Digital Lamang: Mga Young Adult
Paggawa ng Sagradong Gawain Habang Naka-Quarantine
Bagama’t sarado ang mga templo, maaari tayong patuloy na tumulong sa sagradong gawain mula sa tahanan.
Ang awtor ay naninirahan sa Manila, Philippines.
Hindi ko inaasahang marinig ang mga salitang tulad ng ibinahagi ng Unang Panguluhan noong nakaraang buwan: “Matapos ang maingat at mapanalanging pagsasaalang-alang, at nang may pagnanais na maging responsableng mamamayan ng mundo, nagpasiya kaming suspindihin ang lahat ng aktibidad sa templo.”1
Siguro tulad ko, nag-iisip ka kung paano haharapin ang mahihirap na panahon ngayon nang wala ang mga banal na lugar ng kapayapaan na ito. Dito sa Pilipinas, ang mga templo ay isinara bago pa sinimulan ang community quarantine, kaya medyo matagal ko nang gustong bumalik sa bahay ng Panginoon.
Ngunit may natanto akong bagay na mahalaga habang naka-quarantine. Kahit na sarado ang mga pintuan ng templo, ang gawain ng paghahanda para sa mga ordenansa ay nagpapatuloy. Ang mga ninuno natin ay nasa kabilang panig pa rin ng tabing, naghihintay na mas malaman pa natin ang tungkol sa kanila. Kung naghahanap ka ng mga paraan na maanyayahan ang mga sagradong pakiramdam na makukuha sa paglilingkod sa templo sa iyong tahanan, narito ang ilang ideya:
-
Siyasatin ang iyong family tree sa FamilySearch.org.
-
Subukan ang indexing. Talagang mas kapaki-pakinabang ito kaysa sa mga video game!
-
Gamitin ang teknolohiya upang makipag-ugnayan sa mga buhay na mga kamag-anak.
-
Isulat ang mga kuwento ng sarili mong pamilya.
Nakita ko kung paano “[ibinaling] ang [mga] puso” ng mga miyembro ng aking pamilya ng mga aktibidad na ito, tulad ng inilarawan sa Malakias 4:6, at iniligtas kami mula sa pagkabigo, pagkainip, at kawalan ng pag-asa. Kahit na ang mapailalim sa quarantine ay hindi ang pinakamagandang sitwasyon, nagpapasalamat ako sa pagkakataon na ibinibigay nito sa akin na tumulong sa takdang-gawain na ito sa templo.
Ito ay maaaring maging sagradong panahon ng ating buhay. Marahil matutulungan tayo ng pandemyang ito na maalala kung gaano kahalaga ang mga templo. Baka mas pahalagahan natin ang pagkakataong bumisita sa templo kaysa noon. Tulad ng sinabi sa anunsiyo ng Unang Panguluhan, “Ito ay pansamantalang pagbabago, at nasasabik kami sa araw na muling magbubukas ang mga templo.”2
Hindi ko na mahintay ang araw na muli tayong makagagawa ng nagliligtas na mga ordenansa para sa ating mga ninuno! Hanggang sa araw na iyon, marami pa rin tayong magagawa.