Mga Taunang Brodkast
Pinagpala ng Seminary ang Aking Buhay


34170:14

Pinagpala ng Seminary ang Aking Buhay

Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2022 kasama si Pangulong Ballard

Biyernes, Enero 21, 2022

Magandang umaga. Naturuan kayong mabuti ngayong umaga, at pinatototohanan ko ang lahat ng narinig ninyo at dalangin ko na tulungan ako ng Panginoon na makadagdag sa napakagandang miting na ito kasama kayong may malalaking responsibilidad. Masaya ako na makasama kayo. Mahal ko ang bawat isa sa inyo at sana iparating ninyo ang pagmamahal na ito sa inyong mga kapamilya. Hatid ko ang pagmamahal ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nagpapasalamat kami sa inyong pambihira at tapat na pagsisikap na ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo, na magpapala sa buhay at magpapalakas sa patotoo ng ating mga kabataang miyembro ng Simbahan.

Nais kong magsimula sa pagkukuwento kung paano pinagpala ng seminary ang buhay ko. Nagtanim ito ng mga binhi ng patotoo sa ebanghelyo at tumulong sa akin na maghanda para sa aking misyon at mga pagkakataong mamuno.

Tulad ng alam ninyo, ako ang great-great-grandson ni Hyrum Smith, ang kuya ng Propetang Joseph Smith Jr. Ang nanay ko ay isang Smith, at ako ang apo-sa-tuhod ni Pangulong Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan. Apo rin ako ng dalawang Apostol—sina Elder Hyrum Mack Smith, na tatay ng nanay ko, at ni Elder Melvin J. Ballard, na ama ng tatay ko.

Dahil mga ninuno ko ang mga lalaking ito, maaaring isipin ninyo na malalim nang nakatanim sa puso ko ang ebanghelyo noong tinedyer ako. Ngunit hindi gayon. Ibabahagi ko sa inyo ang ilang bagay tungkol sa mga magulang ko at sa buhay ko hanggang sa nagmisyon ko.

Ang aking ama ay nagmay-ari ng automobile dealership. Noong 1929, noong 10 buwang gulang lang ako, nagkaroon ng Great Depression. Ang mga problema sa ekonomiya na dulot nito ay nagpabago sa buhay ng aking mga magulang at pamilya, lalo na sa tatay ko. Dahil naging masyadong abala ang tatay ko sa pagsisikap na suportahan ang pamilya sa mahirap na panahong iyon, hindi na siya naging aktibo sa Simbahan.

Kalaunan, noong malaki na ako at maayos na ang aming kabuhayan, bumili ng ilang ari-arian ang tatay ko sa kabundukan sa silangan ng Salt Lake City. Naroon siya tuwing Linggo na nagtatayo ng isang kabin, at nagtrabaho kaming lahat kasama niya. Hindi kami dumadalo sa mga pulong ng Simbahan bilang pamilya.

Ang hindi pagsisimba ng mga magulang ko ay hindi nakahadlang sa akin sa pagsisimba kasama ang mabubuting kaibigan, na siyang ginawa ko kapag nasa bahay ang aming pamilya, o kapag nagdarasal kasama ng aking ina. Gayunman, hindi ako dumadalo sa seminary.

Noong nasa junior high school ako, tinanong ako ng kaibigan kong si Nedra Mortensen kung bakit hindi ako dumadalo sa early-morning seminary. Kaya kinabukasan nagsimula na akong dumalo sa seminary. Ang simula ng early-morning seminary ay alas-6:30 n.u. Maaga iyon para sa high school—para sa akin. Naaalala ko na dumadalo ako sa maginaw at maniyebeng mga umagang iyon ng taglamig. At nang magsimula ang senior year ko, nahalal akong presidente ng East High School seminary.

Ang pagdalo ko sa seminary ay isa sa mga bagay na nagbigay ng tamang direksyon sa buhay ko. Sa seminary, naantig ang puso ko, at ang mga binhi ng patotoo ay naitanim sa aking kaluluwa. Hindi ko natatandaan ang lahat ng itinuro, pero tandang-tanda ko ang nadama ko noong naroon ako. Naaalala ko rin ang pakiramdam na kabilang ako roon.

