Mga Debosyonal noong 2023
Pagpaplano ng Buhay at Pagbalanse ng Buhay


4:35

Pagpaplano ng Buhay at Pagbalanse ng Buhay

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Nobyembre 19, 2023

Elder Quentin L. Cook: Salamat, Elder at Sister Gilbert, sa inyong napakagandang payo. Masaya kami ni Christine na talakayin ang unang tanong na ito tungkol sa pagpaplano ng buhay at pagbalanse ng buhay.

Sister Christine Gilbert: Maraming aktibidad ang aming pamilya. Noon pa man, napakarami nang inaasahan sa aking asawa sa kanyang trabaho—bilang propesor sa Harvard, CEO ng isang media company, at president ng dalawang organisasyon ng unibersidad. Kasabay nito, pareho kaming abala sa aming mga tungkulin sa Simbahan. Ngunit ang pinakamahalagang mga responsibilidad namin ay palaging sa aming pagsasama bilang mag-asawa at sa aming mga anak.

Elder Gilbert: Naipaalala ito sa akin noong pangasiwaan ko ang Deseret News. Ilan sa inyong mga young adult ang nagbabasa ng nakalimbag na pahayagan araw-araw? Itaas ang inyong mga kamay. Iyan mismo ang naisip ko—halos wala. Binigyan ako ng responsibilidad noon na tumulong na gawing digital ang Deseret News mula sa nakasanayang nakalimbag na pahayagan. Maraming kinailangang gawin sa panahong iyon. Sa panahon ding iyan, mayroon na kaming pitong anak, at naglilingkod ako bilang bishop.

Isang araw, biglang tumawag si Pangulong Boyd K. Packer at nagtanong, “Brother Gilbert, kukumustahin ko ang pamilya mo. Sapat ba ang nauukol mong atensyon sa iyong asawa?” Natigilan ako at sumagot, “Hindi po siguro.” Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Brother Gilbert, pangangasiwaan mo ang media group na ito nang ilang panahon, pero magiging asawa at ama ka sa kawalang-hanggan.” Pagkatapos ay binigyan niya ako ng assignment na ideyt kada linggo si Christine.

Kasunod nito ay tinanong niya ako kung anong oras ako natutulog, at sinabi kong ala-1:00 o 2:00 na ng umaga. Kabaliktaran sa inisip ko ang sinabi niya sa akin. Sagot niya, “Akala mo ay nakasalalay ang lahat ng ito sa sarili mong pagsisikap. Hindi ka nagtitiwala sa Panginoon.” Pagkatapos bilang Apostol, binigyan ako ni Pangulong Packer ng curfew, na sinikap kong sundin mula noon.

Sister Gilbert: Kaya kung may curfew ka at may iskedyul na deyt kada linggo, paano mo gagawin ang lahat ng iba pang mahahalagang responsibilidad mo?

Nagsisimula ito sa pagpaplano. Simula pa noong mga unang taon ng aming pagsasama, kaming mag-asawa ay nag-iiskedyul tuwing Linggo ng gabi. Para sa amin, ito ay isang pangako na tutuparin namin kahit abala kami.

Pangalawa, ang pagbalanse ng mga responsibilidad sa buhay ay nangangailangan din ng mga layunin na ginagawa nang magkasama. Nadarama pa rin namin na nagkakaisa kami dahil sa aming layunin kahit magkalayo kami. Kaya kapag nagbibiyahe ang asawa ko dahil sa trabaho o nagtuturo ako sa seminary class sa umaga o nasa labas siya para sa tungkulin sa ward, kung naiskedyul namin ang mga gawaing iyon at nakaayon ito sa aming layunin, magkasama pa rin kami kahit malayo kami sa isa’t isa.

Elder Gilbert: May mga pagkakataon pa rin na kailangan ninyong maglagay ng malinaw na mga hangganan sa ilang pagpili.

Si Clay Christensen, isang kaibigan sa Boston ay minsang nagbahagi kung paano nagtanong ang supervisor niya kung alin sa Sabado ng umaga o Linggo ng umaga ang mas mainam para sa regular na iskedyul ng team meeting. Sagot ni Clay, “Maraming taon na ang nakararaan, nagpasiya ako na italaga ang araw ng Sabado sa aking asawa at ang Linggo sa Diyos, at kung pipiliin mo ang alinman dito, kailangan mong hingin ang direktang pahintulot nila.”

May ilang pangako na hindi dapat ikompromiso sa inyong buhay. Para sa aming pamilya, kabilang dito ang pagsisimba tuwing Linggo, lingguhang family home evening, mga debosyonal ng pamilya sa umaga at gabi, at oras ng mag-asawa bawat linggo.