Seminary
Jacob 5:1–53: “Ang Panginoon ng Olibohan”


“Jacob 5:1–53: ‘Ang Panginoon ng Olibohan,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Jacob 5:1–53,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Jacob 5:1–53

“Ang Panginoon ng Olibohan”

olibohan

Pinagmamalasakitan ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak, yaong mabubuti at yaong pinipiling maging masama. Ibinahagi ni Jacob ang talinghaga ni Zenos tungkol sa mga punong olibo, na simbolikong naglalarawan ng pagkalat ng ilang mabubuti at ilang masasama. Inilalarawan din ng talinghagang ito ang mga pagsisikap ng Panginoon na tipunin ang Israel sa mga huling araw. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang pagmamahal ni Jesucristo para sa iyo at sa lahat ng tao.

Ang pagmamahal ng Diyos sa mga naliligaw ng landas

Isipin ang sumusunod na sitwasyon:

Nakokonsensya si Lisa tungkol sa ilan sa mga pagkakamaling nagawa niya kamakailan. Nagsimula na siyang mag-isip kung nagmamalasakit pa rin ba sa kanya ang Diyos dahil sa mga pagkakamaling ito.

  • Ano kaya ang masasabi mo kung sinisikap mong tulungan ang isang taong nakadarama ng katulad ng kay Lisa?

  • Bakit maaaring mahirap mahiwatigan o madama ang pagmamahal ng Diyos matapos nating piliing magkasala?

Pag-aaralan mo ngayon ang isang salaysay sa banal na kasulatan na nagpapakita ng pagmamahal ng Panginoon sa mga taong naliligaw ng landas. Sa pag-aaral mo, maghanap ng mahahalagang aral tungkol sa kahandaan ni Jesucristo na tulungan ang mga taong lumayo sa Kanya. Pag-isipan kung paano makatutulong sa iyong sitwasyon ang mga katotohanang natutuhan mo.

Ang talinghaga ng mga punong olibo

Ipinropesiya ni Jacob na tatanggihan ng mga Judio si Jesucristo (tingnan sa Jacob 4:15). Upang matulungan ang kanyang mga tao na maunawaan kung paano tutulungan ng Tagapagligtas ang mga Judio na bumalik sa Kanya, itinuro sa kanila ni Jacob ang isang talinghagang ibinigay ng isang propetang nagngangalang Zenos. Ang isang talinghaga ay gumagamit ng mga tauhan, bagay, at kilos na may sinisimbolo upang magturo ng mga katotohanan.

Ang sumusunod ay ilan sa mahahalagang simbolo ng talinghaga, kasama ang posibleng mga kahulugan nito. Isiping ilista ang mga simbolong ito sa iyong study journal o mga banal na kasulatan.

Simbolo

Posibleng Kahulugan

Simbolo

Panginoon o pinuno ng olibohan

Posibleng Kahulugan

Jesucristo

Simbolo

Ang olibohan

Posibleng Kahulugan

Ang daigdig

Simbolo

Likas na punong olibo

Posibleng Kahulugan

Ang sambahayan ni Israel, ang mga pinagtipanang tao ng Diyos

Simbolo

Ligaw na punong olibo

Posibleng Kahulugan

Mga Gentil (mga hindi nakipagtipan sa Panginoon) at nag-apostasiyang Israel

icon, isulat
  1. Gawin ang sumusunod:

    Upang matulungan kang maghandang matuto tungkol kay Jesucristo habang pinag-aaralan mo ang Jacob 5, isulat ang “Ang natutuhan ko tungkol kay Jesucristo mula sa Jacob 5” sa gitna ng isang blangkong pahina sa iyong study journal at bilugan ito. Sa buong lesson, maghanap ng mga katotohanan at kaalaman tungkol kay Jesucristo, ang Panginoon ng olibohan. Isulat ang mga natuklasang ito sa loob o sa paligid ng bilog sa iyong study journal.

Ang nakumpleto mong pahina ng mga kaalaman tungkol kay Jesucristo ang ipapasa mo bilang assignment mo para sa lesson na ito.

Pag-unawa sa talinghaga

Ang simula ng talinghaga ay maaaring kumatawan sa panahon bago ang mortal na ministeryo ni Jesucristo. Basahin ang Jacob 5:3–6, at alamin ang nangyari sa likas na punong olibo, na kumakatawan sa mga pinagtipanang tao ng Diyos.