Nagpapasalamat ako sa mga seminary teacher ko, na, tulad ninyo, ay naglaan ng maraming oras para maghanda ng mga makabuluhang lesson na nag-anyaya sa Espiritu.

Nagpapasalamat din ako sa bawat isa sa mga guro na nagturo sa aking mga anak. Habang lumalaki sila, pinag-aralan namin ang ebanghelyo bilang pamilya, ngunit ang karagdagang tagubilin na natanggap nila sa seminary ay nagpala sa kanilang buhay noon—at patuloy na pinagpapala nito ang kanilang mga buhay ngayon. Bilang lolo at lolo-sa-tuhod—kasisilang lang ng aming ika-100 apo-sa-tuhod—salamat sa mga guro na nagturo at nagtuturo sa aking mga apo. Sa ngalan ng lahat ng magulang at lolo’t lola sa buong Simbahan, salamat sa mga sakripisyong ginagawa ninyo para maghanda, magturo, tanggapin, mahalin at anyayahan ang bawat anak ng Ama sa Langit na lumapit sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo.

Mga kapatid, mahalaga kayo sa Panginoon at sa Kanyang plano. Bawat isa sa inyo ay may bahagi sa pag-antig sa puso ng mahahalagang kabataang ito. Ang inyong gawain at pagsisikap ay napakahalaga sa pagpapalakas ng bagong henerasyon at sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Dapat ninyong malaman na labis ang pasasalamat namin sa kahandaan ninyong maglingkod at sa inyong tapat na pagsisikap na turuan at pangasiwaan ang mga gawain ng seminary at institute program sa iba’t ibang dako ng mundo.

Salamat kay Elder Holland at sa executive committee, kay Elder Clark Gilbert bilang commissioner, at kay Brother Chad Webb bilang administrator. At sa lahat ng mga department leader, kawani, at sa bawat titser, mahal namin kayo, pinahahalagahan namin kayo, at salamat sa tapat na pagsisikap ng bawat isa sa pag-aaral ng relihiyon.

Tulad nang nabanggit ko kanina, nakatulong ang pagdalo ko sa seminary sa pagkakaroon ko ng patotoo at pagsulong sa landas ng tipan. Dahil dito, natulungan ko ang mga magulang ko na muling maging aktibo. Nagmisyon ako, na baka hindi nangyari kung hindi dahil sa mabubuting kaibigan na nakilala ko sa seminary na nagmungkahi na magmisyon ako.

Nang magsalita ako sa sacrament meeting bago ako umalis papuntang misyon, dumalo ang tatay ko para marinig akong magsalita. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko na naalala ko na nagsimba ako kasama ang aking ama. Noong umuwi ako mula sa misyon, kinausap ko ang mga magulang ko tungkol sa kahalagahan ng pagdalo sa mga pulong ng Simbahan. Pinili ng mga magulang ko na bumalik sa Simbahan, at tinanggap nila ang maraming iba’t ibang calling at gawain hanggang sa matapos ang kanilang mortal na paglalakbay.

Kamakailan, gumawa ng analysis ang Simbahan tungkol sa mga kabataan sa Utah. Isa sa mga kombinasyon ng mga indicator na nagsasabing malamang na makikibahagi ang mga kabataan sa aktibidad ng Simbahan limang taon sa hinaharap ay kung dumadalo sila sa seminary at mayroon silang temple recommend. 1

Pinag-aralan din ng Correlation Research Division ng Simbahan ang epekto ng seminary, institute, at mga kolehiyo ng Simbahan. Nakita sa kanilang pag-aaral na ang seminary ang nangungunang impluwensya sa habambuhay na pagiging aktibo sa Simbahan, patotoo, pagiging kabilang, pagdama sa Espiritu, personal na katapatan, at katapatan sa pamilya. 2

Mga kapatid, gumagawa kayo ng kaibhan. Isang matinding diwa ng dedikasyon ang nababanaag sa inyo bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo. Salamat sa diwang iyan na dala ninyo sa buong buhay ninyo at sa pagtataglay ng diwang iyan sa inyong silid-aralan. Salamat sa pag-antig sa puso ng ating mga kabataan at young adult.

