Ang Kanyang mga Kinatawan
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2022 kasama si Pangulong Ballard
Biyernes, Enero 21, 2022
Minsan sa isang airport ay nasa likod ako ng isang Jewish Rabbi sa pila. Nasa harapan niya ang isang lalaking may hawak na Mexican passport, kasama ang kanyang batang anak na babae. At sa harapan naman ng mag-amang ito ay isang Amerikano na nakasuot ng jersey at sombrero na kumakatawan sa kanyang paboritong sports team. Nagsimula akong mag-isip, Sino sa tatlong ito ang may pinaka-pagkakatulad sa akin? Una kong naisip ang Amerikano. Maaring may magkapareho kaming mga karanasan noong bata pa kami, at maaring maraming oras din ang ginugol namin sa pag-iisip tungkol sa aming paboritong mga team. Pagkatapos ay isinaalang-alang ko ang pangalawang lalaki sa pila. Dahil gusto ko ang Mexico, posibleng gusto namin ang parehong pagkain at ang mga mariachi band. Higit pa riyan, habang pinagmamasdan ko ang pakikipag-ugnayan niya sa kanyang anak at naisip ko ang pagiging ama ko sa aking anim na anak na babae, naramdaman ko na may pagkakatulad kami. Ang huli ay ang rabbi. Marahil ang karamihan sa mga taong nakakakita sa aming dalawa sa pila ay hindi maiisip na marami kaming pagkakatulad. Ngunit magkatulad kami sa aming hangaring ilaan ang aming buhay sa paglilingkod sa Diyos, matutuhan at ituro ang Kanyang salita, at magsikap na maging masunurin sa Kanyang mga kautusan.
Iniisip pa rin ang tanong na iyon hanggang makasakay ng eroplano, naglabas ako ng isang papel at nagsimulang magsulat. Nagsimula ako sa mga simpleng salitang “Ako ay …” Pagkatapos ay isinulat ko ang lahat ng maisip ko. Ako ay anak ng Diyos, isang disipulo ni Jesucristo, isang asawa. Nagsulat ako ng mga katangian, ugnayan, tungkulin sa Simbahan, at mga gawain ko. Isinama ko ang mga gusto ko tulad ng, “Gusto ko ang Motown music at raclette cheese.” Sa pagtatapos ko, nakasulat ako ng halos 300 sagot sa tanong na “Sino ako?” Pagkatapos ay pinagsunud-sunod ko ang mga sagot ko ayon sa pinakamahalaga na pagtutuunan at uunahin ko sa aking buhay. Halimbawa, bagama’t ako ay isang lolo at isang frustrated golfer, ang katunayan na inilagay ko sa itaas ng listahan ko ang pagiging lolo ko at malapit sa ibaba ang golf ay nagpapaalala sa akin kung saan ko kailangang gugulin ang aking oras at lakas at kung ano ang pipiliin ko kung sakaling dumating ang oras na kailangan kong pumili sa dalawang ito.
Kalaunan, mas naunawaan ko kung bakit naging napakahalaga sa akin ng karanasang ito nang mabasa ko ang sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Kung paano ninyo sinagot ang tanong kung sino kayo ang siyang magpapasiya sa halos lahat ng bagay.” 1
Kamakailan lang, pinagnilayan ko ang tanong na ito at inisip ang ating mga estudyante. Naglabas ako ng papel at nagsimulang magsulat—sa pagkakataong ito ay nagsimula sa mga simpleng salitang, “Ang mga estudyante natin ay …”
Naniniwala ako na totoo ang sinasabi ng ating mga propeta tungkol sa mga estudyante natin. Sila ay minamahal na mga anak ng mga magulang sa langit, na piniling sundin ang plano ng Ama at dinaig ang kaaway sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Kordero ng Diyos at sa kapangyarihan ng kanilang patotoo. 2 Inilaan sila ng Panginoon, tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, upang pumarito sa mundo “sa panahong ito, sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo.” 3 Pinili Niya sila upang ihanda ang mga tao ng mundong ito para sa … paghahari sa milenyo [ng Tagapagligtas]. 4 “[Sila] ang pag-asa ng Israel, ‘mga anak ng ipinangakong araw’ [”Hope of Israel, Hymns, no. 259].”! 5
