“Posible bang Magpatawad?” Tulong para sa mga Biktima (2018).
“Posible bang Magpatawad?” Tulong para sa mga Biktima.
Posible bang magpatawad?
Ang pagpapatawad ay posible lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Kung ikaw ay naging biktima ng pang-aabuso, maaaring nadarama mo na tila imposible ang magpatawad. Ang hindi mabubuting kaisipan at masakit na damdaming dulot ng pang-aabuso ay maaaring masidhi. Maaari mong madama na hindi ka na makakalaya pa mula sa mga ito. Maaaring napipilitan ka rin na basta na lamang “patawarin at limutin” ang mga pang-aabuso at nakokonsensya na nahihirapan kang magpatawad.
May iba’t ibang antas ng pisikal, emosyonal, mental, at espirituwal na pinsalang dulot ng pang-aabuso, at walang sinumang makakatukoy sa antas ng iyong paghihirap maliban sa iyo. Ang bawat pinsala ay nangangailangan ng panahon para gumaling, at ang mas matitinding pinsala ay nangangailangan ng mas matagal na panahon, tulad ng mas matagal na pagpapagaling ng nabaling braso kumpara sa balat na nahiwa ng papel. Kailangan ng mas matitinding pinsala ng mas matagal na panahon ng pagpapagaling—maging ito man ay pisikal, emosyonal, mental, o espirituwal.
Ang Pagpapatawad ay Maaaring Mangailangan ng Panahon
Habang nagsisikap kang magpagaling, sa tulong ng Panginoon, masisimulan mong patawarin ang mga taong nakasakit sa iyo. Maaaring hindi ka agad makapagpatawad. Ang kakayahang ito na magpatawad ay nagmumula sa kapangyarihan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ay umako at dumanas ng mismong sakit na nadarama mo ngayon (Alma 7:11–12). Maaari kang makalaya mula sa impluwensyang dulot ng pasakit na ito sa iyo. Mahal ka ng Panginoon gaano man kasidhi ang sakit o gaano man ito katagal maghilom.
Sinabi ni Pangulong James E. Faust: “Ang kapatawaran ay hindi laging daglian. … Nangangailangan ng panahon ang karamihan sa atin upang malimutan ang sakit at kawalan. Marami tayong dahilan para ipagpaliban ang pagpapatawad. Isa na rito ang paghihintay na magsisi ang mga nagkasala bago natin sila patawarin. Subalit dahil sa pagpapalibang iyon, nawawalan tayo ng kapayapaan at kaligayahang maaari sanang nakamtan natin” (“Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 68).
Ang Naidudulot ng Pagpapatawad
Ang pagpapatawad ay tumutulong sa atin na muling mamuhay nang may kapayapaan at kagalakan.
Binanggit ni Pangulong Faust si Dr. Sidney Simon: “Ang pagpapatawad ay pagpapalaya at pagtutuon ng lakas sa mas makabuluhang bagay na minsan ay nabuhos sa pagtatanim ng sama-ng-loob, galit, at hinanakit. Ito ay muling pagtuklas sa mga lakas na lagi nating taglay at pagsasaayos ng ating walang-hanggang kakayahang unawain at tanggapin ang ibang tao at ating sarili” (sa “Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” 68).
Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan ng paglimot sa pagkakasala o pagkukunwaring hindi ito nangyari kailanman. Ito ay hindi nangangahulugan na pahihintulutan mo na magpatuloy ang pang-aabuso. Hindi ito nangangahulugan na posible na maghilom ang lahat ng relasyon. At hindi ito nangangahulugang hindi pananagutin ang nagkasala sa kanyang mga ginawa. Ang ibig sabihin nito ay matutulungan ka ng Tagapagligtas na bumitaw.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahulugan ng pagpapatawad sa malalaking pagkakasala. Sinabi niya, “Mahalaga para sa sinuman sa inyo na tunay na nagdadalamhati na pansinin ang hindi … sinabi [ng Tagapagligtas]. Hindi Niya sinabing, ‘Hindi ka puwedeng makadama ng totoong sakit o kalungkutan sa masasakit na karanasan mo sa kamay ng iba.’ Hindi rin Niya sinabing, ‘Para magpatawad nang lubusan kailangan mong magpatuloy sa di-kanais-nais na relasyon o bumalik sa mapang-abuso, at mapaminsalang kalagayan.’ Ngunit kahit sa kabila ng pinakamabibigat na pagkakasalang maaaring gawin sa atin, mapaglalabanan lamang natin ang sakit kapag tinahak natin ang landas tungo sa tunay na paggaling. Ang landas na iyan ay ang maging mapagpatawad na tulad ni Jesus ng Nazaret, na nananawagan sa bawat isa sa atin, ‘Sumunod Ka sa Akin’” (“Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2018).
Pagpapatawad sa Iyong Sarili
Maaari mong isipin na kailangan mong patawarin ang iyong sarili dahil sa pang-aabuso. Mangyaring tandaan na hindi ka dapat sisihin sa mga kilos ng ibang tao (tingnan sa “Ano kaya kung sa palagay ko ay kasalanan ko kaya ako inabuso?”).
Maaaring nahihirapan ka rin na patawarin ang iyong sarili sa masasamang pagpiling nagawa mo para makayanan ang sakit na dulot ng pang-aabuso. Mahalaga na matutuhang magkaroon ng habag sa iyong sarili. Sinabi ng Panginoon na “inaangkop [Niya] ang kanyang mga awa alinsunod sa mga kalagayan ng mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 46:15). Alam Niya kung ano ang kailangan mo at kung paano ka Niya matutulungan.
Resources o mga Sanggunian sa Simbahan at Komunidad
(Ang ilan sa resources o mga sangguniang nakalista sa ibaba ay hindi nililikha, pinananatili, o kinokontrol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagama’t ang mga materyal na ito ay ginawa para maging karagdagang resources o sanggunian, ang Simbahan ay hindi nag-eendorso ng anumang nilalaman na hindi naaayon sa mga doktrina at mga turo nito.)
-
“Faith to Forgive Grievous Harms: Accepting the Atonement as Restitution,” James R. Rasband (debosyonal sa Brigham Young University, Okt. 23, 2012)
-
“Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” David A. Bednar, Ensign o Liahona, Mayo 2012
-
“Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Jeffrey R. Holland, Ensign o Liahona, Nob. 2018
-
“Forgiveness,” Steve Gilliland, Ensign, Ago. 2004
-
“Forgiving Others: Misconceptions and Tips,” Elizabeth Lloyd Lund, Ensign, Abr. 2018
-
“Friends Again at Last: Justice and Mercy in the Warming Glow of Charity,” Lance B. Wickman, Ensign, Hunyo 2000
-
“Perfection Pending,” Russell M. Nelson, Ensign, Nob. 1995
-
“Forgiveness – Letting go of grudges and bitterness” – Mayo Clinic