Mga Debosyonal noong 2021
Bisyon at Balanse


36:34

Bisyon at Balanse

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Mayo 2, 2021 • Pioneer Center

Elder Gary E. Stevenson: Mahal kong mga kapatid, napakasaya namin ni Lesa na batiin kayo sa pandaigdigang debosyonal na ito para sa mga young adult. Bilang simula, ipinapaabot namin ang tapat at magiliw na pagbati mula kay Pangulong Russell M. Nelson at ng Unang Panguluhan. Mahal nila kayo, at mahal namin kayo, at sila ay iginagalang at sinasang-ayunan natin.

Sister Lesa Stevenson: Ngayon, makakasama namin kayo mula sa natatangi at napakaespesyal na lugar na ito sa ating kasaysayan bilang mga Banal sa mga Huling Araw. At ang ibig ko talagang sabihin ay “lugar.”

Elder Stevenson: Narito kami sa inilaan kamakailan lamang na Pioneer Center katabi ng monumento na “This Is the Place” Heritage Park sa paanan ng burol na nasa itaas ng Salt Lake City, Utah—ang lugar na nagpapaalala sa mahalaga at maimpluwensiyang pahayag ni Pangulong Brigham Young na, “Ito ang Lugar,”1 kasunod ng napakahirap na paglalakbay ng unang pangkat ng mga pioneer halos 175 taon na ang nakalipas.

Sister Stevenson: Pagal at lupaypay, tumakas ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw na ito mula sa malupit na pag-uusig upang manirahan sa lambak sa ilang na ito. Isipin ninyo ang larawan ng Salt Lake Valley na naghihintay sa kanila. Ang malawak na disyerto na tinubuan ng mga palumpong ay katibayan na hindi magiging madali ang pagtira dito.

Elder Stevenson: Gayunpaman, pinagpala sila ng di-malirip na makalangit na bisyon, kaakibat ang propesiya ni Isaias sa Lumang Tipan na ang Panginoon ay “magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo.”2 Ang matatapat na Banal na ito ay makahahanap muli ng kapayapaan at layunin, na may mas maigting na pananaw ng ebanghelyo na higit na mataas kaysa sa mga tuktok ng bundok na kanilang inakyat upang marating ang Salt Lake Valley.

Sister Stevenson: Ang mga pioneer na ito at ang mga dumating kasunod nila ay lilikha ng kasaysayan sa lugar na ito sa disyerto. Pinagpala sila ng Diyos sa pagsisimula ng pagtitipon ng Israel.

Elder Stevenson: Hanggang ngayon, ang saloobin at bisyon na iyon ng mga pioneer ay matatagpuan sa mga Banal sa mga Huling Araw saanmang panig ng mundo.

Ilang linggo pa lang ang nakalipas, inilaan ni M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang bagong Pioneer Center na ito.

Dito, maaaring pumunta ang mga tao at pamilya at maunawaan ang napakalaking nagawa ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw sa kabila ng matinding paghihirap. Sa mga sitwasyong iyon, tila imposible silang magtagumpay. Nanalangin ang mga pioneer sa Panginoon araw at gabi habang patuloy silang nagtatanim ng makakain; naghuhukay ng patubig mula sa kabundukan; nagtatayo ng mga tahanan at kanlungan, paaralan at bahay-pulungan, at pati isang templo.

Sister Stevenson: Halos di maubos-maisip na nagawa nila iyon. Ang makalangit na bisyon—na ikinintal ng Panginoon sa mga buhay na propeta—ang nakatulong sa buhay ng Kanyang hinirang na mga anak upang maisagawa ang Kanyang layunin.

Elder Stevenson: Tulad ng nakikita ninyo, ilang metro lang mula sa kinatatayuan ko rito sa Pioneer Center ay ang nakaarkong salamin kung saan matatanaw ang monumento ng This is the Place. At sa ibaba niyan, masusulyapan natin ang lungsod na sinimulan nilang itayo maraming taon na ang nakalipas. At sa kabila niyan, malawak ninyong matatanaw, ang isang pananaw, kung nanaisin ninyo—na tumutumbok sa kanluran at abot-tanaw ang paglubog ng araw. Ang tanawing ito mula sa itaas, kaakibat ang ating pag-unawa sa nakaraan, ay nagpapalawak at nagpapabatid sa ating pananaw sa bisyon na ito ng mga pioneer. Maituturing din ito na talinghaga upang tumulong sa pagpapalalim ng ating personal na pananaw ng ebanghelyo at gabayan tayo habang hinaharap natin ang mga desisyon at hamon sa ating buhay. Ilang araw matapos ipahayag ng propeta na, “Ito ang lugar,”3 ang mithiing magkaroon ng templo, headquarters ng Simbahan, at isang lugar na magiging sagisag sa mga bansa ay nagpasimula ng mga unang hakbang hanggang sa ito ay maging makatotohanan.

