Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ay Kagila-gilalas
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2022 kasama si Pangulong Ballard
Biyernes, Enero 21, 2022
Pambungad
Una sa lahat, salamat sa lahat ng tulong ninyo sa mga kabataan at young adult ng Simbahan. Nasa inyong mga klase ang literal na hinaharap ng Simbahan, at inspirasyon sa akin ang paraan ng paglilingkod at malasakit ninyo sa mga estudyante. Mga kapatid, kagila-gilalas ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Magsasalita ako ngayon tungkol sa paraan na mas mabisa nating maituturo ang pananampalataya, patotoo, at ang kagila-gilalas na ebanghelyo ni Jesucristo.
Upang masimulan ang aking tema, ilalarawan ko ang isang painting na hinangaan ko na noon pa man pero kung minsan ay binabalewala. Ilang taon na ang nakalipas, pinayuhan ako ng isang kaibigan na guide sa Museum of Fine Arts sa Boston. Sinabi niya na kapag naglalagay ka ng artwork sa iyong tahanan, mahalagang ilipat-lipat ito para hindi ka masanay sa puwesto nito na hindi mo na ito tinitingnan. Hinahangaan naming mag-asawa ang painting ni Caravaggio na pinamagatang The Calling of St. Matthew [Ang Pagtawag kay San Mateo]. Dahil nakasabit ang painting na ito sa iisang lugar sa bahay namin nang ilang taon, bihira ko nang pagmasdan ang karingalan nito. Nitong taglagas, inilipat ko ang painting sa opisina ko sa headquarters ng Simbahan. Kapag nakikita ko ito sa bagong lugar nito, napapatigil ako sandali para pagnilayan ang kagila-gilalas na disenyo at espirituwal na kahalagahan nito. Mababasa natin sa Lucas ang tungkol kay Mateo, nagsasabing: “Pagkatapos nito ay umalis siya at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, Sumunod ka sa akin. At iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya.” 1 Mapapansin na nailarawan ni Caravaggio ang pagtawag ni Cristo ngunit iyon ay bago tumingin si Mateo sa Tagapagligtas. Makikita ang nakaunat na kamay ni Cristo at ang liwanag na pumapasok sa silid, na nakatuon kay Mateo na nasa dulo ng mesa at may hawak pang pera. Nailarawan ni Caravaggio si Mateo sa mismong oras na kailangan niyang magpasiya kung iiwan niya ang lahat at susunod kay Jesucristo. Tuwing pagmamasdan ko ang painting na ito, nanggigilalas ako sa mensahe nito.
Mga kapatid, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kagila-gilalas! Ang pagsilang, buhay, ministeryo, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang pinakadakila sa lahat ng kuwento. Gayunman, sa panahong ito ng kapighatian, 2 maaari nating mabalewala ang kagila-gilalas na mensaheng ito bagama’t sinisikap nating tulungan ang nahihirapan. Itinuro kamakailan ni Pangulong Nelson: “Mahal kong mga kapatid, ito ang mga huling araw. Kung nais nating makayanan ang mga darating na panganib at hirap, kinakailangang may matibay na espirituwal na pundasyon ang bawat isa sa atin na itinayo sa bato na ating Manunubos na si Jesucristo.” 3
Pagtugon sa mga Tanong ng mga Estudyante tungkol sa Pananampalataya
Ngayon, marami sa mga estudyante ang nahaharap sa mga hamon na sumusubok sa pananampalataya na dahilan para pagdudahan nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo, ang katotohanan ng Aklat ni Mormon, at maging ang presensya ng Diyos sa buhay nila. Laganap sa internet, social media, at iba pa ang mga pahayag laban sa ebanghelyo. Ang sources na ito ay hindi sanhi ng lahat ng panghihina ng pananampalataya, pero maaaring patindihin nito ang dati nang mga tanong at madagdagan pa ang mga ito. Ikukuwento ko ang tungkol sa tatlong indibiduwal na maaaring kahalintulad sa buhay ng inyong mga estudyante:
Stephanie: Lumaki si Stephanie sa Simbahan pero parang lagi siyang hindi kabilang sa ward at komunidad dahil sa magulong pagsasama ng kanyang mga magulang. Sa paglipas ng panahon, humantong ito sa pagkapoot, at sinisi niya ang Simbahan. Nagsimulang maghanap si Stephanie ng sources na kumakalaban sa Simbahan, na nakatuon sa mga paninira kay Joseph Smith at binabalewala ang katibayan ng tungkulin nito bilang propeta. Nakikibahagi ngayon si Stephanie sa social media para batikusin ang sa tingin niya ay mali at sinaunang mga paniniwala ng kanyang mga kaibigan. Lalo lamang tumindi ang kanyang galit, at madali niyang tinatanggap ngayon ang anumang adhikain o grupo na kumakalaban sa Simbahan.
