“Mosiah 5:6–15: ‘Taglayin Ninyo ang Pangalan ni Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosias 5:6–15,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 5:6–15
“Taglayin Ninyo ang Pangalan ni Cristo”
Ang mga pangalan ay maaaring magkaroon ng mahalagang kahulugan. Ano ang ibig sabihin ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo? Ang Mosias 5 ay naglalaman ng katapusan ng mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao nang tipunin niya ang mga tao upang bigyan sila ng pangalan (tingnan sa Mosias 1:11). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagtataglay sa iyong sarili ng pangalan ni Jesucristo.
Isang bagong pangalan
Isipin ang isang ulila na walang tumutulong o nagmamalasakit na kalaunan ay nakakilala ng isang mapagmahal at matatag na pamilya na nag-alok na ampunin siya.
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring gusto ng ulila na maampon at taglayin ang pangalan ng kanyang bagong pamilya?
-
Anong mga pagpapala ang maibibigay ng kanyang bagong ina at ama na hindi kayang ibigay ng ulila para sa kanyang sarili nang mag-isa?
-
Ano kaya ang madarama ng ulila tungkol sa kanyang bagong pamilya?
Sa kanyang dakilang mensahe sa kanyang mga tao, sinabi ni Haring Benjamin, “Nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo” (Mosias 5:8) at tawagin kayong “mga anak ni Cristo” (Mosias 5:7). Ang ilan sa mga tao ni Haring Benjamin ay mga Nephita, at ang iba pa ay mga inapo ni Mulek. Nais ni Haring Benjamin na magkaisa ang lahat ng tao sa iisang pangalang tulad ng sa isang pamilya.
Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan ngayon, pagnilayan ang mga paraan kung paano ka maaaring maging katulad ng ulila sa sitwasyon sa itaas at kung paano maaaring maging katulad ng Panginoon ang bagong magulang.
Mga pagpapala ng pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas |
Paano ko tinataglay ang pangalan ng Tagapagligtas |
---|---|
Alalahanin na sa Mosias 5:1–5, nagpatotoo ang mga tao na ang Espiritu ng Panginoon ay gumawa ng “malaking pagbabago” sa kanila at sila ay “nahahandang makipagtipan sa … Diyos na gawin ang kanyang kalooban” (Mosias 5:2, 5).
Basahin ang Mosias 5:6–10, at maghanap ng mga salita at parirala na maaari mong isulat sa ilalim ng dalawang column ng iyong chart. Maaaring makatulong na malaman na ang kanang kamay ng Diyos ay nagpapahiwatig ng pagsang-ayon at ang kaliwang kamay ay sumisimbolo ng hindi pagsang-ayon.
Paano natin tinataglay ang pangalan ni Cristo
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula kay Haring Benjamin ay kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga sagradong tipan, tayo ay nagiging mga anak ni Cristo at tinataglay natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan upang malinaw na maunawaan kung paano natin tinataglay ang pangalan ng Tagapagligtas.
Sinusunod ang huwaran sa banal na kasulatan, ang mga taong nabinyagan ay nagpapatunay sa harapan ng Simbahan “na sila ay tunay na nagsisi ng lahat ng kanilang kasalanan, at handang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas.” (D&T 20:37; tingnan din sa 2 Ne. 31:13; Moro. 6:3.) Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinaninibago natin ang tipang ito at ang lahat ng iba pang mga tipang ginawa natin sa mga tubig ng binyag. (Dallin H. Oaks, “Taking upon Us the Name of Jesus Christ [Pagtataglay ng Pangalan ni Jesucristo sa Ating Sarili],” Ensign, Mayo 1985, 80)
-
Paano ka mas napalapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan?
Upang matulungan kang patuloy na mapalalim ang iyong pag-unawa tungkol sa pagtataglay ng pangalan ni Jesucristo, basahin ang Mosias 5:11–13, 15, at maghanap ng iba pang payo mula kay Haring Benjamin tungkol sa pagtataglay ng pangalan ni Jesucristo sa iyong sarili.
ChurchofJesusChrist.org
Mag-isip ng mga halimbawa ng mga taong nakita mo na tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo.
-
Ano ang ginagawa nila na nagpapakita na tinaglay nila sa kanilang sarili ang Kanyang pangalan?
-
Ano ang papel na ginagampanan ng sacrament sa pagtulong sa atin na gawin ito nang mas mabuti?
Ang pangalan ni Jesucristo
Isipin ang mga ideya at impresyong natanggap mo mula sa Espiritu Santo habang nag-aaral ka ngayon. Isipin kung ano ang magagawa mo upang mas lubos na taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo.