nadama ako sa puso ko. Bata pa ako noon. Matanda na ako ngayon, at alam ko kung ano ang damdaming iyon. Iyon ang Espiritu Santo, na ang patnubay ay inialok sa akin noong walong taong gulang ako. Pinagtibay ng Espiritu sa aking puso na ang mga salitang narinig kong inawit nang gabing iyon ay totoo.

Ang sanggol na isinilang sa Bet-lehem noon at ngayon ang Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak ng Ama. Ang mga lumuhod sa Kanyang harapan ay dumating para sambahin ang Tagapagligtas. Siya ang Kordero ng Diyos, na isinugo para kalagin ang mga gapos ng kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Dumating Siyang may kapangyarihang batahin ang ating mga kalungkutan at pighati upang malaman Niya kung paano tayo tutulungan. At isinilang Siya upang magbayad-sala para sa lahat ng ating mga kasalanan dahil Siya lang ang makagagawa nito:

Winaksi’ng kamatayan;

Sa lahat, Kanyang alay;

Ang muling pagkabuhay.

Dinggin! Awit ng anghel;

L’walhati kay Immanuel!8

Ang nadama ko sa balkonahe ng Tabernacle nang gabing iyon ay ukol sa pananampalataya at pag-asa. Nakadama ako ng pananampalataya dahil “sa atin ay ipinanganak ang isang bata,” maaari akong umasa na hindi ang kamatayan ang wakas. Ako’y muling mabubuhay, at ang tibo ng kamatayan ay maaalis para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Ngunit higit pa roon ang nadama ko. Nadama ko ang pag-asa na dahil sa Kanya, masusunod at mapaglilingkuran ko Siya at sa gayo’y maisilang sa bagong espirituwal na buhay. Dahil sa regalo ng Kanyang pagsilang, ang puso ko, ang puso ninyo, at ang puso ng lahat ng tao ay maaaring magbago at maging tulad ng sa batang musmos—dalisay, malinis, at marapat bumalik sa Diyos na nagbigay sa atin ng Tagapagligtas at naglaan ng daan pabalik sa Kanya sa tahanan Niya sa langit. Nakadama ako ng pasasalamat at kapayapaan, at tayong lahat din dahil sa kaloob ng Ama at ng Anak.

Pangalawa, gaya ng mga pastol na nakakita sa batang Cristo at “inihayag”9 ang mabubuting balita ng Kanyang pagsilang, maituturo natin ang kapayapaan sa ating pamilya at sa iba pang mahal natin. Pinakamainam nating nagagawa ito kapag binubuksan natin ang mga banal na kasulatan sa kanilang mga puso at isipan.

Noong maliliit pa ang mga anak namin, bumuo kaming pamilya ng Christmas pageant na lahat ng salita ay hango sa banal na kasulatan. Idinaos namin ang pageant sa gabi ng Bisperas ng Pasko. Marami sa inyo ang nakagawa na ng tulad nito.

Ang mga unang bersiyon ng aming pageant ay nangailangan ng limitadong bilang ng mga aktor, lahat ay may papel mula sa banal na kasulatan. Ako si Jose, ang asawa ko si Maria, at isang manika ang batang Cristo. Nadagdagan kalaunan ang bilang ng mga taong kasali. Nagdagdag kami ng munting aktor na gaganap sa papel ng sanggol na si Jesus, at dumating ang mga pastol—nangakasuot ng puting bata—para sumamba sa sabsaban, at nakahanap rin kami ng mga haring maydala ng mga kahon na may mga hiyas para parangalan ang bagong silang na Hari.

Makalipas ang ilang taon, sinimulan namin ang pageant na may batang gumanap na Samuel na Lamanita na nakatayo para magpatotoo nang may kapangyarihan ng propeta tungkol sa pagsilang ng ipinangakong Mesiyas. Kalaunan, nagdagdag kami ng mga tao na hindi naniniwala na may armas na mga bolang nakabalot sa aluminum foil para ibato kay Samuel habang nakatayo siya sa harap nila. Bawat taon, habang ang mga miyembro ng galit na mga mandurumog ay lumalakas at humuhusay, kinailangan naming ipaalala sa kanila na hindi tatamaan si Samuel dahil siya ang protektadong lingkod ng Diyos—at dahil itinataguyod at ipinagdiriwang natin ang kapayapaan!

Kinailangan namin ng mga papel para sa mas maliliit na bata, kaya nagdagdag kami ng mga tupa na gagapang sa likuran ng mga pastol patungo sa sabsaban.

