“2 Nephi 28:27–32: ‘Siya na Tumatanggap ay Bibigyan pa [ng Diyos] ng Karagdagan,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“2 Nephi 28:27–32,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
2 Nephi 28:27–32
“Siya na Tumatanggap ay Bibigyan pa [ng Diyos] ng Karagdagan”
Mayroon ka bang mga tanong na pang-espirituwal na hindi nasasagot, o hinihiling mo ba kung minsan na mas mabilis na lumakas ang iyong patotoo? Ipinaliwanag ni Nephi na ang kaalaman mula sa Ama sa Langit ay dumarating nang paunti-unti kapag handa tayong patuloy na tanggapin ang itinuturo Niya sa atin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapalalim ang iyong pag-unawa tungkol sa kung paano maihahayag ng Ama sa Langit ang katotohanan sa atin.
Tinuturuan tayo ng Diyos nang paunti-unti
Ipagpalagay na nakatingala ka at tinitingnan ang isang mataas na hagdanan na kumakatawan sa iyong espirituwal na kaalaman at pag-unawa.
-
Kung ang itaas ng hagdanan ay kumakatawan sa kaalaman ng Diyos, nasaan sa palagay mo ang kasalukuyang antas ng kaalaman mo?
-
Ano ang mga paraan na tinutulungan tayo ng Diyos na madagdagan ang ating espirituwal na kaalaman at pag-unawa sa paglipas ng panahon?
-
Ano ang mangyayari sa isang taong hindi ginagawa ang susunod na hakbang dahil nadarama nilang kuntento na sila sa kaalamang mayroon na sila?
Sa 2 Nephi 28, ipinagpatuloy ni Nephi ang kanyang propesiya sa mga huling araw. Inilarawan niya ang ilan sa mga pag-uugaling magiging laganap sa ating panahon at nagbahagi siya ng huwarang ginagamit ng Panginoon upang tulungan tayong matanggap at maunawaan ang katotohanan.
Basahin ang 2 Nephi 28:26–30, at pagnilayan kung paano nakatutulong sa iyo ang analohiya sa hagdanan upang maunawaan ang mga katotohanang itinuro ni Nephi tungkol sa Panginoon. Maaaring makatulong na malaman na ang mga tuntunin ay mga kautusan o alituntunin na nagtuturo sa atin kung paano kumilos.
-
Ano ang ipinapaunawa sa iyo ng scripture passage na ito tungkol sa Panginoon? Paano mapagpapala ng pag-unawang ito ang iyong buhay?
-
Sa iyong palagay, bakit hindi tinatanggap ng ilang tao ang pagkakataong matuto nang higit pa sa nalalaman na nila tungkol sa salita ng Diyos?
Basahing muli ang talata 30 at isipin kung paano mo ibubuod sa sarili mong mga salita ang itinuturo nito. Maaari mong isulat ang buod mo sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng talatang ito.
Isang huwaran para sa ating espirituwal na pag-unlad
Isa sa mga katotohanang matatagpuan sa scripture passage na ito ay inihahayag ng Diyos ang katotohanan nang taludtod sa taludtod sa mga taong tatanggap nito.
Mga huwaran ng liwanag
ChurchofJesusChrist.org Maghanap ng mga huwaran na ginagamit ng Diyos upang ipahayag ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga anak.
Basahin ang kahit dalawa sa mga sumusunod na scripture passage, at alamin kung ano ang idinaragdag ng mga ito sa naunawaan mo sa 2 Nephi 28:30. Maaari mong iugnay o i-cross-reference ang mga talatang ito sa 2 Nephi 28:30 sa iyong mga banal na kasulatan.
Pag-isipan kung paano unti-unting lumago ang iyong pag-unawa at patotoo tungkol sa ebanghelyo sa paglipas ng panahon. Isulat sa iyong study journal kung ano sa iyong palagay ang nais ng Ama sa Langit na alalahanin at gawin mo dahil sa napag-aralan mo ngayon.