Kaya sa gabing ito, gagamitin natin ang nakaraan, ang bisyon ng ating mga ninunong pioneer, upang tulungan tayong makita nang malinaw ang ating hinaharap. Ang inspiradong mga salita ni Winston Churchill ay nauugnay lalo na sa pag-uusapan natin ngayong gabi: “Kapag mas nililingon natin ang nakaraan, mas makikita natin ang hinaharap.”4

Sister Stevenson: Walang alinlangang nakararanas tayo ng kawalang-katiyakan sa mundo. Matapos ang halos isang taon at kalahati ng di-pangkariwang pandemyang ito, ano ang mangyayari? Kailangan ng bawat isa sa atin ang banal na pananaw at gabay ng langit na naranasan ng mga naunang Banal na iyon habang tinatanaw natin ang ating hinaharap.

Elder Stevenson: Maaaring hindi ninyo tiyak kung anong direksyon ang pupuntahan ninyo. Maaaring masidhi ang pagnanais ninyo na magmisyon, mag-aral, o magsimulang magtrabaho. O maaaring gusto na ninyong umibig, magpakasal at magkapamilya, at makitang mapasainyo at sa inyong mga minamahal ang mga pagpapala ng templo. O marahil nakapagsimula na kayo ng inyong walang hanggang pamilya at nararanasan na ang mga hamong dulot ng pagpapalaki ng mga anak.

Magkatulad ang ating pinakamithiin: magpatuloy sa landas ng tipan, tapat na naghahanda para sa kadakilaan. Ang pananaw ng ebanghelyo ay naglalaan ng pananaw para sa inyo at sa akin na malinaw na makita ang landas na iyan.

Sister Stevenson: Sa kanyang pagsasalita tungkol sa pananatili sa landas ng tipan, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang susi ay ang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Pinipili nating mamuhay at umunlad sa landas ng tipan ng Panginoon at manatili doon. Hindi ito isang komplikadong landas. Ito ang landas patungo sa tunay na kagalakan sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan sa kabilang buhay.”5

Elder Stevenson: Kaya umaasa kami na maibahagi sa inyo ang ilan sa aming personal na karanasan na maaaring maging gabay ninyo habang dinaranas ninyo ang lahat ng alalahanin sa inyong buhay upang tulungan kayo sa pagsulong nang may bisyon at balanse.

“Come, Come, Ye Saints [Mga Banal, Halina]”—inawit ng The Bonner Family:

Mga Banal, halina’t gumawa;

Maglakbay sa tuwa.

Mahirap man ang ‘yong kalagayan,

Biyaya’y kakamtan.

Makabubuting magsikap

Nang pighati’y ‘di malasap;

Ligaya ay madarama—

Kay-inam Ng buhay!

Ba’t luluha sa hirap at dusa?

Lahat may pag-asa.

Gantimpala ay ’di matatamo

Kung ika’y susuko.

Maging handa at magiting.

Ang Diyos ’di lilimot sa ’tin.

Ihahayag ang salaysay—

Kay-inam Ng buhay!

Makikita, lugar na ’nilaan,

Doon sa Kanluran,

Do’n kung saan may kapayapaan,

Biyaya at yaman.

Mga papuri’y awitin,

Alay sa Hari’t Diyos natin;

Ito ang isasalaysay—

Kay-inam Ng buhay!

At masawi man sa ’ting paglakbay,

Masaya! Kay inam!

Elder Stevenson: “Masaya! Kay inam!”6 sa realidad, ay kahanga-hangang pagpapahayag ng pananaw mula sa mga naunang pioneer. Ang kanilang pananaw na “kay inam” ng lahat sa kabila ng mga hamon at paghihirap ay posible dahil sa kanilang pananaw ng ebanghelyo.

