Pang-aabuso
Maghihilom ba Ako Mula Rito?


“Maghihilom ba Ako Mula Rito?” Tulong para sa mga Biktima (2018).

“Maghihilom ba Ako Mula Rito?” Tulong para sa mga Biktima.

Maghihilom ba ako mula rito?

Posible ang paghilom o paggaling. Maaari kang maghilom mula sa anumang uri ng pang-aabuso sa tulong ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Kapag ikaw ay nasaktan, halos imposibleng paniwalaan ang ideya na mapapalitan ng kapayapaan ang pasakit na iyong dinadala. Maaaring hindi mapansin o hindi makita ang mga sugat mo sa loob ng maraming taon. Maaaring hindi alam ng iba ang iyong mga pasakit dahil itinatago mo ito sa pagngiti at pamumuhay na para bang walang mali.

Habang nakabilanggo si Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail, sumulat siya ng isang liham sa Simbahan, na kinabibilangan ng “tungkulin ng mga Banal kaugnay sa kanilang mga tagausig” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123, panimulang bahagi). Sa sulat, hindi niya sinabi sa mga Banal na dumanas ng pag-uusig at pisikal na mga pinsala na sarilinin ang sakit na nadarama nila at magkunwari na parang walang nangyari. Sa halip, iniutos niya sa kanila na magtipon ng mga ulat ng kanilang mga pagdurusa at iharap ang mga ito sa mga awtoridad.

Gayundin, hindi mo kailangang magtago o magkunwari na parang walang nangyari. Maaari kang makadama na wala kang magawa, makadama ng panghihina, pagkalito, kalungkutan, o pag-iisa. Anuman ang maaaring naiisip o nadarama mo, dapat mong malaman na ikaw ay may walang hanggang kahalagahan at minamahal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10).

Ang Proseso ng Paghilom

Ang paghilom ay makakatulong para mabawasan ang iyong pasakit. Ito ay isang proseso na nangangailangan ng panahon, pero posible ito sa tulong ng Tagapagligtas na si Jesucristo dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa ating kapakanan.

Kabilang sa proseso ng paghilom ang sumusunod na mga hakbang:

  • Pagkilala at pagdadalamhati sa pagkawala [ng mahal sa buhay]

  • Pagbabahagi ng iyong pasanin sa iba

  • Pagkilala sa mga epekto ng pang-aabuso sa iyong buhay at paghingi ng propesyonal na payo kung kinakailangan

  • Pag-unawa na ang naranasan mong pang-aabuso ay hindi batayan ng kung sino ka talaga

  • Pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na magpagaling

Itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod habang dumaraan ka sa proseso ng paghilom:

  • Paano naapektuhan ng pang-aabuso ang buhay ko?

  • Nasaan na ako sa proseso ng paghilom?

  • Ano ang makakatulong sa akin na sumulong?

Pag-isipan na ikumpara ang emosyonal na pagpapagaling sa pangangalaga at paggamot sa pisikal na pinsala. Ipalagay na noong bata ka pa, nabalian ka ng binti. Sa halip na magpunta sa doktor para ipatuwid ito, nagpaika-ika ka na lang hanggang sa mawala ang matinding sakit, pero palaging may kaunting sakit sa bawat hakbang mo. Pagkaraan ng ilang taon, gusto mong mawala ang sakit kaya nagpunta ka sa doktor. Kailangang ituwid ng doktor ang buto, linisin ang anumang laman na tumubo, sementuhan ito, at sabihan kang magpa-physical therapy para lumakas ang binti mo.

Kung nais mong maghilom mula sa pang-aabuso, kailangan mo munang kilalanin na tunay ang pasakit at may magagawa tungkol dito. Kasama sa proseso ang pagtanggap sa nangyari at ang pagtutulot na kilalanin ang mga nadaramang sakit, takot, at kalungkutan. Kadalasan makakatulong ang makipagkita sa isang propesyonal na may karanasan sa prosesong ito ng paghilom. (Magtanong sa iyong bishop kung anong Family Services resources ang mayroon sa inyong lugar.)

Habang nagsisikap kang maghilom, maaaring manatili ang iyong mga alaala sa pang-aabuso; gayunman, ang tindi ng mga emosyon at ang negatibong epekto ng mga karanasang ito sa iyong buhay ay mababawasan at kalaunan ay magiging halos wala na.

Mayroon ka mang access sa mga propesyonal na tulong o wala, makakatulong kung ikaw ay mananalangin, mag-aaral tungkol sa buhay ng Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, magpapatulong sa iba, at hihingi ng espirituwal na tulong mula sa isang lider ng Simbahan (tingnan sa “Saan ako makakahingi ng suporta?”). Ang mga pinuno ng Simbahan ay maaaring makatulong na mapagaan ang iyong pasanin, at maaari silang makatanggap ng inspirasyon upang matulungan kang maunawaan ang iyong banal na kahalagahan at kaugnayan sa iyong Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Ipinahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Taimtim kong pinatototohanan na kapag lubha kayong nasaktan sa karahasan, kabuktutan, o pang-aabuso ng sariling kadugo, nang labag sa inyong kalooban, hindi kayo mananagot at hindi kayo kailangang makonsensiya. Maaaring mag-iwan sa inyo ng pilat ang pang-aabuso, pero ang mga pilat na iyon ay hindi kailangang maging permanente. …

“Unawain na ang paghilom ay maaaring abutin ng mahabang panahon. Ang paggaling o pagrekober ay karaniwang nangyayari nang paunti-unti. Bumibilis ito kapag ipinahahayag ang pasasalamat sa Panginoon para sa bawat kaunting napansing pagbabago” (“Healing the Tragic Scars of Abuse,” Ensign, Mayo 1992, 32).

Pagkakaloob ng Kapatawaran

Habang dumaraan ka sa proseso ng paghilom, kaya mong magkaroon ng kakayahang magpatawad sa mga taong nakasakit sa iyo sa tulong ng Tagapagligtas.

Bahagi ng paghilom ang pag-abot sa punto na maipapaubaya mo na ang pananagutan ng maysala sa kanyang mga ginawa. Managot man sa mga awtoridad ang tao o hindi, ang bawat maysala ay tatayo sa harapan ng Diyos balang-araw (Doktrina at mga Tipan 137:9).

Kailan o paano man managot ang maysala, makatitiyak ka na kapag may “gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati” (Doktrina at mga Tipan 121:37; idinagdag ang italics). Tingnan sa “Posible bang magpatawad?” para sa dagdag na tulong.

Resources o mga Sanggunian sa Simbahan at Komunidad

(Ilan sa resources na nakalista sa ibaba ay hindi ginagawa, pinapanatili, o kontrolado ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagama’t ang mga materyal na ito ay ginawa para maging karagdagang resources o sanggunian, ang Simbahan ay hindi nag-eendorso ng anumang nilalaman na hindi naaayon sa mga doktrina at mga turo nito.)

Kaugnay na mga Artikulo

Print