“Pambungad,” Tulong para sa mga Biktima (2018).
“Pambungad,” Tulong para sa mga Biktima.
Tulong para sa mga Biktima
Ang pang-aabuso ay kapabayaan o maling pagtrato ng ibang tao na nagdudulot ng pisikal, emosyonal, o seksuwal na pinsala. Ito ay salungat sa mga turo ng Tagapagligtas. Isinusumpa ng Panginoon ang mapang-abusong pag-uugali sa anumang paraan.
“Ang paninindigan ng Simbahan ay na ang pang-aabuso ay hindi pinapahintulutan sa anumang anyo” (Handbook 1: Stake Presidents and Bishops [2010], 17.3.2). Ang pang-aabuso ay labag sa mga batas ng Diyos at maaaring paglabag din sa mga batas ng lipunan. Inaasahan ng Panginoon na magiging masigasig tayo sa pagpigil sa pang-aabuso at poprotektahan at tutulungan natin ang mga biktima ng pang-aabuso. Hindi inaasahan na tiisin ng sinuman ang mapang-abusong pag-uugali.
Kung ikaw ay inaabuso o inabuso noon, hindi mo ito kailangang harapin nang mag-isa. Maaari kang makadama ng kalituhan, kawalang-kakayahan, takot, pag-iisa, kahihiyan, o parang nawalan ka na ng halaga. “Tandaan na ang kahalagahan ng [iyong kaluluwa] ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10), at ikaw ay “[kasinghalaga ng iba] sa kanyang paningin” (Jacob 2:21). Ang mga kaibigan, pamilya, mga lider ng Simbahan, at iba pa ay maaari kang ikonekta o iugnay sa resources na tutulong sa iyo na madamang ligtas ka upang ikaw ay maghilom at maalaala ang iyong halaga. Ikaw ay minamahal, at makakahanap ka ng pag-asa at paghilom sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Ang content o nilalaman na ito ay ginawa para tulungan ang mga naging biktima ng pang-aabuso at tulungan ang mga lider at iba pa na maglingkod sa mga tao at sa kanilang mga pamilya na naaapektuhan ng pang-aabuso. Maraming iba’t ibang mga kataga na ginamit para ilarawan ang mga taong nakaranas ng pang-aabuso. Sa site na ito, ang salitang biktima ay ginagamit upang ilarawan ang sinumang tao na nakaranas o kaya naman ay nakakaranas ng pang-aabuso.
Ang impormasyong ito ay nagbibigay ng patnubay at resources o mga sanggunian upang:
-
Tulungan ang mga biktima ng pang-aabuso na makahanap ng pag-asa, tulong, at paghilom.
-
Tulungan ang mga kapamilya, kaibigan, o iba pa na matukoy kung may pang-aabuso at malaman kung ano ang gagawin upang humingi ng tulong para sa mga biktima.
-
Tulungan ang mga magulang na kausapin ang kanilang mga anak tungkol sa pang-aabuso.
Ang resources o mga sanggunian at impormasyon para sa mga miyembro ng ward council sa paksa ng pang-aabuso ay matatagpuan sa CounselingResources.org.
Dapat isipin ng mga lider ang mga paraan upang matiyak na alam ng mga miyembro ang resources o mga sangguniang ito. Hinihikayat ang mga miyembro at lider na pag-aralan at gamitin ang mapagkakatiwalaang lokal na resources para sa tulong kapag may problema, gayundin para sa pangmatagalang pagsuporta.