Pang-aabuso
Pakikipag-usap sa mga Bata tungkol sa Pang-aabuso


“Pakikipag-usap sa mga Bata tungkol sa Pang-aabuso,” Pag-iwas at Proteksyon (2018).

“Pakikipag-usap sa mga Bata tungkol sa Pang-aabuso,” Pag-iwas at Proteksyon.

Pakikipag-usap sa mga Bata tungkol sa Pang-aabuso

Ang pagprotekta sa mga bata laban sa pang-aabuso ay isang prayoridad ng mga magulang at lider. Ang pag-iwas at proteksyon ay nagsisimula sa tahanan. Kabilang sa pag-iwas ang pagtulong sa mga bata at kabataan na maunawaan kung ano ang pang-aabuso at ano ang magagawa nila para maprotektahan ang kanilang sarili laban dito. Dapat ding ituro sa mga bata na huwag abusuhin ang ibang tao.

Paghahanda sa Pakikipag-usap sa mga Bata

Ang hayagan na komunikasyon sa mga bata ay mahalaga para maipaunawa sa kanila kung ano ang pang-aabuso at kung paano nila poprotektahan ang kanilang sarili. Ang mga pag-uusap na ito ay makatutulong sa iyo na makuha ang tiwala ng iyong mga anak at maipadama sa kanila na sila ay ligtas. Makatutulong ito para mas maging panatag sila sa pakikipag-usap sa iyo kung hindi sila mapalagay dahil sa pagtrato o pananalita sa kanila ng iba. Kailangang malaman ng mga bata na masasabi nila sa iyo ang kahit anong bagay, kabilang na ang sumusunod:

  • Mga dapat malaman sa kanilang mga katawan, anatomya, at seksuwalidad

  • Mga sitwasyon kung saan hindi sila kumportable o mapalagay.

  • Kung nakaranas o nakararanas sila ng pang-aabuso

Itinuro ni Sister Joy D. Jones, General Primary President: “Bahagi ng pagpoprotekta ang paglikha ng malakas, matibay, mapagkakatiwalaan, at matatag na ugnayan. Ang ganitong uri ng ugnayan ay tumutulong para mas mapalapit sa atin ang ating mga anak. Kapag bumubuo tayo ng matibay na ugnayan ng pagtitiwala at pagprotekta sa ating mga anak at apo—o sa sinumang bata—binibigyan natin sila ng ligtas na lugar na mapupuntahan” (“It Starts with Us” [address given at the 2018 Utah Coalition Against Pornography conference, Mar. 10, 2018], mormonnewsroom.org).

Bilang magulang o nakatatanda na mapagkakatiwalaan, dapat kang maging halimbawa ng itinuturo mo sa iyong mga anak tungkol sa pag-iwas sa pang-aabuso. Halimbawa, hindi mo dapat pilitin ang mga bata na magpakita ng pagiging magiliw (gaya ng pagyakap o paghalik sa isang tao) kung ayaw nila, kahit ayaw mong makasakit ng damdamin ng iba.

Pagtuturo sa mga Anak tungkol sa Pag-iwas

Ituro sa mga bata ang mga sumusunod na alituntunin. Tulungan silang maunawaan na kahit itinuturo mo sa kanila kung paano maiwasan ang pang-aabuso, maaari pa rin itong mangyari. Kung mangyari man iyon, hindi mo ito kasalanan, ni kasalanan ng bata (tingnan sa “Paano kung sa palagay ko ay kasalanan ko ang pang-aabuso?”). Iakma ang inyong pag-uusap sa edad, maturidad, at pang-unawa ng iyong anak.

Ito ang mga bagay na maaari mong sabihin kapag kinausap mo ang iyong mga anak tungkol sa pag-iwas sa pang-aabuso:

  1. Okey lang na magsabi ng hindi, kahit sa matanda.

Ikaw ang may responsibilidad sa katawan mo. Ibig sabihin ikaw ang magpapasiya kung maaari kang hawakan, yakapin, o halikan.

Kung hinahawakan o tinatrato ka nang hindi tama o pinapagawa ng isang bagay kung saan nakararamdam ka ng pagkahiya o pagkaasiwa, okey lang na magsabi ng hindi at lumayo na, kung maaari.

Kung minsan gusto mong yakapin o halikan ang isang tao at kung minsan naman ay ayaw mo—at okey lamang iyan. Maaari kang magsabi ng “Hindi,” “Huwag mo akong hawakan,” at “Lubayan mo ako.”

  1. May mga bahagi sa katawan mo na pribado at hindi dapat hawakan ng iba.

Ang mga pribadong bahagi ay yaong natatakpan ng swimming suit. Hindi tama na hawakan ng iba ang iyong mga pribadong bahagi sa ilalim o ibabaw man ng kasuotan mo. Hindi ka nila dapat kunan ng litrato nang nakahubad. Gayundin, kung pinapahipo sa iyo ng isang tao ang mga pribadong bahagi ng kanilang katawan, hindi tama iyon.

  1. Hindi tama na pwersahin, bantaan, o akitin ka ng isang tao na makipagniig o gumawa ng malaswang bagay.

Kung may isang tao na pinapagawa ka ng bagay na alam mong mali, puwede kang tumanggi.

