Paggabay ng Propeta
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Linggo, Nobyembre 19, 2023
Sa pagtanggap ng paggabay ng propeta, pinatototohanan ko na si Pangulong Russell M. Nelson ang piniling propeta ng Panginoon upang gabayan ang Kanyang Simbahan sa panahong ito. Maraming beses ko nang naipahayag ang aking pagmamahal at pasasalamat sa kanya.1
Ipinahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa paggabay ng propeta: “Ang dapat nating ipagpasalamat ngayon ay tunay na nabuksan ang kalangitan at ang ipinanumbalik na simbahan ni Jesucristo ay nakatatag sa bato ng paghahayag. Ang patuloy na paghahayag ay totoong napakahalaga sa ebanghelyo ng buhay na Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.”2
Nakita ni Propetang Enoc ang ating panahon. Nakita niya na lalaganap ang matinding kasamaan at nagpropesiya siya tungkol sa “matinding paghihirap” na mangyayari. Gayunpaman, ipinangako ng Panginoon, “subalit ang aking mga tao ay pangangalagaan ko; At kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at katotohanan ay aking ipadadala sa lupa, upang magpatotoo sa aking Bugtong na Anak.”3 Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ang katuparan ng ipinahayag ng Panginoon kay Enoc.
Si Propetang Joseph Smith ay patuloy na tumanggap ng mga paghahayag. Marami sa mga ito ang iningatan para sa atin sa Doktrina at mga Tipan. Lahat ng aklat ng mga banal na kasulatan ng Simbahan ay naglalaman ng kaisipan at kalooban ng Panginoon para sa atin sa huling dispensasyong ito.4
Bukod sa napakahalagang saligang mga banal na kasulatang ito, binibiyayaan tayo ng patuloy na paghahayag sa mga buhay na propeta. Ang mga propeta ay “itinalagang mga kinatawan ng Panginoon na binigyan ng awtoridad na magsalita para sa Kanya.”5
Tulad ng maraming beses kong sinabi noon, buong taimtim kong ipinahahayag na ang patuloy na paghahayag ay natanggap at natatanggap sa pamamagitan ng mga daluyang itinakda ng Panginoon.
Naglingkod ako sa ilalim ng paggabay ng tatlong propeta: Sina Pangulong Gordon B. Hinckley, Pangulong Thomas S. Monson, at Pangulong Russell M. Nelson. Pinatototohanan ko na silang lahat ay tumanggap ng paghahayag para sa ating panahon.
Tinitiyak ko sa inyo na maaaring matanggap ng bawat isa sa atin ang gumagabay na paghahayag kapag gumagawa tayo sa ubasan ng Panginoon. Karamihan sa mga paggabay sa atin ay mula sa Espiritu Santo. Kung minsan at para sa ilang layunin, ito ay direktang nagmumula sa Panginoon. Pinatototohanan ko na ito ay totoo. Ang paggabay para sa Simbahan, sa kabuuan, ay dumarating lamang sa Pangulo at propeta ng Simbahan.
Binanggit ko ang sinabi ni Wilford Woodruff tungkol kay Propetang Joseph Smith; totoo rin ito kay Pangulong Russell M. Nelson. Nakita ko “ang mga [panghihikayat] ng Espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon.”6 Siya ang propeta ng Panginoon.
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, matibay kong pinatototohanan ang kabanalan ng Tagapagligtas at ang katotohanan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.