“Mosiah 7–8: Ang mga Propeta ng Panginoon bilang mga Tagakita,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosiah 7–8,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 7–8
Ang mga Propeta ng Panginoon Bilang mga Tagakita
Tulad ng mga titulo ng Tagapagligtas na nagtuturo sa atin tungkol sa Kanya, ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay may mga titulo na tutulong sa atin na maunawaan ang kanilang mga tungkulin sa plano ng Ama sa Langit. Nang humingi ng tulong si Haring Limhi sa isang gawaing hindi niya alam kung paano tatapusin, isang lalaking nagngangalang Ammon ang nagturo sa kanya sa propeta. Ipinaliwanag din ni Ammon sa hari ang mahahalagang katotohanan tungkol sa tungkulin ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng mga propeta bilang mga tagakita rin sa plano ng Ama sa Langit.
Mga tanong tungkol sa mga propeta
Isipin kunwari na nalaman ng isang taong kilala mo na naniniwala ka sa mga makabagong propeta. Nilapitan ka niya at itinanong niya sa iyo ang mga sumusunod:
-
Narinig ko na may propeta ang simbahan ninyo. Ano ang ginagawa niya?
-
Bakit natin kailangan ng buhay na propeta ngayon?
-
Nabasa ko online na nagsalin si Joseph Smith ng sinaunang aklat. May iba pa bang sinauna o makabagong propeta na nakagawa niyon?
-
Ano ang pinaniniwalaan mo tungkol sa mga propeta?
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming turo tungkol sa mga propeta, kabilang dito ang paraan ng Ama sa Langit kung paano Niya ginagamit sila upang tulungan tayo. Habang nag-aaral ka, pag-isipan ang mga tanong sa itaas at hangaring palakasin ang iyong patotoo tungkol sa mga propeta. Maghanap din ng mga sagot sa mga karagdagang tanong mo tungkol sa mga propeta.
Tatlong paglalakbay
Ang tatlong paglalakbay ng mga Nephita ay mahalagang maunawaan para sa lesson na ito at sa susunod na mga lesson. Tingnan ang sumusunod na paglalarawan, at basahin ang paliwanag tungkol sa mga paglalakbay na inilarawan.
Noong hari (si Mosias) ang ama ni Haring Benjamin, nilisan ng isang lalaking nagngangalang Zenif ang Zarahemla kasama ang isang pangkat ng mga tao upang mabawi ang lupain ng Nephi (tingnan sa Mosias 9:3–4). Maraming taon nang walang narinig mula sa pangkat ni Zenif, kaya ang sumunod na hari, si Mosias (anak ni Haring Benjamin), ay nagpadala ng isang pangkat na pinamunuan ni Ammon upang hanapin sila (tingnan sa Mosias 7:1–3). Natagpuan nila ang mga tao ni Zenif, na pinamumunuan ng apo ni Zenif na si Haring Limhi. Ang mga tao ni Limhi ay inalipin ng mga Lamanita “dahil sa [kanilang] mga kasamaan” (Mosias 7:20).
Sinabi ni Haring Limhi kay Ammon na nagpadala siya ng isang pangkat na maghahanap sa Zarahemla, ngunit hindi sila nagtagumpay. Sa halip ay nagbalik sila at may dalang mga bagay mula sa lupaing nasa hilaga, kabilang na ang isang talaang nakasulat sa 24 na laminang ginto (tingnan sa Mosias 8:7–9). Umasa si Haring Limhi na maisasalin ni Ammon ang talaan o may kakilala siyang makapagsasalin nito (tingnan sa Mosias 8:6, 11–12).
Basahin ang Mosias 8:13–14, at alamin kung sino ang sinabi ni Ammon na makapagsasalin ng talaan at bakit.
Maaaring makatulong na malaman na kapwa sina Mosias at Joseph Smith ay may mga espesyal na kasangkapan na tinatawag na Urim at Tummim na inihanda ng Diyos upang tulungan silang magsalin ng mga sinaunang talaan. (Tingnan sa Mosias 28:13–14; Joseph Smith—Kasaysayan 1:35. Kung gusto mong malaman ang iba pa, hanapin ang “Urim at Tummim” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)
Ang tungkulin ng tagakita
Basahin ang Mosias 8:15–18 upang malaman kung ano ang mga tagakita at kung bakit naglaan ang mapagmahal na Ama sa Langit ng mga tagakita para sa atin.
-
Ano ang nalaman mo?
Ang isang katotohanan na ipinapakita sa salaysay na ito ay ang Panginoon ay naglalaan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sa iyong mga banal na kasulatan, maaari mong markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng katotohanang ito o isulat ang katotohanang ito sa tabi ng mga talatang nagtuturo nito.
Ganito ipinaliwanag ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang tungkulin ng tagakita:
Isang taong pinahintulutan ng Diyos na makita sa pamamagitan ng mga matang espirituwal ang mga bagay na itinatago ng Diyos sa sanlibutan (Moises 6:35–38). Isa siyang tagapaghayag at isang propeta (Mosias 8:13–16). Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Ammon na ang tagakita lamang ang makagagamit ng di karaniwang pansalin, o ang Urim at Tummim (Mosias 8:13; 28:16). Nalalaman ng isang tagakita ang nakalipas, kasalukuyan, at hinaharap. Noong una[ng panahon], madalas na tawaging tagakita ang isang propeta (1 Sam. 9:9; 2 Sam. 24:11).
Si Joseph Smith ang dakilang tagakita ng mga huling araw (D&T 21:1; 135:3). Bilang karagdagan, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawa ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagakita,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)
Ang kahalagahan ng mga tagakita sa ating panahon
Maaaring makatulong na malaman na isinalin ni Haring Mosias ang mga talaan (tingnan sa Mosias 28:11–19). Mababasa mo ang isang bahagi ng mga talaang iyon kapag pinag-aralan mo ang aklat ni Eter.
Bago pa man isinalin ang mga talaan, si Haring Limhi ay naantig nang malaman niya na nakakapagsalin si Haring Mosias. Basahin ang Mosias 8:19–20, at alamin kung ano ang naging reaksyon ni Haring Limhi nang malaman niya na ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.
-
Paano nakaimpluwensya kay Limhi ang pagtatamo ng kaalamang ito?
Pag-isipan kung ano ang nadarama mo tungkol sa pagkakaloob ng Ama sa Langit ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag upang gabayan tayo ngayon. Maaari mong isulat ang mga maiisip mo sa iyong study journal.