Kapag iniisip ko ang ating responsibilidad na turuan at antigin ang kanilang puso, naaalala ko ang naranasan ko sa Salt Lake Temple maraming taon na ang nakalipas. Sa isang testimony meeting sa ikaapat na palapag ng Salt Lake Temple, nagpatotoo si Pangulong Gordon B. Hinckley na mahalagang ipamuhay ng mga tao ang ebanghelyo at manatiling nakaangkla rito. Sinabi niya na upang maipamuhay ito ng mga tao, higit pa sa mental na pagbabalik-loob ang kailangan nila—kailangan nila ng espirituwal na pagbabalik-loob. Sinabi niya na kailangan nating pahalagahan ang ebanghelyo mula sa ating isipan hanggang sa ating puso. Salamat sa pagtulong ninyo na mangyari iyan sa inyong mga estudyante.

Noong Hunyo 25, 2015, ilang linggo lang bago naging Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at habang naglilingkod noon bilang chairman ng Missionary Executive Council, nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson sa mission leadership seminar para sa 2015. Itinuro niya ang tungkol sa mga missionary na naging mga sulat ng Panginoon. Sabi niya: “Tayo, bilang mga kinatawan ng Panginoon, ay may pribilehiyong ipangaral ang Kanyang ebanghelyo. Nagturo si Apostol Pablo ng isang kahanga-hangang konsepto. Ipinahayag niya na bawat kinatawan, bawat disipulo, oo, bawat missionary, ay maaaring maging buhay na ‘sulat ni Cristo, … isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buhay, … [nakaukit] sa mga tapyas ng puso ng tao’ [2 Corinto 3:3].” 3 Pinatototohanan ko na bawat estudyante ay maaantig ng ebanghelyo sa pagdalo nila sa seminary; maisusulat ang ebanghelyo sa mga tapyas ng kalamnan ng kanilang puso.

Salamat sa inyong personal na paghahanda para magawa ang pinakamahusay ninyong ginagawa: ang ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo upang maantig ng Espiritu ang puso ng mga anak ng ating Ama sa Langit.

Sa mundo ngayon na puno ng magkakasalungat na opinyon, kailangan ng mga kabataang ito ang kagalakan at kapayapaang ibinibigay ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo. Kailangang maramdaman nila sa kanilang puso ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas sa bawat isa sa kanila.

Hayaan ninyong magsalita ako tungkol sa paghubog sa mga lider sa hinaharap. Alam ninyo na ang mga kabataan at young adult ngayon ang magiging mga lider natin sa hinaharap. Sila ang mamumuno—o namumuno na—sa kanilang pamilya. Iimpluwensyahan nila ang kanilang mga kapitbahay at komunidad. Lahat ay magiging lider kapag nagtuturo sila—sa Simbahan, tahanan, paaralan, o sa komunidad. Ang ilan ay maglilingkod sa Primary, Young Women, o Relief Society—at maging sa mga presidency. Ang ilan ay maglilingkod sa mga bishopric, bilang stake president, o mga mission leader. Ang ilan ay mamumuno sa buong Simbahan mga 20 hanggang 30 taon mula ngayon. Tinuturuan ninyo ang mga kabataan na may tadhana na hindi ninyo batid o nauunawaan sa ngayon. Maaaring mayroong isa sa inyong mga klase, na magiging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol balang-araw. Hindi ninyo alam iyan, pero nawa pagpalain kayo ng Panginoon na magturo na parang alam ninyo ito.

