Mga Pamaskong Debosyonal
Mga Pahayag ng Propeta tungkol sa Pagsilang ni Cristo


9574:0

Mga Pahayag ng Propeta tungkol sa Pagsilang ni Cristo

Sa Kapaskuhan, ipinagdiriwang nating mga nananalig ang pagsilang ni Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ang Amang Walang Hanggan. Bilang bahagi nitong Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan na nagpapakita ng huwaran para sa ating pagdiriwang, tatalakayin ko ang mga pahayag ng propeta tungkol sa Kanyang pagsilang.

Walang pahayag na mas mahalaga pa kaysa noong magpakita ang anghel kay Maria.

“Sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka’t nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.

“At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang Jesus.

“Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya’y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang Ama:

“At siya’y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian” (Lucas 1:30–33).

Ang pagsilang at buhay at kamatayan ng Anak ng Diyos sa lupa ay mahalaga sa plano ng ating Ama sa Langit “na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Bago nilikha ang mundo, si Jesucristo ang piniling mabuhay sa lupa at maging Tagapagligtas upang maisagawa ang planong iyon (tingnan sa Moises 4:2). Si Amang Adan ay inutusang mag-alay ng mga sakripisyo bilang “kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan. Kaya nga [itinuro sa kanya], gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman” (Moises 5:7–8).

Sa aklat ni Moises mababasa rin natin ang paliwanag ng Diyos tungkol dito, ang Kanyang “plano ng kaligtasan sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng dugo ng aking Bugtong na Anak, na paparito sa kalagitnaan ng panahon” (Moises 6:62). Inutusan tayo ng Diyos Ama na magsisi at magpabinyag “sa pangalan ng aking Bugtong na Anak, na puspos ng biyaya at katotohanan, na si Jesucristo, ang tanging pangalang ibinigay sa silong ng langit, kung saan ang kaligtasan ay sasapit sa mga anak ng tao” (Moises 6:52).

Ipinahayag ni Isaias, isang dakilang propeta ng Lumang tipan, ang pagsilang ng Mesiyas. “Ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda,” sabi niya. “Narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel” (Isaias 7:14).

Ipinahayag din ni Isaias:

“Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake: at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.

“Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man” (Isaias 9:6–7).

Ang pagsilang ni Cristo ay inihayag din sa mga propeta sa Aklat ni Mormon. Anim na raang taon bago isinilang ang Tagapagligtas, itinuro ni Lehi na ibabangon ng Diyos sa mga Judio ang isang “Mesiyas, o, sa ibang salita, isang Tagapagligtas ng sanlibutan” (1 Nephi 10:4).

Ipinahayag ng propetang si Abinadi:

“Hindi ba’t nagpropesiya si Moises sa kanila hinggil sa pagparito ng Mesiyas, at na tutubusin ng Diyos ang kanyang mga tao? Oo, at maging lahat ng propeta ay nagpropesiya mula pa sa simula ng daigdig—hindi ba sila nangusap ng higit-kumulang hinggil sa mga bagay na ito?

“Hindi ba’t sinabi nila na ang Diyos na rin ang bababa sa mga anak ng tao, at tataglayin niya sa kanyang sarili ang kaanyuan ng tao, at hahayo sa dakilang kapangyarihan sa balat ng lupa? (Mosias 13:33–34).

Itinala ng propetang si Nephi kung paano ipinakita sa kanya ng isang anghel ang isang birhen sa lungsod ng Nazaret, na nagsabng, “Masdan, ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos, alinsunod sa pamamaraan ng laman” (1 Nephi 11:18).

“At ito ay nangyari na, [pagsulat ni Nephi] na namasdan ko na siya ay natangay sa Espiritu; at matapos siyang matangay sa Espiritu ng ilang panahon, nangusap ang anghel sa akin, sinasabing: Tingnan!

“At tumingin ako at namasdang muli ang birhen, may dalang isang bata sa kanyang mga bisig.

“At sinabi sa akin ng anghel: Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” (1 Nephi 11:19–21; tingnan din sa Alma 7:9–10).

Pamilyar tayong lahat sa unang pahayag matapos isilang si Jesus. May malaking kahalagahan ang katotohanan na ipinahayag ito ng langit sa isang grupo na pinakahamak daw sa panahong iyon.

“At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.

“At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot.

“At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:

“Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. …

“At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:

“Luwalhati sa Diyos sa kataastaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:8–11, 13–14).

Ang pagsilang ng Tagapagligtas ay sinundan sa loob ng ilang araw ng magkahiwalay na pabatid sa dalawang taong napakabanal—mga temple worker ang tawag natin sa kanila ngayon:

“At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito’y matuwid at masipag sa kabanalan, na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo.

“At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita niya ang Cristo ng Panginoon.

“At siya’y napasa templo sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, upang sa kaniya’y magawa nila ang nauukol sa kaugalian ng kautusan,

“Ay tinanggap nga niya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi,

“Ngayo’y papanawin mo, Panginoon, ang iyong alipin, ayon sa iyong salita, sa kapayapaan:

“Sapagka’t nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas” (Lucas 2:25–30).

Ang ikalawang pahayag ay sa isang babaeng banal, doon din sa templo. Si Anna, na tinawag sa banal na kasulatan na “isang propetisa, … (siya’y lubhang matanda na, …

“At siya’y bao nang walongpu’t apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing.

“At pagdating niya sa oras ding yaon, siya’y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng nagsisipaghintay ng katubusan sa Jerusalem” (Lucas 2:36–38).

Ikinukuwento ng mga propesiya at pahayag na kababanggit pa lamang ang unang pagparito ng Tagapagligtas. Tayo ngayo’y naghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, isang panahong pinakahihintay ng mga nananalig at kinatatakutan o itinatwa ng mga walang pananalig. Inuutusan tayong “tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating” (D at T 87:8). Tiyak na kabilang sa “mga banal na lugar” na iyon ang templo at tapat na sinusunod ang mga tipan doon, isang tahanan kung saan ang mga bata ay pinahahalagahan at tinuturuan, at ang iba’t iba nating tungkulin ay iniaatas ng awtoridad ng priesthood, pati na ang mga mission, templo, at iba pang tungkuling tapat na ginagampanan sa mga branch, ward, at stake.

Habang naghahanda tayo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito, at nakatayo tayo sa mga banal na lugar, pilit nating ipinagdiriwang ang Pasko hindi lamang bilang panahon ng “Mga Pagbati” o “Masasayang Bakasyon” kundi bilang pagdiriwang ng pagsilang ng Anak ng Diyos at isang panahon upang alalahanin ang Kanyang mga turo at ang walang-hanggang kahalagahan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Dalangin ko na maging tapat tayo sa paggawa nito.

Pinatototohanan ko na totoo ang mga bagay na ito sa pangalan Niya na ang kaarawan ay ating ipinagdiriwang, maging sa pangalan ni Jesucristo, amen.