Sila ay “gutom sa mga bagay ng Espiritu; … nasasabik na matutunan ang ebanghelyo, at nais na maituro ito sa kanila nang tuwiran at dalisay. … Hindi sila mapagduda kundi mapagtanong at mapaghanap ng katotohanan. …
Lubos ang pagnanais [nilang] magkaroon ng … pananampalataya … [at] magamit ito.” 6
Totoo rin na nalimutan ng ilan ang kanilang identidad bilang mga anak ng Diyos o naging masyadong nakatuon sa temporal o di-gaanong mahalagang gawain. Si Satanas ay napakahusay magnakaw ng identidad. Dahil sa kanyang mga panlilinlang ang ilan ay nalito o nagambala ng magulo at pabagu-bagong daigdig na kumukutya sa pananampalataya at kabanalan at kung saan laganap ang impormasyon at bihira ang karunungan—ang ipinropesiyang araw na ang mga tao ay “laging nag-aaral at kailanman ay hindi nakakarating sa pagkakilala ng katotohanan,” 7 isang daigdig na tumatawag sa “masama na mabuti, at sa mabuti na masama,” 8 kung saan marami ang “[nagsisi]lakad … sa liyab ng [kanilang] apoy” 9 habang tinatanggihan ang Ilaw ng Sanlibutan. 10
Gayunman, nalalaman natin ang isang bagay tungkol sa ating mga kabataan at young adult. Sinabi ng Tagapagligtas:
“Kayo ang mga anak ng mga propeta; at kayo ay sa sambahayan ni Israel; … sa iyong binhi lahat ng magkakamag-anak sa lupa ay pagpapalain.
“Ang Ama na ibinangon akong una sa inyo, at isinugo ako upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa kanyang mga kasamaan; at ito ay dahil sa kayo ay mga anak ng tipan.” 11
Nangako ang Panginoon na hindi Niya sila maililigtas sa kanilang mga kasalanan kundi mula sa kanilang mga kasalanan. 12 Kaya nga mahalagang tulungan natin ang ating mga estudyante na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo at magkaroon ng tamang pagkaunawa sa walang hanggang plano ng Ama at sa totoong doktrina ng Tagapagligtas. Kailangan nilang malaman kung sino sila at kung ano ang nais ng Panginoon na gawin nila 11 —at kung paano gawin ito.
Naniniwala ako na ang pagtulong sa ating mga estudyante na malaman ang mga bagay na ito ay nakadepende nang malaki sa atin na nakakaalam kung sino tayo bilang mga taong nagtuturo, naglilingkod, at nagbibigay ng suporta sa mga seminary at institute. Ang ideyang ito ay humantong sa paggawa ko ng pangatlo at huling listahan. Kumuha ako ng papel at pinuno ko ang maraming pahina ng mga katangian at pag-uugali na pinasasalamatan at hinahangaan ko sa inyong lahat. Habang nagsusulat ako, naalala ko ang isang napakahalagang ideya. Naniniwala ako na ang pinakamahalagang sagot sa tanong na kung sino tayo ay na tayo ay inatasang maging mga kinatawan ni Jesucristo. 14
Dapat nating ituon ang ating mga pagsisikap sa pagtulong sa mga kabataan at young adult na makilala si Jesucristo at umasa sa Kanya at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Tinutularan natin Siya bilang ating halimbawa at umaasa sa Kanyang biyaya upang masunod ang Kanyang kalooban. Sa kabila ng mga personal na hamon at kabiguan, namumuhay tayo nang may pag-asa at magandang pananaw. Dahil palagi tayong nagsisisi, nadarama natin ang Kanyang pagmamahal at awa, at ipinadarama natin ang awang iyon sa iba habang nagtuturo tayo mula sa ating nagbago at mapagpasalamat na puso. Tayo ay madalas na nangungusap tungkol sa Kanya, nagagalak sa Kanyang kabutihan at kadakilaan, at tinutulungan ang iba na malaman “kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.” 15 Nagsisikap tayo sa bawat araw na maging Kanyang mga kinatawan.
