Ang Kaloob na Espiritu Santo
Mga kapatid, napakalaking biyaya ang makasama kayo ngayong gabi.
Tatlong linggo na lang mula ngayon ay Pasko na. Sa umagang iyon, milyun-milyong mga bata ang gigising nang napakaaga at, sila naman ang manggigising sa kanilang mga magulang. Puno ng pananabik, magtitipon sila sa paligid ng mga regalo na ilang araw na nilang tinititigan.
Gustung-gusto ng tatay ko ang Pasko; ang pagreregalo ay nagbibigay sa kanya ng kagalakan, at napakagaling nila ni Inay dito. Kaming magkakapatid, at ang marami pang iba, ang nakinabang sa kanilang talento. Ang ilan sa mga pinakamaganda nilang regalo ay di nahahawakan—iyon ay mga karanasan na lumikha ng bigkis ng pagmamahalan at mahahalagang alaala. Ang mga alaalang iyon ay nagbibigay pa rin ng galak sa akin ngayon.
Tila nararapat lang na ang pagbibigayan ng regalo ay mahalagang bahagi ng Pasko. Tutal, ipinagdiriwang natin ang walang kapantay na regalo ng Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Siyempre pa, ang mga regalo natin sa isa‘t isa ay hindi maikukumpara sa regalong ito, ngunit naniniwala ako na ang ligayang hatid ng pagbibigayan ng mga regalo ay magbabaling ng ating puso sa “mga kaloob ng Diyos.”1
Ang mahalagang regalo ng Anak ng Diyos ay nag-aanyaya sa ating hanapin ang “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”2 Tila mahirap kamtin ang kapayapaan sa mundong puno ng pagtatalo at pagkakahati-hati. Ngunit ang kapayapaang iyon ang mismong ibinibigay ng ating mapagmahal na Ama at ng Kanyang Anak, kung tatanggapin lamang sana natin ito.
Kakaiba naman kung, sa umaga ng Pasko ay uupo tayo sa palibot ng Christmas tree, hahangaan ang magagandang nakabalot na mga regalo, pag-uusapan ang maaaring nasa loob nito, at magpapatuloy na sa maghapon nang hindi binubuksan ang mga regalo!
Nakakalungkot na ganito ang ginagawa natin kung minsan sa mga regalong bigay sa atin ng Diyos. Isipin ang mga salitang ito ng Tagapagligtas: “Ano ang kapakinabangan ng isang tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob sa kanya, at hindi niya tinanggap ang handog? Masdan, hindi siya nagsasaya sa yaong ibinigay sa kanya, ni nasisiyahan sa kanya ang siyang nagkaloob ng handog.”3
Ngayong gabi nais kong anyayahan ang lahat na pakaisipin kung paano natin tunay na matatanggap ang mga regalo ng Diyos na inialok sa atin. Lalo na, gusto kong magtuon sa walang katapusang kaloob ng Espiritu Santo. Habang ginagawa ko ito, dalangin ko na tulungan tayo ng Espiritu Santo na maunawaan ang kahalagahan ng regalong ito, ituro sa atin kung ano pa ang magagawa natin para lalo pang matanggap ito, at biyayaan tayong kumilos ayon sa nadarama natin.
Bakit Kaibig-ibig na Kaloob ang Espiritu Santo?
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay isang mang-aaliw,4 gabay,5 guro,6 nagpapadalisay,7 at dahil dito ay nagpapabago sa puso ng mga tao.8 Sa pamamagitan Niya, matatanggap natin ang mga kapangyarihan at katangian ng Diyos sa ating buhay.
Maaalala ninyo ang ilan sa mga katangiang iyon: “pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil.”9 Para sa akin ito ay magandang paglalarawan ng tinatawag na “diwa ng Pasko.” Ang mga pangako ng anghel na “mabuting balita ng malaking kagalakan” at “kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya”10 mula sa unang gabi ng Pasko ay natutupad, kahit paano, sa pagtanggap natin sa Espiritu Santo.
Madalas nating banggitin ang pagsisikap na panatilihin ang diwa ng Pasko sa buong taon. Natural na naisin nating taglayin ng ating kaluluwa ang mga banal na katangiang ito sa habampanahon. At nais ng ating perpektong Ama, na matanggap natin na Kanyang mga anak ang mga kaloob na ito. Iyan ang dakilang pangako ng ebanghelyo ni Jesucristo—na baguhin ang ating mga puso, na “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti,”11 na mapuno ng “pag-asa at ganap na pag-ibig.”12 Sa tunay na pagtanggap sa Espiritu Santo mabubuksan ang mahahalagang kaloob na ito sa atin.
Makabuluhan na ang kaloob na Espiritu Santo ay ibinibigay sa atin sa mga salitang ito: “Tanggapin ang Espiritu Santo.”13 Nais kong magmungkahi ng tatlong susi na tutulong sa atin upang tunay na matanggap ang mahalagang kaloob na ito. Para magawa ito, babaling ako sa bantog na eksena sa Aklat ni Mormon. Ang nabuhay na muling Cristo ay maghapong nagsagawa ng mga himala sa paglilingkod sa mga tao, nangangako na babalik Siya kinabukasan. Kumalat ang balita, at sa matinding pag-asam ay nagtipon ang mga tao mula sa iba‘t ibang dako ng lupain, ang ilan ay magdamag na gumawa upang kinaumagahan ay makapunta sila sa lugar kung saan muling magpapakita si Jesus.