Aabutin kami ng isang oras sa pagsasalita tungkol sa bisyon, na inilalarawan ng ilan na “kakayahang makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng iba.”7 Hahantong iyan sa itinatanong ninyo sa inyong sarili paminsan-minsan: “Ano ang nakikita ko ngayon na mangyayari sa akin sa mga darating na taon? Saan ako nanggaling? At saan ako pupunta?”

Sister Stevenson: Kung minsan kailangan lang nating matanto na kung mayroon tayong pananaw ng ebanghelyo at kaloob na Espiritu Santo, mas nakikita natin ang posibleng mangyari. Ganyan ang nangyayari habang nagsisikap kayo sa inyong kasalukuyang edukasyon o trabaho, kahit marahil inaalam pa ninyo kung ano ang ipapasiya ninyong gawin sa hinaharap.

Elder Stevenson: Ganyan ang sitwasyon ko noong bago pa lang ako sa aking propesyon. Sinimulan namin ng aking kababata na magnegosyo ng mga pangregalo mula sa Asia noong nasa kolehiyo pa kami. Sa sumunod na 30 taon, ganap na nabago ang aming negosyo at malaki ang iniunlad nito. Ang madalas na itanong sa amin ay, “Kailan kayo nagsimulang magnegosyo, ito ba ang nakinita ninyo?” Ang maikling sagot ko ay “hindi naman talaga.”

Kailangang iakma ang pananaw nang regular at palagian. Ang pagsisimula ng maliit na negosyong pag-aangkat ng mga pangregalong yari sa tanso at pag-asenso kalaunan sa pagbebenta ng mga produktong pangkalusugan ay nangailangan ng maraming suwerte at paminsan-minsang pag-akma sa aming bisyon. Ang pagpapalit at paggawa ng bagong plano, reinvention, at pag-aakma ay talagang kalakasan, hindi kahinaan.

Sister Stevenson: Gayunman, dito natin naipapakita ang mahalagang kalamangan na mayroon tayo sa pagkamit ng ating bisyon. Dahil may alam kayo sa ebanghelyo, tulad ng mga pioneer, biniyayaan kayo ng pananaw ng ebanghelyo. Ang kalamangan ninyo ay nakikita ninyo ang inyong paglalakbay sa mundo nang may pananaw na literal na makalangit.

Elder Stevenson: Ang pananaw na walang hanggan o pananaw ng ebanghelyo ay nagbibigay ng nakatutulong na kalinawan na hindi natatamasa ng iba—kahit pa sa mga temporal na bagay na tulad ng edukasyon at propesyon. Nais naming subukang ipakita ito gamit ang mga imahe sa halip na mga salita.

Kaya tingnan ninyo ang larawang ito. Ngayon, ano ang nakikita ninyo? Alam ba ninyo ang inilalarawan ng imaheng ito?

Ngayon, nagbibigay ba sa inyo ng kalinawan ang bagong pananaw na ito? Iyan lamang ba ang nakikita? Ano sa palagay ninyo? Tingnan natin nang mabuti ang sequence habang inilalahad ito.

Elder Stevenson: Ngayon, sa pamamagitan ng simpleng exercise na ito, makikita ninyo—nang talagang literal—hindi lamang ang nasa harapan ninyo sa sandaling ito. Napalalawak ang inyong pananaw kapag mas lumalayo kayo.

Isang matalino at pamilyar na kasabihan ang nakasaad sa Mga Kawikaan, “Kung saan walang pangitain, nagpapabaya ang taong-bayan.”8

Ang tunay na alituntuning ito ay lalo pang inilarawan sa ating panahon ni Pangulong M. Russell Ballard nang sabihin niyang, “Ang mga taong may pinakaraming nagagawa sa mundong ito ay ang mga taong may pangarap sa buhay.”9 Totoo talaga iyan!

Ang ating espirituwal na pananaw na nagmumula sa ating pananaw ng ebanghelyo ay malinaw na nagpapaunawa sa lahat ng prayoridad sa buhay. Tinutulutan tayo nito na iayon ang mga prayoridad na iyon at panatilihing nakabalanse nang tama ang mga ito. Iyan ang dahilan kaya nakikita natin ang malapit na koneksyon ng bisyon at ng balanse.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang alituntunin ng pagbabalanse sa pagkukuwento ng personal na naranasan ko.