Noong bata pa akong missionary nalaman ko ang kahalagahan ng ideyang ito nang magbahay-bahay kami ng kompanyon ko. Sa isang bahay, bumati ako ng, “Hello, kami po ay mga kinatawan ni Jesucristo.” Bago pa ako makapagpatuloy, sinabi ng lalaki, “Hindi, hindi totoo iyan. Hindi nga ninyo alam kung ano ang ibig sabihin niyan.” Ipinaliwanag niya na ang kinatawan ay isang taong humahalili sa isa pang tao, sinasabi at ginagawa ang sasabihin at gagawin ng taong iyon kung naroon ito mismo. Sa huli ay sinabi niya, “Kung kayo ang Kanyang mga kinatawan, ibabahagi ninyo sa akin kung ano ang sasabihin Niya sa akin kung Siya mismo ang narito.” Nakinig akong mabuti at pagkatapos ay sumang-ayon ako sa lalaking ito na tama ang pagkaunawa niya sa ibig sabihin ng isang kinatawan. Pinasalamatan ko siya at tinanong kung, sa pagkaunawang ito, ay maaari akong magsimulang muli. Pagkatapos ay sinabi ko, “Magandang umaga po. Siya po si Elder Aranda at ako si Elder Webb. Kami ay mga kinatawan ni Jesucristo, at narito kami upang ibahagi sa inyo ang isang mensaheng mula sa Kanya.”
Bawat isa sa atin ay binigyan ng sagradong pagtitiwala. Kapag nagdarasal tayo o tinatapos natin ang ating pagtuturo at patotoo sa Kanyang pangalan, ipinahahayag natin na ang mga sinabi natin ay kumakatawan sa Kanyang isipan at kalooban. Upang maging tapat sa tiwalang iyan, dapat tayong magkaroon ng malalim na pagmamahal at pag-unawa sa Kanyang ebanghelyo at maging handang gawin ang lahat para tunay na malaman ang mga banal na kasulatan at ang doktrinang itinuturo ng mga ito. Dahil nauunawaan natin na ang salita ay “may higit [na] malakas na bisa” kaysa sa anupamang bagay 16 at talagang may mga sagot ito sa mga tanong sa buhay, ang mga banal na kasulatan ang pangunahing pinagmumulan ng ating mga karanasan kasama ang ating mga estudyante. Habang patuloy nating binabago ang ating mga pamamaraan sa pagtuturo upang makaugnay sa mas maraming estudyante, hindi tayo dapat magbago palayo sa pagiging malalim na nakaugat sa mga banal na kasulatan.
Mahalaga ring ituon ang ating puso’t isipan sa mga hinirang na tagapaglingkod ng Panginoon, huwag kailanman magpaumanhin para sa kanilang mga turo, huwag maliitin ang kahalagahan ng mga ito, o salungatin ang mga ito gamit ang ating sariling “pilosopiya, anuman ang pinagmulan nito o kahit tila kalugud-lugod o makatwiran ang mga ito.” 17 Sa mundong puno ng napakaraming mapang-udyok na tinig at agenda sa lipunan, isang napakalaking pagpapala ang malaman ang isipan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta. Kapag iniayon natin ang ating mga turo, katapatan, at prayoridad sa Panginoon at sa Kanyang propeta, tayo ay magkakaroon ng tunay na saligan, at tulad ng mga sanga ng tunay na puno ng ubas, magkakaroon tayo ng kapangyarihang magbunga nang marami. 18
Kung minsan, ang pagtuturo ng katotohanan at pagpapakita ng pagmamahal ay tila magkasalungat. Iyan ay dahil parehong may mga huwad sa mga ito, na maaaring magpalito sa atin. Maaaring madama ninyo na napakahalaga ng inyong parte sa isang debate at nagsisikap kayong tumulong sa pagsagot sa mahihirap at kumplikadong tanong at kung magsasalita kayo ng katotohanan, maaaring may masaktan o maghinanakit. Upang makatugon nang may pagmamahal at upang makatulong, dapat tayong manampalataya kay Jesucristo na pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga taong inorden Niya upang pamunuan ito. Dapat tayong manalangin para makatanggap ng tulong at hikayatin ang ating mga estudyante na humingi ng tulong sa Ama sa Langit para sa kanilang mga tanong at pag-aalinlangan. Si Jesucristo ang ilaw sa mga yaong nalilito at nasa kadiliman. Siya ang perpektong halimbawa ng pagtuturo ng pagsunod nang may kalinawan, at Siya ang pamahid na gamot sa Gilead sa mga yaong nagdurusa dahil sa mga bunga ng sarili nilang mga pagkakamali. Siya ang perpektong halimbawa na pinagsisikapan nating tularan bilang mga guro na nagtuturo ng katotohanan nang may pagmamahal.