1. Matinding Espirituwal na Hangarin
Habang naghihintay sila sa pagbabalik ng Tagapagligtas, itinuro ng mga disipulo sa mga tao ang itinuro ni Jesus sa nakalipas na araw.14 At nakasaad sa tala na sila ay lumuhod at nanalangin “para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay [ma]ipagkaloob sa kanila.”15 Isipin sandali kung gaano kahalaga iyon—sabik nilang hinihintay ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ngunit hindi iyon ang ipinagdasal nila. Matapos turuan ng perpektong guro at ng Kanyang mga piling disipulo, ang pinakahangad nila ay ang kaloob na Espiritu Santo. Ang masidhi, matinding espirituwal na hangaring ito ay mahalagang susi sa pagtanggap ng kaloob na ito.
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Karamihan sa atin … ay may sapat na pananampalataya para naising mapasaatin ang Espiritu Santo kung minsan. Ang hangaring iyon ay maaaring mahina at hindi palagian, ngunit dumarating ito, karaniwan kapag may problema tayo. [Ngunit] para maakay tayo tungo sa kaligtasan sa darating na panahon, kailangang maging palagian at marubdob [ang hangaring ito].”16 Mga kapatid, para matanggap natin ang kaloob na ito kailangang hangarin natin ito nang buong puso.
2. Karapat-dapat na Pakikibahagi sa mga Ordenansa
Sa pagbabalik sa eksena sa Aklat ni Mormon, matutuklasan natin ang isa pang susi. Matapos magsumamo sa panalangin para sa kaloob na pinakahahangad nila, ang Espiritu Santo, ang mga disipulo ay lumusong sa tubig at nangabinyagan. “At ito ay nangyari na, nang silang lahat ay mabinyagan … ang Espiritu Santo ay napasakanila, at sila ay napuspos ng Espiritu Santo at ng apoy.”17 Ang ordenansa ng binyag ay nagsisilbing pisikal na saksi ng ating pangakong alalahanin at sundin, ng ating kahandaang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, at ng hangarin nating matanggap ang Espiritu Santo.18
Bawat linggo ay may pagkakataon tayong sariwain ang pagsaksing iyon sa pagtanggap ng sakramento, “nang sa tuwina ay mapasa[atin] ang Kanyang Espiritu upang makasama [natin].”19 Ang magkasamang mga ordenansa ng binyag at ng sakramento ay tumutulong na maghatid ng “kapangyarihan ng kabanalan” sa ating buhay.20 Sa isang banda, simbolo ito kapwa ng mararating at proseso ng pagiging makadiyos. Ang pagiging mga bagong nilalang kay Cristo, “kanyang mga anak,”21 ang hangad nating marating. Ang destinasyong iyon ay nararating sa bawat linggo sa pagsisikap nating alalahanin at sundin Siya. Inaanyayahan ko kayong dumalo bawat linggo sa sakramento ng Panginoon nang may pananampalataya sa Kanyang pangako na sa pagtupad natin ng ating mga tipan ay mapupuspos tayo ng Espiritu, nang dahan-dahan, “hanggang sa ganap na araw.”22
Ang Araw ng Pasko sa taong ito ay natapat sa araw ng Linggo. Napakalaking pagpapala ang maipagdiwang ang pagsilang ni Cristo at ang Kanyang perpektong Pagbabayad-sala sa pagtanggap natin ng sakramento sa araw na iyon.
3. Dagdagan ang Pananampalataya
Ang pinakahuli at pinakamahalagang susing babanggitin ko ay pananampatalaya kay Jesucristo. Matapos puspusin ng Espiritu Santo ang mga disipulo, nagpakita si Cristo at nanalangin, nagpapasalamat sa Kanyang Ama sa pagbibigay sa kanila ng mahalagang kaloob na ito. Pagkatapos ay sinabi Niya ang mahahalagang salitang ito: “Ipinagkaloob Ninyo sa kanila ang Espiritu Santo sapagkat sila ay naniniwala sa akin.”23 Pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang perpektong Pagbabayad-sala ang pinagmumulan ng bawat mabuting kaloob.24
Ang dagdag na pananampalataya ay nagdudulot ng mas malalaking kaloob ng Espiritu sa ating buhay. Kaya paano natin daragdagan ang ating pananampalataya kay Cristo? Nagpipiging tayo at sinusunod ang Kanyang salita. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson na, “Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.”25 Ang katotohanang ito ay makikita sa buong Aklat ni Mormon. Si Haring Benjamin, halimbawa, ay itinuro sa kanyang mga tao ang mga salitang natanggap niya mula sa isang anghel, na tumulong sa kanila na magkaroon ng “labis na pananampalataya” kay Jesucristo, at dahil dito ang Espiritu ay nakagawa ng malaking pagbabago sa kanilang mga puso.26
Kung nais nating makasama araw-araw ang Espiritu Santo, magpipiging tayo at susundin ang salita ni Cristo na natatanggap sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, mga buhay na propeta, at mga bulong ng Espiritu. Ang araw-araw na paghahangad na ito ng liwanag at katotohanan ay magpapalago sa ating pananampalataya kay Cristo, sa hangarin nating maging katulad Niya, at sa kakayahan nating matanggap ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos bilang ating kasama sa tuwina.
Mga kapatid, malayang iniaalok ng Diyos ang Kanyang walang kapantay na mga kaloob sa atin sa Pasko at sa buong taon. Dalangin ko na hindi natin iiwang nakabalot ang mga ito kundi tanggapin ang mga ito sa pamamagitan ng pagpihit sa mga susi. Nagpapatotoo ako na kapag ginawa natin ito, tayo ay mapupuspos, nang dahan-dahan at unti-unti, ng pagmamahal, kagalakan, kapayapaan, kadalisayan, at kapangyarihan. Tayo ay “[makakabahagi] sa kabanalang mula sa Dios.”27 Magagalak tayo sa kaloob at sa nagbigay ng kaloob. At kapag bumalik Siya, magiging handa tayong “tanggapin ang [ating] Hari.”28 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.