Ang Buong Kuwento ng Pasko
Ang Pasko ay naghihikayat ng kabaitan, kagalakan, at pagmamahal. At tulad ng patutunayan ng sinumang magulang, karaniwan ang damdaming iyon kapag may bagong silang na sanggol. Mangyari pa, ang pagsilang ni Cristo ay walang katulad. Ang mahahalagang detalye—ang paglalakbay patungong Betlehem, masikip na bahay-tuluyan, hamak na sabsaban, bagong bituin, at paglilingkod ng mga anghel—ang dahilan kaya pambihira ang kuwento ng Kanyang pagsilang. Subalit ang kuwento ng pagsilang ng Tagapagligtas ay bahagi lamang ng dahilan kaya natin nadarama ang Espiritu sa Kapaskuhan. Ang Pasko ay hindi lamang isang pagdiriwang ng kung paano pumarito si Jesus sa mundo kundi pag-alam din kung sino Siya—ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo—at kung bakit Siya naparito.
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Dahil Siya ay naparito sa mundo, … makakamtan natin ang kagalakan at kaligayahan sa ating buhay at kapayapaan sa bawat araw ng taon. … Dahil Siya ay naparito, may kabuluhan ang ating buhay sa mundo.”1
Ang Panganay ng Ama
Ang kahulugang ito ay mas lumilinaw kapag inisip natin ang buong kuwento ng Pasko. Ayon sa paliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Hindi magkakaroon ng Pasko kung walang Pasko ng Pagkabuhay. Ang sanggol na si Jesus ng Betlehem ay magiging isang pangkaraniwang sanggol kung wala ang pagtubos ni Cristo sa Getsemani at sa Calvario, at ang matagumpay na katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli.”2
Hindi nagsimula ang kuwento sa pagsilang ni Jesus sa Betlehem, at hindi ang Calvario ang wakas. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na “nang pasimula siya … ay sumasa Diyos”3 sa premortal na Kapulungan sa Langit. Naroon din tayo, kung saan kilala natin Siya bilang si Jehova, ang Panganay na Anak ng ating Amang Walang Hanggan.4 Nalaman natin na Siya ang magiging Lumikha at Manunubos ng sanlibutan. Humiyaw tayo sa galak nang tanggapin natin ang dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama.5 Kahit may ilang nagrebelde sa plano ng Diyos, kasama tayo sa mga nanalig kay Jesucristo. Kusa nating tinanggap ang mga panganib ng mortalidad dahil tiwala tayo na susundin ni Jesus ang kalooban ng Ama—na sa pamamagitan Niya ay maliligtas tayo.
Ang Pagsilang ng Bugtong na Anak ng Diyos
Dito sa lupa, ang alaala ng dati nating buhay ay nalalambungan ng pagkalimot. Ang ating layunin sa pagparito sa lupa ay matutong “[mag]silakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”6
Para mapalakas ang pananampalatayang iyan, nagsugo ang Diyos ng mga propeta na nakita at ipinropesiya ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas. Isa sa mga propetang ito si Nephi, na nakita sa pangitain ang isang punong napakaganda at maputi. Nang hilingin niyang malaman ang kahulugan ng kanyang pangitain, ipinakita sa kanya ang lungsod ng Nazaret at si Maria, ang birhen na napakaganda at kaakit-akit. Pagkatapos ay itinanong ng anghel na kausap ni Nephi ang napakalalim na tanong na ito: “Nalalaman mo ba ang pagpapakababa ng Diyos?” Sa madaling salita, “Nauunawaan mo ba kung bakit ang Diyos mismo ay paparito sa mundo, kung bakit Siya magpapakababa sa lahat ng bagay?” Medyo hindi tiyak ang sagot ni Nephi: “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay.”
At sabi ng anghel, “Ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos.” Nakita ni Nephi si Maria na may hawak na bata, at humiyaw ang anghel sa galak, “Masdan ang Kordero ng Diyos, … maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” Bigla, ang kahulugan ng puno—at ang dahilan kaya natin ipinagdiriwang ang pagsilang ni Cristo—ay mas luminaw kay Nephi. Sabi niya, “Ito ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao; anupa’t ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay.” “Oo,” sabi pa ng anghel, “at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa.”7
Sa huli, halos 600 taon pagkaraan ng pangitain ni Nephi, sumapit ang pinakahihintay na araw na matagal nang ipinropesiya. Dumaan si Jesus sa tabing at pumasok sa mundo bilang isang sanggol na walang-malay, bagama’t walang katulad. Ang Panganay na Anak ng Diyos sa espiritu ay naging Kanyang Bugtong na Anak sa laman. Ang batang ito, na isinilang sa pinakaabang sitwasyon, ay papasanin sa Kanyang mga balikat ang kaligtasan ng walang-hanggang mag-anak ng Diyos! Tunay na “ang pag-asa at pangamba” ay nagtagpo sa “munting bayan ng Betlehem” noong gabing iyon.8
Pero siyempre pa, hindi nagwawakas doon ang kuwento. Mahimala man ang pagsilang ng Tagapagligtas, mas malalaking himala ang susunod dito.