Ang isang dahilan kaya napakahalaga na makita sa atin ang pagmamahal ng Tagapagligtas 19 ay dahil sa oposisyon na kinakaharap ng ating mga estudyante. Sa isang mahabang pag-aaral kamakailan tungkol sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw, ipinakita na yaong mga nahihirapang manampalataya at manatiling aktibo sa Simbahan ay karaniwang nahaharap sa isa o higit pa sa tatlong partikular na hamon:
-
Dama nila na parang hinuhusgahan sila dahil sa mga sitwasyong nabago sa buhay nila, tulad ng pagdidiborsyo ng kanilang mga magulang o pag-alis sa Simbahan ng isang kapamilya.
-
Nakokonsiyensya at nawawalan sila ng pag-asa dahil sa mga pagkakamaling nagawa nila.
-
O hindi sila naniniwala na nagkaroon na sila ng mga espirituwal na karanasan. 20
Kapag nagsisikap tayong magmahal katulad ng pagmamahal ng Tagapagligtas, magiging mas handa tayo na tulungan ang ating mga estudyante na madaig ang bawat isa sa mga sitwasyong ito.
Paano mo tutulungan ang isang kabataan upang hindi niya maramdaman na hinuhusgahan siya? 21 Maaaring magsimula ito sa pag-unawa na ang malalaking pagbabago sa mga ugnayan at kalagayan ay maaaring magdulot ng identity crisis, na dahilan para kuwestyunin ng ating mga estudyante ang kanilang pagkatao at kung paano sila mapapabilang. Sa mga sandaling ito, matutulungan ninyo sila na maalala ang kanilang hindi nagbabagong kaugnayan sa kanilang Ama sa Langit. May kilala akong isang dalagita na ibinatay ang kahalagahan ng kanyang sarili sa kanyang sitwasyon sa buhay at sa iniisip ng iba sa kanya. Nagulumihanan siya dahil hindi niya kilala kung sino talaga siya. Nagsimula siyang magdasal at humingi ng tulong. Isang araw, nagkaroon siya ng malinaw na impresyon na kung gusto niyang malaman kung sino talaga siya, kailangan munang makilala niya ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas. Ang impresyong ito ang simula ng kanyang paghahanap. Sinimulan niyang pag-aralan ang mga banal na kasulatan, magdasal, at maglingkod, na nakatuon sa pagkilala sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, sinimulang ihayag ng Panginoon ang Kanyang sarili sa kanya. Nadama niya ang Kanyang pagmamahal, kapanatagan, at pag-unawa. Nang makilala niya ang Ama sa Langit, nakilala niya ang kanyang sarili at naunawaan ang kanyang kaugnayan sa Kanya. Nalaman niya ang kanyang banal na pagkatao at halaga bilang anak ng Diyos. Napuspos siya ng liwanag at kagalakan dahil sa pagkaunawang ito.
Matutulungan ninyo ang inyong mga estudyante na nahaharap sa mga hamon sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na malaman na mahal sila ng Ama sa Langit. At maipapakita ninyo ang inyong pagmamahal sa kanila sa pamamagitan ng inyong oras, pagdamay, at kahandaang makinig. Maaari kayong humingi ng tulong sa Ama sa Langit na makita sila bilang mga indibidwal at matanto ang kanilang magkakaibang mga hamon, oportunidad, at pangangailangan. Kapag may mga tanong sila o nanghihina ang kanilang patotoo, matutulungan ninyo sila na makadama ng kapanatagan at malaman na makakalapit sila sa inyo at sa Panginoon.