David: Ang mga tanong ni David ay nakatuon din sa kasaysayan ng Simbahan, pero iba ang sitwasyon niya. Sa simula ay napakatapat niya, pero pagkatapos magmisyon nagsimula siyang magtanong tungkol sa mga paksang hindi niya lubos na nalaman bago siya nagmisyon. Dinala siya ng mga tanong na ito sa sources na kumakalaban sa Simbahan, at nalito siya tungkol sa kanyang patotoo at pinaniniwalaan. Kahit nagkaroon ng maraming karanasan noon kung saan nakatanggap siya ng patotoo sa ebanghelyo, tumigil si Dave sa pag-aaral ng mga salita ng mga buhay na propeta at pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Nakinig si David sa iba pang sources sa halip na humingi ng tulong sa Diyos para sa kanyang mga espirituwal na tanong. Hindi niya kinalaban ang Simbahan, pero nalito siya at natigilan, kaya hindi siya gaanong nakikibahagi sa institute at hindi nakasisimba kapag Linggo.
Connie: Iba naman si Connie kay Stephanie o kay Dave, hindi siya napoot o nalito. Nahirapan lang siya sa sunud-sunod na hamon sa buhay na may kaugnayan sa paghihiwalay kamakailan ng kanyang mga magulang at sa berbal at emosyonal na pang-aabuso sa kanilang tahanan. Nag-iwan ng takot ang trauma na ito at naghanap siya ng tulong. Ngunit sa halip na humingi ng paggaling sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, lumapit si Connie sa ibang mga grupo upang makadama ng pagdamay at pag-intindi na talagang kailangan niya. Nakihalubilo siya sa ibang may naghihirap dahil sa kalusugan ng pag-iisip, sa mga isyu sa LGBTQ, at sa sinumang nakakaranas ng kalungkutan at pagdududa. Nakadama si Connie ng kapanatagan sa mga samahang ito, pero may mga bago rin siyang tanong. Madalas niyang sisihin at ng kanyang mga kaibigan ang Simbahan sa mga pakikibaka nila, umaasa na kung babalewalain nila ang mga batas ng Diyos, kahit paano ay mapapawi ang sakit na nadarama nila. 4 Hindi lamang siya tumigil sa pakikibahagi sa Simbahan at sa institute, kundi nagsimula rin siyang magkaroon ng mga pag-uugali na inasam niyang papawi sa kapighatian at dahilan para makaiwas siya sa mahirap na landas ng pagbabago at pagpapatawad sa iba.
