Digital Lamang: Mga Young Adult
Nasasabik na Mabuklod
Bagama’t nagbago ang aming mga plano, mas napalapit kami sa isa’t isa at sa Diyos.
Ang awtor ay naninirahan sa Kantō, Japan.
Dapat ay ibubuklod kami ng fiancé ko ngayong buwan sa Sapporo Japan Temple. Ngunit biglang nagbago ang sitwasyon dahil sa coronavirus. Sa bawat bagong kawalan ng katiyakan, hinahanap ko ang gabay ng Diyos sa pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pakikinig sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Inulit-ulit ko ang prosesong ito sa paggawa ko ng mga desisyon para sa hinaharap. Sa huli, nagsara ang mga templo. Ngayon, naghihintay pa rin kami para mabuklod. Ngunit nakita ko kung paano kami tinutulungan ng Diyos sa mahirap na panahong ito.
Mga Pagpapala sa Gitna ng Kawalang-Katiyakan
Sa totoo lang, ang karanasang ito ay mahirap. Ngunit naranasan ko rin ang maraming pagpapala. Ang pagsusulat sa journal ay nakatulong sa akin na tukuyin ang mga biyayang iyon at talagang nakatutuwang gawin sa mahirap na panahong ito.
Isa sa mga biyayang nakita ko ay ang mas pagtatag ng relasyon namin ng aking fiancé. Nakatira kami sa magkaibang lugar, namumuhay nang magkahiwalay, at hindi makapagkita. Ngunit nagpasiya kami na sabay na magdasal at pag-usapan ang mga bagay na natututuhan namin mula sa pag-aaral namin ng ebanghelyo. Gumawa kami ng mga desisyon nang magkasama. Bagama’t magkalayo kami ng lugar, lumalim ang relasyon namin, at tila mas malapit siya.
Pagsulong
Sa huli, nagpasiya kaming magpakasal sa huwes. Hindi ko alam kung kailan kami mabubuklod sa templo, ngunit nasasabik ako para rito.
Naniniwala ako na marami tayong matututuhan mula sa pandaigdigang pandemya na ito. Tiwala ako na ang Panginoon ay may plano para sa ating walang-hanggang kabutihan, anuman ang mangyari sa paligid natin—“sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya” (2 Nephi 26:24).
Naniniwala ako na nais ng Panginoon na tulungan tayong lahat na makahanap ng kaligayahan sa mahirap na situwasyong ito. Nakahanap na ako ng kapayapaan sa mga biyayang mayroon ako. Kung nararanasan mo ngayon ang katulad na mga pagsubok, huwag mawalan ng pag-asa. Kahit ang pandemyang ito ay makapagpapalakas ng iyong patotoo.