Paano natin matutulungan ang mga yaong nahihirapan at nawawalan ng pag-asa dahil sa kanilang mga pagkakamali? Tulad ng Tagapagligtas, huwag tayong sumuko. Kinikilala natin ang kanilang pagsisikap na patuloy na gawin ang tama sa isang magulong mundo. Itinuturo natin sa kanila na ang pagiging karapat-dapat ay hindi ang pagiging walang kamalian. 22 Tinutulungan natin silang manatili sa landas ng tipan sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa kagalakan ng pagsisisi, pagtulong sa kanila na malaman na mahalaga ito sa plano ng Ama sa Langit. Tinutulungan natin silang malaman na mahal pa rin sila ng Ama sa Langit at handa Siyang tulungan sila.
Gustung-gusto ko ang aral na itinuro sa Moises 4, na pinag-aralan nating lahat noong nakaraang linggo. Matapos lumabag nina Adan at Eva, namulat ang kanilang mga mata at nalaman nila na sila ay hubad. Ang una nilang pagtatangkang takpan ang kanilang kahubaran ay ang pagtahi ng mga dahon ng igos. At nang marinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos sa halamanan, ipinasiya nilang “[itago] … ang kanilang sarili mula sa harapan ng Panginoong Diyos sa gitna ng mga punungkahoy (Moses 4:14).” Makabubuting pansinin kung sino ang nagsabi sa kanila na magtago sa Diyos. Ngayon, ayaw kong ituring na katawa-tawa ang kanilang ginawa, ngunit paano silang magtatagumpay sa pagtatago? Nakikinita ba ninyo ang ating Ama sa Langit, na naghahanap sa Kanyang hindi mabilang na nilikha, na nahanap ang solar system na ito, ang planetang ito, at ang halamanang iyon, at hindi makita si Adan at Eva sa gitna ng mga puno? Sa puntong iyan nagtanong ang Panginoon sa kanila: “Saan [kayo] paroroon?” (Moises 1:39). O mula sa Lumang Tipan, “Saan [kayo] naroon?” (Genesis 3:9). Sa palagay ba ninyo ay posibleng hindi Niya talaga alam? Kung gayon ano ang itinatanong Niya? Marahil ay ganito, Ngayong lumabag kayo, saan kayo pupunta? Magtatago ba kayo sa akin, o lalapit kayo sa akin at dadamitan ko kayo? Ang salitang pagbabayad-sala sa orihinal na Hebreo nito ay kippur, na ibig sabihin ay “takpan.” 23 May napakainam na paraan ang ating Ama sa Langit kaysa mga dahon ng igos para takpan ang ating mga kasalanan. Ngunit ang kaaway ay bumubulong ng mga kasinungalingan para magtago tayo mula sa Diyos. Kinukumbinsi niya tayo na hindi tayo mahal ng Diyos at hindi Niya tayo patatawarin dahil dapat alam nating hindi dapat natin ginawa ang bagay na ginawa natin o dahil masyadong mabigat ang kasalanan natin.
Minsan ay inanyayahan ko ang isang dalagita na pumunta sa templo kasama ang isang grupo ng mga kabataan. Tumugon siya na hindi siya karapat-dapat na pumasok sa templo. Sinabi ko sa kanya na maglalakad-lakad lang sila sa bakuran ng templo at sana makasama siya. Ang sagot niya ay, “Huwag po muna. Ayaw ko pong mapansin ako ng Diyos ngayon.” Kapag nagkakamali tayo, madalas ay ayaw nating manalangin, magbasa ng mga banal na kasulatan, o magsimba. Siguro umaasa tayo na hindi tayo mapapansin ng Diyos.
Tulungan ang inyong mga estudyante na malaman na kapag nagkakamali sila, makahahanap sila ng kapatawaran at kapayapaan sa pamamagitan ng paglapit sa mapagmahal at nakaunat na mga bisig ng isang maawaing Ama sa Langit na naghanda ng paraan para matubos sila. Naghanda Siya ng daan para matubos tayo.
Paano ninyo matutulungan ang isang estudyante na nakadarama na wala siyang mga espirituwal na karanasan? Kung minsan nakakarinig ang ating mga kabataan ng mga kuwentong tila kamangha-mangha at hindi natatanto na nangungusap din sa kanila ang Espiritu Santo sa iba’t ibang simpleng paraan, tulad ng kapag may inspiradong tanong sila o kapag nagbasa sila ng mga banal na kasulatan at inisip na markahan ang isang talata nito. Tulungan natin silang malaman kung paano nakikipag-ugnayan ang Panginoon sa bawat isa sa kanila at huwag ituro na ang paraan ng pakikipag-usap ng Panginoon sa atin ang tanging paraan para makausap Niya sila. Mag-ingat tayo na huwag sabihin sa ating mga estudyante kung kailan nila madarama ang Espiritu Santo. Hindi dahil sa nadarama natin ang Espiritu bilang guro ay nangangahulugan na gayon din ang nadarama ng lahat ng estudyante sa sandali ring iyon. Makabubuti ring maunawaan na maaaring mahirap na maranasan ito ng mga yaong nakararanas ng pagkabalisa at depresyon. Gayunman hindi hadlang sa Panginoon ang mga problema sa kalusugan sa pag-iisip. Kilala at nauunawaan Niya sila at makahahanap Siya ng mga paraan para maiparating ang Kanyang pagmamahal at patnubay sa kanila. Kakaunti lamang ang magagawa natin na higit na makakatulong sa kanila at iyon ay ang matutuhang tumanggap ng personal na paghahayag at kumilos nang ayon dito.
Narinig ko kamakailan ang isang kuwento tungkol sa isang binata na nag-aaral sa isang kilalang unibersidad sa silangang Estados Unidos. Naka-enroll siya sa isang napakahirap na logics class. Dahil nais niyang maging mahusay, nagpasiya siyang kumuha ng isang tutor. Nagkaroon siya ng tutor na isang dating assistant ng propesor at nakapagturo na rin ng klase na iyon sa parehas na unibersidad. Matulungin ang tutor, ngunit kabado pa rin ang binata sa final exam. Sinabi ng propesor sa mga estudyante na magiging napakahirap ng test kaya pahihintulutan niya sila na magdala ng isang papel at ilagay dito ang anumang iniisip nilang makatutulong sa kanila. Ang mga estudyante ay nagsimulang magsulat nang napakaliit hangga’t maaari, gumamit sila ng magnifying glass para magsulat at mabasa ang maaaring kailanganin nila sa test. Dumating ang araw ng final exam, at pumasok ang binata sa silid-aralan. Nasa tabi niya ang kanyang tutor. Tinanong sila ng propesor kung ano ang ginagawa nila, at kumuha ang binata ng isang blankong papel at inilagay ito sa sahig. Pagkatapos ay tumayo sa ibabaw ng papel ang tutor. Ipinaliwanag ng binata, “Sinabi po ninyo na maaari kong ilagay ang anumang gusto ko sa papel na ito. Gusto ko pong ilagay dito ang tutor ko.” Pinayagan ang binatilyo na kumuha ng test kasama ang kanyang tutor, na ibinubulong ang mga sagot sa kanyang tainga.
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, bakit tayo susubukin kung wala tayong makukuhang tulong? Salamat sa pagsisikap ninyong maging karapat-dapat sa Espiritu Santo sa lahat ng aspekto ng inyong buhay at paghahangad na matanggap ang Kanyang impluwensya sa lahat ng inyong ginagawa.
Dalangin ko na makilala ng ating mga kabataan at young adult ang ating Ama sa Langit at kapag nakilala nila kung sino Siya ay mauunawaan nila kung sino talaga sila. Dahil sa Kanyang kapangyarihang magpatawad, maaari silang maging malinis. Dahil sa Kanyang kapangyarihang magpagaling, maaari silang gumaling. At dahil sa Kanyang kapangyarihang magpadalisay, maaari silang maging katulad Niya. Bilang mga kinatawan ni Jesucristo, na nagtuturo ng Kanyang doktrina at nagbabahagi ng Kanyang pagmamahal—matutulungan ninyo silang makilala ang kanilang walang-hanggang identidad. Hindi ito nangangahulugan na dapat lagi kayong perpekto. Hindi ninyo kailangang maging perpekto. Kapag nagsisikap kayong ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo—na nakasentro kay Jesucristo, nakatuon sa inyong mga estudyante, at nakaugat sa salita ng Diyos—ang Espiritu Santo ay magbibigay ng sigla at kaugnayan at patotoo sa katotohanan nito. Pinatotohanan ko na kayo, ang inyong pamilya, at ang inyong mga estudyante ay mga anak ng pangako, ang pag-asa ng Israel, at mga minamahal ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.