May kaibigan ako, na kilala sa kanyang propesyon at mahusay at malawak din ang karanasan bilang piloto ng helicopter. Noong isang mainit na araw ng taglagas, tinawagan niya kami at sinabing lilipad siya patungong Salt Lake City at tinanong kung gusto ba namin ng kasosyo ko sa negosyo na idaan kami sa isang aria-arian sa kabundukan.

Aabutin kami ng mahigit dalawang oras kapag sumakay sa truck. Sa helicopter, aabutin lang kami ng 15 minuto. Kaya ipinasiya naming sumama.

Maganda ang panahon at ligtas bumiyahe. Nakikita namin ang mga kulay ng mga nalagas na dahon habang papalapag na kami. Wala na halos isang minuto at makalalapag na kami nang biglang nasira ang tail rotor ng helicopter. Dahil dito walang kontrol na nagpaikot-ikot ang helicopter. Kakila-kilabot ang sitwasyong iyon.

Mabuti na lamang at sanay mag-emergency landing ang piloto sa gayong mga pagkakataon. Alam niya na kung lalapag ang helicopter na una ang nguso, o ang ilalim nito, hindi kami makaliligtas.

Sa kabila ng walang kontrol na pag-ikot ng helicopter, mahusay niyang naitagilid ito, at bumagsak kami sa lupa.

Tumagas ang gasolina at nagsimulang mag-apoy ang makina. Napatay niya ang makina, at nakalabas kami sa helicopter nang walang pagsabog. Dahil sa ginawa ng piloto at sa tulong ng Panginoon, nakaligtas kami sa pagbagsak ng helicopter.

Marami akong natutuhan tungkol sa mga helicopter mula nang araw na iyon. Naranasan namin ang pagbagsak ng helicopter nang hindi gumana ang tail rotor at dahil dito hindi bumalanse ang mahahalagang elemento na nagpapanatili sa helicopter sa ere. Kapag balanse ang tulin ng pangunahing rotor, ng tail rotor, at ng anggulo, napakasayang sumakay sa helicopter. Kung hindi, nakakatakot ito! Personal kong mapatototohanan iyan.

Pagtuunan natin ang mahahalagang elementong ito nang mas detalyado.

Una ay ang pangunahing rotor. Ang pag-ikot at haba ng elisi ay nagpapaangat at mabilis na nagpapapihit sa helicopter. Gayunman, ang pagpihit na likha ng pangunahing rotor ay dapat mabalanse para makontrol ang pag-ikot ng helicopter.

Sister Stevenson: Iyan ang dahilan kaya may tail rotor ang helicopter. Kinokontra nito ang pagpihit na likha ng elisi sa ibabaw. Ang tulin ng pangunahing rotor ay kinokontrol ng piloto sa pamamagitan ng kamay. Ang bilis ng tail rotor ay kinokontrol ng kanyang mga paa. Napakahalagang palaging naia-adjust ang tulin ng dalawang rotor na ito.

Kung hindi, masama ang mangyayari.

Elder Stevenson: Ang sumunod ay ang stick. Kinokontrol ng stick ang anggulo ng helicopter, na siya namang kumokontrol sa direksyon, pagliko, at estabilidad ng helicopter, na kasamang gumagana ng pangunahing rotor at ng tail rotor. Hawak ng piloto sa kanyang kanang kamay ang stick.

Sa huli, ang nakakayang bigat at anggulo ng helicopter ang nagtatakda ng tulin at ng puwersang kailangan sa pangunahing rotor at sa tail rotor.

Sister Stevenson: Kapag nagkatugma-tugma ang mga elementong ito, maganda ang balanse. Ang pangunahing rotor, tail rotor, stick, bigat, at anggulo—ay literal na sumasalungat sa gravity.

Paano ninyo maiuugnay ang maganda ngunit kumplikadong paglipad ng isang helicopter sa pagkakaroon ng balanse sa ating buhay?

Elder Stevenson: Hayaan ninyong magbigay ako ng ilang kabatiran mula sa mensaheng ibinigay ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa isang kumperensya sa pamumuno na dinaluhan ko maraming taon na ang nakararaan. Maaaring makaugnay kayo rito.