Upang maging mabubuting lider ng Simbahan, kailangan muna ng ating kabataan na mamuno nang matwid sa sarili nilang tahanan. Turuan sila, lalo na ang mga kabataang lalaki, na “walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig” at “sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya.” 4

Bilang mga guro, mangyaring magtuon at tumulong sa buhay ng inyong mga tinuturuan. Hindi lamang ninyo sila inihahanda sa pagmimisyon o pag-aaral sa kolehiyo. Inihahanda ninyo sila na maging mabubuting magulang. Inihahanda ninyo silang maging mabubuting lider at miyembro ng Simbahan. Inihahanda ninyo silang maging matagumpay sa lahat ng mga adhikain sa hinaharap. Habang tinitingnan ninyo ang bawat estudyante, isipin kung ano ang gagawin nila sa loob ng 5, 10, o 20 taon, at humingi ng inspirasyon mula sa langit para malaman kung paano ninyo sila matutulungang maghanda para sa panahong iyon.

Bigyan sila ng mga pagkakataong mamuno. Tulad ng nabanggit ko, naging presidente ako ng East High School seminary noong senior year ko. Nagtiwala ang mga guro ko sa akin dahil hinayaan nila akong maging presidente. Nagsimula ako sa seminary noong nasa junior high school ako. Hindi ako isang estudyante ng seminary na may magandang attendance record. Umaasa ako na gagabayan ninyo ang kabataang babae o lalaki na may potensyal at bigyan siya ng pagkakataon. Tulungan ang bawat estudyante na magawa ang mahihirap na bagay. Huwag hayaang basta gawin nila ang gusto nila at umasang makakapamuno sila. Sa halip, turuan sila kung paano mamuno, at hayaan silang mamuno, at patuloy silang turuan kung paano ito gawin nang mas mainam.

Halimbawa, kapag may tinawag na mga bagong General Authority Seventy, tinuturuan at binibilinan namin sila bago isugo sa indibiduwal nilang gawain sa mundo. Isinasama namin sila sa aming assignment. Maraming karanasan sa pamumuno sa Simbahan ang mga kalalakihang ito; gayunman, patuloy namin silang tinuturuan bago namin sila pakawalan. Ilang beses sa buong taon, dumadalo ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga pulong ng Pitumpu para magbigay ng tagubilin upang tulungan silang mapalakas ang kanilang patotoo at maging mas mahuhusay na lider. Idaragdag ko pa na nag-uukol kami ng panahon na turuan ang isa’t isa sa Korum ng Labindalawa, na magkasamang magbiyahe at matuto mula sa isa’t isa. Iniisip ninyo na dahil matagal na kami sa aming mga assignment ay alam na namin ang lahat. Hindi, nagbabago ang mundo at ang pangangailangan ng mga tao ay magkakaiba—lalo na sa iba’t ibang lugar sa mundo. Kaya kami bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa ay umaasang tuturuan ang isa’t isa para magampanan nang mas mabuti ang aming responsibilidad bilang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo.

Hinihiling ko na tulungan ninyo ang ating magiging mga lider; marami ang nagnanais na matuto mula sa mga karanasan ninyo sa pamumuno. Maikli ang panahon na kasama ninyo sila bilang mga estudyante ng seminary at institute, ngunit abangan ang mga sandali na maiimpluwensyahan ninyo ang bawat isa sa kanila.

Hayaan ninyong banggitin ko na kailangang tumugon nang wasto sa mga tanong. Alam nating lahat na ang pagtatanong ay magandang paraan para matuto ang mga estudyante. Karamihan sa mga tanong ay nagpapakita ng hangaring matuto. Hikayatin ang mga estudyante na magtanong, at tulungan silang matutuhan kung paano maghanap ng mga sagot sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin. Ang ebanghelyo ay may kasagutan sa karamihan sa mga tanong sa buhay. Gayunman, may ilang tanong na hindi masasagot dahil kulang tayo sa impormasyong kailangan para sa wastong sagot. Sa mga sitwasyong iyon, huwag magbigay ng haka-haka. Okay lang na sabihing “Hindi ko alam” o “hindi namin alam.” Palagi tayong magiging ligtas at protektado kapag itinuturo natin ang katotohanan, kapag itinuturo natin ang mga bagay na alam natin. Huwag lumayo sa katotohanan at huwag magbigay ng haka-haka tungkol sa mga bagay na hindi pa natin nauunawaan. Kadalasan, makapagbibigay kayo ng totoo, makabuluhan, at wastong interpretasyon ng mga banal na kasulatan, doktrina ng ebanghelyo, kasaysayan ng Simbahan, o iba pang mga paksang nauunawaan natin. Hinihikayat ko kayo na huwag lumihis sa kurikulum na ibinigay sa inyo at gamitin ang awtorisadong sources.

