Digital Lamang: Mga Young Adult
Sa Missionary na Nalipat ng Mission nang Hindi Inaasahan
Nagkaroon ba ng hindi inaasahang pangyayari sa mission mo? Narito ang mga tip mula sa isang taong nakauunawa nang kaunti kung ano ang pinagdaraanan mo.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Marami sa inyong mga missionary ang nasa sitwasyon na hindi ninyo inaasahan ngayon—naghihintay na malaman kung ano ang inyong magiging bagong asaynment sa mission, o baka nakauwi na kayo sa inyong tahanan. Ang makita ang ganitong mga pangyayari ay nagpapaalala sa akin ng sarili kong karanasan sa mission ilang taon na ang nakalipas. Naisip ko na marahil ay maaari akong magbahagi ng ilang mga pananaw na maaaring makatulong, mula sa isang missionary na hindi rin inaasahang nalipat ng mission.
Paglikas Mula Sa Albania
Noong unang bahagi ng 1997, ako ay isang missionary sa Albania. Mahal namin ng kompanyon ko ang probinsya, ang masarap na keso-at-spinach na mga pie, at ang tunog ng wika na pinaghirapan naming matutuhan. Higit sa lahat, gustung-gusto naming gumagawa kasama ng mga tao roon.
Sa paglipas ng panahon, ang pulitikal na klima sa aming paligid ay naging malubha. Sinubukan naming magtuon sa pagbabahagi ng ebanghelyo ngunit hindi namin maiwasang makarinig ng mga balita tungkol sa lumalaking puwersa ng mga rebelde sa bansa. Naglagay ng curfew ang gobyerno, at nagsimula ang mga karahasan sa paligid. Ang bansa ay patungo sa isang digmaang sibil.
Sa huli, noong Marso 14, inilikas ang buong mission namin. Hinding-hindi ko malilimutan ang tawag sa telepono kung saan sinabi sa amin na magtipon upang kami ay mabilis na makaalis sa bansa. Naglaro ang magkakasalungat na ideya at damdamin sa aking isipan. Siyempre gusto kong maging ligtas, ngunit ang isiping iwan ang mga pamilyang napamahal na sa amin, lalo na sa magulong sitwasyong iyon, ay napakasakit. Hindi man lang kami magkakaroon ng pagkakataon na magpaalam.
Ang paglalakbay namin palabas ng bansa ay kinabilangan ng pagsakay ng helicopter papunta sa isang eroplano at panandaliang paglapag sa Italy bago kami inilipat sa magkakaibang mission. Napunta ako sa England. Ito ay mabilis, at bahagyang nakasasabik, ngunit sa kabuuan ay napakahirap. Isa sa mga huling alaala ko sa Albania ay ang pagtingin sa pagliit ng tanawin mula sa aming helicopter, nag-iisip kung ano ang mangyayari sa mga taong iniwan namin.
Pagkakaroon ng Kapayapaan
Bagama’t ang detalye ng inyong mga karanasan ay naiiba sa akin, naniniwala talaga ako na ang ilan sa inyo ay nakararamdam ng kaparehong magkakahalong emosyon ngayon. Kaya sana ay makaugnay ka rin sa susunod na mga sasabihin ko. Narito ang anim na alituntuning nakatulong sa akin para magkaroon ng kapayapaan matapos ang nakagugulat na mga pangyayari sa aking karanasan sa mission.
-
Kumonekta sa iba. Maaaring nalulungkot at naguguluhan ka kaya gusto mong umiwas sa ibang tao. Ngunit mahalaga na makipag-usap sa iba, lalo na sa susunod na mga araw habang nag-a-adjust ka. Lumapit sa mga nagmamalasakit na taong makatutulong na mapasaya ka. Sa teknolohiya ngayon, wala kang dahilan na hindi ito gawin! Maaari kang maghanap ng isang taong makatutulong sa pagpapraktis mo ng wikang banyaga. Maaari ka ring patuloy na makipag-ugnayan sa mga taong pinaglingkuran at tinuruan mo. Bagama’t maaari kang makaramdam na wala ka sa tamang lugar ngayon, hindi ka nag-iisa. Kahit na maaaring hindi alam ng pamilya mo kung paano ka lubusang masusuportahan, alam ko na marami sa kanila ay tunay na nagmamalasakit sa iyo at gustong maging OK ka.