Ilan sa halimbawa ng paraan na pupwersahin, pagbabantaan, o aakitin ka nila ay ang mga sumusunod:

  • Gagamitin nila ang kanilang posisyon, awtoridad, edad, laki, o anumang alam nila para pwersahin kang gawin ang gusto nila.

  • Sasabihin nila na hindi ka nila kakaibiganin kung hindi mo gagawin ang sinasabi nila.

  • Kukuhanan ka nila ng anumang mayroon ka at hindi ibabalik kung hindi mo gagawin ang sinasabi nila.

  • Magbabanta sila na magpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa iyo kung hindi ka sasali.

  • Bibigyan ka nila ng mga regalo, pabor, o ibang pabuya kapag sumali ka.

  • Magbabanta sila na sasaktan ka o ang isang miyembro ng iyong pamilya kung hindi mo gagawin ang sasabihin nila.

  1. Huwag ilihim ang pang-aabuso.

May mga pagkakaiba ang sekreto at sorpresa. Ang sorpresa ay isang bagay na tulad ng regalo sa kaarawan o Pasko na ipinapaalam din sa iba. Ang lihim ay kapag sinabihan ka ng isang tao na huwag sabihin sa iba. Kapag inutusan ka na magtago ng lihim na hinihipuan o sinasaktan ka ng ibang tao, kumausap ka agad ng isang nakatatanda na mapagkakatiwalaan.

  1. Makipag-usap sa nakatatanda na mapagkakatiwalaan kung paano pumunta sa isang ligtas na lugar kung may nangyari.

May ilang bagay na maaari mong subukang gawin para makapunta sa ligtas na lugar kung ikaw ay nakararanas ng pang-aabuso. Kahit hindi ka makatakas, kausapin mo ang isang nakatatanda na mapagkakatiwalaan tungkol sa nangyari o nangyayari sa lalong madaling panahon.

  1. Kahit pa gawin mo ang lahat para manatiling ligtas, posible na masaktan ka pa rin ng mga tao.

Kung may humipo o nanakit sa iyo, hindi mo ito kasalanan. Sabihin sa nakatatanda na mapagkakatiwalaan kung may nangyayaring masama. Anuman ang mangyari, may nagmamahal sa iyo.

  1. Maaari mo akong kausapin o isa pang nakatatanda na mapagkakatiwalaan.

Puwede mong sabihin sa akin kung may nanghipo sa iyo o kung may ipinagawa sa iyo ang isang tao na nagpadama sa iyo na hindi ka ligtas. Kahit sabihan ka na walang maniniwala sa iyo, maniniwala ako sa iyo.

Kung hindi mo kayang sabihin sa akin, sabihin mo lang sa sinumang nakatatanda na pinagkakatiwalaan mo. Ang isang nakatatanda na mapagkakatiwalaan mo ay makatutulong na maprotektahan ka at maibigay sa iyo ang suportang kailangan mo. Gumawa ng listahan ng mga tao na nakikinig sa iyo at kung kanino panatag ang pakiramdam mo. Ang isang nakatatanda na mapagkakatiwalaan ay maaaring magulang, lolo at lola, iba pang kamag-anak, titser, lider ng Simbahan, doktor, o tagapayo sa paaralan.

Pagtuturo sa mga Bata na Igalang ang Iba

Tulad ng mahalagang turuan ang mga bata kung paano umiwas sa pang-aabuso o tumugon kung may isang taong nagpipilit na abusuhin sila, mahalaga ring maunawaan ng mga anak na dapat din nilang igalang ang ibang tao. Dapat nating pakitunguhan nang may pagmamahal at paggalang ang lahat ng tao. Ang pagsunod sa mga panuntunan para sa asal at pag-uugali na inilarawan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ay magandang pagsimulan. Ituro din sa mga bata ang mga sumusunod na alituntunin:

  1. Hindi tamang manakit ng tao—pisikal, sa salita, o emosyonal—anuman ang mangyari. Huwag magsabi ng mga bagay na makakainsulto o makasasakit sa ibang tao. Huwag gumawa o magbahagi ng mga larawan, video, o mensahe na nakakapinsala at nakakasakit sa ibang tao.

  2. Hindi mo dapat hipuin ang mga pribadong bahagi ng ibang tao, kahit hiniling mo pa o hiniling nila. Huwag maghubad sa harap ng ibang tao. At huwag tingnan ang mga pribadong bahagi ng ibang tao.

  3. Kapag may nagsabi sa iyo ng hindi o pinatigil ka sa ginagawa o sinasabi mo, pakinggan sila. Kung ayaw ng ibang tao na mahawakan, makiliti, o mahalikan o makibahagi sa iba pang gawain, huwag gawin ito.

  4. Huwag mam-bully o puwersahin ang ibang tao na gawin ang gusto mong gawin nila. Igalang ang kanilang kalayaang pumili.

Mga Sanggunian mula sa Komunidad at Simbahan

(Ang ilan sa mga sanggunian na nakalista sa ibaba ay hindi ginawa, pinananatili, o kontrolado ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagaman ang mga materyal na ito ay ginawa bilang karagdagang sanggunian, hindi iniendorso ng Simbahan ang anumang nilalaman na hindi akma sa mga doktrina at mga turo nito.)

Kaugnay na mga Artikulo

Print