Panatilihin itong simple. Maraming beses ko nang sinabi iyan sa buong buhay ko kaya inilagay iyan ng mga anak ko sa lapida ng puntod ng asawa ko, at balang-araw hihimlay ako sa kanyang tabi. At nakasulat sa lapidang iyon ang “Panatilihin itong simple.” Kapag pumanaw na ako, sana maunawaan ng lahat na iyan ay isang bagay na mahalaga para sa akin. Panatilihing simple ang ebanghelyo. Ito ay simple at maganda at malinaw at kahanga-hanga. Kapag itinuturo ninyo ang ebanghelyo, panatilihin itong simple at patotohanan nang madalas ang ministeryo at banal na misyon ng ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo.

Alalahanin na nagpuri si Nephi sa kalinawan. 5 Itinuro niya na “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.” 6 Pinatototohanan ko na kapag kayo ay nagtuturo, nangangaral, at nagpapatotoo tungkol kay Cristo, madarama ng inyong mga estudyante ang inyong patotoo at magagalak sa kabutihan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo.

Ako ay apo ni Elder Melvin J. Ballard. Naglingkod siya bilang Apostol sa loob ng 20 taon. Ako ay 11 taong gulang nang pumanaw siya. Pero marami—nang nasa hustong gulang na ako para matanto ito—ang napaglingkuran ng lolo ko bilang Apostol, na nakarinig sa kanyang mangaral, na nakarinig sa kanyang magturo. Paulit-ulit akong nagtanong—sa iba-ibang tao sa iba-ibang lugar sa buong mundo ang nakarinig sa kanyang magturo at mangaral ng ebanghelyo. At madalas kong natatanggap ang sumusunod na sagot: “Hindi ko maalala ang eksaktong sinabi niya,” sabi ng mga tao sa akin, “pero hinding-hindi ko malilimutan ang nadama ko.” Nawa ang mga tinuturuan natin—maaaring hindi nila maalala ang ating mga salita, pero nawa’y hinding-hindi nila malimutan ang nadama nila habang itinuturo natin ang simple at magandang doktrina ni Jesucristo.

Nagsasalita ako kung gaano kahalaga ang ating mga responsibilidad bilang mga guro at administrator. Ang mga responsibilidad na iyon ay mahalaga at kailangan. Ngunit mas mahalaga ang inyong mga responsibilidad sa sarili ninyong pamilya. Narito tayo sa mundong ito upang maging bahagi ng malaking pamilya na may kakayahang lumikha at bumuo ng sarili nating bahagi sa mga pamilyang iyon. Magkakaiba ang kalagayan ng bawat pamilya. Anuman ang inyong sitwasyon, pangalagaan at patatagin ang mga ugnayang iyon ng pamilya. Para sa mga may-asawa, mag-ukol ng oras sa inyong asawa. Hingin ang payo ng inyong asawa at sundin ito. Naging mas mabuting ama, asawa, at lider ako ng Simbahan dahil sa mabait at magiliw na payo ng mahal kong asawang si Barbara. Para sa mga taong wala pang asawa, humingi ng payo sa inyong mga magulang, kapamilya, o sa taong pinagkakatiwalaan ninyo. Dapat nating patatagin ang ugnayan ng ating pamilya, dahil hanggang sa kabilang-buhay ito. Ang mga responsibilidad o tungkulin ninyo bilang guro sa programang ito ay matatapos, pero ang mga ugnayan ng inyong pamilya ay walang-hanggan.