  • Ano sa palagay mo ang isinisimbolo ng pagkabulok ng puno?

  • Ano sa palagay mo ang isinasagisag ng pagpupungos, pagbubungkal, at pag-aalaga ng panginoon ng olibohan?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga gawaing ito tungkol kay Jesucristo? (Idagdag ang iyong mga nalaman sa pahina sa iyong journal.)

Matapos ang unang pagdalaw na ito, may dalawa pang mahalagang ginawa ang panginoon ng olibohan upang iligtas ang kanyang likas na punong olibo:

  1. Iniutos niya na alisin ang mga nabubulok na mga sanga ng punong olibo at ihugpong sa pangunahing puno ang ilang sanga mula sa isang ligaw na punong olibo (tingnan sa Jacob 5:7–10). Ang paghuhugpong na ito ay maaaring sumasagisag sa pagsisikap ng Panginoon na tulungan ang mga Gentil na maging bahagi ng Kanyang mga pinagtipanang tao sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagbabalik-loob.

  2. Kinuha niya ang mga sariwa at murang sanga mula sa pangunahing punong olibo at inihugpong Niya ang mga ito sa iba’t ibang dako ng olibohan (tingnan sa Jacob 5:8, 13–14). Ito ay maaaring kumatawan sa pagkalat ng Israel sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang ilan sa mga nakalat ay mabubuti, tulad ng pamilya ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 10:12–13). Ang iba ay ikinalat dahil sa kasamaan.

Inilalarawan sa nalalabing bahagi ng talinghaga ang pagdalaw ng panginoon ng olibohan sa kanyang olibohan kalaunan. Ang mga pagdalaw na ito ay maaaring sumagisag sa iba’t ibang panahon sa kasaysayan ng mundo.

Pag-aralan ang mga sumusunod na scripture verse, at alamin ang nangyari sa pangunahing puno at sa mga nakalat na puno sa bawat pagdalaw.

  • Ano ang napansin ninyo tungkol sa kalagayan ng mga puno at mga bunga sa mga pagdalaw na ito?

  • Ano ang napansin ninyo tungkol sa mga salita at ginawa ng panginoon ng olibohan sa mga pagdalaw na ito?

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng mga salita at pariralang ito tungkol kay Jesucristo? (Idagdag ang inyong mga nalaman sa pahina ng inyong journal.)

Nagbahagi si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ng isang aral na matututuhan natin tungkol sa Diyos mula sa mga scripture verse na ito:

15:28

Matapos ang pagbubungkal at pagpupungos, pagdidilig at pagdadamo, pagpuputol, paglilipat, at paghuhugpong, ay tumigil sa paggawa ang Panginoon ng olibohan at nanangis, at sinabi sa sinumang makikinig, “Ano pa ba ang magagawa ko para sa aking olibohan?” [Jacob 5:41, 49].

Di malilimutan ang paglalarawang ito ng pagmamalasakit ng Diyos sa ating buhay! Napakasakit sa isang magulang kapag hindi Siya pinili ng Kanyang mga anak ni “ang ebanghelyo ng Diyos” [Roma 1:1] na Kanyang ipinadala! Kay daling mahalin ang taong lubos na nagmamahal sa atin! (Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 72)

  • Ano ang mahalaga para sa iyo sa pahayag na ito? Bakit?

Ang patuloy na pagsisikap ng panginoon ng olibohan

Basahin ang Jacob 5:51–53, at alamin ang piniling gawin ng panginoon ng olibohan matapos makita ang kanyang mga nabubulok na puno.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa inyo tungkol sa Panginoon? (Idagdag ang inyong mga nalaman sa pahina ng inyong journal.)

  • Paano ninyo ibubuod ang mga aral na natutuhan ninyo mula sa Jacob 5 sa isang pahayag ng katotohanan?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa Jacob 5 ay mahal ng Panginoon ang lahat ng anak ng Ama sa Langit at patuloy Niya silang pinagmamalasakitan kahit tumalikod sila sa Kanya.

  • Paano makatutulong ang katotohanang ito sa isang tao na magkaroon ng mas malaking hangaring magsisi?

  • Ano ang ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o mula sa inyong buhay na nagpapakita na patuloy na minamahal at pinagmamalasakitan ng Panginoon ang mga tao kahit na tumalikod sila sa Kanya?

Pag-isipan ang natutuhan at nadama mo ngayon na maaaring makaimpluwensya sa iyong buhay. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang mga impresyon mo.