Seminary
Jacob 2:22–35: Ang Batas ng Kalinisang-puri


“Jacob 2:22–35: Ang Batas ng Kalinisang-puri,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Jacob 2:22–35,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Jacob 2:22–35

Ang Batas ng Kalinisang-puri

dalagita

Ang mundo ay tumatalikod sa mga pamantayan ng kadalisayan ng puri, ngunit ang pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri ay hindi nagbabago. Matapos matanggap ang kanyang tungkulin mula sa Panginoon, itinuro ni Jacob sa kanyang mga tao ang tungkol sa batas ng kalinisang-puri. Angkop pa rin ngayon ang mga turo ni Jacob. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na malugod sa kalinisang-puri tulad ng Panginoon.

Babala ni Jacob

Chart ng mga pamantayan
  • Paano ninyo ilalarawan ang ipinapakita ng diagram na ito tungkol sa mga pamantayan ng Panginoon at sa mga pamantayan ng mundo?

  • Sa anong mga paraan ninyo nakikitang lumalayo ang mga pamantayan ng mundo sa mga pamantayan ng Panginoon?

Nagbahagi si Pangulong Russell M. Nelson ng isang paraan kung paano lumalayo ang mundo sa pamantayan ng Panginoon:

Pananampalataya ang kailangan para mamuhay nang dalisay kapag isinisigaw ng mundo na makaluma na ang batas ng Diyos sa kalinisang-puri. (Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 104)

  • Anong mga halimbawa nito ang nakikita mo?

Ang batas ng kalinisang-puri ng Panginoon ay malinaw at hindi nagbabago. “Ang kalinisang-puri ay kadalisayan ng puri. Ang mga taong dalisay ang puri ay malinis sa kanilang mga iniisip, sinasabi, at ginagawa. Ang ibig sabihin ng kalinisang-puri ay hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon bago ang kasal. Ang ibig ding sabihin nito ay lubos na katapatan sa asawa” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Kalinisang-puri”).

Sa pag-aaral mo ng Jacob 2, alamin ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa kalinisang-puri.

Mahal ni Jacob ang kanyang mga tao. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, nalaman ni Jacob ang mga iniisip ng mga tao at ang kasamaan ng kanilang mga puso (tingnan sa Jacob 1:15; 2:5–6). Alam Niya na sila ay “nagsisimula [na] maging makasalanan, kung aling kasalanan ay labis na karumal-dumal … sa Diyos” (Jacob 2:5). Matapos balaan ang mga Nephita tungkol sa kasalanan na kapalaluan (tingnan sa Jacob 2:12–21), nagbabala si Jacob sa mga Nephita tungkol sa “higit na mabigat na kasalanan” (Jacob 2:22) na pinag-iisipan ng kanyang mga tao.

Basahin ang Jacob 2:22–24, at alamin kung paano inilarawan ni Jacob ang higit na mabigat na kasalanang ito. (Ang pagpapatutot ay kapag ang isang tao ay may seksuwal na relasyon sa isang tao na hindi niya asawa.)

Maaari mo ring panoorin ang video na “Nagturo si Jacob tungkol sa Kalinisang-puri,” na nasa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:20 hanggang 1:51.

4:54

Nagturo si Jacob tungkol sa Kalinisang-puri | Jacob 2:23–35; 3:1–11

Jacob 2–3 | Itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob ang kahalagahan ng kalinisang-puri at katapatan sa asawa.

  • Ano ang papel na ginagampanan ng ating isipan sa pagsunod natin sa batas ng kalinisang-puri (tingnan sa Mateo 5:28)?

Ang Panginoon ay nalulugod sa kalinisang-puri

Ang ilan sa mga Nephita ay lumalabag sa batas ng kalinisang-puri sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mahigit sa isang asawa, gayong ang gawaing ito ay kinundena na ng Panginoon bago nilisan ni Lehi ang Jerusalem (Jacob 2:34). Pag-isipan ang ginagawa mo sa iyong buhay upang mapaglabanan ang mga tukso na nauukol sa batas ng kalinisang-puri.

Basahin ang Jacob 2:25–28, at alamin ang itinuro ni Jacob sa mga Nephita upang matulungan sila na mapaglabanan ang tuksong gumawa ng kasalanang seksuwal.

