Digital Lamang: Mga Young Adult
Ang Itinuro sa Akin ng Pagsamba sa Tahanan Tungkol sa Pagtitipon nang Magkakasama
Nalungkot ako nang pansamantalang itinigil ang mga miting sa Simbahan dahil sa pandemya. Ngayon nagpapasalamat ako sa natutuhan ko.
Ang awtor ay naninirahan sa Scania, Sweden.
Ang pagpunta sa Simbahan ay isa sa mga pinakamahalagang bagay sa buong linggo ko. Masaya ako sa pagsasama ng mga kaibigan at pamilya at pansamantalang pagkalimot sa mga alalahanin ng mundo habang sama-sama kaming sumasamba.
Pagkatapos nagsimulang magbago ang lahat dahil sa pandemya. Sa panahong iyon, wala masyadong maraming kaso ng coronavirus sa Sweden, at nagpatuloy ang pasok sa mga paaralan, kaya hindi ko talaga naintindihan kung bakit nadama ng mga lider ng Simbahan na suspindihin ang mga miting. Sa kabila ng kaguluhan na nangyayari sa ibang mga bansa, sabik akong makita ang mga kaibigan ko sa araw ng Linggo. Ngunit nalaman ko na pansamantalang ititigil ang mga miting sa Simbahan at na sasamba kami sa aming tahanan. Ako ay kapwa nalungkot at medyo nainis.
Nang dumating ang araw ng Linggo, nagsuot ako ng bestida at nag-make up, kumain ng almusal, at umupo kasama ng mga magulang ko. Nakita ko na maingat na naghanda ang tatay ko ng sacrament na may puting tela sa ibabaw ng tinapay at tubig at binuksan niya ang kanyang mga banal na kasulatan sa panalangin sa sakramento.
Maya-maya dumating na ang oras ng pagkanta ng sacrament hymn. Nang magsimulang pagputul-putulin ni itay ang tinapay, naramdaman ko nang husto ang Espiritu. Tila ba sinasabi Niya sa akin na para sa akin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Naiyak ako, at nang tiningnan ko ang aking ina, nakita ko na umiiyak din siya at nakangiti sa akin—naramdaman din niya ang Espiritu.
Bagama’t nagduda ako noong una, alam ko na ngayon na ang pakikibahagi sa sakramento sa tahanan ay isang personal at napakagandang oportunidad. Sa mga nakaraang linggo, mas nakadama ako ng pasasalamat para sa priesthood at para sa ipinanumbalik na ebanghelyo, na nagbibigay ng kapanatagan at kapayapaan sa mga panahon ng kahirapan. Nadama ko rin ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang mga anak. At lubos akong nagpapasalamat sa propeta, na tumutulong sa atin na malaman ang dapat gawin, kahit hindi natin naiintindihan kung bakit.
Simula nang makakuha kami ng panimulang mga tagubilin na sumamba sa tahanan, kumalat na ang COVID-19 sa libu-libong tao sa Sweden at patuloy na nagkakaroon ng epekto sa halos bawat bansa sa mundo. At bagama’t gusto ko ang pagiging personal ng pagsamba sa tahanan kasama ang ilang mga mahal sa buhay, natanto ko rin na hindi ito katulad ng pagpunta sa simbahan at pagsamba nang magkakasama bilang ward o branch. Ang pag-angat sa bawat isa sa sacrament meeting at iba pang mga miting ay walang katumbas.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang isang pangunahing dahilan kung bakit may simbahan ang Panginoon ay upang lumikha ng isang komunidad ng mga Banal na susuporta sa isa’t isa sa ‘makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan’ [2 Nephi 31:18].”1
Natanto ko na ang Simbahan ay higit pa sa pakikisalamuha sa mga kaibigan tuwing Linggo. Ito ay tungkol sa pakikibahagi sa sakramento, pagkadama ng pagiging kabilang, pagsuporta sa isa’t isa, at pagbuo ng isang komunidad ng pananampalataya sa kaharian ng Diyos. Lagi kong pasasalamatan ang mga pagpapala ng pagsamba sa bahay sa panahong ito ng COVID-19 at para sa mga bagong ideyang natanggap ko tungkol sa kahalagahan ng pagtitipon nang magkakasama. Magiging mas espesyal ang sacrament meeting kapag nagkatipun-tipon na tayong muli.