Sabi niya: “Bawat isa sa atin ay may apat na resposibilidad. Una, may responsibilidad tayo sa ating mga pamilya. Pangalawa, may responsibilidad tayo sa ating mga taga-empleyo. Pangatlo, may responsibilidad tayo sa gawain ng Panginoon. Pang-apat, may responsibilidad tayo sa ating sarili.”10

Gamit ang analohiya ng pagbabalanse sa pamamagitan ng pagkakaugnay sa isa’t isa ng mahahalagang elemento ng helicopter, tingnan natin ang apat na responsibilidad na ito sa gayunding paraan.

Sister Stevenson: Simulan natin sa tahanan at pamilya, na mahahalagang elemento ng ating buhay. Mahalagang hindi ninyo pabayaan ang pamilyang kinabibilangan ninyo. “Wala nang ibang mayroon kayo na mas mahalaga pa rito … Ang ugnayan ng pamilya ang dadalhin ninyo sa … kabilang buhay.”11 Napakaraming nagawa ang mga lider ng Simbahan nitong mga nakalipas na taon para bigyang-diin ang kahalagahan ng tahanan at pamilya.

Ang bagong gabay na may kaugnayan sa bagong pagbabalanse sa pagtuturo sa tahanan at sa Simbahan at ang ini-adjust na iskedyul ng miting ay lubos na nagpapahiwatig na dapat ituring ang pamilya na pangunahing rotor ng ating buhay.

Hinamon tayo ni Pangulong Nelson na “masigasig [nating gawing] sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang [ating mga] tahanan.” Kapag ginawa natin ito, ipinangako niya na “paglipas ng ilang panahon ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kaluguran. Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas, at ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at inyong tahanan ay mababawasan. Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya.”12

Elder Stevenson: Sumunod, isipin natin ang inyong propesyon—inyong trabaho, o kung kayo ay isang estudyante, ang edukasyon na gusto ninyong matamo, na magbibigay sa inyo ng full-time na propesyon o trabaho. Mangyari pa, mas may tyansa kayong magkatrabaho kapag may pinag-aralan kayo. Maitataguyod ninyo ang inyong sarili, inyong pamilya, at ang iba kapag may trabaho kayo. Ang pagkakaroon ng trabaho ay humahantong sa pagiging self-reliant, sa temporal at espirituwal. Sa trabaho, may obligasyon kayo sa mga taga-empleyo ninyo na maging totoo at tapat, na ibigay ang inaasahang resulta na kapalit ng ibinabayad sa inyo. Sikaping magpakahusay sa inyong trabaho o propesyon.

Bilang paglalarawan, isipin ang inyong trabaho bilang tail rotor ng helicopter.

Sister Stevenson: Upang kayo at ang inyong pamilya ay mabiyayaan nang lubos, makatutulong na magpakahusay kayo sa trabaho. Malapit ang pagkakaugnay ng dalawang ito, at mahalagang nababalanse ang mga ito. Parami nang parami ang mga taga-empleyo, sociologist, at busines consultant na nagsasabing kapaki-pakinabang ang pagbabalanse ng trabaho at buhay.

Elder Stevenson: Ang pangatlong mahalagang elemento sa pagbalanse sa buhay ay ang Panginoon at ang Kanyang gawain. Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya nagpunta sa mundo ang bawat isa sa atin. Narito tayo para mahalin, igalang, sundin, at paglingkuran Siya at ang mga anak ng ating Ama sa Langit, ang ating mga kapatid sa iba’t ibang panig ng mundo. Kailangan ng Panginoon ang ating mga pagsisikap at talento upang itayo ang Kanyang kaharian.

“Ibadyet ang oras ninyo para magampanan ang inyong mga responsibilidad sa simbahan.”13 Para sa akin ang salitang ibadyet ay maituturing na isang tagubilin. Kinakailangang pagsikapan natin na parehong “pag-ukulan ng oras” ang paglilingkod sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan at gawin iyan nang regular.

