Pang-aabuso
May Halaga pa rin ba Ako?


“May Halaga pa rin ba Ako?” Tulong para sa mga Biktima (2018).

“May Halaga pa rin ba Ako?” Tulong para sa mga Biktima.

May Halaga pa rin ba Ako?

Oo, ikaw ay labis na mahalaga (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10). Mayroon kang walang-katapusan at walang-hanggang halaga bilang anak ng Diyos, at hindi mababawasan o maaalis ng pang-aabuso ang kahalagahang iyon.

Kung ikaw ay inabuso, maaari mong maramdaman na hindi ka karapat-dapat sa atensiyon o pagmamahal ng iba, kabilang na ang Ama sa Langit. Maaari mo ring isipin na nawala ang iyong pagiging marapat na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo dahil sa pang-aabuso. Gayunman, ang iyong halaga ay hindi nasusukat sa anumang bagay na nangyayari sa iyo.

Ipinaliwanag ni Sister Joy D. Jones, General Primary President, na “ang ibig sabihin ng espirituwal na halaga ay pahalagahan ang ating sarili ayon sa pagpapahalaga sa atin ng Ama sa Langit, hindi ayon sa pagpapahalaga sa atin ng mundo. Tukoy na ang ating halaga bago pa tayo pumarito sa mundong ito” (“Halagang Hindi Masusukat,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 14).

Ang pang-aabuso ay maaaring makalikha ng pagkalito sa iyong puso at isipan na nagiging sanhi para pagdudahan mo ang iyong halaga o pagiging marapat. Gayunman, hindi mababawasan o maaalis ng pang-aabuso ang iyong halaga dahil ang iyong halaga ay hindi kailanman magbabago.

Pag-unawa sa Iyong mga Naiisip at Nadarama

Maaaring ang ilan sa mga sumusunod ay naiisip o nadarama mo:

  • Hindi ako karapat-dapat.

  • Maaari ko sanang napigilan ito.

  • Nakokonsensiya ako.

  • Hindi na ako mahal ng Diyos.

  • Wala nang magmamahal sa akin kailanman.

  • Sira na ako at hindi na maaayos pa.

  • Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay angkop sa iba, ngunit hindi sa akin.

  • Kailangan kong maging perpekto.

Karaniwan lang ang ganitong damdamin, ngunit ang mga ito ay kasinungalingang mula sa kaaway. Ang pagmamahal sa iyo ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ay hindi kailanman nababawasan. Karapat-dapat kang mahalin. Isipin ang mga salita ni Apostol Pablo:

“Sapagka’t ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating,

“Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Mga Taga Roma 8:38–39).

Ang kaalaman tungkol sa pinagmumulan ng lahat ng katotohanan, ang ating Ama sa Langit, ay makatutulong sa iyo na iwaksi ang iyong mga takot o negatibong kaisipan.

Tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na maunawaan kung paano natin makikilala ang inspirasyon at patnubay mula sa ating Ama sa Langit: “Kaya nga, lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos; at yaong masama ay nagmumula sa diyablo; sapagkat ang diyablo ay kaaway ng Diyos” (Moroni 7:12).

Maaaring kailangan mo ng tulong mula sa iba para mabago mo ang iyong hindi mabubuting kaisipan at damdamin. Kung mas maaga kang makakahingi ng tulong, mas madali kang magkakaroon ng kapangyarihang madaig ang mga maling paniniwalang ito. Hindi pa huli ang lahat para humingi ng tulong at suportang kailangan mo para madaig ang mga paniniwalang ito.

Pag-unawa sa Iyong Pagiging Marapat

Ang iyong pagiging marapat ay hindi nababatay sa anumang bagay na nangyayari sa iyo, at hindi mo kailangang pagsisihan ang nagawa ng ibang tao sa iyo.

Para sa mga nakaranas ng sekswal na pang-aabuso, maaaring madama mo na ikaw ay imoral o na nalabag mo ang batas ng kalinisang-puri. “Ang mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso ay walang kasalanan. … Kung naging biktima kayo ng pang-aabuso, dapat ninyong malaman na wala kayong kasalanan at mahal kayo ng Diyos” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 36). Ang iyong kabutihan ay hindi maipagkakait sa iyo dahil sa mga ginagawa ng iba.

Ang Iyong Halaga ay Hindi Maaaring Mabawasan

Kabilang sa mga pinakamahalagang katotohanan na maaari nating malaman at maunawaan sa buhay na ito ay kung sino ang ating Ama sa Langit; kung sino ang Kanyang Anak na si Jesucristo; kung sino tayo bilang mga anak ng Diyos; at kung ano ang ating kaugnayan sa Ama at sa Anak (tingnan sa Juan 15:1–5; Mga Taga Roma 8:16–17; Doktrina at mga Tipan 50:41).

Ipinahayag ni Elder D. Todd Christofferson na “ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman” (“Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 48). Nais ng Diyos na madama natin ang “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil” (Mga Taga Galacia 5:22–23). Kapag naunawaan mo na mahal ka ng Ama sa Langit, magsisimula kang maunawaan at paniwalaan ang iyong dakilang kahalagahan.

Walang anumang bagay na maaaring mangyari sa buhay na ito, kabilang na ang mga ginagawa ng iba, na may kapangyarihan na bawasan ang kahalagahan mo.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Mahal kayo ng inyong Ama sa Langit—bawat isa sa inyo. Ang pagmamahal na iyan ay hindi nagbabago. … Basta nariyan lang ito. Nariyan ito para sa inyo kapag malungkot kayo o masaya, nawawalan ng pag-asa o umaasa. Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. Basta nariyan lang ito palagi” (“Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 123–24).

Resources o mga Sanggunian sa Simbahan

Kaugnay na mga Artikulo