Ang Gawain ng Ama
Kakaunti ang alam natin tungkol sa pagkabata ni Jesus. Sinabihan tayo na Siya ay “[lumaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.”9 Sa edad na 12, sinabi Niya na hangad Niyang “maglumagak sa [gawain] ng [Kanyang] Ama.””10 Ang gawaing iyon ay ang ipakita sa mundo ang “dakila at kahanga-hangang pag-ibig” ng Ama sa Kanyang mga anak.11
“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, … upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”12
Ang gawain ng Kanyang Ama ay “[maglibot] na gumagawa ng mabuti.”13 Pagpapakita iyon ng habag—“pagpapagaling ng may karamdaman, pagbuhay ng patay, pagpapalakad ng pilay, ang bulag nang makatanggap ng kanilang paningin, at ang bingi upang makarinig.”14
Ang gawain ng Kanyang Ama ay palakasin ang ating pananampalataya, gisingin ang ating damdamin, at lunasan ang ating pasakit, kahambugan, karamdaman, at mga kasalanan. Iyo’y ang “tulungan [tayo sa ating] mga kahinaan.” At para magawa ito, kusang dinanas ni Jesus ang lahat ng uri ng pasakit, pagwawaksi, mga pighati, at mga tukso.15
Ang gawain ng Kanyang Ama ay tulungan tayong matupad ang ating layunin sa lupa—upang “bawa’t isa ay sa langit dalhin.”16 Sa madaling salita, ang gawain ng Kanyang Ama noon—at ngayon—ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”17
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Sa huli, ang buong kuwento ng Pasko ay humantong sa huling tatlong araw ng buhay ng Tagapagligtas. Sa mahalagang panahong iyon, nagdaan ang Tagapagligtas mula sa Halamanan ng Getsemani papunta sa krus ng Kalbaryo hanggang sa Libingan sa Halamanan. Ayon sa turo ni Elder Jeffrey R. Holland, ang “epekto at bisa” ng sandaling iyon ay “magkakaroon ng impluwensya … mula sa simula ng panahon, at magpapatuloy … hanggang sa buong kawalang-hanggan.”18
Dahil ang sasapitin ng bawat kaluluwa ng tao ay nakadepende sa Kanya, halos mag-isang pumasok si Jesus sa Halamanan ng Getsemani. Sumunod ang pagtatanong, paghagupit, at sa huli’y ang napakasakit na pagkamatay sa krus. May gayon ding pagpapakumbaba at pagsunod kung kailan ipinahayag Niya sa simula pa lang na, “Narito ako, isugo ako,”19 sinabi niya ngayon na, “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”20
Naghinagpis ang daigdig, nagdalamhati ang Kanyang mga kaibigan, at nagdilim ang lupain. Humantong ang Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu, kung saan “ang hindi mabilang na pangkat ng mga espiritu ng mga matwid”—kaluluwa ng mga matwid na namatay—ay naghintay sa Kanyang pagdating. Kahalintulad ng nangyari sa simula ng panahon, humiyaw sa galak ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos at yumuko upang sambahin ang kanilang Tagapagligtas.21
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Ilaw ng Sanlibutan
Di-nagtagal at dumating ang panahon na kukuning muli ng Tagapagligtas ang Kanyang pisikal na katawan at kukumpletuhin ang Kanyang tagumpay laban sa kamatayan. Maaga pa isang umaga ng tagsibol, sa unang araw ng linggo, nagpunta si Maria Magdalena sa Kanyang libingan at natagpuan itong walang laman. Siya ang unang nakarinig sa Kanyang tinig at nakakita sa pinakamamahal Niyang mukha. Si Jesus kalauna’y nagpakita sa Kanyang mga Apostol, inanyayahan silang tingnan ang Kanyang mga kamay at paa, “hipuin [Siya], at tingnan”22 na Siya nga iyon—na ang Kanilang Manunubos ay muli ngang nabuhay!
Ito ang “mabubuting balita ng malaking kagalakan”23 na ipinagdiriwang natin tuwing Pasko—hindi lamang dahil isinilang si Cristo kundi dahil nakapiling natin Siya, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin, nabuhay Siyang mag-uli, at sa huli’y “tinapos ang gawaing [ipinagawa sa Kanya ng Ama].”24 Nagdiriwang tayo dahil ang kalituhan at kaguluhan sa mundong ito ay mapapatahimik ng pangako sa atin sa simula pa lang—isang pangakong tinupad ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil dito, ang kuwento ng Pasko ay hindi lubos na naisalaysay nang wala ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, naging banal ang tahimik na gabi sa Betlehem. Dahil sa Kanyang kaloob na pagtubos, humiyaw tayo sa galak sa premortal na daigdig—ang kaloob na ito na nagpapagaling sa ating karamdaman, nagbabalik sa ating paningin, at pumapahid sa lahat ng luha.25
Ang liwanag na gustung-gusto natin sa Pasko ay nagmumula sa Ilaw ng Sanlibutan na si Jesucristo. Ang kuwentong itinatangi natin tuwing Pasko ay ikinukuwento ang plano ng kaligayahan ng ating Ama, na pinapangyari ni Cristo. Ang kaloob na ginagawang sagrado ang Kapaskuhan ay ang buhay Niya mismo, na ibinuwis Niya upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Nawa’y tanggapin natin ang kaloob na ito at ibahagi natin ang Kanyang pagmamahal at Kanyang ebanghelyo sa buong mundo, lalo na sa napakagandang panahong ito ng taon, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.