Sister Stevenson: Ang pamumuno at paglilingkod nang walang bayad ay isa sa mga natatanging elemento ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Bawat isa sa inyo ay hihilingang tumulong sa kaharian sa iba’t ibang paraan. Ang mga tawag ng tungkulin na darating sa inyo at sa ibang miyembro ng inyong pamilya ay maaaring dumating sa mga panahong hindi maginhawa para sa inyo. Gayunman, “kung [kayo] ay may mga naising maglingkod sa Diyos [kayo] ay tinatawag sa gawain.”14

Bukod pa riyan, itinuro sa atin ng ating mahal na propeta, si Pangulong Nelson, na patuloy na nagbabago ang ating mundo, tulad din ng ating paglilingkod sa Simbahan. Hinikayat niya tayong tanggapin ang “bagong normal.” Hinamon niya tayo na “maglingkod sa iba. Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. [At] gampanang mabuti ang [ating] mga calling.”15

Elder Stevenson: Ang paghihikayat na ito ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng pananaw na gawin ang iniutos sa atin ngunit hinihikayat din tayo na patuloy na magkaroon ng walang hanggang pananaw, o sa madaling salita ibalanse ito sa iba pa nating mga responsibilidad na kailangan nang gawin. Itinuturing ko ang paglilingkod sa Simbahan bilang stick ng helicopter, na kapwa nagpapatatag at gumagabay sa atin.

Sister Stevenson: Ang huling elemento para matiyak ang balanse ay ang obligasyon natin sa ating sarili.

Maaaring labis tayong abala sa buhay. Mahalagang maghinay-hinay tayo paminsan-minsan para makapagpalakas na muli at mas pagtuunan ang ating sariling mga pangangailangan, tulad ng pahinga, ehersisyo, libangan, at personal na espirituwal na pag-unlad. Kamakailan ay nagbigay ang mga lider ng Simbahan ng mahalaga at praktikal na mga mungkahi para matulungan tayong magawa ito.

Elder Stevenson: Oo totoo iyan, Lesa. Iminungkahi ni Elder Ballard kamakailan kung gaano kahalaga na makahanap ng tahimik na oras. Sabi niya:

“Bagama’t ang teknolohiya kadalasan ay isang pagpapala sa buhay ko, maaari din itong makagambala at humadlang sa ating kakayahang marinig ang tinig ng Panginoon. Sinasabi ko sa aking mga apo na dapat silang maglaan ng tahimik na oras bawat araw para pag-isipan ang kanilang buhay at pagnilayan kung ano ang nais ng Panginoon na gawin nila. …

“… Hindi ako makakonekta sa langit kapag maingay at magulo. … Kapag ako ay [tahimik] at nagsisikap na pumayapa, doon ako nakatatanggap ng mga impresyon.”16

Nagsalita si Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa determinadong panalangin. Sabi niya: “May malaking aral … tungkol sa agaran at determinadong panalangin upang patuloy na sumulong sa kabila ng mga … pagsalungat ng kaaway, mga pang-araw-araw na alalahanin, o mga [gumagambala] sa ating isipan.”17

Sister Stevenson: Inilarawan ni Sister Jean Bingham, Relief Society General President, ang tatlong elemento na pawang napakahalaga para matulungan natin ang ating sarili.

Una, inaanyayahan niya ang Espiritu sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan. Sabi niya, “Ang isa sa mga unang bagay na ginagawa ko sa umaga para mapasaakin ang Espiritu ay magbasa ng mga banal na kasulatan. Pinagaganda nito ang takbo ng aking isipan para makatanggap ako ng paghahayag.”

Ang kanyang pangalawang elemento ay pagsamba sa templo. “Ang isa pang kamangha-manghang paraan para mapakinggan ang tinig ng Tagapagligtas nang mas malinaw ay sa pamamagitan ng pagdalo sa templo. Kung minsan kapag nakaupo ako sa templo, nakatatanggap ako ng sagot sa isang panalangin o, habang sapat ang kapanatagang nadarama ko para makinig sa Espiritu, bigla akong may naiisip.”

Pangatlo, sabi niya, “Tinutulungan ako ng musika na marinig ang tinig ng Tagapagligtas. Mahilig akong makinig ng mga himno, kahit instrumental music lang ang naririnig ko at walang mga salita. Dahil matagal ko nang kinakanta ang mga salitang iyon, alam ko na ang mga ito, at naaalala ko.”18

Elder Stevenson: Palagay ko ang pag-uukol ng panahon sa ating sarili ang kadalasang pinakamahirap, subalit napakalahaga. Narinig ko na inilarawan ito bilang pagtigil sa paglalagari hanggang sa sapat na mahasa ang talim nito.

