Pang-aabuso
Mapagkakatiwalaan Ko ba ang Aking Sarili o ang Aking Paghatol?


“Mapagkakatiwalaan Ko ba ang Aking Sarili o ang Aking Paghatol?” Tulong para sa mga Biktima (2018)

“Mapagkakatiwalaan Ko ba ang Aking Sarili o ang Aking Paghatol?” Tulong para sa mga Biktima

Mapagkakatiwalaan ko ba ang aking sarili o ang aking paghatol?

Oo, maaari mong matutuhang pagtiwalaan ang iyong sarili. Karaniwan sa mga biktima ng pang-aabuso ang mawalan ng tiwala sa sarili nilang paghatol at mawalan na kumpiyansa sa sarili kapag gumagawa ng mga desisyon. Maaari kang magkaroon ng kumpiyansang kailangan mo para magtiwala sa iyong sarili. Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf, “May solusyon maging sa pinakamatinding kawalan ng pag-asa at kalungkutan na inyong madarama. Ang pag-asang ito ay nasa nagpapabagong kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa kapangyarihang tumubos ng Tagapagligtas upang pagalingin ang maysakit nating kaluluwa” (“Maniwala, Magmahal, Gumawa,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 47).

Bakit maaaring mahirap magtiwala sa iyong paggawa ng desisyon

Ang mga maysala ay madalas na gumagawa o nagsasabi ng mga bagay na hindi totoo o hindi patas para saktan ang mga biktima at maipagawa sa kanila ang gusto nilang ipagawa sa kanila. Ito ay tinatawag na pagmamanipula o paghahanda para sa seksuwal na layunin. Sa pagsisikap ng maysala na makuha ang iyong tiwala, malamang na naniwala o nagtiwala ka sa kanya. Maaaring magbalik-tanaw ka at maniwala na may nagawa ka pa sana para tapusin ang pang-aabuso at maprotektahan ang iyong sarili, na maaaring makadagdag sa nadarama mong pagdududa sa sarili. Maaari itong magdulot sa iyo ng pag-aalinlangan sa sarili mong paghatol at kakayahang magpasiya.

Maaaring hindi ka nagtitiwala sa kakayahan mong gumawa ng mga desisyon sa mga simpleng pang-araw-araw na gawain. Ang kawalan ng pagtitiwalang ito ay maaari ring makaapekto sa mas malalaking desisyon tulad ng mga pagpili sa pakikipagrelasyon o trabaho. Ito ay maaaring nakapanghihina ng loob, at maaari kang makadama ng kawalang-pag-asa na magkakaroon ka ng kakayahang pagtiwalaang muli ang iyong sarili.

Pagbuo Muli ng Tiwala sa Iyong Sarili

Masisimulan mong magkaroon ng tiwala sa iyong sarili sa pamamagitan ng maliliit at simpleng mga hakbang. Mababasa natin sa mga banal na kasulatan, “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

Maaari mong simulan na muling magkaroon ng kakayahang magtiwala sa sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga simpleng desisyon. Halimbawa, sa pagpili ng oorderin sa isang restawran. Maaari mong gawin ang desisyong iyan at magtiwala na isa itong katanggap-tanggap na desisyon. Manindigan sa iyong desisyon at ipaalala sa iyong sarili na walang tama o maling sagot, kahit na hindi nangyari ang inaasahan mo.

Kilalanin ang iyong mga pagsisikap sa paggawa ng mga desisyon at sa pagtanggap ng pananagutan. Kapag nilinang mo ang kakayahan mong gumawa ng maliliit na desisyon, magkakaroon ka ng kakayahang gumawa ng mas makabuluhang mga desisyon. Pansinin ang iyong mga nadarama. Kapag ginawa mo ito, mas lalakas ang iyong kumpiyansa sa sarili.

Maaari mong pag-isipan ang iyong mga desisyon at ang maaaring kalabasan ng mga ito. Makakatulong ang suporta ng isang pinagkakatiwalaang kaibigan sa prosesong ito. Makatutulong siya sa iyo na malaman kung aling desisyon ang hindi mahalaga at alin ang mas mahalaga. Ang isang kaibigan ay makapagbibigay din ng pagpapatibay na OK lang na gumawa ng desisyon na gusto mong gawin at na mapagkakatiwalaan mo ang iyong sarili.

Habang pinalalakas mo ang iyong tiwala sa iyong sarili, matututuhan mo ang mga sumusunod:

  • Maaari mong pagkatiwalaan ang mga impresyon mo.

  • Maaari kang makatanggap ng sariling paghahayag at inspirasyon.

  • Maaaring ang iyong mga obserbasyon ay tumpak at totoo.

  • Mahalaga ang iyong mga iniisip at pinaniniwalaan.

  • Ang mga iniisip at nadarama ng iba ay hindi mas mahalaga kaysa sa iniisip at nadarama mo.

Ang pagbuo ng tiwala sa sarili ay maaaring abutin ng matagal na panahon. Normal lang iyan. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, “Kayo nga’y mangagpakasakdal—sa wakas” (“Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 40– 42). Ang ibig sabihin ng pagmamahal ng Tagapagligtas ay kahit nagkakamali tayo, maaari tayong matuto mula sa mga ito at magpatuloy sa pagbuo ng kumpiyansa at tiwala.

Bukod pa riyan, pinagpala tayo dahil sa tulong ng Espiritu Santo, na tumutulong sa atin na matukoy ang tama sa mali. “Bilang mga miyembro ng Simbahan, maaari nating patuloy na maranasan ang patnubay ng Espiritu Santo. … Ang Espiritu Santo ay nagbibigay ng personal na paghahayag na tutulong sa atin na gumawa ng malalaking desisyon sa buhay” (Robert D. Hales,“Ang Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 105). Nais ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na gamitin natin ang kaloob na Espiritu Santo sa ating buhay. Ang pagbuo at pagpapalakas ng tiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay magpapalakas ng inyong kumpiyansa na hangarin ang impluwensya ng Espiritu Santo.

Resources o mga Sanggunian sa Simbahan at Komunidad

(Ang ilan sa resources o mga sangguniang nakalista sa ibaba ay hindi nililikha, pinananatili, o kinokontrol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagama’t ang mga materyal na ito ay ginawa para maging karagdagang resources o sanggunian, ang Simbahan ay hindi nag-eendorso ng anumang nilalaman na hindi naaayon sa mga doktrina at mga turo nito.)