Mga Debosyonal noong 2023
Manindigan para sa Katotohanan


4:31

Manindigan para sa Katotohanan

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Nobyembre 19, 2023

Sister Christine Gilbert: Ang kasunod na tanong na tatalakayin namin ay kung paano manindigan para sa katotohanan sa panahon ng malaking kalituhan.

Ilan sa inyo ang may mga group chat sa inyong mga kaibigan o pamilya? Siguro tayong lahat, ‘di ba? Sa isa sa ilang group chat ko, may talagang tapat sa ebanghelyo at may iba naman na nahihirapan sa mga isyung may kaugnayan sa Simbahan. Pamilyar ba ito sa sinuman sa inyo? Ano ang nangyayari kapag may sinabing hindi totoo ang isang taong mahal mo?

Elder Clark G. Gilbert: Nakarinig na kami ng ganyang mga kuwento mula sa mga young adult sa buong Simbahan. Alam naming nadarama ninyo ito.

Habang tinatalakay namin ang paksang ito, kasama namin sa pulpito ang dalawang huwaran nito at nagpapakita kung paano tayo makatitindig nang kapwa may kabaitan at matibay na pananalig.

Sina Elder at Sister Cook ay nanirahan noon sa San Francisco Bay Area at nagtrabaho nang maraming taon doon. Si Elder Cook ay nag-aral sa Stanford Law School, namuno sa isang law firm sa Bay Area, at pagkatapos sa isang malaking health care system. Ang mga Cook ay nagtrabaho at nakasama ang maraming tao na hindi palaging katulad nila ang pinahahalagahan. Ngunit nakahanap sila ng mga paraan upang manindigan para sa katotohanan habang nagiging mabubuting kaibigan at kapitbahay. Nakita ko ito nang sumama ako sa mga Cook sa Washington D.C. Temple open house kasama ang isang grupo ng mga kilalang mamamahayag at mga academic leader. Namangha ako kung gaano kahusay na ibinahagi ng mga Cook ang mga katotohanan ng ebanghelyo, kabilang ang kahalagahan ng kasal sa templo, kalinisang moral, at pagtupad sa mga tipan, habang lumilikha ng pagkakaunawaan sa ibang tao.

Nagkaroon ako ng iba pang mga pagkakataon na matuto kung paano manindigan para sa katotohanan nang may pagmamahal. Nitong nakaraang taon, tinawagan ako ni Pangulong Oaks. Sabi niya, “Elder Gilbert, magsasalita ako sa darating na debosyonal, at gusto kong kasama kita. Sasamahan mo ba ako sa podium at kasama kong magsasalita para matugunan ang ilan sa mahihirap na isyu ngayon?” Sinabi niya na tatalakayin namin ang mga isyu ukol sa LGBTQ, mga isyu ukol sa lahi, at hindi pagkakamali ng propeta. Pagkatapos ay iminungkahi niya, “Huwag nating isulat ang sasabihin natin. Mag-usap lang tayo nang natural.” Kaagad akong sumagot ng, “Sigurado akong epektibo ito para sa kanyang mensahe, ngunit alang-alang sa buong Simbahan, mas makabubuti siguro kung isusulat namin ang sasabihin ko.”

Sa kanyang mensahe, inilahad ni Pangulong Oaks ang limang paraan na mapaninindigan natin ang katotohanan nang may pagmamahal.1

Ang una ay iwasan ang labis na pakikipagtalo. Tulad ng itinuro ni Elder Neil L. Andersen, “May mga pagkakataon na ang pagiging tagapamayapa ay pagpipigil na sumagot at sa halip ay manatiling tahimik nang may dignidad.”2

Ang pangalawa ay mahalin ang iba, maghanap ng pagkakapareho kapag hindi nagkakasundo.

Ang pangatlo ay panghawakan ang katotohanan, maging sa ating pagtulong. Kung minsan ay may tuksong iwan ang nalalaman natin sa ating mga pagsisikap na magpakita ng pagmamahal. Hindi natin kailangang ikaila ang alam nating totoo.

Ang pang-apat ay maging isang liwanag at kaibigan at maglingkod sa iba, at ang huli ay manatiling nakaangkla kay Jesucristo.

Sister Gilbert: Nitong nakaraang pangkalahatang kumperensya, nagsalita si Elder Cook tungkol sa hirap ng paninindigan para sa katotohanan nang hindi nagpapatangay sa pamimilit ng mundo: “Ang mga mapamayapang tagasunod ni Cristo ay hindi [lumalayo sa katotohanan o nagkukulang sa pagmamahal sa kapwa]. Tayo ay palakaibigan at aktibong mga miyembro ng mga komunidad kung saan tayo naninirahan. Minamahal, binabahaginan, at inaanyayahan [din] natin ang lahat ng mga anak ng Diyos na sundin ang mga turo ni Cristo.”3

Sa palagay ko ito ang itinuturo sa atin ni Pangulong Nelson sa kanyang pakiusap sa atin na maging mga tagapamayapa.4 Ayaw niyang lumayo tayo sa katotohanan, ngunit nais niya na manindigan tayo nang may pagmamahal ng Tagapagligtas.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dallin H. Oaks at Clark G. Gilbert, “Stand Fast with Love in Proclaiming Truth” (Ensign College devotional, Mayo 17, 2022), Gospel Library.

  2. Neil L. Andersen, “Pagsunod kay Jesus: Pagiging Isang Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2022, 19.

  3. Quentin L. Cook, “Maging mga Mapamayapang Tagasunod ni Cristo,” Liahona, Nob. 2023, 83.

  4. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023.