Mga Debosyonal noong 2023
Pambungad na Mensahe


3:30

Pambungad na Mensahe

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Nobyembre 19, 2023

Salamat, Pangulong Reese.

Bago magsimula sa aming mga komento, nais kong bigyang-pansin ang pagkamatay ni Pangulong M. Russell Ballard noong Linggo—ang pangulo ng aming korum at mahal kong kaibigan. Ipinapahayag ko ang aking pakikiramay sa kanyang pamilya at ang aking pagmamahal at pasasalamat para sa kanyang buhay ng sakripisyo at dedikasyon sa pagpapala sa lahat ng mga anak ng ating Ama sa Langit.

Masaya kami ni Mary na makasama sina Elder Clark G. Gilbert at Sister Christine Gilbert upang magsalita sa inyo sa pandaigdigang debosyonal na ito mula sa campus ng Brigham Young University.

Bilang paghahanda para sa gawaing ito, nagtipon kami ng mga tanong mula sa mga young adult sa buong Simbahan. Nagsimula kami sa ating mga CES campus: dito sa BYU, pagkatapos sa BYU–Idaho, BYU–Hawaii, at Ensign College. Pagkatapos ay sa iba’t ibang panig ng mundo pati sa mga estudyante sa BYU-Pathway at mga institute program ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga pangulo ng mga institusyong ito at iba pang mga lider ay nakipagpulong sa mga grupo ng mga estudyante upang malaman kung anong mga tanong ang pinakamahalaga para sa mga young adult sa panahong ito. Napakagandang proseso nito, at sa huli kamangha-mangha ang mga katanungan.

Ang inyong mga iniisip at nadarama ay magkakatulad, marami sa inyo ang may parehong mga tanong sa espirituwal at sa buhay. Isang estudyante man sa Peru, engineering student sa BYU–Idaho campus, nag-aaral sa BYU–Pathway sa West Africa, graphic design student sa BYU campus, o isang propesyonal na dumadalo sa institute sa Europa, Pilipinas, o dito mismo sa Utah, ang mga young adult sa buong Simbahan ay nagkakaisa sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at magkakatulad ang mga hangarin, naisin, at alalahanin. Kayo ay kahanga-hanga at mahalagang bahagi ng hinaharap ng Simbahang ito.

Pinagsama namin ang inyong mga tanong sa limang kategorya para sa aming talakayan ngayon:

  1. Pagharap sa mga hamon sa buhay at pananampalataya

  2. Pagmamahal at pagiging kabilang

  3. Pagpaplano ng buhay at pagbalanse ng buhay

  4. Paninindigan para sa katotohanan

  5. Pagtanggap ng personal na paghahayag

  6. Paggabay ng propeta

Ngayong araw, tatalakayin namin ang bawat isa sa mga tanong na ito gamit ang aming personal na mga karanasan sa buhay at ang naobserbahan namin sa pakikipag-ugnayan sa mga young adult sa buong Simbahan.

Tatalakayin namin ni Sister Cook ang unang dalawang tanong tungkol sa mga hamon sa buhay at pananampalataya at pagmamahal at pagiging kabilang. Pagkatapos ay magbabahagi sina Elder at Sister Gilbert ng mga karanasan kung paano balansehin ang mga responsibilidad sa buhay. Magsasalita rin sila tungkol sa ibig sabihin ng manindigan para sa katotohanan sa panahong ito ng kaguluhan. Pagkatapos ay magbabahagi ako ng ilang kaisipan at payo tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag at magtatapos sa pagbibigay ng pananaw tungkol sa paggabay ng propeta.