Sister Stevenson: Ang alalahaning may responsibilidad tayo sa ating sarili at isama ito nang unti-unti sa ating buhay ay isang pagpapala. Nalaman ko na kapag pisikal, emosyonal, at espirituwal na pinalalakas ko ang aking sarili, hindi lamang ito naghahatid ng malaking kapakinabangan sa akin, kundi tinutulutan ako nito na mapangalagaan ko ang aking pamilya at mga kaibigan.

Tingnan ninyo kung gaano kaayos na tumatakbo ang apat na aspetong ito ng ating buhay kung maisasagawa nang may bisyon at balanse! Maayos na nagkakaugnay-ugnay ang mga ito, ‘di ba?

Elder Stevenson: Oo totoo iyan. Kahit nagsasalita tayo tungkol sa pagbalanse sa iba’t ibang aspetong ito ng ating buhay, kailangan nating ilagay ito sa tamang pananaw.

Ibinuod ito ni Elder David A. Bednar sa napakapraktikal na paraan sa social media post kamakailan. Sabi niya: “Kung minsan pinagninilayan natin ang lahat ng ating responsibilidad sa tahanan, paaralan, trabaho, at simbahan at iniisip kung paano natin mababalanse ang maraming gawaing nag-aagawan sa oras natin. Sa halip na pahirapan ang sarili natin sa pagpipilit na magawa ang lahat nang sabay-sabay, dapat nating tukuyin ang ilang mahahalagang bagay na dapat nating pinakaunang iprayoridad. Pagkatapos ay sikapin nating bigyan ang bawat isa ng atensyong kailangan ng mga ito—nang paisa-isa.”19

Lesa, naipaalala nito sa akin ang hindi ko malilimutang pangyayari sa amin ng aking ama. Batang ama pa lang ako noon at bagong tawag na bishop na may inaasikaso na papalaking negosyo. Isang gabi huli na akong nakarating sa birthday party ng isang kapamilya. Ang aming mga anak at kanilang mga pinsan ay nasa buong kabahayan. Pero pumasok ako sa bahay nang walang pinapansin at naupo sa sulok, balisa sa mga alalahanin sa aking negosyo nang araw na iyon at sa nangyayari sa ward.

Lumapit sa akin ang aking ama at sa matigas na tinig na hindi karaniwan sa kanya ay nagtanong sa akin, “Gary, anong ginagawa mo?” Nang sabihin ko sa kanya na nag-aalala ako sa mga responsibilidad ko sa simbahan at negosyo, tiyak na tiyak ko na maaawa siya sa akin. Pero hindi pala. Sa katunayan, tumabi siya sa akin at sinabing nag-aalala siya para sa akin at na kailangan kong gumawa ng ilang pagbabago para mas mapagtuunan ko ang aking pamilya. Naaalala mo ba ito, Lesa?

Sister Stevenson: Hindi ko iyan malilimutan.

Elder Stevenson: Sabi niya, “Kapag nasa tahanan ka, iprayoridad mo ang tahanan mo, hindi ang simbahan at trabaho. Kapag nasa trabaho ka, piliin mong iprayoridad ang trabaho mo, hindi ang tahanan at simbahan. Kapag nasa simbahan ka, piliin mong iyan ang iprayoridad, hindi ang trabaho at tahanan.”

Hindi madaling gawin ang payong ito at hangang ngayon ay hindi ko pa ito nagagawa nang perpekto, ngunit talagang nakatulong ito sa akin. Pinagaan nito ang pasanin ko at pinagpala nang lubos ang buhay ko. Kaya aanyayahan ko kayong pag-isipan ito at subukang gawin ninyo mismo ito.

Ang nakatutuwa, ito ang mismong ipinayo ni Elder Bednar sa kanyang social media post na binanggit natin. Ibinahagi niya na, “maaaring tila napakasimple nito, ngunit hindi tayo dapat panghinaan ng loob at magsayang ng panahon sa kapipilit na pagbalansehin nang perpekto ang lahat ng mahahalagang bagay na kailangan nating gawin. Kapag matapat nating ipinagdarasal na tulungan tayo ng Diyos na matukoy ang pinakamahalaga, gagabayan at tutulungan Niya tayo na ipokus doon ang ating mga pagsisikap araw araw.”20

Sister Stevenson: May sasabihin ako na medyo hindi maganda. Kung susundin ninyo ang payong ito at susulong nang may bisyon at balanse, malamang na magkakaroon pa rin kayo ng ilang kabiguan. Makararanas pa rin kayo ng paghihirap at problema.