  • Ano ang pananaw ng Panginoon tungkol sa kalinisang-puri?

Si Jacob ay nagsalita sa kalalakihan, na karamihan sa kanila ay hinihimok ang kababaihan na labagin ang batas ng kalinisang-puri. Kaya nga, nagsalita siya tungkol sa pagkalugod ng Panginoon sa kalinisang-puri ng kababaihan. Ang Panginoon ay nalulugod sa kalinisang-puri ng lahat ng Kanyang mga anak—kapwa kalalakihan at kababaihan.

Basahin ang bahaging “Ang inyong katawan ay sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (2022, buklet), at alamin kung bakit ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay isang bagay na dapat ikalugod.

ChurchofJesusChrist.org

4:19

I Choose to be Pure

Six interfaith youth speak candidly on why they have chosen to be sexually pure.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Bakit sa palagay mo ay nalulugod ang Panginoon sa kalinisang-puri?

    • Ano ang maaaring katibayan sa buhay ng isang tao na nalulugod siya sa kalinisang-puri?

    • Ano ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ang natataglay natin sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri?

Basahin ang Jacob 2:31–35, at alamin kung paano nakaapekto ang mga imoral na desisyon ng mga lalaking Nephita sa kanilang mga pamilya.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Anong mga problema ang dumarating kapag hindi natin pinahahalagahan ang kalinisang-puri tulad ng pagpapahalaga ng Panginoon?

    • Paano maiiba ang mundo kung pinahahalagahan ng lahat ang kalinisang-puri tulad ng pagpapahalaga ng Panginoon?

    • Sa iyong palagay, paano nakakaimpluwensya ang pagkalugod sa kalinisang-puri sa iyong ugnayan sa Panginoon at sa iba pang tao?

templo

Isa sa mga tanong sa interbyu para sa temple recommend ay “Sinusunod mo ba ang batas ng kalinisang-puri?”

  • Ano ang naiisip at nadarama mo kapag iniisip mo ang isasagot mo sa tanong na ito sa iyong bishop?

  • Ano ang magagawa mo upang malugod ang Panginoon sa iyong kalinisang-puri?

Pag-isipan kung ano ang ginagawa mo upang sundin ang batas ng kalinisang-puri at kung paano ito nakakaapekto sa iyong buhay sa positibong paraan. Kung nalabag mo ang batas ng kalinisang-puri, makipag-usap sa iyong bishop. Matutulungan ka niya na magsisi. Nais kang patawarin ng Tagapagligtas. Sa Kanya ay makahahanap ka ng kapatawaran, kapayapaan, paggaling, at lakas na sundin ang batas ng kalinisang-puri.

Mga turo ni Jacob tungkol sa pag-aasawa ng higit sa isa

Matapos turuan ni Jacob ang kanyang mga tao na huwag magkaroon ng mahigit sa isang asawa sa isang pagkakataon (tingnan sa Jacob 2:27), ipinaliwanag niya ang mga kundisyon kung kailan maaaring pahintulutan ng Panginoon ang pag-aasawa ng higit sa isa (tingnan sa Jacob 2:30).

  • Ano ang itinuro ni Jacob tungkol sa pag-aasawa ng higit sa isa sa talata 30?

Ang pag-aasawa ng higit sa isa ay pinahihintulutan lang kapag iniutos ito ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta—ang Pangulo ng Simbahan—at wala nang iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:45–48). May ilang pagkakataon at lugar sa kasaysayan ng mundo kung saan iniutos ng Panginoon na mag-asawa ng higit sa isa ang Kanyang mga tao. Halimbawa, ang pag-aasawa ng higit sa isa ay ginawa nina Abraham, Sara, at Hagar (tingnan sa Genesis 16:1–3; Doktrina at mga Tipan 132:34–35). Ang apo ni Abraham na si Jacob ay nag-asawa rin ng higit sa isa (tingnan sa Genesis 29–30; Doktrina at mga Tipan 132:37). Ginawa ito nang ilang panahon noong mga unang araw ng ipinanumbalik na Simbahan, simula kay Propetang Joseph Smith. Ang pag-aasawa ng higit sa isa ay hindi na isinasagawa ng mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa Opisyal na Pahayag 1).