Bawat estudyante ay nahaharap sa krisis sa pananampalataya, pero ang pagsubok na iyan ay magkakaiba sa bawat isa sa kanila. Ang isa ay napopoot at hayagang naghihimagsik, ang isa naman ay nalilito lang at nakikinig sa mga tinig ng mundo, at ang pangatlo ay namimighati at umiiwas sa inaakala niyang mahirap na landas ng Simbahan. Nakikita sa kanila ang kategorya ng Generation Z (o Gen Z) na mga estudyante sa kawalan nila ng tiwala sa pormal na mga institusyon, hindi pagsisimba, at higit sa lahat, ang moral relativism na nagsasabing walang pormal na pamantayan sa tama at maling pag-uugali. Inilarawan sa isang pag-aaral ng Barna Group na, “Ang moral relativism ay hindi lamang opinyon ng Gen Z; ito na ngayon ang opinyon ng nakararami.” 5
Bilang mga guro ng ebanghelyo, dapat tayong humanap ng mga paraan na matulungan ang mga estudyanteng tulad nina Stephanie, David, at Connie. Ang kanilang mga tanong at alalahanin ay totoo at hindi dapat balewalain. Dapat tayong tumugon sa kanilang mga alalahanin nang may pagdamay at pag-ibig sa kapwa, para magtanong sila sa ligtas na kapaligiran. Kailangan din nating magkaroon ng kakayahang umunawa at tumugon sa kanilang mga alalahanin. Nakasaad sa Seminaries and Institutes of Religion [S&I] resource na Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman: “Kung minsan, maaaring may matuklasan tayong bagong impormasyon o may mga tanong tayo tungkol sa doktrina, gawain, o kasaysayan ng Simbahan na tila mahirap unawain. Ang pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ay mahalagang bahagi ng ating pagsisikap na malaman ang katotohanan.” 6 Ang S&I resource na ito ay nagbibigay ng mga ideya kung paano sasagutin ang mga tanong ng ating mga estudyante tungkol sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na (1) kumilos nang may pananampalataya, (2) suriin ang mga konsepto nang may walang-hanggang pananaw, at (3) gamitin ang mga mapagkakatiwalang mga sanggunian. Kamakailan ay naglathala ang BYU Studies ng dagdag na resource, na pinamagatang “A Teacher’s Plea,” kung saan hinihikayat ng awtor ang mga religious educator na ituro ang kahusayan at kahalagahan ng ating sources, iwasan ang labis na pagpapasimple sa ating mga kuwento, at maghandang pakinggan ang mga alalahanin na nadarama ng marami. 7 Gayundin, ang pananaliksik kamakailan nina Eric at Sarah d’Evegnees tungkol sa “muling pagbabalik-loob” ay naghihikayat sa atin na tulungan ang mga tao na harapin ang mga espirituwal na alalahanin sa mga paraang hindi naglalayo sa kanilang kaugnayan sa Diyos. 8 Ang Simbahan ay gumawa ng Mga Paksa ng Ebanghelyo na magagamit bilang resource para mas maunawaan at masagot ang mga tanong ng maraming estudyante tungkol sa kasaysayan at doktrina. Kilalanin, sagutin, pero huwag mag-ukol ng maraming oras sa mga tanong na walang direktang kaugnayan sa paksa.
Kilalanin, Sagutin, Ngunit Huwag Mag-ukol ng Maraming Oras sa mga Secondary Question o Mga Tanong na Walang Direktang Kaugnayan sa Paksa
Gusto kong linawin sa lahat ng religious educator na maraming maitutulong ang resources na ginawa para tulungan ang ating mga estudyante na madaig ang mga pagsubok sa pananampalataya at masagot ang mga tanong nila sa ebanghelyo. Katunayan, hindi ako sigurado na magiging mahusay na guro tayo ng ebanghelyo ngayon maliban kung alam natin ang mga pagsubok sa pananampalataya ng maraming estudyante. Kailangang lalo pa nating gamitin ang resources na ito para tulungan silang magsaliksik para sa kanilang mga tanong.
Ngunit sa pagtulong sa mga estudyante sa masagot ang kanilang mga tanong, huwag tayong masyadong magtuon sa partikular na mga tanong tungkol sa pananampalataya na dahilan para mawala sa atin ang pagkakataong ituro sa kanila kung gaano kagila-gilalas ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad ng ipinaliwanag sa akin ni Brother Chad H. Webb: “Para itong pagsisikap na tulungan ang mga tao na makalabas sa abu-abo ng kadiliman sa pamamagitan ng pagtutuon sa kadiliman.” Hindi natin dapat balewalain na nariyan ang kadiliman, ni ito lang ang ating pagtuunan. Sinabi ni Elder Lawrence E. Corbridge na ito ay higit na pagtutuon sa mga tanong na walang direktang kaugnayan kaysa sa mga pinakamahalagang tanong. Sa mensahe sa debosyonal sa BYU, sinabi ni Elder Corbridge:
“Ang secondary questions (tanong na walang direktang kaugnayan) ay walang katapusan. Kabilang dito ang mga tanong tungkol sa kasaysayan ng Simbahan, pag-aasawa nang higit sa isa, mga taong may lahing Aprikano at ang priesthood, kababaihan at priesthood, kung paano isinalin ang Aklat ni Mormon, ang Mahalagang Perlas, DNA at ang Aklat ni Mormon, kasal ng magparehong kasarian, iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain, at kung anu-ano pa.