May mga pagkakataon na tila malabo ang inyong pananaw dahil sa mahamog na daan o mawalan kayo ng balanse. Ngunit heto ang magandang balita: Kayo ay mga anak na lalaki at babae ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan, “Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan.”21 At huwag ninyong kalimutan ang mahalagang payong ito mula sa Panginoon mismo: “Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo.”22 At dahil diyan, mayroon kayong patuloy at banal na mapagkukunan ng lakas sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas—maging si Jesucristo.

Elder Stevenson: Ngayon pakinggan natin ang nakahihikayat na sinabi ni Pangulong Nelson para sa bawat isa sa inyo. Sabi niya: “Alam ng Diyos … na ang landas ng tipan ay hindi madaling matagpuan o hindi madaling manatili rito. Kaya, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo upang magbayad-sala para sa atin at ipakita sa atin ang daan. Ang makalangit na kapangyarihan na matatanggap ng lahat ng nagmamahal at sumusunod kay Jesucristo ay ang kapangyarihang pagalingin tayo, palakasin tayo, linisin mula sa kasalanan, at dagdagan ang ating kakayahang magawa ang mga bagay na hindi natin kailanman magagawa nang mag-isa.”23

Sister Stevenson: Nawa ang kaalaman ninyo sa kung sino kayo talaga, at sino ang sumusuporta sa inyo, ay makatulong sa inyo na mamuhay nang may malinaw na bisyon at matatag na balanse. “Dadagdagan [ng Panginoon] ang inyong mga oportunidad, palalawakin ang inyong pananaw, at palalakasin kayo.”24

Elder Stevenson: Napakaganda na makasama kayo ngayong gabi. At gusto naming magtapos ngayon sa pamamagitan ng pagpapasalamat at pag-anyaya sa bawat isa sa inyo at pagbibigay ng aming mga patotoo. Inaanyayahan ko kayong isipin muna kung paano tinitiyak at pinatutunayan ng inyong pananaw ng ebanghelyo ang inyong identidad bilang anak na babae o anak na lalaki ng Diyos.

Pangalawa, isipin kung paano ninyo gagampanan ang apat na responsibilidad ninyo sa tahanan at pamilya, sa edukasyon at trabaho, sa Simbahan, at sa inyong sarili.

Pangatlo, inaanyayahan ko kayong maghanap ng tahimik na lugar at isulat ang ilang impresyong nadama ninyo sa debosyonal na ito. Tandaan, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng tipan.

Sister Stevenson: Sa pagtalima ninyo sa mga paanyaya mula kay Elder Stevenson, huwag kalimutan ang mga pioneer na nauna sa atin—yaong aming mga binanggit na nanirahan sa lambak na ito gayundin sa bawat isa sa inyong kani-kanyang pamilya at bansa. Ang saloobin at halimbawa ng mga pioneer sa paggawa ng mahihirap na bagay ay magbibigay sa inyo ng tiwalang gumawa ng mahihirap na bagay.

Elder Stevenson: Tulad ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw, nagmamasid tayo. Tumitingala tayo. At tinitingnan natin ang ating kalooban para sa bisyon at balanse ng ebanghelyo sa ating buhay.

Sister Stevenson: Nagpapatotoo ako na matatamo ninyo ang “ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”25 Na kilala ng Ama sa Langit ang bawat isa sa inyo sa pangalan at mahal Niya kayo. Pinatototohanan ko si Jesucristo bilang Bugtong na Anak ng Diyos na buhay, at sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Elder Stevenson: Amen. Salamat, Lesa. Ibinabahagi ko rin ang aking patotoo at pagsaksi sa inyo, aming mga bata at mababait na kapatid. Nagpapatotoo ako na tayo ay mga anak ng mapagmahal na mga magulang sa Langit, na mahal kayo ng Ama sa Langit, at ang doktrina ng Ama ay na ninanais Niyang makabalik sa Kanya ang lahat ng Kanyang anak.

Ang doktrinang ito ay pinapangyari ng Kanyang Anak, ang ating mapagmahal na Tagapagligtas, si Jesucristo. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala tayo makababalik sa presensya ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. Ibinabahagi ko ang pagsaksing iyan sa inyo. Ibinabahagi ko ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang sagradong tungkulin bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. At sinasabi ko iyan sa pangalan ni Jesucristo, amen.