-
Patuloy na ibahagi ang iyong patotoo. Nasaang lupalop ka man habang binabasa mo ito, wala akong duda na napapaligiran ka ng mga taong mabibiyayaan ng iyong naiibang pananaw. Huwag kang umiwas sa pagbabahagi ng mga natutuhan at naramdaman mo bilang isang full-time missionary—kahit gaano pa kahaba o kaikli ang panahon mo “sa field.” Sa pagproseso mo ng mga pangyayari kamakailan at pagkilala sa kamay ng Diyos sa iyong buhay, ibahagi ang mga natanto mo sa iyong mga mahal sa buhay. Maaaring ang natutuhan mo sa iyong pakikipagsapalaran ay isang bagay na kinakailangang marinig ng nasa paligid mo.
-
Magtiwala na kilala ka ng Ama sa Langit. Alam mo ba? Alam ng Diyos na mangyayari ito! Alam Niya ang lahat ng nangyayari sa iyong buhay. At nauunawaan ng iyong Tagapagligtas na si Jesucristo kung ano ang nararamdaman mo. Kasama mo Sila sa paglalakad mo sa landas na ito at maaari ka Nilang bigyan ng kapanatagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaaring tumagal ang sakit na nararamdaman mo, at ayos lang iyon. Magtiwala sa Panginoon sa sinasabi Niyang, “Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (Doktrina at mga Tipan 84:88).
-
Maging mapagtiis habang nalulungkot ka. Galit ka ba? Malungkot? Naiinis? O iniisip mo na, “Hindi ito patas!”? Siguro nakakaramdam ka ng iba pang mga emosyon. Dapat mong malaman na ayos lang na maramdaman mo ang mga iyan. Nagluluksa ka sa isang bagay na nawala, at mahalaga na maging mapagpasensya ka sa iyong sarili habang ginagawa mo ang prosesong iyon. Kasabay nito, maging maingat na huwag i-sensationalize o palabasin na higit pa sa totoong nangyari ang iyong mga karanasan o huwag laging isipin ang nakaraan hanggang sa punto na naapektuhan na ang iyong kakayahan gumawa. Kung pakiramdam mo ay nahihirapan kang kayanin ang pinagdaraanan mo sa malusog na mga paraan, hilingin sa iyong bishop o mission president na i-refer ka sa isang propesyonal na counselor. Walang nakakahiya sa paghingi ng tulong.
-
Magsikap na anyayahan ang Espiritu. Patuloy na lubos na makibahagi sa gawain ng ebanghelyo. Kung ikaw ay inilipat sa ibang mission, patuloy na sumunod sa mga patakaran ng mission. Humanap ng mga paraan araw-araw para ipakita sa Espiritu na nais mo Siyang makasama, at isulat ang mga inspirasyon na natatanggap mo mula sa Kanya. Tutulungan ka ng pananatiling malapit sa Espiritu na gumawa ng mga desisyon tungkol sa iyong hinaharap at makahanap rin ng kapanatagan sa iyong sitwasyon sa kasalukuyan.
-
Magtiwala na ikaw ay “tinawag [pa rin] sa gawain.” Sa loob ng mahabang panahon, inakala ko na ang “calling” ay kung saan ako inatasang maglingkod bilang missionary. Sana mas maaga kong naintindihan na ang tunay na calling ko ay ang maglingkod sa mga anak ng Diyos saan man ako naroroon. Kahit tinanggal ko na ang itim na nametag ko, kailangan ko pa ring tuparin ang mga tipan ko sa binyag na taglayin sa aking sarili ang pangalan ni Jesucristo at tratuhin ang iba tulad ng gagawin Niya araw-araw. May bagong mission assignment ka man o ini-release ka sa full-time na paglilingkod, huwag mangamba na hindi mo na magagamit ang iyong mga talento upang itayo ang kaharian ng Diyos saan ka man magpunta.
Sa Kanyang mga Kamay
Palagay ko isa sa pinaka-nakakakabang aspeto ng pag-alis sa Albania ay na iiwan namin ang mga bagong binyag na mga Banal na kinakailangang sumulong sa ebanghelyo nang wala ang tulong namin. Ngunit alam ba ninyo? Nakamamanghang nagawa nila ito. Kahit wala kami roon para tulungan sila, kasama nila ang Diyos. Simula nang umalis ako mahigit 20 taon na ang nakararaan, sumulong ang gawain sa lugar na iyon, at matatag ang mga Banal.
Kaya, minamahal na missionary, patuloy na hanapin ang banal na gawaing nangyayari sa iyong harapan. May mga tao pa rin na kailangan ang iyong tinig, at maraming kaligayahan pa rin ang mahahanap. Gamitin ang naiibang karanasan na ito bilang oportunidad para palalimin ang iyong pakikipag-ugnayan sa Diyos. Nawa’y pagpalain ka Niya sa pagsulong mo nang may pananampalataya.