“Kung nasagot ninyo ang pinakamahahalagang tanong, nasagot na rin ang mga tanong na walang direktang kaugnayan, at makatutugon kayo sa mga bagay na nauunawaan at hindi nauunawaan at sa mga bagay na sinasang-ayunan at tinututulan ninyo nang hindi tinatalikuran ang Simbahan.” 9
Kaya nga, makinig sa mga alalahanin ng mga estudyante, lumikha ng ligtas na kapaligiran para makapagtanong sila, at gamitin ang mapagtitiwalaang resources. Ngunit sa paggawa nito, huwag kaligtaan ang kagila-gilalas na ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad ng sa kuwento ko tungkol sa obra-maestra ni Caravaggio, huwag palampasin ang kagila-gilalas na bagay na nasa inyong harapan. Ang isa pang paraan ay ihalintulad ito sa visual disorder na tinatawag na macular degeneration, na humaharang sa buong paningin maliban sa peripheral vision. Ang mga indibiduwal na may ganitong sakit ay “pinupunan” ang bagay na hindi nila direktang nakikita ng mga interpretasyon sa nakikita nila sa periphery vision. Huwag hayaang ilihis ng mga haka-haka ng inyong mga estudyante ang pananaw nila sa kagila-gilalas na ebanghelyo, na dapat ay nasa harapan nila. Tulad ng itinuro ni Pangulong Oaks, “Maliban kung tayo ay nakaangkla sa mga katotohanang ito bilang [pinakasentro] ng ating mga paniniwala at opinyon, hindi tayo makatitiyak na totoo ang ating mga konklusyon.” 10 Halimbawa, maging ang ating inspiradong pagsisikap na “panibaguhin ang institute” ay mabibigo kung hindi tayo nakatuon dito. Hinikayat namin kayo noon na dagdagan ang kaugnayan, access, at pagiging kabilang sa inyong pagtuturo. Ngunit ang dakilang pagsisikap na ito ay magiging mga tanong na walang direktang kaugnayan kung hindi kasama rito ang pangunahing alituntunin ng pagbabalik-loob kay Jesucristo. Ang espirituwal na pundasyon na itinayo sa Tagapagligtas ang tanging paraan para madaig nila ang mga panganib at pamimilit sa mga huling araw na ito. 11
Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ay Kagila-gilalas
Maraming beses kong ipinahayag ngayon na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kagila-gilalas. Una kong narinig ang ideyang ito kay Elder Jeffrey R. Holland nang magsalita siya sa grupo ng mga religious educator tungkol sa sagradong responsibilidad nila na ituro kung gaano talaga kagila-gilalas ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang kagila-gilalas na katangian ng ebanghelyo ay ipinatungkol sa Tagapagligtas mismo nang magturo siya sa sinagoga sa mga taong hindi naniniwala: “Nang sumapit ang Sabbath, nagpasimula siyang magturo sa sinagoga at marami sa mga nakinig sa kanya ay namangha na sinasabi, Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng ito?” 12 Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok, nalaman natin na “nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang aral.” 13 Si Lamoni sa Aklat ni Mormon ay “labis na nanggilalas” sa katapatan ni Ammon. 14 Sa mga halimbawang ito at sa marami pang iba, ang salitang nanggilalas ay ginamit sa pagtukoy sa mga taong nahihirapang maniwala pero natanto kalaunan ang kapangyarihan at himala ng ebanghelyo. Nakikita natin ito sa aklat ni Helaman, nang ang mga tao “ay labis na nanggilalas, kung kaya’t sila ay nangabuwal sa lupa; sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga salitang sinabi ni Nephi.” 15 Ang panggigilalas na ito ay tila dumarating kapag ang kawalan ng paniniwala ay hinarap ng isang himala at ng turo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Totoo ito sa lahat ng mga nag-aalinlangan, at mangyayari ito kina Stephanie, David, at Connie na nabanggit ko kanina. Madaraig lamang nila ang pagkapoot, pagkalito, at pamimighati kapag nakita nila ang kagila-gilalas na katangian mismo ni Cristo.
