“Paano Ako Matutulungan ng Tagapagligtas bilang Isang Biktima ng Pang-aabuso?” Tulong para sa mga Biktima (2018)
“Paano Ako Matutulungan ng Tagapagligtas bilang Isang Biktima ng Pang-aabuso?” Tulong para sa mga Biktima
Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas bilang isang biktima ng pang-aabuso?
Kaya kang panatagin at pagalingin ng Tagapagligtas. Naranasan ng Tagapagligtas ang ating pasakit, mga paghihirap, tukso, kahinaan, at lahat ng uri ng karamdaman (tingnan Alma 7:11–12). Alam Niya kung paano ka tulungan, suportahan, pagalingin, at panatagin sa oras ng iyong pangangailangan. Kaya Niyang alisin ang iyong pasakit at kalungkutan.
Ang Paniniwala sa Tagapagligtas ay Makakatulong sa Iyo
Bilang biktima ng pang-aabuso, maaaring iniisip mo kung paano makakatulong ang Tagapagligtas sa iyong paggaling. Maaaring iniisip mo na ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay para lamang sa mga nagkasala at kailangang magsisi. Hindi ka sisisihin sa pang-aabusong naranasan mo, ni hindi mo kailangang mapatawad sa mga bagay na ginawa ng isang tao laban sa iyo. Kaya paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas? Dahil sa Kanyang sakripisyo, nauunawaan Niya kung ano ang napagdaanan ng bawat tao. Bagama’t maaaring hindi natin talaga alam kung paano nagagawang damhin ng Tagapagligtas ang lahat ng ating pasakit, maaari tayong manalig na nauunawaan Niya ang bawat lalaki, babae, at bata sa perpektong paraan (tingnan sa 2 Nephi 9:21). Maaari Siyang maglaan ng kapayapaan at lakas para makapagpatuloy.
Maaari mong hangarin ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas at magtiwala ka na tutulungan ka Niya.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol,
“Ang Tagapagligtas ay nagdusa hindi lamang para sa ating mga kasalanan at kasamaan—kundi para din sa ating mga pisikal na sakit at pighati, mga kahinaan at pagkukulang, mga takot at kabiguan, mga kalungkutan at panghihina-ng-loob, mga panghihinayang at pagsisisi, kawalan ng pag-asa at pag-aalala, mga kawalan ng katarungan at hindi pagkakapantay-pantay na ating nararanasan, at mga paghihirap ng damdamin na bumabagabag sa atin.
“Walang sakit ng katawan, walang espirituwal na sugat, walang paghihirap ng kaluluwa o sakit ng kalooban, walang karamdaman o kahinaan na nararanasan natin sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Sa sandali ng kahinaan maaari nating ibulalas, ‘Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.’ Ngunit lubos itong nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan na Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin. At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa. Maaabot, maaantig, matutulungan, mapapagaling, at mapapalakas Niya tayo nang higit kaysa makakaya natin at matutulungan Niya tayong gawin ang hinding-hindi natin makakayang gawing mag-isa” (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang may Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 89–90).
May kapangyarihan ang Tagapagligtas na tulungan ka at pagalingin ka, kung tutulutan mo Siya. Kung minsan ay aalisin Niya ang pasanin at kung minsan ay tutulungan ka Niyang “tiisin ang mga paghihirap na yaon, nang may matatag na pag-asa na kayo balang-araw ay mamamahinga sa lahat ng inyong mga paghihirap” (Alma 34:41). Kahit maaaring nasasaktan ka pa rin, hindi mo kailangang dalhin ang pasakit na ito nang mag-isa.
Itinuro ni Pangulong James E. Faust: “Ang mga nasaktan ay dapat gawin ang kanilang makakaya sa kanilang mga pagsubok, at ang Tagapagligtas ay ‘tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan’ [Alma 7:12]. Tutulungan Niya tayong dalhin ang ating mga pasanin. Ang ilang sakit ay sadyang napakakirot at malalim na hindi basta gagaling nang walang tulong mula sa isang higit na makapangyarihan at pag-asa sa perpektong katarungan at pagpapanumbalik sa susunod na buhay. Dahil dinanas na ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay na maaari nating madama o maranasan, matutulungan Niya ang mahina na maging mas malakas. Personal Niyang dinanas ang lahat ng ito. Nauunawaan Niya ang ating nadarama at tutulungan tayo maging sa pinakamahirap nating sandali” (“Ang Pagbabayad-Sala: Ang Ating Pinakadakilang Pag-asa,” Liahona, Ene. 2002, 20).
Paghugot ng Lakas sa Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas
Maaari kang humugot ng lakas sa tulong at nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa tapat at taos-pusong pagdarasal sa Ama sa Langit para sa kapayapaan, kapanatagan, at paggaling. Magagawa mo rin ito sa pamamagitan ng pag-alam sa iba pa tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na may apat na bagay tayong magagawa para “[makahugot] ng lakas sa ating Panginoon at Maestro na si Jesucristo sa ating buhay.” Pinayuhan niya tayo na:
-
Mag-aral tungkol sa Tagapagligtas.
-
Piliing sumampalataya sa Kanya at sundin Siya.
-
Gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan.
-
Lumapit sa Kanya.
Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, “Kapag mas marami tayong alam tungkol sa ministeryo at misyon ng Tagapagligtas—mas nauunawaan natin ang Kanyang doktrina at ang ginawa Niya para sa atin—mas nalalaman natin na maibibigay Niya ang lakas na kailangan natin sa buhay” (tingnan sa “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 39–41).
Madalas Kumilos ang Tagapagligtas sa Pamamagitan ng Ibang Tao
Bagama’t ang Tagapagligtas ay nagbibigay ng kapayapaan at kapanatagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo, madalas ay inaanyayahan Niya ang ibang tao na maglingkod din sa atin. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball ang sumusunod na katotohanan: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan ay tinutugunan Niya ang ating mga pangangailangan sa pamamagitan ng ibang tao” (“Small Acts of Service,” Ensign, Dis. 1974, 5).
Bilang biktima ng pang-aabuso, maaaring nakakaramdam ka ng pag-iisa. Kapag nagdarasal ka sa Ama sa Langit, humiling sa Kanya ng kakayahang mapansin kapag ang mga tao ay gumagawa ng paraan upang makatulong sa iyo. Pagkatapos ay mapagpakumbabang hayaan ang iba na tulungan ka sa maliliit at simpleng mga paraan. Kung minsan ang taong ito ay maaaring isang ministering brother o sister, asawa o iba pang kapamilya, o lider ng Simbahan (tingnan sa “Saan ako makakahingi ng suporta?”). Hayaan silang tulungan ka na makipag-ugnayan sa iba pang mga mapagkukunan ng proteksyon at pagpapagaling, kabilang na ang tulong medikal, mga propesyonal na tagapayo, at mga lider ng Simbahan. Kapag pinagsama mo ang espirituwal na suporta at propesyonal na tulong, unti-unti kang makakakita ng pag-asa at paggaling.
Resources mula sa Simbahan at Komunidad
-
“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” David A. Bednar, Ensign o Liahona, Mayo 2014
-
“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Russell M. Nelson, Ensign o Liahona, Mayo 2017
-
“Siya’y Buhay! Luwalhati sa Kanyang Ngalan!” Richard G. Scott, Ensign o Liahona, Mayo 2010
-
“Ang Pagbabayad-sala: Ang Ating Pinakadakilang Pag-asa,” James E. Faust, Liahona, Ene. 2002
-
“Sa Lakas ng Panginoon,” David A. Bednar, Ensign o Liahona, Nob. 2010