“Paano Kung Iniisip Ko na ang Pang-aabuso sa Akin ay Kasalanan Ko?” Tulong para sa mga Biktima (2018).
“Paano Kung Iniisip Ko na ang Pang-aabuso sa Akin ay Kasalanan Ko?” Tulong para sa mga Biktima
Paano kung iniisip ko na ang pang-aabuso sa akin ay kasalanan ko?
Kung ikaw ay biktima ng pang-aabuso, hindi ka dapat managot sa nangyari. Hindi mahalaga kung saan ka naroroon, ano ang ginawa o sinabi mo, ano ang suot mo, o ano muna ang naganap bago rito. Habang nagsasalita sa mga biktima ng pang-aabuso, sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Taimtim kong pinatototohanan na kapag ang ginawang karahasan ng iba … ay labis na nakasasakit sa inyo at labag sa inyong kalooban, wala kang pananagutan rito at hindi ka dapat makonsensya” (“Healing the Tragic Scars ng Abuse,” Ensign, Mayo 1992).
Hindi Mo Ito Kasalanan
Kahit na maaaring sinubukan na ng iba na panatagin ka na ang pang-aabuso ay hindi mo kasalanan, karaniwan pa rin na maniwala ka na ikaw ang may kasalanan sa nangyari.
Ang ilang dahilan kung bakit nadarama ng mga biktima na sila ang may kasalanan ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
-
Naakusahan na sila ng pagsisinungaling.
-
Sinabihan sila na ang pang-aabuso ay kasalanan nila.
-
Iniisip nila na maaari nilang pigilan o dapat ay pinigilan nila ito.
-
Ang nagkasala ay magaling magmanipula.
-
Pinalalabas ng maysala na ang pang-aabuso ay ninais o inudyok ng biktima.
-
Nadarama nila na may nagawa sila na naghikayat nito.
-
Akala nila ay normal ang ganitong gawain.
-
Hindi nila alam na ang nangyayari ay pang-aabuso.
-
Napaniwala silang kailangan silang magsisi, na tila ba nagkasala sila kahit paano dahil naabuso sila.
Ano man ang pakiramdam mo o ano man ang nasabi sa iyo, hindi ka dapat sisihin para sa mga ginawa ng iba.
Wala Kang Kasalanan
Sa kaso ng pang-aabuso, ginamit ng maysala ang kanyang kalayaan para saktan ka. Hindi ka responsable sa pagpiling ginawa ng iba.
Sa isang mensahe sa isang debosyonal sa BYU, ibinigay ni Professor Benjamin M. Ogles ang sumusunod na analohiya:
“Ang iba ay nag-iisip kung may nagawa silang mali para danasin ang ganitong sitwasyon. Ang ilan ay nagdududa sa kanilang mga asal at nag-iisip kung nakagawa sila ng isang bagay para mahikayat ang ibang tao na huwag pansinin ang kanilang mga kahilingan—na tila ba sila ang nag-udyok sa tao kahit papaano na kumilos nang ganito. Lalo na kung may ginawa silang ibang desisyon sa mga panahong iyon ng insidente na nakikita nila ngayon na kaduda-duda, maaari nilang isipin na bahagya silang responsable sa nangyari. Ngunit hindi ka responsable sa bagay na labag sa iyong kagustuhan! Iyan ang diwa ng kalayang pumili.
“Hayaan ninyo akong magpaliwanag gamit ang isang personal na karanasan. Noong 1990 ang aming pamilya ay lumipat sa isang maliit na komunidad sa timog-silangang Ohio na tinatawag na The Plains. Sa unang gabi, may nanloob sa aming kotse at kinuha ang lahat ng gusto nilang kunin. Nang matuklasan ko ang pagnanakaw, ilang bagay ang pumasok kaagad sa isip ko:”
“‘Kung nagparada sana ako malapit sa bahay at malayo sa kalsada.’
“‘Kasalanan ko ito; ni-lock ko sana ang mga pintuan ng kotse.’
“‘Napaka-inosente ko para isipin na ligtas kami dahil nasa isang maliit na nayon kami.’
“‘Kung naging mas alerto lang sana ako, napigilan ko sana na mangyari ito.’
“Nakikita ba ninyo kung paano ko sinisisi ang aking sarili para sa krimeng ginawa ng ibang tao? Kahit saan man ako pumarada noon, o gaano ako kainosente, o na-lock ko man ang mga pinto o hindi, walang sinuman ang may karapatan na kunin ang mga bagay sa aking kotse nang wala akong pahintulot. Wala akong kasalanan sa pagnanakaw. Gayunman, awtomatiko kong sinisi ang aking sarili dahil naisip ko ang mga bagay na sa palagay ko ay dapat na ginawa ko sa ibang paraan” (“Agency, Accountability, and the Atonement of Jesus Christ: Application to Sexual Assault” [debosyonal sa Brigham Young University , Ene. 30, 2018], 5–6, speeches.byu.edu).
Natutuhan natin sa Aklat ni Mormon, “Sinumang gagawa ng kasamaan, ay ginagawa ito sa kanyang sarili; sapagkat masdan, kayo ay malaya” (Helaman 14:30; idinagdag ang italics).
Kung ikaw ay biktima ng pang-aabuso, hindi mo ito kasalanan. Hindi ka dapat sisihin sa mga kilos ng ibang tao anuman ang mga sitwasyon, at ang paghilom ay posible sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
Resources o mga Sanggunian sa Simbahan at Komunidad
(Ang ilan sa resources o mga sangguniang nakalista sa ibaba ay hindi nililikha, pinananatili, o kinokontrol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagama’t ang mga materyal na ito ay ginawa para maging karagdagang resources o sanggunian, ang Simbahan ay hindi nag-eendorso ng anumang nilalaman na hindi naaayon sa mga doktrina at mga turo nito.)
-
“It’s Never Your Fault: The Truth about Sexual Abuse,” National Child Traumatic Stress Network
-
“It Wasn’t Your Fault,” National Association for People Abused in Childhood
-
“Healing the Tragic Scars of Abuse,” Richard G. Scott, Ensign, Mayo 1992
-
“Agency, Accountability, and the Atonement of Jesus Christ: Application to Sexual Assault,” Benjamin M. Ogles (debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 30, 2018)
-
“Why Childhood Sexual Abuse can NEVER be your fault,” Pandora’s Project: Support and resources for survivors of rape and sexual abuse