Mga kapatid, makinig at magmahal at damayan ang mga taong may mga tanong tungkol sa pananampalataya. Gawin ito nang may pagmamahal na lilikha ng ligtas na kapaligiran para sa lahat ng mag-aaral, ipinaaalam sa kanila ang mapagtitiwalaang resources at tumutulong na malutas ang kanilang mga alalahanin. Ngunit huwag nating kaligtaan ang kagila-gilalas na mga sagot sa mga pinakamahalagang tanong tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Nawa’y “ilipat-lipat natin ang mga painting” sa ating mga buhay sa paraang makatutulong sa ating mga estudyante na tumigil sandali at pagnilayan ang kagila-gilalas na katangian ng Tagapagligtas na nasa harapan nila mismo. Talagang may mga pagsubok—bahagi ito ng paglalakbay sa buhay na ito. Ngunit tulungan natin ang ating mga kabataan na maunawaan ang napakaraming paraan na binabago ni Jesucristo ang buhay ng mga anak ng Diyos.
Halimbawa, nanggilalas ako kung paano lubos na nagtuon sa ebanghelyo ang mga kabataan namin sa Boston at dahil dito sila ay nagmisyon, nag-aral sa kolehiyo, ikinasal sa templo, at ngayon ay mga magulang at lider sa Simbahan. Halos imposibleng maunawaan ang nangyari sa kanilang buhay kung iisipin kung saan sila nagsimula. Nanggigilalas pa rin ako kapag iniisip ko ang isang bata pang ama sa San Antonio na nakilala namin ni Sister Gilbert . Nangamba siya na baka hindi niya masunod ang ebanghelyo. At kalaunan ay natanto niya na walang sinuman sa atin ang perpekto, at tanging kay at sa pamamagitan ni Jesucristo tayo magiging higit na mabubuting tao. Ito si Brother Luis Vargas at ang kanyang asawang si Andrea, at ang anak nilang si Sofia, noong gabing nangako siya na magpapabinyag makalipas ang limang taon ng pakikipagkita sa mga missionary. Nanggilalas ako sa nakita kong pagbabago niya at ng paniniwala niya kay Cristo. Nanggilalas din ako nang makita ko ang kaibigan kong si John Raass na hindi miyembro ng Simbahan sa loob ng 30 taon sa kabila ng katapatang ipinapakita ng kanyang asawa at mga anak. Nagpakumbaba dahil may problema sa pamilya, si Brother Raass ay humingi ng basbas at nangakong makikipagkita sa mga sister missionary. Ang desisyong iyon ay humantong sa kanyang binyag, kasabay ng binyag ng isang anak na lalaki at isang anak na babae, na naglagay sa kanila sa landas ng tipan. Sa aking buhay, nanggigilalas ako kapag naririnig kong nangungusap sa akin ang Panginoon, na pinagtitibay ang aking patotoo, sinasagot ang aking dasal para sa mga pinaglilingkuran ko, pati na ang pangangailangan ng mga anak ko.
Mga kapatid, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kagila-gilalas! Binabago ng Tagapagligtas ang buhay ng mga anak ng Diyos sa walang-hanggan at makapangyarihang mga paraan. Inaanyayahan Niya tayo na magbago at maging mas mabuti, maglingkod sa kapwa, at marating ang higit pa kaysa sa makakaya natin. Magturo tayo sa mga paraang maipapakita natin sa ating mga estudyante kung gaano talaga kagila-gilalas ang ebanghelyo ni Jesucristo! Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.