Ngunit lumipas ang panahon—gaya ng nangyayari. Lumaki na ang mga aktor, at ngayon ay balik kami sa simula. Minasdan ko ang mga Jose, Maria, pastol, tupa, kordero, at mga haring iyon na naantig at tinuruan ang mga mahal nila sa buhay tungkol sa Tagapagligtas at sa kapayapaang hatid ng Kanyang pagsilang.

Mapalad silang matutuhan sa mga papel na ginampanan nila sa aming pageant ang tungkol sa Tagapagligtas at kung bakit mahal natin Siya. Nagpapasalamat ako na nakita ng mga anak at apo namin ang paggalang namin sa sanggol na si Jesus, na isinilang para maging walang-hanggang alay, ang walang katumbas na regalo ng kapayapaan na ibinigay ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak.

Pangatlo, tulad ng mga Pantas na Lalake, makapagbibigay tayo ng mga regalo ng pagmamahal at kapayapaan bilang mga disipulo ng nagbangon na Panginoon.

Ganito ang ginawa ni Bishop Sellers sa Rexburg, Idaho, noong panahon na tinawag siyang maging bishop. Ang chapel ng kanyang ward ay malapit noon sa highway na dumaraan sa munting bayan. Noong panahong iyon ng kawalan ng trabaho, maraming mga taong hirap sa buhay ang nagpalipat-lipat ng lugar, umaasang makakahanap sila ng paraan para matustusan ang sarili nila. Madalas silang lumapit sa isa sa mga Latter-day Saint bishop para humingi ng tulong. Madalas, ang mga bishop na nilapitan nila ay pinapupunta sila sa tahanan ni Bishop Sellers.

May dahilan iyon. Tinatanggap ng pamilya Sellers ang mga estrangherong nangangailangan. Sa halip na pampamilya lamang ang hapunan, may isa o dalawa, o minsan ay mas marami pang mga estranghero sa mesa. Matapos mabusog ang mga bisita sa masarap na pagkaing inihanda ni Sister Sellers, binibigyan sila ng bishop ng coat mula sa suplay ng surplus na mga army coat na binili niya.

Kapag may suot nang mainit na coat at hawak na ang nakabalot na pagkaing inihanda ni Sister Sellers, hahayo na sila sa malamig na paligid na may mainit na puso. Ang mga nakita at narinig at nadama sa araw na iyon ay mananatili sa puso nila habang daan. Dahil ang ilan sa mga pinakamalamig na panahon sa Rexburg ay sa Kapaskuhan at dahil sa tradisyon ng pamilya na buong taon ng pagkakawanggawa, nananatili sa alaala ng mga anak ng mga Sellers na nagawa nila ang gagawin ng Tagapagligtas—at na ginawa ito para sa Kanya.

Kayo at ang inyong pamilya ay maaaring nakabuo na ng sarili ninyong mga tradisyon sa Pasko na akma sa katayuan ninyo, ngunit may magkakatulad sa mga ito. Itutuon ng mga ito ang mga puso sa Tagapagligtas. At kabibilangan ito ng mga gawa ng kabaitan na tatanggap ng pagsang-ayon ng Tagapagligtas: Sabi niya:

“Sapagka’t ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain: ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom: ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy:

“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan: ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.”10

At sasabihin Niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”11

Ang mga anghel, pastol, at mga Pantas na Lalake ay naghanap at nakatagpo ng kapayapaan mula sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Kayo rin. Ang pagsilang ng Tagapagligtas ang kaloob na gumawang posible para maibigay ng Ama sa atin ang “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”12 Nangagsigawan tayo sa galak sa daigdig ng mga espiritu nang marinig natin ang pangakong iyon. Ang kapayapaan at galak ay muling mapapasaatin kapag narinig nating inawit ang mga titik na nagpapahayag na ang mapagmahal na pangako ng Diyos ay tinupad:

Sa gabing marikit. …

Mga pastol galing sa bukid;

Sa mga anghel, umaawit!

Si Cristo’y isinilang!13

Dalangin ko na dumating ang kapayapaan at lumagi sa bawat isa sa atin sa paggunita, pagmamahal, at pagsamba sa ating mapagmahal na Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagtupad ng ating mga tipan sa Kanya. Nawa’y lagi nating maalaala ang paglilingkod at kabaitang ipinakita ni Jesucristo noong Kanyang mortal na ministeryo—at mangakong gawin din ang gayon.

Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang pinakamamahal na Anak ng Ama. Saksi ako na si Pangulong Thomas S. Monson ang buhay na propeta ng Diyos. Ang hangad niya, at ng Unang Panguluhan, ay mapasainyo sa panahong ito at sa tuwina ang kagalakan, pagmamahal, at kapayapaan na ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang matatapat at masunuring mga disipulo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.