Sa pagtatapos ng aking mensahe sa inyo, naiisip ko ang kagalakan ng maging bahagi ng mahalaga at maluwalhating gawaing ito na kasama kayo. Nadama ko ang kagalakang nadama ni Ammon nang sabihin niya sa kanyang mga kapatid at kasamahan:

“Kaylaki ng dahilan upang tayo ay magalak …

“… Tayo ay [ginawang] mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito. …

“Purihin ang pangalan ng ating Diyos; halina’t mag-awitan tayo sa kanyang kapurihan, oo, halina’t magbigay-pasasalamat tayo sa kanyang banal na pangalan, sapagkat siya ay nagsasagawa ng kabutihan magpakailanman. …

“… Ang aking kagalakan ay lubos, oo, ang aking puso ay nag-uumapaw sa kagalakan, at ako ay nagsasaya sa aking Diyos.” 7

Mahal kong mga kapatid at mga kapwa guro—sinasabi kong mga kapwa guro dahil ang pangunahing responsibilidad ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay magturo. Pinatototohanan ko na bilang mga anak ng Ama sa Langit, madarama natin ang galak at kapayapaan ng ebanghelyo kapag ipinamumuhay at itinuturo natin ito, kapag sinusunod natin ang mga utos ng Panginoon, at lumalakad tayo sa katotohanan.

Ang buhay, ministeryo, at ebanghelyo ni Jesucristo ang nagbibigay ng kagalakang iyan. Sa Bagong Tipan, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos.” 8

Naranasan ng propetang si Lehi ang kagalakan na bunga ng ebanghelyo at ninais niya na makakain din nito ang kanyang pamilya. Sinabi niya: “At nang kinain ko ang bunga … ay pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan; anupa’t nagsimula akong magkaroon ng pagnanais na makakain din nito ang aking mag-anak; sapagkat alam ko na ito ay higit na kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga.” 9

Natitiyak ko na bawat isa sa atin ay nadarama rin ang nadama ni Juan nang sabihin niya, “Wala nang higit pang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.” 10

Ang mundo ngayon ay walang kapanatagan dahil sa mga kabiguan, pagtatalo, kawalan ng kasiyahan, diskriminasyon, kawalang-galang, kawalan ng pag-asa, at kapighatian. Matutulungan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na makayanan ang mahihirap na panahong ito. Itinuro ng propetang si Lehi ang isang simpleng alituntunin na inihayag ng Panginoon. Sinabi niya, “Ang [lalaki at babae] ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.” 11

Sa pangalan ng Panginoon at sa pamamagitan ng banal na pagka-apostol, sumasamo ako sa Panginoon na basbasan ang bawat isa sa inyo na makasumpong ng kagalakan sa inyong pamilya, sa ebanghelyo, at sa inyong mga responsibilidad bilang guro o administrator sa napakagandang seminary at institute program ng Simbahan. Muli kong ipinapahayag na mahal ko ang bawat isa sa inyo at ang inyong mga estudyante.

Nagpapatotoo at iniiwan ko ang aking patotoo na si Jesucristo ay buhay—at ito ang Kanyang Simbahan, at ito ang Kanyang ebanghelyo. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon, mahal kong mga kapwa guro, na makatulong tayo nang buong lakas ng ating puso na maantig hindi lamang ang isipan kundi ang mga puso ng mas marami pang anak ng ating Ama. Dapat nating malaman na si Jesus ang Cristo, na tumawag Siya ng propeta, maging si Joseph, at ipinanumbalik ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo, at ang lahat ng kailangan upang makatanggap ng kapayapaan at kaligayahan sa buhay na ito ay inihayag nang muli at makikita sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hiling ko ang isang pagpapala sa ngalan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, para sa inyo at sa inyong mga pamilya. At ginagawa ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.