“Jacob 4: ‘Ang Aming Pananampalataya ay Naging Matatag,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Jacob 4,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Jacob 4
“Ang Aming Pananampalataya ay Naging Matatag”
Ang pag-ukit ng mga salita sa mga laminang metal ay hindi madaling gawain (tingnan sa Jacob 4:1). Kaya bakit pagsisikapan ni Jacob na gawin ito? Nadama niya ang kagalakang makilala ang Tagapagligtas at hinangad niyang tulungan din tayo na lumapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtukoy, pagtatala, at pagninilay sa mga alituntunin at katotohanang itinuro ni Jacob.
Ano ang ibabahagi mo?
Sinunod ni Jacob ang isang kautusan na isulat sa maliliit na lamina “ang ilan sa mga bagay na inaakala [niyang] pinakamahalaga” (Jacob 1:2) upang mabasa ng mga susunod na henerasyon (tingnan sa Jacob 4:1–3). Kunwari ay hiniling din sa iyong sumulat ng maikling mensahe para sa mga tao sa hinaharap.
Sumulat ng isang talatang naglalaman ng pinakamahahalagang bagay na alam o naranasan mo upang mabasa ng iyong mga anak at apo sa hinaharap.
Mensahe ni Jacob sa atin
Habang pinag-aaralan mo ang mensaheng nabigyang-inspirasyon si Jacob na ukitin sa Jacob 4 upang mabasa ng mga tao sa ating panahon, magkakaroon ka ng pagkakataong magsanay gamit ang mga nakatutulong na kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan. Kabilang sa mga kasanayang ito ang:
-
Pagtukoy at pagtatala ng mga alituntunin at katotohanan
-
Pagninilay at pagtatanong na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga katotohanan at alituntunin
Ang paggamit ng mga kasanayang ito ay makatutulong sa iyo na matuto at mas makadama mula sa Espiritu Santo habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan.
1. Pagtukoy at pagtatala ng mga alituntunin at katotohanan
Makatutulong na tumigil kapag binabasa mo ang mga banal na kasulatan at itala ang natutuhan mo bilang mga simpleng pahayag ng katotohanan. Maaari mong gamitin ang sarili mong mga salita o gamitin mismo ang mga salita at parirala mula sa mga banal na kasulatan.
Sanaying tumukoy ng mga alituntunin at katotohanan sa pamamagitan ng:
-
Pagbabasa ng Jacob 4:1, 4–6, at pag-alam kung ano ang itinala ni Jacob tungkol sa Tagapagligtas ayon sa inspirasyong natanggap niya.
-
Pagmamarka sa mga salita at parirala na mahalaga sa iyo.
-
Pagsusulat sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan kung ano sa palagay mo ang pinakamahahalagang mensahe sa mga talatang ito.
Isang halimbawa ng isang alituntuning maaari mong matukoy mula sa talata 6 ay ang taos-pusong pagsasaliksik sa mga salita ng mga propeta ay magpapalakas sa aking pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan malapit sa talata 6.
2. Pagninilay at pagtatanong
Ang pagninilay ay makatutulong sa iyo na maunawaan at maipamuhay ang mga alituntunin at katotohanang matutukoy mo. Maaari mong pag-isipan ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Bakit ko iniisip na kailangang malaman ng mga tao sa ating panahon ang katotohanang ito?
-
Paano ito naaangkop sa buhay ko?
-
Ano ang nais ng Panginoon na gawin ko dahil sa natutuhan ko?
Magsanay na gamitin ang mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan
Sanayin ang mga kasanayan sa pagtukoy, pagtatala, at pagninilay ng mga alituntunin at katotohanan sa pamamagitan ng:
-
Pag-aaral ng Jacob 4:7–14, at paghahanap ng mahahalagang turo na piniling itala ni Jacob tungkol sa Tagapagligtas.
-
Pagsusulat sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan ng isang alituntunin o katotohanan na sa palagay mo ay mahalagang maunawaan ng mga tao sa mundo ngayon.
-
Pagninilay sa kahalagahan ng nalaman mo. Magtanong ng mga bagay na makatutulong sa iyo na mas maunawaan at maipamuhay ito. (Ang mga halimbawa ng mga tanong na maaari mong pag-isipan ay matatagpuan sa bahaging “Pagninilay at pagtatanong” sa naunang bahagi ng lesson.)