“Jacob 2:1–21: ‘Huwag Hayaang Wasakin ng [Kapalaluang Ito] ang Inyong mga Kaluluwa,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Jacob 2:1–21,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Jacob 2:1–21
“Huwag Hayaang Wasakin ng [Kapalaluang Ito] ang Inyong mga Kaluluwa”
Alam ng propetang si Jacob sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos na nahihirapan ang mga Nephita sa ilang kasalanan. Nangaral siya sa templo upang talakayin ang mga kasalanang ito, kasama ang kasalanan na kapalaluan. Lahat tayo ay nahihirapan sa kapalaluan kung minsan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maging higit na katulad ni Jesucristo sa pamamagitan ng paghiwatig at pagdaig sa kasalanan na kapalaluan.
Kapalaluan
Maghanap ng katibayan ng kapalaluan sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
Umaasa si Koji na magkakamali ang isang kagrupo sa isang laro upang magkaroon siya ng mas maraming oras sa paglalaro.
-
Pinalabis ni Silvia ang kanyang mga tagumpay upang magmukha siyang maging mas magaling o mas mahalaga sa iba.
-
Hindi nagpapasalamat si Jens at hindi kinikilala ang kabutihang ginagawa ng iba.
-
Kinukutya ni Amy ang iba at pinagtatawanan niya sila kapag wala sila.
-
Anong katibayan ng kapalaluan ang nakita mo?
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
Ang kapalaluan ay isang kasalanang madaling makita sa iba ngunit bihirang aminin sa ating sarili. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 275)
Ngayon, isipin ang Tagapagligtas. Sa kabila ng marami Niyang tagumpay at kakayahan, lagi Siyang maamo at mapagpakumbaba (tingnan sa Mateo 11:29). Sa iyong pag-aaral, isipin ang mga paraan na maaaring makita sa iyong buhay ang kapalaluan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maging higit na katulad ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagdaig sa kasalanan na kapalaluan.
“Huwag hayaang wasakin ng [Kapalaluang ito] ang inyong mga kaluluwa”
Tinulungan ng Panginoon ang propetang si Jacob na malaman ang mga iniisip ng mga tao at inutusan siyang magpunta sa templo at magpatotoo laban sa kanilang mga kasalanan, kasama na ang kasalanan na kapalaluan (tingnan sa Jacob 2:1–13).
Sa iyong study journal, gumuhit ng linya sa gitna ng pahina nito. Sa itaas ng kaliwang bahagi ng pahina, isulat ang “Mga pagpapakita ng kapalaluan.” Sa itaas ng kanang bahagi, isulat ang “Mga paraan na maaari tayong maging katulad ng Tagapagligtas at mapaglabanan ang kapalaluan.”
Basahin ang Jacob 2:12–16, at maghanap ng mga pagpapakita ng kapalaluan. Idagdag ang mga ito sa kaliwang bahagi ng iyong journal entry. Maaari mo ring panoorin ang “Nagturo si Jacob tungkol sa Kapalaluan,” na nasa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:23 hanggang 4:39.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talatang ito ay winawasak ng kapalaluan ang ating mga kaluluwa (Jacob 2:16).
Nagbahagi si Elder Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, at si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ng mga karagdagang paraan kung paano naipapakita ang kapalaluan sa ating buhay. Magdagdag ng mga ideya mula sa kanilang mga salita sa kaliwang bahagi ng iyong journal entry.
Ang matinding kaaway ng pag-ibig sa kapwa ay pagmamalaki. Ang pagmamalaki ay isa sa pinakamalalaking dahilan kaya nagkakaproblema ang mga mag-asawa at pamilya. Ang pagmamalaki ay mayayamutin, malupit, at mainggitin. Ang pagmamalaki ay pinalalabis ang sarili nitong lakas at hindi pinapansin ang magagandang katangian ng iba. Ang pagmamalaki ay sakim at madaling magalit. Ang pagmamalaki ay ipinalalagay na may masamang layon ang iba kahit wala at nagkukunwari para itago ang sarili nitong mga tusong katwiran. Ang pagmamalaki ay mapangutya, negatibo, magagalitin, at walang pasensya. Tunay ngang kung ang pag-ibig sa kapwa ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang pagmamalaki kung gayon ay pangunahing katangian ni Satanas. (Dieter F. Uchtdorf, “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” Liahona, Mayo 2016, 80)
Itinuturing ng karamihan sa atin ang kapalaluan na pagkakasala ng mga taong angat sa buhay, tulad ng mayayaman at nakapag-aral, na humahamak sa atin. (Tingnan sa 2 Ne. 9:42.) Gayunman, may isang mas karaniwang problema sa atin—at iyon ay ang kapalaluan mula sa ibaba na nakatingin sa itaas. Nakikita ito sa napakaraming paraan, tulad ng paghahanap ng mali, pagtsitsismis, paninirang-puri, pagbubulung-bulong, pamumuhay nang higit pa sa ating kinikita, inggit, pag-iimbot, hindi pasasalamat at pagbibigay ng papuri na maaaring magpasigla sa iba, at hindi pagpapatawad at pagseselos. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 275)
-
Ano ang mga karagdagang paraan kung paano ninyo nakikita ang kapalaluan sa ating mundo ngayon?
-
Paano naging kabaligtaran ng pagkatao ni Jesucristo ang kapalaluan?
Tumigil sandali at pagnilayan ang sarili mong mga iniisip at ikinikilos. Sa anong mga paraan ka nahihirapan kung minsan sa kasalanan na kapalaluan? Paano nakakaapekto ang mga nakikitang kapalaluang ito sa iyong mga pakikipag-ugnayan at kaligayahan? Ano kaya ang gusto mong baguhin? Bakit?
Pagdaig sa Kapalaluan
Itinuro ni Jacob kung paano tayo magkakaroon ng pag-asa kay Cristo at kung paano natin mapaglalabanan ang kasalanan na kapalaluan.
Basahin ang Jacob 2:17–21, at alamin ang mga paraan kung paano mo maiiwasan ang kasalanan na kapalaluan. Idagdag ang mga ito sa kanang bahagi ng iyong journal entry. Maaari mo ring panoorin ang “Nagturo si Jacob tungkol sa Kapalaluan,” na nasa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 4:40 hanggang 5:44.
Pag-isipan ang sarili mong pangangailangang matukoy at mapaglabanan ang kapalaluan sa iyong buhay. Isipin ang mga partikular na sitwasyon o ugnayan kung saan ka nagpapakita ng kapalaluan. Sikaping matukoy kung paano maaaring makaapekto ang kapalaluan sa iyong mga pakikipag-ugnayan. Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagdaig sa kapalaluan habang ginagawa mo ang sumusunod:
-
Pumili ng isang pagpapakita ng kapalaluan mula sa kaliwang bahagi ng iyong journal entry na nahikayat kang pagtuunang madaig sa oras na ito.
-
Mula sa kanang bahagi ng iyong journal entry, pumili ng isang paraan kung paano mo mapaglalabanan ang pagpapakita ng kapalaluan. Isipin ang mga katangiang tulad ng kay Cristo at isulat ang mga partikular na bagay na magagawa mo.